Chapter 1

1391 Words
AVERY Kanina pa ako kinakabahan at hindi mapakali. Tahimik na ginagawa ko ang trabaho ko bilang service crew, dito sa isang fast food chain na pinapasukan ko kahit pa malakas ang kabog ng dibdib ko. Labis na nag-aalala kasi ako sa kalagayan ng isa sa mga kapatid ko. Iniwan kong masama ang pakiramdam ng bunso namin na si Ailee. Ilang araw na siyang dumadaing na hindi maganda ang pakiramdam at hindi makahinga, kaya pilit na pumasok ako sa trabaho para may maipon akong pera ng makapag-pacheck up siya sa doktor. May mga pagkakataon na nakikita ko siyang namumutla at labis na nanghihina. Natatakot ako na baka namana niya ang sakit sa puso ng aming ina, na siyang naging dahilan ng pagkamatay niya, matapos malaman na sangkot sa isang aksidente sa pabrika na pinapasukan si tatay at agad na binawian ng buhay. Bilang panganay, kaakibat ng trahedya na iyon ang malaking pagbabago sa buhay ko. Bukod sa natigil ako sa pag-aaral ay kinakailangan kong kumayod sa murang edad para maitaguyod ko lamang ang mga kapatid ko na tulad ko ay sabay na nagluluksa matapos naming maulila. Wala kaming nagawa kung 'di ang sabay-sabay na umiyak at nagluksa. Gustuhin ko man na baguhin ang kapalaran namin, pero malinaw pa sa sikat ng araw ang katotohanan na iniwan na kami ng aming mga magulang. Gumuho ang mundo namin ng sabay na mawala ang nanay at tatay ko. Wala kaming ibang kapamilya na maaaring masandalan, dahil malayo ang mga kamag-anak ng aking ama at ina. Pareho silang dayo dito sa Maynila at dito nagkatagpo, hanggang sa bumuo ng pamilya. Hindi na rin sila umuwi sa kanilang probinsya para makilala sana kami ng kanilang mga kamag-anak dahil na rin sa hirap ng buhay. Sa edad kong dalawampu't isang taong gulang ay talo ko pa ang may sariling pamilya. Sa murang edad ko, kayod kalabaw ako para mabuhay kami ng tatlo ko pang mga kapatid na nag-aaral. Mabuti na lamang at lahat sila ay responsable sa buhay at tinulungan ako sa gawaing bahay, maging sa hanap-buhay. Proud ako sa mga kapatid ko. Mababait at nakaka-unawa sila sa tunay na kalagayan namin at handang dumamay at tumulong sa akin sa abot ng kanilang makakaya. Maparaan ang pangalawang kapatid ko na si Aila. Kahit nag-aaral siya ay nagtitinda rin ng kakanin sa school na pinapasukan bago magsimula ang klase sa umaga, bagay na malaki ang tulong ito sa amin dahil hindi ako hirap sa gastusin niya sa eskwela. Ang nag-iisang lalaking kapatid ko naman na si Arnel ang magaling sa gawaing bahay. Kahit binatilyo na siya ay hindi mahilig makipag-kapitbahay at hindi sumasama sa masamang gawain ng kabataan sa eskinita. Ito kasi ang isa sa mga bagay na kinatatakutan ko. Lalaki ang kapatid ko at nagbibinata na. Sa ganyang edad, maraming mga kabataan ang napariwara dahil kinulang sa aruga at disiplina. Alam ko na sa sobrang abala ko sa trabaho ay kulang ang atensyon na ibinibigay ko sa mga kapatid ko. Maaga ako kung umalis sa umaga at gabi na kung umuwi. Malimit akong mag-overtime, para kahit paano, may panggastos kami araw-araw. Bukod kasi sa trabaho ko dito sa fast food chain ay may iba pa akong pinapasukan sa gabi. Kung tutuusin, kulang na kulang ako sa tulog at pahinga, pero ayos lang sa akin, para mabuhay kami ng mga kapatid ko sa marangal na paraan. Maswerte ako sa mga kapatid ko, kaya kahit hirap ako sa gastusin nila sa pag-aaral at sa bahay ay nakakaya ko dahil mahal na mahal ko silang lahat. "Avery, nasa labas ang kapatid mo," malakas na sabi ni Jigs, matapos kong ipatong ang tray na hawak ko sa counter. "Sino?" nagtataka na tanong ko, dahil hindi ko naman inaasahan na makikita ko dito ang isa sa mga kapatid ko, lalo pa at bihira na sumunod sila sa akin dito sa pinapasukan ko, not unless ay may mahalaga siyang kailangan. "Yung kapatid mong lalaki." Inginuso ni Jigs ang exit door at sinabing naroon daw naghihintay sa akin ang kapatid ko Abot-abot ang malakas na kaba sa dibdib ko na mabilis akong lumakad papunta sa direksyon na itinuturo ng kasamahan ko dito sa trabaho. Nadatnan ko si Arnel na