Aira
Puting ulap, katamtamang lakas ng hangin, bughaw na langit. Ang lahat ng bagay sa lugar na ito ay parehong-pareho sa lugar kung saan ako nanggaling, ang tanging pagkakaiba lang, ang dalawa at malaking buwan na nasa kalangitan.
Isang full moon at isang crescent moon na halos magkalapit lang ang kinaroroonan. Mataas ang sikat ng araw ngunit kitang-kita ang liwanag ng buwan, maging ang mga bituin ay naaaninag ang pagkutitap.
Ang mga talahib ay tila may limang talampakan ang taas. Kung iisipin, mas malaki pa ito sa akin.
Ramdam kong hindi ito ang lugar ko. Ngunit hindi ko masasabing wala ako sa sarili kong mundo. Ngunit, kakaiba ang panaginip na ito.
Paano ko nasabing hindi ito ang lugar ko? dahil sa isang malaking aso na nasa aking harapan.
Hindi ko pa rin makuhang igalaw ang aking katawan habang ako ay nakikipagtitigan sa isang malaking aso o masasabi kong isang malaking lobo.
Mahilig ako sa mga fantasy movie, ngunit hindi ko akalain na totoo ang mga bagay na ito. Sa tanang buhay ko, hindi man lang sumagi sa aking isip na mararanasan ko ang ganito. Tila pumasok ako sa isang palabas o libro na puno ng pantasya.
Matalas at nangninisik ang tingin sa akin ng lobo. Tumutulo ang kanyang laway na tila nagsasabing kapag ako ay gumalaw, pipirapirasuhin niya ang aking katawan.
Nanginginig ang aking katawan habang iniisip ang sasapitin. Pati ang aking luha ay nais nang pumatak dahil sa takot na bumabalot ngayon sa aking puso.
Kahit sino, pakiusap, tulungan nyo 'ko!
Bahagya akong nakaupo kaya nakangangalay ang aking posisyon. Dahil sa nanginginig kong kamay, aksidente ko itong naigalaw kaya ako ay nadulas mula sa aking pagkakaupo.
At dahil sa aking ginawa, nagsimulang gumalaw ang malaking lobo na nasa aking harapan. Tinaas niya ang kanyang ulo at binukas nang malaki ang mahaba at maraming ngipin niyang bibig.
Matinding takot at kawalang pag-asa ang bumalot sa aking buong sistema. Pakiramdam ko ay ito na ang huling araw ko sa mundong ibabaw.
Tila napakabilis ng pangyayari, nang makita ko ang pagsunggab sa akin ng malaking lobo na iyon, ginamit ko ang aking mga braso upang gawing pananggalang sa aking katawan, kahit na alam kong hindi ito sasapat.
Mariin kong pinikit ang aking mga mata at tinanggap na ito na ang aking katapusan. Ngunit lumipas ang ilang minuto, hindi ko pa rin nararamdaman ang mga pangil ng aso na iyon na bumaon sa aking katawan. Alam kong sa oras na ibaon niya ang pangil na iyon, agad akong mawawalan ng hininga.
Ngunit dahil hindi ko pa ito nararamdaman, marahan kong minulat ang talukap aking mga mata.
Nagulat na lang ako nang makita ko ang malaking aso na nakahandusay sa sahig. Naliligo ito sa sarili niyang dugo, labas ang kanyang dila at puti na ang kanyang mata.
A-Anong nangyari? tanong ko sa sarili.
Mabilis na lumundag ang aking balikat nang makarinig ako ng isang pagkaskas sa sahig o tila may isang kutsilyo na hinahasa. Hanggang sa matamaan ng aking mga mata ang isang lalaking naglalakad palapit sa aking kinaroroonan.
Mabilis na tumibok ang aking puso dahil sa kaba na aking nararamdaman.
Isang lalaking may malaking espada ang ngayon ay palapit sa aking kinaroroonan. Hila-hila niya ang kanyang malaking espada habang ito ay kumakaskas sa sahig. Ang kanyang mga mata ay walang bahid ng emosyon at kung ano mang damdamin. Nakasuot siya ng isang sleeve less na damit, makikita ang malaki niyang arm biceps dahil sa suot niyang ito.
Ang kaniyang panga ay tila may perpektong hugis, pati na ang kanyang malalim na mata, matangos na ilong, at ang kanyang labi na animoy inukit dahil sa ganda ng hubog.
Sandali, ano ba ang iniisip ko? Bakit parang pinupuri ko pa ang gwapo niyang hitsura?
