NAPANGISI si Lily habang iniikot sa kamay ang cellphone na dinukot niya sa gwapo ngunit madamot na lalake. Akalain ba naman swerte siya sa unang araw pa lang ng kanyang pagtitinda sa parke na iyon. Oo, masamang tao na siya. Isang magnanakaw, scammer, lahat na! Pero lahat ng iyon ay ginagawa niya para mabuhay, hindi lang ang sarili niya kundi maging ang ina na ilang buwan ng comatose sa hospital.
Nakatira sila sa isang squatter area at lupang kinatitirikan ng bahay nila ay pagmamay-ari ng Ventura Incorporated. Gusto sila paalisin ng nasabing kompanya at ang masama pa ay gusto ura-urada. Tatlong araw lang ang binigay sa mga informal settlers para lisanin ang lugar. Paano nila magagawa iyon sa napaikling panahon lalo pa't wala naman binibigay na donasyon para makapagsimula ng panibagong buhay?
Sama-sama silang magkakapitbahay noon para humingi ng tulong sa gobyerno. Kinalampag na nila maging ang media. Pero hindi pinansin ang kaso nila dahil wala daw silang laban, kompleto sa sa dokumento ang naturang kompanya.
Pino-protektahan ng kanyang ina ang kanilang bahay laban sa demolition team nang madaganan ito ng pader. Malubha ang tama nito sa ulo. At bale ang mga ribs at spinal cord nito. Kung sakaling magigising man ito ay tiyak isa ng imbalido.
Minsan na siyang pinayuhan ng doctor na pirmahan ang papeles na pumapayag na tanggalin ang life support machine para matuldukan na ang pagdurusa ng ina. Nagalit siya. Dios ba ito para desisyunan ang buhay ng kanyang ina nang ganoon na lang? Ginagawa niya ang lahat kesahodang maging masama tao para lang may pambayad sa hospital at may ilagay sa kumakalam na sikmura niya, tapos ganoon lang ang sasabihin nito? Wala e, high school graduate lang siya. Sales lady ang pinakamainam na trabaho ng mga kagaya niya. At hindi sapat ang sweldo sa pangangailangan pa lang niya. Masuwerte na lang siya at may mga tumutulong na madre sa kanya kaya kahit papaano ay nakakaraos siya sa gastusin sa hospital.
Gusto siyang bayaran ng kompanya kapalit ng hindi pagsasampa ng kaso pero hindi niya tinanggap ang pera dahil gusto niyang mabigyan ng hustisya ang nangyari sa ina bagay na wala ring silbi dahil anim na buwan na nakakaraan ay mabagal pa rin ang pag-usad ng kaso.
Matagal na niyang pinapanalangin na sana makatagpo siya ng lalakeng mayaman, wala siyang pakialam kahit matanda pa 'yan basta maka-shortcut lang siya papunta sa hangarin niya. Kailangan niya ng pera at kapangyarihan para mapanagot ang mga tao na naging dahilan ng pagkaka-comatose ng kanyang ina.
Hindi niya alam kung paano magsisimula noon. Pero isa lang ang tumino sa utak niya. Hindi siya pwedeng sumuko para sa kanyang ina na si Lilia. Kakain siya ng marami at magpapakalusog, mabubuhay dahil iyon ang gusto nito. Isa pa, kailangan niya ng lakas para makapaghiganti. Batid niyang imposible dahil pader ang titibagin niya pero hindi siya hihinto o susuko.
"Magkano ko kaya maibebenta 'to?" tanong ni Lily sa sarili na pinindot ang cellphone. Alam niyang latest model at mamahalin iyon. Nangangailangan ng password pero kung i-swipe pa kaliwa ay awtomatikong mapupunta ka sa camera kahit pa nga naka-lock.
Sinubukan niyang picturan ang paligid. Hanggang sa hindi pa nakontento nag-selfie pa siya. Tuwang-tuwang siya nang makita na nag-enhance pa lalo ang kagandahan niya dahil sa malinaw na resolution ng camera.
"Ang ganda mo talaga, Lily!" Puri pa niya sa kanyang sarili. Hindi sa pagmamayabang pero maraming nagsasabi na maganda siya. Pwede nga raw siya mag-artista. Paano ba naman kasi amerikano ang tatay niyang missing in action. Sundalo daw na inakan lang ang kanyang ina at basta na lang iniwan. Hindi niya kailanman nakita ang ama.
Muli niyang sinilid ang cellphone sa bulsa ng kanyang pantalon sa likod.
Kailangan niyang magligpit dahil baka balikan pa siya ng lalakeng mukhang masungit. Pero hindi pa man siya nangangalahati sa ginagawa niya ay natigilan na siya at pinanlakihan ng mata. Iyong lalake nagmamay-ari ng cellphone, bumalik! Pero hindi ito ang dahilan kung bakit takot siya kundi ang grupo ng kalalakehan na kasunod lang nito.
Lagot! Ang mga ito ay miyembro ng sindikato na kanyang inutangan ng malaki.
"Hey, Miss!" sabi ng lalake nang maunang makarating sa kanya
"Wait lang, Kuya, Sir o kung sino ka man. Kailangan kong tumakbo!"
"What?!" Lukot ang mukha ng lalake.
"Papatayin nila ako!" Turo niya sa mga naglalakihang mga lalake. "Mamaya na tayo nag-usap!"
"I need my cellphone now!"
Napakamot ng pisngi si Lily. "Oo, makukuha mo cellphone mo, pero kailangan mong tumakbo!" sigaw niya sabay hila sa lalake. Ilang dipa na lang kasi ang layo ng mga sindikato ng kung lumakad animo'y nasa pelikula na naka-slowmotion. Swabe gang daw tawag sa mga ito.
