AVERY
Kanina pa ako kinakabahan at hindi mapakali. Tahimik na ginagawa ko ang trabaho ko bilang service crew sa isang fast food chain na pinapasukan ko kahit pa malakas ang kabog ng dibdib ko.
Labis na nag-aalala kasi ako sa kalagayan ng isa sa mga kapatid ko.
Iniwan ko kasing masama ang pakiramdam ng bunso naming kapatid na si Ailee. Ilang araw na itong dumadaing na hindi maganda ang pakiramdam at hindi makahinga. May mga pagkakataon na nakikita ko siyang namumutla at labis na nanghihina.
Natatakot ako na baka na mana niya ang sakit sa puso ng aking ina na naging dahilan ng pagkamatay nito matapos malaman na sangkot sa isang aksidente sa pabrika na pinapasukan si tatay at agad na binawian ng buhay.
Bilang panganay, kaakibat ng trahedya na iyon ang malaking pagbabago sa buhay ko. Bukod sa natigil ako sa pag-aaral ay kinakailangan kong kumayod sa murang edad para maitaguyod ko lamang ang mga kapatid ko na tulad ko ay sabay na nagluluksa matapos naming maulila.
Wala kaming magawa kun'di ang sabay-sabay na umiyak at nagluksa. Gustuhin ko man na baguhin ang kapalaran namin pero malinaw pa sa sikat ng araw ang katotohanan na iniwan na kami pareho ng aming mga magulang.
Gumuho ang mundo namin ng sabay na mawala ang nanay at tatay ko. Wala kaming kamag-anak na masandalan dahil malayo ang mga kamag-anak ng aking ama at ina. Pareho silang dayo dito sa Maynila at dito nagkatagpo hanggang sa bumuo ng pamilya. Hindi na rin sila umuwi ng probinsya para makilala sana kami ng kanilang mga kamag-anak dahil na rin sa hirap ng buhay.
Sa edad kong dalawampu't isang taong gulang ay talo ko pa ang pamilyadong tao.
kayod kalabaw ako para mabuhay kami ng tatlo ko pang kapatid na nag-aaral.
Mabuti na lamang at lahat sila ay responsable sa buhay at tinulungan ako sa gawaing bahay maging sa hanapbuhay. Proud ako sa mga kapatid ko dahil mga mabuti silang anak at kapatid na handang dumamay at tumulong sa akin sa abot ng kanilang makakaya.
Maparaan ang pangalawang kapatid ko na si Aira. Kahit pumapasok ito ay nagtitinda siya ng kakanin sa paaralan bago magsimula ang klase bagay na malaki ang tulong nito dahil hindi ako hirap sa gastusin niya sa skwela.
Ang nag-iisang lalaking kapatid ko naman na si Arnel ang magaling sa gawaing bahay kaya kahit binatilyo na ito ay hindi siya mahilig makipag-kapitbahay at hindi sumasama sa masamang gawain ng kabataan sa eskinita.
Ito kasi ang isa sa mga bagay na kinatatakutan ko. Lalaki ang kapatid ko at nagbibinata. Sa ganyang edad maraming mga kabataan ang napariwara dahil may kinulang sa aruga at disiplina.
Alam ko na sa sobrang abala ko sa trabaho ay kulang ang atensyon na binigay ko sa mga kapatid ko.
Bukod kasi sa trabaho ko dito sa fast food chain ay may iba pa akong pinapasukan sa gabi. Kung tutuusin kulang na kulang ako sa tulog at pahinga pero ayos lang sa akin para mabuhay kami ng mga kapatid ko sa marangal na paraan.
Maswerte ako sa mga kapatid ko kaya kahit hirap ako sa gastusin nila sa paaralan at sa bahay ay makakaya ko dahil mahal na mahal ko ang mga kapatid ko.
"Avery, nasa labas ang kapatid mo," malakas na sabi ni Jigs matapos kong ipatong ang tray na hawak ko sa counter.
"Sino?" nagtataka na tanong ko dahil hindi ko naman inaasahan na makikita ko dito ang Isa sa mga kapatid ko lalo pa at bihira na sumunod sila sa akin dito sa pinapasukan ko not unless ay may mahalaga siyang kailangan.
"Yung kapatid mong lalaki," nguso ni Jigs sa labas ng exit door kaya abot-abot ang malakas na kaba na mabilis akong lumakad papunta sa direksyon na itinuturo ng kasamahan ko sa trabaho.
Nadatnan ko si Arnel na balisang nakasandig sa pader habang panay ang mariin na pisil sa palad at daliri nito. Base sa kinikilos ng kapatid ko ay alam ko na nababalot siya ng tensyon at pag-aalala.
"Anong nangyari Arnel?" agad na tanong ko ng makalapit dito.
"Ate, si Ailee kasi bigla na lang nawalan ng malay. Namumutla siya at hindi makahinga kaya pinuntahan kita dito dahil hindi ko na alam ang gagawin ko," balisa na sagot nito.
"Sandali!" malakas na sigaw ko saka tumalikod dito para pumasok sa loob at hinanap ang manager ko para magpaalam.
Alam ko kasi na sa pagkakataon na ito ay hindi biro ang kondisyon ni Ailee. Hindi siya mawawalan ng malay ng walang dahilan.
"Bakit namumutla ka Avery?" tanong ng branch manager namin na si Miss Iya.
"Ma'am, may emergency po sa bahay namin. Nawalan po ng malay ang bunso naming kapatid. May sakit po kasi siya ng iwan ko kanina," mabilis na sagot ko.
"Naku, maigi pa eh, umuwi ka muna. Kung ganyan din pala ang lagay ng kapatid mo sana ay hindi ka muna pumasok ngayon," nakakaunawa na sabi nito.
Ito ang gusto ko sa kan'ya, kahit mahirap ang trabaho dahil talagang nakakaubos ng lakas ay pinili ko pa rin na dito magtrabaho dahil mabait ang mga kasamahan ko.
"Sige na, ako na ang bahala sa time card mo," sabi pa nito.
"Salamat po ma'am," naiiyak na sabi ko. Wala man kasi akong kamag-anak na kasama ngayon ay ma swerte ako sa kanila dahil hindi ako itinuturing na iba kahit pa ako ang pinaka bata sa team namin.
Dito ramdam ko na bunso ako at inaalagaan ng lahat. Dito malaya akong nakisalamuha na hindi iniisip ang mabigat na responsibilidad na dinadala ko sa balikat ko para itaguyod ko ang mga kapatid ko.
"Halika na Arnel," nagmamadali na sabi ko habang malalaki ang hakbang para maghanap ng tricycle na sasakyan pauwi.
Pakiramdam ko ay ang tagal ng oras na lumipas dahil habang lulan ng tricycle na sinasakyan namin ni Arnel ay binibilang ko ang bawat minutong lumilipas.
"Kuya, wala na bang ibibilis itong tricycle mo?" malakas na tanong ko sa mamang driver dahil sa kakamadali ko ay minalas pa akong makasakay sa kakarag-karag na minamaneho nito.
"Naku pasensya ka na Miss at mabagal talaga ito. Hindi kakayanin ang mabilis na takbo," malakas na sagot nito.
Wala akong nagawa kun'di maghintay hanggang sa makarating kami sa tapat ng kanto ng bahay namin dito sa Sta. Cruz Manila.
Hindi naman iskwater ang tinitirhan namin kaya maayos ang bahay na iniwan ng mga magulang ko. Maswerte pa din kami dahil nabili umano ito ng mga magulang ko noon sa murang halaga kaya kahit luma na ang bahay namin ay maayos kaming nabubuhay dahil may matatawag kaming tahanan.
"Avery, mabuti at dumating ka na. Walang tao d'yan sa inyo. Nakita ko si Ailee sinugod sa Hospital kasama ni Aira," sabi agad ng kapitbahay ko na tambay sa kanto na binabaan ko.
"Saang hospital po dinala at sino ang kasama?" nag-aalala na tanong ko. Halos sumabog ang ulo at dibdib ko sa sobrang pag-iisip ay emosyon dahil pumasok sa isipan ko ang tungkol sa kondisyon ni Ailee.
"Sa San Lazaro hospital daw dinala sabi ni Jayson," mabilis na sagot naman nito. Malapit na kaibigan ni Aira si Jayson kaya hindi na ako magtataka na kasama ito ni Aira ng isugod si Ailee sa ospital.
"Sige po Aleng Rita, pupuntahan ko muna ang kapatid ko," paalam ko dahil kapag nagtagal pa ako ay alam ko na magtatanong pa ito ng kung ano-ano.
"Arnel pumasok ka muna sa loob, ikaw muna ang magbantay ng bahay natin at pupuntahan ko muna Ate Aira mo at si Ailee sa ospital," sabi ko dito.
Nakakaunawa naman itong tumango at sumagot ng 'opo ate' saka mabilis na tinahak ang daan papunta sa bahay namin habang ako naman at nagmamadaling pumunta sa main road para mag-abang ng dyip na sasakyan papuntang hospital kung nasaan sina Aira at Ailee ngayon.