Halos lumundag ang aking puso nang itaas niya ang kanyang matalim na espada at itutok niya sa aking mukha. Nakailang lunok ako at pagdasal para sa aking buhay dahil sa kanyang ginawa.
"Sabihin mo, sino ka? At anong ginagawa mo rito sa gitna ng kagubatan ng Peridious?" tanong niya sa akin. Ang malalim at malaking tinig ng lalaking ito ay lubhang nakakatakot. Nanatili akong nakaupo dahil hindi ko pa rin maigalaw ang aking buong katawan. "Sumagot ka, isa ka bang espiya galing sa ibang kaharian?" pagtanong niyang muli.
Mariin akong lumunok at pinilit na tumugon sa kaniya.
"A-Ako si Aira Samaras. A-At hindi ko alam kung bakit ako nandito. S-Sabihin mo, nasaan ba ako?" nauutal kong pagtatanong sa kanya.
Nakita ko ang pagkunot ng kanyang noo dahil sa aking sinabi.
"Sinungaling! Isa kang espiya!" sigaw niya.
Nakita ko ang paghawak niya sa espada gamit ang kanyang dalawang kamay. Marahas niyang itinaas sa ere ang espada, saka muli itong ibinaba na akmang ihahampas sa akin.
"Sandali lang! Nandito ako dahil dinukot ang ate ko!" mabilis kong sigaw saka mariing pumikit.
Napansin ko naman ang pagtigil niya sa kanyang balak na gawin.
"Ate? Sinong ate? At sino ang dumukot sa ate mo?" tanong niya.
Mabilis na namuo ang luha sa aking mga mata nang maalala ko ang nangyaring pagkuha kay Ate Faria.
"Hindi ko alam, i-isang hindi kilalang lalaki na nakasuot ng isang hooded jacket. Nakita ko na may hawak siyang itim na bola at ito ang humigop sa akin, sa amin ng ate ko." tila nagsusumbong kong saad.
Mabilis kong hinawakan ang aking balikat at niyakap ang aking sarili. Pakiramdam ko, lahat ng takot at pagkagulat sa aking puso ay ngayon lang pumasok sa aking isip. Naramdaman ko ang malakas na pagkanginig ng aking katawan dahil sa takot. Ang aking mga labi ay tila paralisado na halos ayaw nang bumukas.
Gusto ko nang umuwi sa amin. Baka panaginip lang ito, gusto ko nang bumalik! Gusto ko nang bumalik sa tunay kong mundo.
"Patawad." Narinig ko ang isang malumanay na tinig ng isang lalaki. Bahagya kong tinaas ang aking nakayukong ulo at nakita ko ang nakalahad niyang kamay sa aking harapan. "Pasensya na kung pinagdudahan kita, Bata."
B-Bata?
Inilagay niya ang kanyang espada sa isang malaking lalagyan na nakasabit sa kanyang likod, saka niya muling nilahad ang kanyang kamay sa aking harapan.
"Halika, sasamahan kitang hanapin ang magulang mo."
Tila may sariling buhay ang aking katawan dahil dahan-dahan kong tinanggap ang kamay niyang iyon. Ngunit nang maglapat ang aming mga palad, may kung anong kuryente ang gumapang sa aking katawan.
Ang buong paligid ay nabalutan ng kulay puti. Maya-maya lang, unti-unti itong nagliwanag. Ang kalangitan ay naging kulay dugo, ang paligid ay nabalutan ng itim na usok. Nakita ko ang isang babaeng nakatalikod sa akin. May kakaiba siyang kasuotan na animoy galing sa isang maharlikang pamilya.
Nakatayo siya sa isang mataas na burol at nakatingin sa isang nasisirang kabahayan. Nilalamon ng malakas na apoy ang paligid at malakas ang hangin na dumadampi sa aking katawan.
Maya-maya lang, ang babaeng nakatalikod ay unti-unting humaharap sa akin, hanggang sa maaninag ko ang kanyang mukha — siya si Ate Faria, ang aking kapatid.
Nang makita ko ang kanyang mukha, muling bumalot ang isang napakalakas na liwanag sa aking paligid. Ang aking paningin ay tuluyang naging puti, hanggang sa muli itong luminaw. Sunod-sunod ang hugot ko sa aking hininga na animoy galing sa pagtakbo, napansin ko ang nakataas kong kamay at ang lalaking ngayon ay nakaupo sa aking harapan, nababakas ang gulat sa kanyang mukha.
