Chapter 5

1703 Words
AVA'S POV Maaga pa lang ay sinimulan ko na ang pagbebenta. Guhit ang ngiti sa aking mga labi habang isa-isang inaayos ang mga kakanin sa mesa. Mainit pa ang bibingka, sumisingaw ang puto, at mabango ang sapin-sapin na maingat kong inilagay sa mga lalagyan. Isa-isa nang dumating ang mga suki ko. "Dalawang pirasong bibingka nga, Ava," nakangiting sabi ni Aling Nena. "Heto po, Aling Nena." Sanay na ako sa ganitong eksena. Araw-araw ay pare-pareho ang aking ginagawa. Gigising nang maaga, maghahanda ng paninda, at magbebenta hanggang hapon. Nakakapagod, pero masaya ako. Ito ang tumutulong sa amin para may maipangtustos sa pang-araw-araw. Habang abala ako sa pagsukli, may narinig akong mga boses mula sa grupo ng mga kalalakihang nakatambay sa tapat. "Ang swerte talaga ng magiging boyfriend ni Ava." Napatingin ako sa kanila at napailing na lamang. "Bakit naman?" tanong ng isa. "Eh tingnan mo naman. Maganda na, masipag pa. Hindi ka mahihirapang bumuo ng pamilya kapag ganyang babae ang napangasawa mo." Nagtawanan sila. Agad kong naramdaman ang pag-init ng aking pisngi. Hindi ito ang unang beses na may nagsabi ng ganoon. Halos araw-araw ay may pumupuri sa akin. Minsan dahil sa aking sipag, minsan dahil sa aking hitsura. Pero sa totoo lang, hindi ko iyon masyadong pinapansin. Mas mahalaga sa akin ang maibenta ang lahat ng paninda bago sumapit ang tanghali. "Uy, namumula si Ava!" biro pa ng isa. "Ano ba kayo..." natatawa kong sagot habang inaabot ang sukli ng isang customer. Ngunit bago pa ako makadagdag ng salita, biglang natahimik ang mga lalaki. Parang may nakita silang kung ano. Nagtaka ako. Unti-unti kong iniangat ang aking tingin. At doon ko nakita ang isang matangkad na lalaki na bagong baba mula sa isang mamahaling itim na sasakyan. Naka-puting polo siya na nakatiklop hanggang siko ang manggas. Maayos ang gupit ng buhok at seryoso ang mukha. Hindi pamilyar at ngayon lang namin nakita ito. Halos kilala na namin ang mga empleyado sa katapat na Kumpanya, kaya alam namin na hindi siya nagtatrabaho dito. Tumitig siya saglit saakin, bago muling hinakbang ang mga paa patungo sa kumpanya na katapat ng tindahan ko. Tuwing alas-nuebe ng umaga ay pumapasok ako sa building na katapat ng aking tindahan upang magbenta ng meryenda sa mga empleyado roon. Halos araw-araw ay ganoon ang aking routine. At gaya ng dati, mabilis na naubos ang aking mga paninda. "Ava, bukas ulit ha!" "Ang sarap talaga ng bibingka mo." "Pa-reserve ako bukas." Nakangiti akong nagpasalamat sa kanila bago tuluyang lumabas ng building. Magaan ang aking pakiramdam. Isa na namang magandang araw para sa negosyo. Ngunit habang naglalakad ako papunta sa pinto, hindi ko namalayang may hinahanap ang aking mga mata. Napatingin ako sa may gilid ng hallway. Ngunit Wala siya. Napatingin ako sa likod ng lobby. Wala rin. Bahagya akong napakunot-noo. Hindi ko nakita si Melchor ngayon ah. Nagkibit-balikat ako. Baka nasa quarters ng mga janitor, isip ko. Nagpatuloy ako sa paglalakad ngunit maya-maya ay napahinto rin ako. Bakit ko nga ba siya hinahanap? Napakurap ako. Hindi naman kami close. Sa katunayan, halos hindi nga kami nag-uusap. Alam ko lamang ang pangalan niya dahil ilang beses ko na siyang nakitang nagtatrabaho sa building. Tahimik siya. Palaging seryoso ang mukha. Hindi rin siya iyong tipong nakikipagkuwentuhan sa iba. Kung magkita man kami, kadalasan ay simpleng tango lamang bilang pagbati. Minsan nga ay wala pang imikan. Kaya wala namang dahilan para hanapin ko siya. Hindi ko naman siya kaibigan. Hindi ko rin siya kakilala nang lubusan. Napailing