HINDI maiwasang mainggit ni Rhomz sa mga kaibigan niyang babae na pupunta sa grand opening ng Harley’s resort. May mga partner ang mga ito na mga bampira kaya okay lang. Kung sa bagay, hindi lang naman siya ang single. Pareho sila ni Zae. Pero si Zae talagang ayaw pumunta sa party.
Tumambay siya sa clinic pagkatapos ng tanghalian. Busy si Charie kaya mag-isa siyang nakaupo sa couch habang nagbabasa ng magazine. Mamaya ay namataan niya si Jeddan na pumasok. Deretso itong lumapit sa kanya at umupo sa katapat niyang couch.
“Iniwan mo ang wellness room na nakabukas ang telebisyon. Kumain ka na ba?” tanong ni Jeddan.
Ibinaba niya ang kanyang binabasa saa ito tiningnan nang deretso. “Katatapos ko lang kumain. Hindi ko in-off ang TV kasi akala ko babalik ka kaagad. Saan ka ba nagpunta?” aniya.
“Sa Harley’s resort. Pinapunta kasi ako roon ni Daddy para tumulong sa paglilinis ng dalampasigan,” nakangiting turan nito. “Ano, makapupunta ka ba sa party sa Sunday?” tanong nito pagkuwan.
“Baka ma-out of place lang ako. Huwag na lang,” sagot niya.
“Open naman ang party na ‘yon sa lahat. Marami ring tao na pupunta.”
“Mabuti sana kung hindi ka busy ng araw na iyon. Siyempre, kamag-anak ka ng may-ari kaya hindi puwedeng hindi ka nila kasama.”
“So, ang pinuproblema mo ay ang makakasama. Marami namang girls na pupunta.”
“Hay naku! Hindi sila maaabala dahil may mga partner na.”
Natawa si Jeddan. “Ang laki ng problema mo. Sumama ka na lang kina Syrel at Magnus. Wala namang partner ang mga ‘yon,” sabi nito.
“Hay! Huwag na kung sila ang makakasama ko. Mga engot ‘yon.”
“E ‘di kay Nathan ka na lang sumabay.”
Napangiwi siya. “Lalong ayaw ko,” aniya.
“Ano ba ang problema mo kay Nathan? Mabait naman ‘yon at maasikaso sa babae.”
“Si Nathan kasi, masyadong ma-effort. Tipong nakakailang siyang kasama.”
Nagtataka siya nang biglang tumingin si Jeddan sa likuran niya. Iniisip niya si Charie lang ang tinitingnan nito kaya hindi siya nag-abalang lumingon.
“Gano’n ba? O baka naman natatakot ka lang ma-in love kay Nathan,” komento ni Jeddan habang nakangiti.
“Hindi, no. Ayaw ko lang talaga sa lalaking paasa,” aniya.
Tumawa si Jeddan. “Narinig mo, Nathan? Paasa ka raw,” bigla’y sabi ni Jeddan na labis na nagpawindang kay Rhomz.
Marahas siyang lumingon sa kanyang likuran. Namataan niya si Nathan na nakatayo sa likuran niya habang nagbabasa ng logbook. Nakasuot ito ng puting T-shirt at bughaw na hapit na pantalon.
“I will respect her opinion, that was her rights,” sabi lang ni Nathan.
Parang natuklaw ng ahas si Rhomz. May tatlong minuto na siyang nakatambay sa clinic pero hindi niya nakita si Nathan. O baka naman matagal na itong naroon at busy sa ibang kuwarto. Ibinalik niya ang kanyang tingin kay Jeddan na tawa nang tawa. Binato niya ito ng magazine na kaagad naman nitong nasalo.
Pagkuwan ay tumayo siya at nagtungo sa emergency room kung kailan niya huling nakita si Charie. Wala na ito roon. Saktong paglabas niya ay nasalubong niya si Nathan. Huminto siya nang humarang ito sa daraanan niya. Ibinigay nito sa kanya ang logbook kung saan nakalista ang mga pangalan ng pasyente.
“Hindi mo nailista sa logbook ang pangalan ng mga pasyente na sumailalim sa physical therapy. Kailangan ko ng listahan para sa record ng management,” seryosong sabi nito.
“Uhm, bibigyan na lang kita ng listahan. May sarili kasi akong logbook. Kailangan mo na ba ngayon?” aniya.
“Yap. Ibigay mo sa akin kapag nailista mo na. Puntahan mo ako sa office.”
“Saang office?”
“Sa office ni Daddy.”
“Okay.” Lalagpasan na sana niya ito.
“Sandali lang,” pigil nito.