"A-Ano 'yon?" tanong niya. "A-Ano ang bagay na 'yon?"
Kumunot ang aking noo dahil sa kanyang sinabi. Nababakas ang pagtataka at maraming tanong sa kanyang mukha. Hanggang sa nanlaki ang aking mga mata dahil sa marahas niyang paghawak sa aking kamay at pilit akong pinatayo.
"Halika! Sumama ka sa akin, kailangan kang masuri ng aking ama."
"S-Sandali lang, saan mo ba ako dadalhin?" sigaw ko, sabay sa pagpupumilit kong kunin ang aking kamay. Ngunit sadyang malakas ang palapulsuhan ng lalaking ito, dahil kahit anong gawin kong hatak ay hindi ko matanggal ang mahigpit niyang kapit. "Aray! ano ba? Nasasaktan ako!" sunod-sunod kong sigaw habang patuloy sa paglalakad at pagkaladkad niya sa akin.
Ngunit nang mamasdan ko ang paligid na aming nilalakaran at tuluyan kaming makalagpas sa malawak na kagubatan. Nanlaki at namangha ang aking mga mata. Ang aking bibig ay kusang bumukas dahil sa aking mga nakikita.
Hindi lang pala buwan ang kakaiba sa lugar na ito. Natanaw ko ang malalayong isla na nakalutang sa paligid.
Oo, nakalutang sila, kitang-kita ang lumulutang na lupa nito. Ang ilalim ay purong ulap at hindi mo matatanaw ang kasukdulan, animoy bangin na walang katapusan.
Ang bawat isang isla rito ay nakatali sa malalaking bakal na animoy nagsisilbing kadena ng kanilang lupa upang ang bawat isla ay hindi maghiwahiwalay.
Nang itaas ko ang aking ulo, halos malaglag ang aking panga nang matanaw ko ang isang ibong lumilipad mula sa himpapawid. Unti-unti itong lumalapit at sa bawat paglapit nito, palaki ito nang palaki, hanggang sa mapagtanto ko na ang malaking ibon na aking nakikita ay hindi isang ibon, kundi isang dragon.
"Anong lugar ito? N-Nasaan ako?" mahina kong saad sa sarili, ngunit hindi ko akalain na maririnig ito ng lalaking may hawak sa akin ngayon.
"Nandito ka sa kaharian ng Peridious."
"Kaharian ng Peridious?"
"Oo, ito ang central kingdom ng buong kaharian."
"A-Anong sinasabi mong kaharian, anong kingdom? Sandali nga, kuya!" pagsigaw ko sa kanya at pilit kong hatak sa kanyang kamay dahilan upang tumigil siya sa paglalakad. Ngunit ang mahigpit na hawak niya sa akin ay hindi pa rin naaalis. "Magtapat ka nga sa akin, nakadroga ka ba? Adik ka, ano?"
Nakita ko ang pagkunot ng kanyang kilay at ang inis sa kanyang mukha.
"Mis, hindi ko alam kung ano ang iyong sinasabi. Ang nais ko lang, malaman ang dahilan kung bakit kumislat ang Aether nang magdaumpalad ang ating mga kamay."
"S-Sandali nga." Nang maramdaman ko ang pagluwag ng pagkakakapit niya sa aking kamay, agad ko itong hinila. "Paumanhin, ginoo. Ngunit maaari ba tayong mag-usap nang ayon sa ating henerasyon? Ang lalim, eh."
"Ano ba ang iyong sinasabi."
"Ah, basta! Ayusin mo nga ang pagsasalita, hindi ako sanay sa ganyan!" panunumbat ko, ngunit tila kahit anong gawin kong paliwanag sa kanya, wala naman siyang naiintindihan.
Tagalog naman ang usap ko, hindi ba?
Masyadong sinauna ang pagsasalita ng lalaking ito.
Naramdaman ko na naman ang muli niyang paghawak sa aking kamay.
"Sumunod ka na lang sa akin. Malalaman mo ang sagot sa tanong mo," saad niya, saka niya ako muling hinila.
Wala na akong nagawa at hinayaan ko na lang ang aking sarili na sumama sa kanya. Nais ko rin malinawan sa mga bagay na sinasabi niya, dahil bukod sa para siyang sinaunang tao magsalita, hindi ko maintindihan iyong kingdom kingdom niya, ang alam ko lang ay Enchanted Kingdom na madalas naming puntahan at Magic Temple na paboritong palabas ni daddy.