ako sa sarili. Ano ba itong iniisip mo, Ava? Marahil ay dahil nasanay lamang akong makita ang matangkad niyang pigura sa tuwing pumapasok ako rito. Iyong tipong hindi mo naman pinapansin araw-araw, pero kapag nawala ay mapapansin mong may kulang. Ganoon lang siguro iyon. Wala nang iba. Sa pag-aakalang wala lang iyon, tuluyan na akong lumabas ng building at naglakad pabalik sa aking tindahan. Pagdating ko sa tindahan, agad kong napansin ang kakaibang ekspresyon sa mukha ni Myline. Namumutla siya. Parang may masamang balitang hindi niya alam kung paano sasabihin. Napahinto ako. "Anong nangyari?" tanong ko, biglang kinakabahan. Lumapit siya sa akin. Halos hindi niya maayos ang paghinga. "Ava..." nanginginig niyang sambit. "Ang mama mo..." Biglang kumabog ang dibdib ko. "Anong nangyari kay Mama?" "Nahimatay siya." Parang may malamig na tubig na ibinuhos sa buong katawan ko. "Ano?" "Nahimatay siya sa bahay ninyo!" Umalingawngaw ang mga salitang iyon sa isip ko. Hindi. Hindi maaaring mangyari iyon. Kaninang umaga lamang ay nakita ko pa siyang maayos. Siya pa nga ang nagpabaon sa akin ng tubig bago ako magtinda. Hindi. Hindi ito maaaring mangyari. Mabilis akong napaatras. "Myline, ikaw muna ang bahala sa tindahan!" Hindi ko na hinintay ang sagot niya. Tumakbo ako. Tumakbo nang buong lakas. Parang nakasalalay sa bawat hakbang ko ang buhay ng mama ko. Humahampas ang hangin sa aking mukha. Masakit na ang aking dibdib sa kakahabol ng hininga ngunit hindi ako tumigil. Takot. Iyon lang ang nararamdaman ko. Takot na baka mahuli ako. Takot na baka may mangyari sa kanya. Takot na baka mawala siya sa akin. "Lord... huwag naman po." Paulit-ulit akong nagdarasal habang tumatakbo. "Please... huwag naman si Mama." Pagdating ko sa aming bakuran ay agad kong nakita ang mga kapitbahay na nagkakagulo. Parang lalo akong pinanghinaan ng loob. "Mama!" Halos mapasigaw ako habang papasok sa bahay. At doon ko siya nakita. Nakahiga sa lumang papag. Maputla. Walang malay. Pinapaypayan siya ng isa naming kapitbahay habang ang iba ay nakatingin lamang na may pag-aalala sa kanilang mga mata. Parang tumigil ang mundo ko. "Mama..." Nanghihina akong lumapit. Lumuhod ako sa tabi niya at agad hinawakan ang kanyang kamay. Malamig. Masyadong malamig. Hindi ko napigilan ang pagtulo ng aking mga luha. "Mama..." nanginginig kong tawag. Walang sagot. "Mama, gising..." Hinaplos ko ang kanyang pisngi. "Mama..." Lalong lumabo ang aking paningin dahil sa mga luhang patuloy na bumubuhos. "Mama, please..." Marahan ko siyang niyugyog. "Ma, nandito na ako..." Ngunit nanatili siyang nakapikit. Tahimik. Hindi gumagalaw. Parang may kamay na unti-unting dumudurog sa puso ko. Hindi ko matanggap ang nakikita ko. Hindi ko kayang isipin na maaaring mawala ang nag-iisang taong mayroon ako sa mundong ito. "Ava, kailangan na natin siyang dalhin sa ospital," mahinang sabi ng kapitbahay namin. Napatingin ako sa kanila. Parang saka lamang ako nagising mula sa bangungot. "Opo..." Napahagulhol ako. "Opo... dalhin natin siya." Mabilis na nagtulungan ang mga kapitbahay upang buhatin si Mama. Habang isinasakay siya sa sasakyan, hindi ko binitiwan ang kanyang kamay. Mahigpit. Parang kapag binitiwan ko iyon ay tuluyan siyang mawawala sa akin. Sumakay ako sa tabi niya.Patuloy ang pag-agos ng aking mga luha. Hindi ko na inalala kung ano ang itsura ko. Hindi ko na inalala ang tindahan. Hindi ko na inalala ang anumang bagay. Ang mahalaga lamang sa akin ay ang babaeng nakahiga sa harapan ko. Ang babaeng nagsakripisyo ng buong buhay niya para mapalaki ako. Ang babaeng tinatawag kong