Huminto siya at muli itong hinarap. Habang hinihintay ang sasabihin nito ay para siyang bibitayin. Kinakabahan siya. Baka nainis ito sa sinabi niya kanina na narinig nito.
“Siguro kaya ayaw mo akong maging escort dahil nga sabi mo ay paasa ako. Well, I can’t blame you. Pero dapat mong tandaan na walang taong paasa kung wala ring taong assuming. Pumunta ka sa Harley’s resort sa Sunday, ako ang bahala sa ‘yo. Kapag tumanggi ka, iisipin ko na may gusto ka sa akin,” walang gatol na sabi ni Nathan.
Napatda siya. Hindi siya nakakibo hanggang sa naunahan siya ni Nathan sa pag-alis. Sinundan lamang niya ito ng tingin. Naloko na. Ano na ang gagawin niya?
Pagbalik ni Rhomz sa wellness room ay kaagad niyang inilipat sa kaperasong papel ang lahat na pasyenteng sumailalim sa physical therapy. Magkikita na naman sila ni Nathan pero hindi pa niya alam ang kanyang sasabihin. Hindi siya puwedeng tumanggi sa imbitasyon nito na pupunta sa Harley’s resort. Nakahihiyang isipin nito na may gusto siya rito.
Patungo na siya sa opisina ni Atty. Davis, na siyang tatay ni Nathan. Pagpasok niya ay ang tatay ang nadatnan niya na nakaluklok sa harap ng mesa at abala sa pagtipa sa computer. Sa lahat pa naman ng leader ng sangre organization, ito ang kinakatakutan niya. Kilala itong pinakaseryoso at matapang.
“May kailangan ka?” tanong ni Trivor pero hindi siya tinitingnan.
“Uhm, may ibibigay lang po ako kay Nathan,” naiilang na sagot niya.
“Umalis siya sandali pero babalik din. Maupo ka muna,” sabi nito.
Napangiwi siya. Hindi ba puwedeng iwan na lang niya rito ang listahan ng pasyente? Nahihiya na siyang magsalita kaya umupo na lang siya sa sofa malapit sa table nito. Kailangan ba talaga niyang hintayin ang anak nito?
“Nagpamasahe ba sa ‘yo si Nathan noong isang gabi?” mamaya ay tanong ni Trivor.
Naibalik niya ang tingin dito. “Opo,” tipid niyang sagot.
“Anong oras kayo natapos?”
“Uh… hindi ko maalala. Hindi naman umabot ng isang oras ang masahe. Umalis din naman kaagad siya,” aniya.
“May nakita ka bang tattoo sa likod niya?” pagkuwan ay tanong nito.
“Tattoo? Parang wala naman po. Malinis naman ang likod niya.” Ang totoo hindi siya sigurado kung may tattoo si Nathan. Pero may nakita siyang parang peklat sa kaliwang bahagi ng likod ni Nathan.
“Hindi iyon literal na tattoo. It was a birthmark that shows the small image of a snake.”
Naalala na niya. Korteng ahas ang marka sa likod ni Nathan pero hindi ganoon katingkad kasi halos kakulay lang ito ng balat ng binata.
“Opo, meron nga po akong napansin. Normal lang naman po ata ‘yon,” sabi niya.
“For humans, yes, it’s normal but not in a hybrid. Hindi ko iyon napansin noong ipinanganak si Nathan. Pero habang lumalaki siya ay unti-unting tumitingkad ang marka. I’m still curious about it. A snake was a sign of evil for vampires. It means a venom or masamang banta sa mga mortal. Also snake use for medical signs. Inaamin ko na ang ninuno ko ay mula sa dark blood vampire at malulupit sila. Ginagamit nila ang makamandag na hayop para pumatay. Pero hindi ko minsan naisip na lilitaw sa henerasyon ko o ng anak ko ang dugo nila,” kuwento ni Trivor.
Naingganyo siyang makinig. “Ano po ang mangyayari kung namana ni Nathan ang dugo ng ninuno ninyo?” usisa niya.
“He will be dangerous. Ang totoo, hindi basta-basta naghuhubad ng damit si Nathan na may ibang tao o nilalang sa paligid niya. Kahit sa bahay ay bihira siya naghuhubad. Ako at ang ina niya ang nakaaalam sa marka pero ako lang ang may kaalaman kung ano ang ibig sabihin niyon.”
And now she knew it. Bakit nito sinasabi iyon sa kanya? “Uhm, ang ibig pong sabihin, kasama na ako sa nakaaalam?” aniya.