"Miss - "
"Tumahimik ka! Takbo lang!"
Pwede naman na ibigay na lang niya ang kailangan nito. Pero may Plan B siya. Oras na mahuli siya nito ay sasabihin niyang nahulog nito ang cellphone. At kailangan niya ng reward.
Hila-hila ang lalake ay patakbo silang tumawid sa kabilang kalsada. Hinabol sila ng Swabe Gang pero mabuti na lang at may dumaan na mga dyip nang patawid na rin sana ang mga ito kaya naantala.
"Miss, I don't have time for this! Just give me back my cellphone!" Huminto ang lalake at padaskol na binawi ang kamay nito sa kanya.
Palipat-lipat naman ang tingin ni Lily sa lalake at Swabe Gang na nasa kabilang kalsada. Pagkaraa'y kagat-labing kinuha niya ang cellphone mula sa bulsa ng kanyang pantalon at inilagay sa kamay nito. At basta na lang niya ito iniwan.
"Miss - "
Lumingon siya dito habang tumatakbo. At nakita niyang halos katabi na nito ang humahabol sa kanya kaya nanlaki ang mata niya sa takot. Mas binilisan pa niya ang pagtakbo. Wala siyang ideya sa eskinitang pinasukan dahil noon lang siya nakapunta doon. Dayo kasi siya sa parke at hindi niya akalain na masusundan pa siya ng Swabe Gang doon.
Humihingal na siya sa pagtakbo. Noon una ay kabahayan pa ang nadadaanan niya ngunit nang lumagpas na siya sa squatter area na iyon ay pader na ng abondonadong building bumungad sa kanya. Wala ng ibang malalabasan. Kung baga dead end na.
Nasalisihan na naman yata niya ang Swabe Gang kaya panalangin na lang niya ay hindi siya masusundan doon.
Pero hindi siya dininig ng Diyos dahil ilang sandali pa ay may naririnig na siyang palarating na mga yabag. Lumingon siya sa paligid pero maliban sa ilang pirasong yero at kahoy ay wala na siyang mapagtaguan pa.
"Cardo! Magbabayad ako, bigyan niyo lang ako ng oras!" sabi niya na pinagpapawisan ng husto habang umaatras sapagkat nasa harap na niya ang limang kalalakehan.
"Ilang beses mo ng sinabi sa amin 'yan, kotong lupa!"
"Promise!" Pinasalikop pa niya ang dalawang palad sa pagmamakaawa. Sa huling atras niya ay dumikit na ang likod niya sa pader.
"Ang sabi ni Boss Ronald, kung gusto mo p********e mo na lang daw ang bayad para quits na ang lahat!" wika ni Cardo na iniluwa ang bubble gum sa bibig. Pagkatapos ay hinawakan siya sa braso at pwersaha na kinabig. "Halika ka na!"
"Bitiwan mo ako! Tulong! Tulungan niyo ako!" Naglitawan ang litid niya sa leeg nang sigaw niya. Imposibleng wala makaririnig sa kanya dahil ilang dipa lang naman ay dikit-dikit na pamamahay na. Ngunit sa takot marahil ay walang nagtangkang lumapit o lumabas ng bahay. Mayroon na sumilip lang sa bintana.
Nakaramdam siya ng kawalan ng pag-asa. Kinse mil ang utang niya. At sa ganoong halaga lang mawawala ang pagkabirhen niya? Of all people, sa butas-butas pa ang pisngi dahil sa pimple marks?
"Bitiwan niyo siya," sabi ng baritinong boses na nakapagpalingon sa Swabe Gang.
Gulat si Lily. Ang lalake ay walang iba kundi ang dinukutan niya ng cellphone. Marahil, sinundan siya para iligtas! Namilog ang mata niya. Gustong maiyak. Dakila. Napakadakila ang kagaya nito.
"Bakit may problema ba, pare?" Salubong dito ni Boy Waldo. At walang kung ano ano ay sinukmaraan ito. Sa isang suntok lang ay luhod na ito habang sapo ang tiyan.
"Enough . . . "
Napamaang si Lily. Hindi niya akalain na lamps ang makisig na nasa harap niya. Palibhasa'y batak lang ang katawan dahil sa pag-Gym marahil.
So no choice, dating gawi! Tinuhod niya si Cardo na siyang may hawak sa kanya. Agad itong napasigaw at napatalon sa sakit. Sinamantala niya ang pagkakataon, kumuha siya ng kahoy. Bahala na! Kung sino man lalapit sa kanya ay babalian talaga niya ng buto.
Inumang niya sa mga ito ang kahoy habang unti-unting lumalapit sa lalakeng makatayo nga pero hawak pa rin ang tiyan. Ngumisi naman ang iba pang miyembro ng Swabe Gang tila na-excite pa nga sa nangyari.
"Now, it's my turn," sabi ng gwapong lalake. Inagaw sa kanya ang kahoy. Lumapit at sa gitna pa man din ng Swabe Gang.
Ilang sandali pa ay pinagtulungan na ito. Ngunit ang nakakamangha ay mabilis nitong pinatumba ang apat na lalake. Eksperto sa martial arts. Bulagta ang kalaban. Si Cardo na lang natitira na naka-recover na sa sakit at naglabas ng balisong.
Doon naman napaatras ang gwapong lalake. Lumapit sa kanya. At sa pagkakataon iyon ay ito naman ang humawak at humila sa kamay niya.
"Let's get out of here!"