Chapter One
"Manika, tama na iyan! Manika!" dinig kong saway ni ama sa akin. Ngunit hindi ako huminto sa pagpalo ng kahoy sa lalaking lugmok na sa lupa. Umaagos na ang dugo sa iba't ibang parte ng katawan nito, mas lalo sa ulo. Nang nakalapit si ama ay agad nitong hinila ang hawak kong dos por dos na kahoy. Hindi ko alam kung saan ko nakuha iyon. Pero no'ng nalagay ko na sa kamay ko ay hindi na ako tumigil sa paghampas sa lalaki. Ngayon ay tiyak kong wala na iyong buhay. Nang hinaklit ni ama ang braso ko para ipaharap sa kanya ay inosenteng mga mata ko ang tumitig dito. "Manika! Manika!" gigil na sigaw nito. "Hindi mo ba kilala iyang pinatay mo?" hiyaw nito na para bang ginigising niya ako para matauhan. Ngumiti ako sa matanda bago bumigat ang talukap ng aking mata. Hindi ko na alam ang sumunod na nangyari.
Nagising na lang ako na nasa silid na. Pero hindi ako agad na bumangon. Naririnig ko kasi si ama na galit na galit na sumisigaw. "Wala na si Hektor! Napakalaki ng role ni Hektor sa pangkat. Tinapos lang ang buhay niya ng gano'n na lang? Ilang beses na itong nangyari. Hindi natutuloy ang mga operasyon natin dahil lang sa anak mong iyan, Lourdes!"
"Kumalma ka, Mael. Baka magising ang bata't marinig ka. Alam mo naman ang kalagayan ni Manika, 'di ba? Hindi niya nauunawaan ang mga nagagawa niya sa tuwing nablablanko siya. Dapat ay alamin natin kung bakit siya nawala na naman sa sarili. Kausapin natin siya. Nakausap naman na ni Bok ang mga kasapi at handa raw silang makinig sa paliwanag ni Manika kung bakit niya nagawa iyon. Kumalma ka na." Marahas na napabuntonghininga si ama. Maingat akong bumangon. Isinuot ang kulay pink na tsinelas saka lumabas ng silid. Matamis ang ngiting ipinakita sa mga ito.
"Manika?" ani ni ina na siyang unang nakapansin sa akin.
"Ina, nag-aaway ba kayo ni ama?" inosenteng tanong ko sa ina saka lumapit. Yumakap sa amang alam kong galit na galit. Malaki ang parte ni Hektor sa grupong ito. Naiintindihan ko ang galit ni ama sa akin.
"Hindi kami nag-aaway ng ama mo. Nag-uusap lang kami."
"Ama?" lambing ko sa matandang ayaw pa ring tumingin sa akin. "Galit si ama sa akin, ina?"
"Hindi, anak. Pero kailangan ka naming makausap," inabot ni ina ang kamay ko at iginiya patungo sa upuan. Si ama ay sumandal sa pinto na para bang makikinig lang ito pero walang balak lumapit sa amin.
"Tungkol po saan?"
"Iyong kay Hektor. Ano na naman ang nangyari, Manika? B-akit kayo humantong sa puntong iyon ng tagaplano," si Hektor ang strategist ng pangkat na pinamumunuan ng aking ama. Isa sa pinakamahusay na tagaplano sa bawat operasyon ng kilusang grupo na ito na tinatawag naming KABANATA. "Magsabi ka ng totoo, anak." Napabuntonghininga ako't napayuko na rin.
"Ina, sabi po ni Hektor ay ibaba ko raw ang salawal ko at ipakita sa kanya ang aking p********e. Ngunit sabi mo po'y huwag na huwag ko iyong gagawin sa kahit na sinong lalaki. Hinila po niya ako," napansin ko ang marka sa aking braso at ipinakita iyon sa aking ina. "Dito n'ya po ako hinawakan, ina. Dinala niya ako sa madilim na sulok at akma sanang hahawakan ang katawan ko. Ngunit tumanggi ako. Sinubukan niya, ina. Pero nakakuha ako ng kahoy. Hindi ko na po maalala ang mga nangyari pang kasunod," mahinang ani ko. Tumingin si ina kay ama. Parehong napabuntonghininga ito. "May kasalanan po ba ako sa aking nagawa? Mali po bang ipagtanggol ko ang aking sarili?"
