PROLOGUE
YOUNG YANNA
"NANAY, laro lang po ako sa dalampasigan!" paalam ko pagkatapos kong hugasan ang mga pinagkainan namin sa almusal.
"Okay, anak. Basta huwag kang lumayo," sagot niya.
"Sa tapat ka lang ng bahay para kita ka lang namin ng nanay mo," sabat naman ni Tatay.
"Opo!" magalang na sagot ko, sabay takbo papunta sa dalampasigan.
Walang ibang tao rito sa isla maliban sa amin ng nanay at tatay ko. Bukod kasi sa maliit, malayo pa sa sibilisasyon. Walang kuryente, walang maayos na tubig. Kinatatakutan pa ito ng mga tao dahil tirahan daw ng mga siyokoy at engkanto.
Kaya kahit ang pag-aaral ko ay hindi normal.
Pitong taong gulang na ako pero hindi pa ako pumapasok sa paaralan. Ang nanay ko lang ang nagtuturo sa akin. Magaling naman siyang guro kaya sa edad kong ito, mabilis na akong magbasa kahit Ingles pa.
Sabi ng tatay at nanay ko, kailangan daw naming lumayo dahil sa malupit na lola ko.
Mayamaya ay napahinto ako sa paggawa ng kastilyong buhangin nang may matanaw ako sa di-kalayuan.
Tao?
Kumunot ang noo ko. Tumayo ako. Dahan-dahan akong lumapit para masiguro ko na tama ang nakikita ko.
Nanlaki ang mga mata ko nang makita ko ang isang lalaki na nakadapa sa buhangin. Bigla akong natakot at napaatras. Kabilin-bilinan ng mga magulang ko na huwag basta-basta lumapit o makipag-usap sa mga estranghero. Lalo na kapag hindi ko sila kasama.
Pero bigla akong kinabahan nang mapansin ko na parang patay na ang lalaki.
"Nanay! Tatay!" malakas na sigaw ko. "May tao po!"
YOUNG YANNA
"TATAY, buhay pa po ba siya ?" nag-aalala na tanong ko kay tatay nang makalabas siya mula sa maliit na kubo sa likod-bahay.
Doon nila dinala ni Nanay ang estrangherong lalaki na nakita ko sa dalampasigan kanina.
Isinara ni Tatay ang kahoy na pinto at lumapit sa akin. "Oo, anak. Buhay pa naman siya."
Hindi ko alam pero napangiti ako. "Mabuti naman po kung gano'n, Tatay. Kawawa naman po siya. Ano po kaya ang pangalan niya? At ano po ang nangyari sa kaniya?"
"Hindi pa siya nagigising, anak. Pero sinigurado na namin ng nanay mo na gagaling siya." Inakbayan ako ni Tatay. "Pero hindi pa natin alam ang pagkakakilanlan niya, anak. Kaya huwag ka munang pumasok sa kubo, ha? Huwag ka rin lumapit o magpakita muna sa kaniya. Maliwanag?" mariing bilin ni Tatay.
"Opo!"
YOUNG YANNA
MAAGA akong nagising kinabukasan. Pagkatapos kong magwalis sa bakuran ay naglaro na ako sa likod-bahay. Paborito kong laruin ang bahay-bahayan.
Kumuha ako ng lata ng sardinas at nilagyan ko ng mga dahon ng malunggay at kunwari lang na niluto ko. Bawal daw kasi akong maglaro ng apoy.
"Toto, ikaw naman ang kumain. Tapos na kumain si Inday," kausap ko sa dalawang manikang kahoy na kunwari ay mga anak ko.
Susubuan ko na sana si Toto nang may marinig ako na parang umuungol. Napatingin ako sa kubo na kinaroroonan ng estrangherong lalaki. Hindi pa pala siya kumakain simula kagabi. Hindi pa rin daw kasi siya nagigising.
Baka nagugutom din siya?
Bitbit ang lata ng sardinas na may lamang mga dahon ng malunggay at baso na may tubig, lumapit ako sa kubo. Bubuksan ko na sana ang pinto pero bigla kong naalala ang bilin nina Tatay at Nanay na huwag daw akong lumapit o magpakita sa lalaking nasa loob.
Paalis na ako nang biglang may magsalita mula sa loob ng kubo.
"M-may tao ba diyan? Baka puwedeng makahingi ng tubig," sabi ng nanghihina na boses at parang natutuyuan na ng lalamunan.
Naaawa ako sa kaniya at napatingin ako sa tubig na dala ko. Hindi naman siguro magagalit ang mga magulang ko kapag ibinigay ko ito sa kaniya. Tinuruan din kasi nila ako na maging mabait, at tumulong sa kapwa kung kinakailangan.
At saka, aalis din naman agad ako.
Dahan-dahan pa ang pagpasok ko. Pero mabilis akong nagtago sa likod ng pinto nang makita ko na gising na ang estrangherong lalaki.
"Don't be scared. I'm not going to hurt you. Gusto ko lang humingi ng kaunting maiinom."
Nanlaki ang mga mata ko. Inglesero! Ibig sabihin, mayaman siya?
Biglang napaubo na parang nabilaukan ang lalaki kaya dali-dali kong inabot sa kaniya ang baso na may lamang tubig.
Pero agad naman akong tumalikod. "P-pasensiya na po. Iyan lang ang dala kong tubig."
Narinig ko ang paglagok niya ng tubig na parang uhaw-uhaw.