Mama. "Please..." bulong ko habang pinipigilan ang paghikbi. "Mama... huwag mo akong iwan." At habang mabilis na binabaybay ng sasakyan ang daan patungo sa ospital, iyon lamang ang paulit-ulit kong dasal. Na sana... Pagmulat ng kanyang mga mata... Naroon pa rin siya para sa akin. Kinabukasan, matapos ang halos walang tulog na magdamag, pinatawag ako ng doktor sa kanyang opisina. Mahigpit kong pinisil ang aking mga daliri habang nakaupo sa harap niya. Hindi ko alam kung bakit, pero pakiramdam ko ay may mabigat na bagay na paparating. Nakapatong sa kanyang mesa ang mga resulta ng mga pagsusuri ni Mama. Huminga siya nang malalim bago nagsalita. "Ava, lumabas na ang resulta ng tests ng mama mo." Biglang kumabog ang dibdib ko. "Ano po ang sakit niya, Dok?" Saglit siyang natahimik. At sa katahimikang iyon, pakiramdam ko ay lalo akong kinakabahan. "May nakita kaming bukol sa kanyang baga." Parang nanigas ang buong katawan ko. "Ang diagnosis namin ay Stage 1 lung cancer." Para akong nabingi. Cancer. Hindi ko agad naproseso ang salitang iyon. Tanging ang mabilis na pagtibok ng puso ko ang naririnig ko. Unti-unting nanubig ang aking mga mata. "Dok..." nanginginig kong sambit. "May pag-asa pa po ba siyang gumaling?" Agad siyang tumango. "Oo." Napapikit ako. Parang may bahagyang gumaan sa dibdib ko. "Stage 1 pa lamang ito. Maaga natin itong natuklasan kaya mas maganda ang posibilidad ng paggamot." Pakiramdam ko ay may munting liwanag na sumilip sa gitna ng kadiliman. Ngunit hindi nagtagal iyon. Dahil muling nagsalita ang doktor. "Kailangan niyang sumailalim sa chemotherapy." Parang muling bumigat ang lahat. Napakurap ako. "Chemo therapy po?" Tumango siya. Ipinaliwanag niya ang magiging proseso ng gamutan, ang haba ng paggamot, at ang mga posibleng epekto nito. Ngunit habang nagsasalita siya, isa lamang ang malinaw na pumapasok sa isip ko. Magkano? "D-Dok..." mahina kong tanong. "Magkano po ang kakailanganin?" Napabuntong-hininga siya bago sumagot. "Hindi biro ang halaga ng chemotherapy, Ava. May mga gamot, laboratory tests, at iba pang gastusin na kailangan paghandaan." Parang biglang gumuho ang munting pag-asang kakabuo pa lamang sa puso ko. Nanlambot ako. Hindi ko alam kung paano ako nanatiling nakaupo. Napayuko ako habang nakatitig sa aking mga nanginginig na kamay. Ang una kong naramdaman ay sakit. Sakit na malaman na may cancer ang mama ko. Sakit na makita siyang nakahiga sa ospital habang nakikipaglaban sa isang sakit na hindi niya naman hiningi. Ngunit kasunod noon ay mas mabigat na takot. Takot dahil wala akong pera. Isa lamang akong nagtitinda ng kakanin. Ang kinikita ko araw-araw ay sapat lamang para sa aming pang-araw-araw na gastusin. Minsan nga ay kulang pa. Paano ko mababayaran ang chemotherapy? Paano ko maililigtas si Mama? Hindi ko namalayang tumulo na pala ang mga luha ko. Hanggang sa tuluyan na silang bumagsak sa aking kandungan. "Mama..." bulong ko. Naalala ko ang lahat ng sakripisyo niya para sa akin. Ang mga gabing siya ang nagugutom para lamang may makain ako. Ang mga panahong nagtatrabaho siya kahit may sakit upang hindi ako huminto sa pag-aaral. Hindi ko kayang mawala siya. Hindi ngayon. Hindi habang may paraan pa para gumaling siya. Ngunit habang nakaupo ako sa harap ng doktor, pakiramdam ko ay unti-unting nilalamon ng kawalan ng pag-asa ang aking puso. Dahil sa unang pagkakataon sa buhay ko, may laban akong gustong ipanalo... Ngunit wala akong armas na magagamit. At ang pinakamabigat sa lahat, Ang kalaban ay hindi ang sakit. Kundi ang perang wala ako.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD