Ito na ang ikatlong araw ng paglalakbay ng mga kawal ng Phorian. Kasalukuyan sila ngayong naglalakbay sa kapatagan ng Miresia, buong lakas na sinusuong ang malakas na hangin mula sa hilaga kung saan nahihimlay ang tarangkahan ng Lithele. Ang patag na lupa ay nababalot ng mga damong kasinghaba ng talahib. Ang bawat-isa ay may bulaklak na ang polen ay lubhang delikado sa kahit na sinong nilalang. Dahil malakas ang bayo ng hangin tuwing umaga, walang sinuman ang nangangahas na tumawid sa patag. Ngunit dahil nais ng mga kawal na marating ang karatig Kaharian, ito lamang ang paraan para magawa nila iyon. Hindi nila kayang isaalang-alang ang kapakanan ng bawat-isa kung maglalakbay sila sa gabi dahil iyon ang oras kung saan gising ang mga Orka. Sila ay kawangis ng toro ngunit ang kanilang kataw