“Yes. Although it was an accident, you still need to be aware. Kung talagang buhay ang marka ni Nathan, kailangan ko ng kooperasyon mo. Ang markang buhay ay may sariling isip at kayang kontrolin ang sinumang meron nito. Kaya rin nitong kontrolin ang sinomang nakapapansin dito. Once nahagip ng paningin mo ang marka, mairerehistro ka rito bilang pangunahing bisita at the same time, a victim. Dark blood vampires used snakes as their spy and weapon.”
Bigla siyang kinabahan. “A-ano po ang mangyayari sa akin kung sakaling buhay ang marka ni Nathan?”
“I don’t have an idea since I didn’t notice Nathan’s dark side. Sinanay ko talaga siyang maging normal pero mukhang hindi maiiwasan ang totoong katangian niya. Puwedeng mabuti ang resulta, puwede ring hindi. Ang totoo, ni isa sa ninuno ko ay wala akong naabutang buhay kaya wala akong ideya kung ano ang mga ugali nila. Pero base sa ancient vampire characteristics, they were sexually liberated, and they have three steps to manage their victim. They f*ck, suck blood and kill. They were the most dangerous vampire in history.”
Kinikilabutan si Rhomz habang nakikinig sa kuwento ni Trivor. Iniisip pa lang niya na magiging ganoon kasama si Nathan ay parang ayaw na niyang makita ang binata.
“Posible po ba na maging ganoon si Nathan?” tanong niya.
“Posible pero huwag naman sana. Ayaw kong isa sa mga anak ko ang magmana sa ninuno ko. Napakabait ni Nathan at siya mismo ang nagpupumilit na mabuhay na normal,” tugon ni Trivor.
“Paano po iyon mapipigilan?”
“Hindi iyon napipigilan pero nakukontrol. Pero hindi iyon basta makukontrol ng mismong may katawan. Kailangan niya ng compatible partner. A partner who was chosen by the snake mark. Medyo komplikado at kinakabahan ako sa posibleng mangyari. Hindi ko ito naisip bago payagan si Nathan na magpamasahe sa ‘yo. It was a mistake.”
“Ano po ang ibig n’yong sabihin?” nababahalang tanong niya.
Biglang tumayo si Trivor at humakbang palapit sa kanya. Huminto ito may isang dangkal ang pagitan sa kanya.
“Are you still a virgin?” bigla ay tanong nito.
Uminit ang mukha niya dahil sa tanong nito. “Uh… y-yes, sir,” balisang sagot niya.
Bumuntong-hininga si Trivor. “That was a problem. I’m sorry. I think we need to take any action for this to avoid some risk. Kung buhay ang marka ni Nathan, malaki ang problema natin,” sabi nito.
“Pati po ako ay kasali sa problema?” manghang untag niya.
“You’re the first innocent victim. Hindi kami kasama ng mommy ni Nathan dahil alam iyon ng dark side nito kung sino kami. Kaya ikaw ang unang maapektuhan.”
Bumalikwas siya nang tayo. “Maiiwasan ko naman si Nathan,” giit niya.
“Hindi mo siya maiiwasan. Kapag ginawa mo iyon, lalo kang mahihirapan. Mas mabuti kung ikaw mismo ang dumikit sa kanya at uunahan siya palagi sa mga hakbang niya. Sa paraang iyon ay makokontrol mo siya at hindi ka maging biktima sa kanya. Ang problema lang, marami kang kailangang isakripisyo.”
“Hindi! Hindi ito maari!” protesta niya.
“It was a curse, Rhomz. I’m sorry. Pinag-aaralan ko pa kung ano ang puwede kong gawin. Makipag-cooperate ka sa akin. Kapag may napansin kang pagbabago kay Nathan, please inform me so I can try to fix it.”
Binalot ng kaba ang pagkatao ni Rhomz. Bakit ba siya napasok sa gulong iyon? Mas mabuti pa atang hindi na niya ulit nakita si Nathan. Napaluklok siyang muli sa sofa.
Saktong natapos ang pag-uusap nila ay dumating si Nathan. Noon lamang bumalik sa mesa nito si Trivor. Napansin niya ang curiosity sa mukha ni Nathan habang nakamasid sa kanila. Wala siyang pakialam kung ano ang iniisip nito.
Tumayo siya saka ibinigay rito ang listahan ng pasyente niya. Pagkuwan ay nagpaalam na siya. Saktong paglabas niya ng opisina ay narinig niya ang boses ni Nathan.
“Hey! Wait!” tawag nito sa kanya.
Huminto naman siya saka ito hinarap. Lumapit pa ito hanggang may tatlong talampakan na lang ang pagitan sa kanya.
“Kanina ka pa ba?” tanong nito.
“Oo, hinintay lang kita,” kaswal na sagot niya.
“So, kanina pa kayo nag-uusap ni Dad?”