balisang nakasandig sa pader habang panay ang mariin na pisil sa palad at daliri. Base sa nakikita kong kinikilos ng kapatid ko ay alam ko na nababalot siya ng tensyon at pag-aalala. "Anong nangyari, Arnel?" agad na tanong ko ng makalapit sa kanya. "Ate, si Ailee kasi, bigla na lang nawalan ng malay. Namumutla siya at hindi makahinga. Pinuntahan agad kita dito dahil hindi ko na alam ang gagawin ko," balisa na sagot ng kapatid ko. "Sandali!" malakas na sigaw ko, saka tumalikod at mabilis na pumasok sa loob ng kitchen at hinanap ang manager ko para magpaalam. Alam ko kasi na sa pagkakataon na ito ay hindi biro ang kondisyon ni Ailee. Hindi siya mawawalan ng malay ng walang dahilan. "Bakit namumutla ka, Avery?" tanong ng branch manager namin na si Miss Iya. "Ma'am, may emergency po sa bahay namin. Nawalan po ng malay ang bunsong kapatid ko. May sakit po kasi siya ng iwan ko kanina," mabilis na sagot ko. "Naku, maigi pa eh, umuwi ka muna sa inyo, Avery. Kung ganyan pala ang lagay ng kapatid mo, sana ay hindi ka muna pumasok ngayon," nakakaunawa na sabi ng manager ko sa akin. Ito ang gusto ko sa kan'ya, kahit mahirap ang trabaho dahil talagang nakakaubos ng lakas ay pinili ko pa rin na dito magtrabaho dahil mabait ang mga kasamahan ko. "Sige na, ako na ang bahala sa time card mo," sabi pa ni Miss Iyan. "Salamat po, ma'am," naiiyak na sabi ko. Wala man akong kamag-anak na kasama ngayon ay maswerte pa rin ako sa kanila dahil hindi ako itinuturing na iba, kahit pa ako ang pinakabata sa team namin. Dito ramdam ko na bunso ako at inaalagaan ng lahat. Dito sa fast food, malaya akong nakisalamuha na hindi iniisip ang mabigat na responsibilidad na dinadala ko sa balikat ko para itaguyod ko ang mga kapatid ko araw-araw. "Halika na, Arnel," nagmamadali na sabi ko habang malalaki ang hakbang para maghanap ng tricycle na sasakyan pauwi. Pakiramdam ko ay ang tagal ng oras na lumipas dahil habang lulan ng tricycle na sinasakyan namin ni Arnel ay binibilang ko ang bawat minutong lumilipas. "Kuya, wala na bang ibibilis itong tricycle mo?" malakas na tanong ko sa mamang driver dahil sa kakamadali ko ay minalas pa akong makasakay sa kakarag-karag na minamaneho nito. "Naku, pasensya ka na, miss at mabagal talaga ito. Hindi kakayanin ang mabilis na takbo," malakas na sagot ng may edad na driver. Wala akong magawa kung 'di maghintay hanggang sa makarating kami sa tapat ng kanto ng bahay namin dito sa Sta. Cruz sa Manila. Hindi naman iskwater ang tinitirhan namin kaya maayos ang bahay na iniwan ng mga magulang ko. Maswerte pa rin kami dahil nabili umano ito ng aming ama noon sa murang halaga, kaya kahit luma na ang bahay namin ay maayos kaming nabubuhay dahil may natatawag kaming tahanan. "Avery, mabuti at dumating ka na. Walang tao d'yan sa inyo. Nakita ko si Ailee sinugod sa hospital kasama ni Aila," sabi agad ng kapitbahay ko na tambay sa kanto na binabaan ko. "Saang hospital po dinala at sino ang kasama?" nag-aalala na tanong ko. Halos sumabog ang ulo at dibdib ko sa sobrang pag-iisip at halo-halong emosyon na nararamdaman ko dahil pumasok sa isipan ko ang tungkol sa kondisyon ni Ailee. "Sa San Lazaro hospital daw dinala, sabi ni Jayson," mabilis na sagot naman ng kapitbahay namin. Malapit na kaibigan ni Aila si Jayson kaya hindi na ako nagtataka na kasama ito ni Aila nang isugod si Ailee sa ospital. "Sige po, Aleng Rita, pupuntahan ko muna ang kapatid ko sa ospital," mabilis na paalam ko. Kapag kasi nagtagal pa ako ay alam ko na magtatanong pa ito ng kung anu-ano. Bumaling ako sa kapatid ko at seryosong kinausap. "Arnel, pumasok ka muna sa loob. Ikaw muna ang magbantay sa bahay natin at pupuntahan ko ang Ate Aila mo at si Ailee sa ospital." Nakakaunawa namang tumango at sumagot ng 'opo ate' si Arnel, saka mabilis na tinahak ang daan papunta sa bahay namin. Ako naman ay nagmamadaling pumunta sa main road, para mag-abang ng dyip na sasakyan papuntang hospital kung nasaan sina Aila at Ailee ngayon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD