Tinanghali ako nang gising kaya tinanghali din akong nakalagluto ng ilalako ko ngayon.
Malapit nang mag-alas onse nang dumating ako sa construction site.
Pumasok ako sa loob at nang makita ako ni Andrew agad niya akong nilapitan.
"Akala namin nagkasakit ka kaya hindi ka makapagtinda ngayon," aniya.
"Tinanghali lang ako ng gising dahil napagod ako kahapon,," sagot ko naman.
"Oh, nandito na pala si Miss Beautiful, e," sabi ng iba nang makita nila ako. Kumaway naman ako sa kanila at napangiti nang matamis nang magsilapitan sila sa akin.
Nakikipagkuwentuhan ako kay Andrew habang ang ibang kasamahan naman niya ay kumakain ng kamote que.
May ilang matitira kaya dadaan siguro ako malapit sa barangay hall upang mapaubos ko ito.
"Sino ang nagpapasok sa kaniya dito?" tanong ng boses lalake sa aking likuran. Kumunot ang aking noo nang mabosesan ko ito. Parang pamilyar. Kaboses niya iyong mayabang na lalake.
Nagtaas ako ng kilay, bago ako pumihit paharap sa kaniya.
"Huh? Bawal na ba akong magtinda ng meryenda dito?" angil ko.
Tama nga ang hinala ko, si Kurt na mayabang. At teka nga, anong ginagawa niya dito?
"Ah. . . Engineer." Nagkatinginan ang mga construction workers.
Engineer siya? Sabagay, halos lahat ng mga Salazar ay mga engineers.
Hindi ako nagpasindak kahit pa nakataas ang isang kilay niya at medyo masungit na nakatingin sa akin.
So, bawal na pala ako dito. Grabe, ang malas naman. Ngumuso ako at nag-iwas ng tingin.
"Bawal pumasok dito na walang safety hats," sabi niya.
Muli kong binalik ang tingin ko sa kaniya.
"Ayos lang naman ako. Saka break time naman wala namang nagpupukpok sa taas."
"Kahit pa. Para sa proteksyon mo, kailangan mong magsuot nun. Nakita mo naman ang nakalagay sa labas ng gate bago ka pumasok, di ba?" giit niya.
Umiling-iling na lang ako. Ang mga construction worker kasama si Andrew ay hindi makapagsalita.
Binunot na nila ang mga pambayad nila mula sa kanilang bulsa saka inabot sa akin.
"Dalawa sa akin, Elena."
"Sa akin, tatlo."
Binigay ko ang sukli ng iba. Walang imik na binuhat ko ang bilao ko na mayroon pang natira na anim na piraso.
"Magkano iyan?" tanong ni Kurt na kinahinto.
Napatingin ako sa kaniya pero walang salita na namutawi mula sa bibig ko.
"Magkano lahat iyan, bibilhin ko na para makauwi ka na." Ayos din ang banat. Hanep talaga magpalayas ang mga mayaman.
Hindi pa din ako nagsalita.
Bumuntong hininga siya. Hinawakan niya ang bilao ko kaya muli akong napahinto nang tangkain kong talikuran siya.
"Bibilhin ko na ang natira," aniya.
"N-Ninety lang 'to," sabi ko.
Kumuha siya ng buo na dalawandaang piso sa kaniyang pitaka.
Nilagay ko naman sa plastik ang kamote que bago ko binaryahan ang pera niya pero tumanggi siyang tanggapin ito.
"Sa'yo na iyan," aniya.
"Hindi na, may panukli naman ako sa pera mo," sabi ko pero tinalikuran niya ako.
"Bumalik ka bukas," sabi niya.
Salamat naman. Akala ko pagbabawalan na niya akong magtinda dito.
KINABUKASAN bumalik ako. Mas maaga akong dumating sa site kaysa kahapon. Kasalukuyan pa silang nagpupukpok dahil maaga ako ng limang minuto.
Sa labas pa lang nakatambay si Kurt. May hawak siyang papel habang may suot na hard hat sa kaniyang ulo.
Tahimik akong pumasok. At nang mapansin niya ako, binaba niya ang papel na hawak niya bago nilapitan ang mga nakaimbak na hard hats sa gilid. Lumapit siya sa akin at siya mismo ang nagsuot sa akin nito. Nagulat tuloy ako.
"Tigas talaga ng ulo," bulong niya bago siya tumalikod at tinuloy ang kaniyang ginagawa.
Kinagat ko ang aking labi at mayat maya napapatingin sa kaniya.
Galit ako dapat sa kaniya dahil sa ginawa niya kahapon pero ano 'to at bakit pinupuri siya ng isipan ko.
Ang tangkad niya. Hanggang balikat lang niya ako. Ang kinis din ng kaniyang mukha. Ang tangos ng ilong at ang kapal at mahahaba ang kaniyang pilik mata.
Ang linis din ng kuko niya.
Napangiti ako at sakto din na napatingin siya sa akin.
"Maganda ba ang view?" nakangisi niyang tanong.
