DRAKE Sumapit ang hapon, pero hindi na bumalik si Jamilla dito sa kaniyang condo unit. Naghintay ako hanggang gabi, pero hindi dumating kahit anino niya. Tinawagan ko si Sofia dahil malapit silang dalawa sa isa't isa, pero wala raw siyang alam kung nasaan ang asawa. Kahit si Aryan ay nagulat rin nang hanapin ko sa kaniya si Jamilla dahil ilang linggo na raw silang hindi nagkausap. Hatingabi na nang iligpit ko ang pagkaing niluto ko kaninang umaga. Kahit kape lang ang laman ng tiyan ko, hindi ako nakaramdam ng gutom dahil nag-aalala na ako at nag-iisip kung bakit hanggang ngayon ay hindi man lang tumatawag sa akin ang asawa ko. Tahimik ang buong kabahayan at wala akong ibang naririnig kundi ang tunog ng air conditioner at ang mabilis na pintig ng aking puso. Nakatulog ako dito sa sofa.

