REBECCA'S POV NAGISING uli ako na maayos na ang pakiramdam. Agad kong iminulat ang aking mga mata at iginala ang aking tingin sa paligid. Kumunot naman ang noo ko dahil parang wala na ako sa ospital. Nandito na uli ako sa munting silid namin. Pero sino ang naglabas sa akin sa ospital? Mabilis akong bumangon nang maalala ko ang sinabi ng doctor tungkol kay Samantha at sa ipinagbubuntis ko. Ngunit bago pa man ako mag-histerikal ay narinig ko na ang malamyos na boses ni Samantha kaya gano'n na lang ang pagkabog ng aking dibdib. "Tatay, lumuwas po kayo ng Maynila?" Lumingon ako sa kusina kung saan ko narinig ang boses ng aking anak. Nasapo ko ang aking bibig nang makita ko si Samantha na napakasigla at buhay na buhay. At hindi lang 'yon, kasama at kausap pa niya ang kaniyang ama. Ma