"Thank you," sabi niya pagkatapos. Medyo gumanda na ang boses niya. Masarap na pakinggan.
Siguro nga mayaman siya tulad ng mga nakakasalamuha ko sa bayan kapag lumuluwas kami ng mga magulang ko.
"Ano nga pala ang pangalan mo? At nasaan ako?" tanong pa ng lalaki.
"A-ako po si Yanna. At nandito po kayo sa isla."
"Isla?"
"Kayo po? Ano po ang pangalan n'yo?" tanong ko.
"Pangalan ko?" patanong din na sagot niya na para bang naguguluhan siya.
"Name po. Ano po ang name n'yo?" ulit ko kasi akala ko, hindi lang niya ako naintindihan. "At ano po ang ginagawa n'yo dito sa isla?"
"Yanna!"
Nanlaki ang mga mata ko nang marinig ko ang boses ni Tatay.
"Alis na po ako! Ba-bye!" mabilis na sabi ko sa estrangherong lalaki at kumaripas na ng takbo palabas ng kubo.
'Buti na lang hindi ako humarap sa kaniya. Lagot sana ako kay tatay!
YOUNG YANNA
NAPAGALITAN ako nina Nanay at Tatay nang aminin ko sa kanila na pumasok ako sa kubo. Hindi dahil binigyan ko siya ng tubig kundi dahil sinuway ko sila. Kaya simula no'n, hindi na ako umulit.
Naglalaro uli ako ng bahay-bahayan sa likod-bahay nang mapatingin ako sa kubo. Ilang araw na rin na nasa loob lang niyon ang estrangherong lalaki na hanggang ngayon, hindi pa rin namin alam ang pangalan. Ang sabi ni Tatay, hindi pa raw siya magaling kaya bawal pang lumabas. Hinahatiran lang siya ng pagkain ni Tatay.
"Yanna, nandiyan ka ba?"
Napalingon ako sa kubo nang marinig ko ang boses niya.
"Bakit po?" Nilakasan ko lang ang boses ko para hindi na ako lumapit sa kubo. Hindi ko kasi matiis na hindi siya kausapin kasi naaawa ako sa kaniya. "Nagugutom po ba kayo?"
"Hindi. Gusto ko lang ng kausap."
"Naiinip po kayo diyan?"
"Parang gano'n na nga."
"Bawal daw po kasi akong humarap sa inyo kaya hindi ko kayo masamahan diyan sa loob. Kukuwentuhan ko po sana kayo para hindi kayo mainip." Napatingin ako sa dalawang manikang kahoy ko. "Ipapahiram ko na lang po sa inyo sina Toto at Inday."
"Toto at Inday?"
"Mga anak ko po!" mabilis na sagot ko. Kinuha ko ang dalawang manikang kahoy at lumapit ako sa kubo. May nakita akong maliit na butas sa dingding ng kubo at saka ko ipinasok ang mga laruan ko. "Sa inyo na po muna itong mga anak ko para hindi kayo mainip diyan."
Narinig ko ang marahang pagtawa ng estrangherong lalaki bago ko naramdaman na kinuha niya ang inaabot kong mga laruan.
"Alagaan n'yo po ang mga anak ko, ha? Kuya—" Napahinto ako. "Ano po pala pangalan n'yo? Naalala n'yo na po ba?"
"Wala akong maalala, Yanna. Kaya hindi ko alam ang pangalan ko."
"Bakit po?" nagtatakang tanong ko. "Pero hindi po kayo puwedeng maging tatay nina Toto at Inday kung wala kayong pangalan. Gusto n'yo po bang bigyan ko kayo ng pangalan?"
"Talaga? At ano naman ang pangalan na ibibigay mo sa'kin, Yanna?" parang naaaliw niyang tanong mula sa loob ng kubo.
"Boyong po. Ikaw po ang Tatay Boyong ng mga anak ko."
YOUNG YANNA
"YANNA! Yanna!"
Nagising ako sa malakas na pagyugyog sa akin ni Nanay. "Bakit po?"
"Bumangon ka na. Dali! Kailangan nating umalis," sabi niya habang nagmamadaling kumuha ng mga damit sa cabinet namin.
"H-ho? Saan po tayo pupunta?" Sumilip ako sa maliit na butas sa dingding. "At saka madilim pa po, Nanay. Nasaan po ba si Tatay?"
"Huwag ka ng maraming tanong. Kailangan nating umalis agad."
Napansin ko na parang natataranta si Nanay. Buong buhay ko, ngayon ko lang siya nakita na natakot nang ganito.
Hindi pa man ako nagkukusot ng mga mata ko, hinawakan na ni Nanay ang kamay ko at saka hinila palabas ng kuwarto namin.
"Nanay, saan po ba talaga tayo pupunta? At nasaan po si Tatay—" Naputol ang pagsasalita ko nang biglang may malalakas at sunod-sunod na putok ang umalingawngaw sa labas.
Napalingon ako sa kusina at nakita ko si Tatay na duguang bumagsak sa sahig. Ilang sandali lang ay sunod-sunod na putok uli ang narinig ko at naramdaman ko na niyakap ako ni Nanay. Pero duguan na rin siya at tadtad na ng bala ang kaniyang katawan.
Isang putok pa uli at sabay kaming bumagsak sa sahig ni Nanay habang naliligo sa dugo ang aming mga katawan...