***
Hindi ba uso ang sasakyan sa lugar na ito? Kanina pa kami naglalakad at hindi ko na alam kung gaano kalayo ang nilakad namin. Pakiramdan ko magkaka-muscle na ang aking paa dahil sa paglalakad.
"M-Mister Kingdom," pagtawag ko sa kanya, ngunit hindi siya lumingon. "Hoy, Sir. Pogi!" muli kong pagtawag.
Bingi ba ang taong ito? Gwapo sana kaso bingi!
"Aray!" Mabilis akong napahawak sa aking ilong nang tumama iyon sa likod ng lalaking ito dahil sa biglaan niyang paghinto. "A-Ano ba naman 'to!?"
Nakita ko ang matalas niyang tingin sa akin dahilan upang ako ay kabahan.
"Zeth Archibald ang pangalan ko," bigla niyang sabi.
"Zeth Archi... What?" Bumuntonghininga siya saka muling naglakad. Ako naman ay kusang sumunod sa kaniya.
"Oo nga pala, Zeth. Ano 'yung malaking aso kanina?"
"Isa iyong lobo," tugon niya. "Sila ang mababangis na hayop na dati'y alagad ni Queen Regina. Ngunit nang pamunuan ni Hadium ang underworld, tuluyan nang naging masama ang mga lahi ng lobo."
Kamot ulo ako habang nakakunot ang noo dahil sa kanyang mga sinasabi. Ito na naman ang pagiging wirdo ng lalaking ito. Hindi ko alam dahil tila ayaw pumasok sa aking isip ang mga bagay na kaniyang sinasabi, wala akong maintindihan. Pakiramdam ko ay batak sa droga ang taong ito kaya kung ano-anong lumilipad sa utak, ang nais ko na lang ay magising na sa panaginip na nararanasan ko ngayon.
Gamit ang aking kuko, mariin kong kinurot ang aking pisngi, napangiwi naman ako agad dahil sa sakit na aking naramdaman.
"Pakshet, ang sakit! Hindi nga ako nanaginip."
Bumalik sa ulirat ang aking isip nang maramdaman ko ang isang bagay na aming tinatapakan. At nang makita ko ang bagay na iyon, halos lumundag palabas ng dibdib ang aking puso dahil sa kaba.
Isang hanging bridge ang aming dinadaanan ngayon na tila marupok na ang lubid pati ang mga kahoy. Sa ilalim nito ay tila walang hanggang bangin na natatakpan ng makakapal na hamog.
Mariin kong pinikit ang aking mata dahil sa takot na aking nararamdaman.
"Zeth!" Pagtawag ko sa kanya. "T-Talaga bang dito lang ang daan?" Pero tulad ng dati, hindi na naman siya sumagot.
Patuloy ang aking pagdarasal habang hinahakbang ko ang aking mga paa sa marupok na hangging bridge na iyon. Nananalangin ako na sana ay makatawid ako sa dulo bago pa ako mahimatay sa takot.
Nakahinga ako nang maluwag nang sa wakas ay makatawid kami roon. Ngunit sa pagkakataong ito, nang ilibot ko ang aking paningin sa paligid, pakiramdam ko ay ang tulay na iyon ang nagsilbing portal patawid dito sa isang bagong lugar.
Tumambad sa aking mata ang isang abalang bayan. Ang kanyang hitsura ay halingtulad sa intramuros ng Maynila. Tila nasa makalumang panahon ako. Karwahe lang ang sasakyan at ang mga tao ay may mahahabang kasuotan na animoy intsik ang pananamit.
"Halika," saad ni Zeth sabay hila sa aking kamay.
***
Iba't ibang tanong ang tumatakbo sa aking isip ngayon. Pakiramdam ko ay napunta ako sa isang computer games o sa loob ng isang libro dahil sa mga kakaibang bagay na nangyayari ngayon sa aking paligid.
Kasalukuyang nakakunot ang aking noo habang nakatayo sa isang malawak na sahig at nakatingin sa mga taong nakaluhod ngayon sa aking harapan.
Sinama ako ni Zeth dito sa isang malaking palasyo at ngayon, ang mga taong ito ay bigla na lang lumuhod at yumuko sa akin.
"Maligayang pagbalik, mahal na reyna!" sabay-sabay na saad ng mga tao rito na animoy nagsasabayang pagbigkas.
Pakiramdam ko, kapag nagtagal ako sa lugar na ito, magiging adik na rin ako tulad ng mga taong ito.
Ate Faria, nasaan ka na ba?