Ngumuso ako at umiling, pero tinawanan lang niya ako.
"Tsk. Aminin mo na, nagaguwapuhan ka sa akin."
"Kapal mo!" sabi ko na may kasamang irap.
"Sus! Eh bakit kanina ka pa titig na titig sa akin?"
"Hindi kaya."
"Oo kaya. Don't worry, sanay naman na ako na pinagtitinginan ng mga kababaihan."
"Ang yabang talaga!"
Tumawa siya. "Bakit, hindi ba ako pogi?"
Hindi ko siya sinagot dahil palapit na sa amin ang mga trabahador niya.
Nag-high five kami ni Andrew bago siya kumuha ng banana que at kinagatan ito.
Habang kumakain ang mga trabahador, nag-uusap-usap sila nina Kurt.
Hindi ko naman maintindihan dahil tungkol sa trabaho ito.
Eksaktong trenta minutos, naubos nila ang paninda ko.
"Ako na ang magbabayad ng lahat," sabi ni Kurt.
"Ay, Sir. Maraming salamat po."
Bumalik na ulit sila sa loob. Kami na lang ulit ni Kurt ang naiwan.
"Nagmamadali ka ba?" tanong niya sa akin.
"Hindi naman," sagot ko naman.
Pinulot niya ang kaniyang celphone nang mag-ring ito.
"Yes?"
Sinenyasan niya ako na lumapit sa kaniya at maupo muna sa upuan niya. Nang hindi ako kumilos nilapitan niya ako sabay hila papunta sa upuan.
Hindi na lang ako nagreklamo pa, dahil ramdam ko na tila hindi na normal ang pagtibok ng aking puso dahil lang sa presensiya niya.
Ano kaya ang nangyayari sa akin?
Nasa sampung minuto din ang tinagal ng pakikipag-usap niya.
"Magkano lahat?" tanong niya.
"Seven hundred fifty."
"Bukas dagdagan mo ang paninda mo. May madadagdag na trabahador."
Kayanin ko kaya ang maramihan?
"S-Sige, subukan ko."
"Naglakakad ka lang ba?"
Tumango ako.
"Dapat sumasakay ka na lang ng tricycle. Mabigat din kaya ito. Saka mainit pa."
"Ayos lang naman, sanay naman akong magbuhat at maglakad sa ilalim ng tirik na araw."
"Sabagay, lalake ka naman."
"Ano'ng lalake?!" inis kong tanong.
Tumawa lang siya.
"Isampal ko pa sa'yo 'tong dede ko, e!"
Bumulanghit siya ng tawa.
"Ay mayron ka pala niyan?"
Wow ha! Malaki kaya ang dibdib ko. Naliliitan pa siya?
Pasimple kong sinipat ng tingin ang dalawang bundok ko.
Hindi nga maliit, e.
Malaki kaya. Masikip na nga din ang bra na gamit ko.
"Akin na nga ang bayad. Iniinis mo na naman ako!" Asik ko.
"Ang init lagi ng ulo mo," puna niya.
"Ikaw nga diyan, masyadong mayabang."
"Guwapo naman."
Hindi ako nagsalita. Hindi ko na lang kinontra dahil totoo naman. Ang guwapo-guwapo niya.
"Ito na." Inabutan niya ako ng isang libo.
"Wala akong barya."
"Sa'yo na ang sukli."
"Alam ko namang mayaman ka pero—
"Sa'yo na nga, birthday ngayon ng isa mong kapatid, di ba? Ibili mo na lang ng regalo ang sukli."
Alam niya ang birthday ni Rostum?
Nginitian niya ako.
"Ano pala ang handa niya?"
"Baka mag-pancit lang si Nanay."
"Punta ako mamaya," aniya na kinagulat ko.
Wala namang handa ang kapatid ko, e.
Nagkamot ako ng ulo. "Ikaw ang bahala."
"Hintayin mo na kaya ako. May gagawin ka pa ba?"
"Oo, tutulungan ko si Nanay na maglaba. Pagkatapos, pupunta ako kina Mang Mario para bumili ng malagkit at kamote."
"Okay. Sige mauna ka na kung ganoon."
"Salamat." Tumango ako bago tumalikod.
Nang makailang hakbang ako palayo sa kaniya, hindi ko napigilang lingunin siya, kaso nakatingin pala siya sa akin.
Mabilis akong naglakad sa labis na gulat. Hindi ko nakita ang malaking bato sa aking dinadaanan.
Nadapa tuloy ako.
Ano ba iyan! Nakakahiya.
"Ayos ka lang?" Nag-aalalang tanong ni Kurt. Tinulungan niya akong tumayo.
"May sugat ka."
"Huh?" Napatingin naman ako sa aking paa. Nagasgasan nga.
"Malayo sa bituka," sabi ko na lang pero ang totoo medyo mahapdi.
"Ihatid na lang kita sa inyo," sabi niya.
"Huwag na. May trabaho ka pa, e."
"I insist," sabi niya. "Ihatid na kita."