“I miss you more, anak.” Nasa ganoon silang tagpo ng kaniyang ina nang lumabas na rin ang kaniyang amang si Geoffredo para salubungin sila ni KG. Agad naman ditong nagmano si KG. Nang kumalas na siya sa yakap ng kaniyang ina ay ang ama naman niya ang pumalit dito para yakapin siya nang mahigpit. “Ang prinsesa ko,” anas pa nito na hinalikan pa sa noo si Tami. “I miss you, ‘Pa,” aniya na mas lalong humigpit ang yakap dito. Nang maisip niya kung paanong sakripisyo ang ginawa ng kaniyang ama para sa kaniya ay sinikap niyang huwag maiyak sa harapan nito. Pumikit siya at mahigpit lang na yumakap dito. Iyon naman ang nais niyang gawin kapag nakita niya ang kaniyang ama. Ang yakapin ito nang mahigpit. “Thank you so much for everything, ‘Pa. Sa lahat po ng sacrifice ninyo ni mama para sa akin.”