"Hindi, Manika. Tama lang na ipagtanggol mo ang sarili mo. "Samael, narinig mo ang paliwanag ng anak mo? Sa tingin mo ba'y dapat tayong magalit sa kanya?" inosenteng tinignan ko si ama. Umiling naman ito. Saka siya lumabas kaya agad din kaming sumunod dito. Naghihintay na ang mga kasapi. Nakapalibot sila kay Kuya Bok. Ngunit nang nakitang lumabas kami ng kubo ay humarap na ang lahat sa amin.
"Putangina ng Hektor na iyon!" hiyaw ni ama. "Nasaan na iyon? Dapat ay hindi siya makaranas ng maayos na libing! Putangina niya!" bulalas ni ama na wari'y nais niyang marinig ng lahat.
"Pinuno, bakit? Ano ba kasi talaga ang nangyari?" tanong ng isa sa kasapi.
"Binalak niyang pagsamantalahan ang aking anak! Ano ba ang sinabi ko sa inyong lahat? Huwag na huwag kayong magkakamali pagdating kay Manika! Tama lang na kamatayan ang sukli ni Hektor sa kanyang ginawa. Putangina niya!"
"Ipasok mo si Manika sa kubo, Bok," seryosong utos ni ina sa kuya ko na kuyom na kuyom ang kamao. Pagpasok namin sa kubo ay nagsimulang pumatak ang luha ko.
"Sorry, Kuya Bokbok. Sorry kung nagbigay na naman ako sa inyo ng sakit ng ulo," iyak ko rito.
"Prinotektahan mo lang ang sarili mo, Manika. Tama lang iyong ginawa mo. Kung may magtangka ulit... huwag kang mangingiming protektahan ang iyong sarili. Naintindihan mo?"
"Pero paano kung magalit na ang pangkat?"
"Wala akong pakialam. Kahit pa maging kalaban natin sila. Gawin mo ang dapat mong gawin. Ako? Gagawin ko rin ang dapat kong gawin bilang kuya mo. Proprotektahan kita. Kahit pa maging kalaban natin sila. Alam mo iyong palaging sinasabi ni ina? Pamilya bago ang pangkat. Iyan din ang laging pinaaalala ni ama sa ating dalawa." Pinunasan ko ang luha ko.
"Bakit ba kasi palagi na lang nila akong pinagtatangkaan, Kuya? Hindi ko gustong manakit at pumatay... pero hindi ko namamalayan na nagagawa ko na pala iyon. Hindi ko nga matandaan ang buong proseso nang ginawa ko eh. Hindi ko maalala ang buong eksena. Para bang dumidilim ang paningin ang isip ko at pati na rin ang mata ko." Napabuntonghininga ang nakatatandang kapatid ko na si Bok. Hinawakan nito ang kamay ko.
"Tama lang na protektahan mo ang sarili mo, Manika. Hindi sa lahat ng oras ay kasama mo kami nila nanay. Iyong mga turo namin sa 'yo ni ama ay gamitin mo para protektahan ang sarili mo."
"Opo, Kuya. Pero ayos lang po ba kayo nila ama?"
"Alam na namin ang dapat gawin, Manika. Huwag kang mag-alala. Hindi kami maaapektuhan ni ama o ang posisyon namin sa pangkat na ito dahil sa nangyari. Pansamantala na hindi matutuloy ang balak na pagbaba sa kapatagan. Pero darating ang araw na matutuloy iyon," tumango-tango ako rito.
"Kapag natuloy iyon... ibibili mo ba ako ng pink na ribbon, Kuya?"
"Kahit sumama ka pa. Ikaw ang mamili ng desensyo, Manika." Malawak akong napangiti at napayakap pa rito.
"Salamat, Kuya!" pinupog ko pa ng halik ang pisngi, noo, at ilong ng kapatid ko.