Iniisip niya ang napag-usapan nila ni Trivor. Ginulo niyon ang utak niya. “Uhm, yes. May mga itinanong lang siya sa akin,” aniya.
“About what?”
“About my job. Sige, aalis na ako,” aniya ngunit hindi siya nakahakbang nang mahigpit na hawakan ni Nathan ang kanang braso niya. Napaharap ulit siya rito.
“You lied. I read something in your eyes. And I know my Dad. Hindi siya basta nakikipag-usap sa mga nilalang kung hindi importante. At pansin ko, ikaw lang ang normal na tao na parang kilalang-kilala niya.”
Iba naman ata ang tumatakbo sa utak ng isang ito. “Ano ba ang iniisip mo? Tinanong lang ako ng Daddy mo tungkol sa pagpamasahe mo sa akin. Tiniyak niya kung talagang nagpamsahe ka,” aniya.
“Is that all about? But why you look uneasy? Magulo ang isip mo, natatakot ka.”
Namangha siya. Naalarma siya. May special ability pala itong si Nathan at ayon kay Jeddan ay kaya nitong mag-manipulate ng utak ng ibang nilalang.
“Nakaka-nerbiyos kasing kausap ang Daddy mo. Ganoon lang ‘yon,” sabi niya habang pilit itinatago ang tunay niyang nararamdaman.
Kinikilabutan siya nang tumulay ang kamay ni Nathan mula sa kanyang braso patungo sa kanyang kamay. Kalaunan ay nahalinhan ng init ang kiliting iyon lalo na nang pisilin nito ang kamay niya. Sinalubong niya ang paningin nito. Tumitig siya sa mga mata nitong may crystalline sky blue eyeballs. Noon lamang niya talaga nalaman ang totoong kulay ng mga mata nito. Parang hindi iyon normal na mga mata.
“I don’t want to insist that you having an affair with my Dad, but it was possible,” sabi nito.
Nagimbal siya. Awtomatikong nairita siya sa sinabi nito. Malayo sa iniisip niya ang posibleng naisip nito.
“God! Nagpapatawa ka ba? Hindi ka nag-o-observe nang maigi,” aniya.
“So, I’m wrong.”
“You’re wrong. Bakit naman ako papatol sa Daddy mo, nariyan ka naman?” biro niya. Pero pagkatapos ng birong iyon ay bigla siyang kinabahan.
“Of course I know you’re just kidding.” Marahas nitong binitawan ang kamay niya saka ito tumalikod.
“Huwag mo akong pag-isipan ng masama,” sabi niya.
“Just prove it to me. Maghanda ka sa Sunday dahil isasama kita sa Harley’s resort,” anito saka tuluyang pumasok sa opisina.
Bumuntong-hininga siya. Wala na talaga siyang kawala. Lalo lamang siyang nata-trap kay Nathan. Minsan naisip niya na nagbibiro lang si Trivor sa mga impormasyong sinabi sa kanya. Pero wala sa katangian nito ang magbiro nang ganoon.
Pagbalik niya sa wellness room ay nadatnan niya si Jeddan at Syrel na ang sarap ng upo sa couch habang naglalaro ng video game sa monitor. Nasira ang inayos niyang mesa na pinagpapatungan niya ng mga langis.
“Ano’ng nangyari sa mesa? Bakit nabali ang isang paa?” tanong niya.
Busy ang dalawa at parang walang narinig. Sa inis niya’y kinuha niya ang remote saka in-off ang monitor.
“s**t!” panabay na bulalas ng dalawa.
“Isusumbong ko kayo sa mga tatay ninyo. ‘Yan pala ang trabaho n’yo, ah. Kaya pala gusto n’yong tumambay rito dahil nakakapagtago kayo,” palatak niya.
Napakamot ng ulo si Jeddan. Si Syrel ay tumayo at inayos ang paa ng mesa. Hindi niya sukat maisip kung paano nabali ang paang bakal ng mesa.
“Napano ‘yan?” matapang na tanong niya kay Syrel.
“Natamaan ng telekinesis ko. Napabuga ako ng hangin nang malaglagan ng barbel ang hita ko,” sagot nito.
“Buti nga sa ‘yo. Ayusin mo ‘yan,” aniya saka ito iniwan. Nakaganti rin siya sa wakas.
“Ang sama mo sa akin, Rhomz,” anito.
“Ganoon ka rin naman sa akin, alaskador,” buwelta niya. Dumeretso na siya sa palikuran.
Nang wala na siyang kausap ay naiisip na naman niya ang mga sinabi ni Trivor. Mukhang hindi siya patatahimikin nang dahil kay Nathan. Hindi puwedeng magkatotoo ang sumpa.