Nasundan ni Vivian ang papalayong pigura nito. At nang makitang magbibihis na ito ay saka siya nagbawi ng tingin. Kunwaring inabala na lang niya ang sarili sa pag-aayos ng lamesa. "Ano ang niluto mo?" Muntik nang mabitiwan ng dalaga ang hawak niyang pinggan nang biglang magsalita si Ice. Tapos na pala itong magbihis at palapit na sa lamesa. Pormal pa rin ang anyo nito. Lalo itong naging guwapo dahil sa puting round neck T-shirt na suot nito. Malinis na malinis at preskong-presko tingnan. Ang sarap panggigilan! "Ampalaya para sa mga bitter na tulad natin," pabiro na tugon ni Vivian sabay turo sa bowl na may ulam. Pinandilatan siya nito ng mga mata. "Kung bitter ka pa rin sa ex-boyfriend mo, 'wag mo akong idamay. Hindi pa sira ang ulo ko para magpakabaliw sa taong sinaktan at niloko lan

