Kabanata 31:
Kung gaano kagarbo ang palasyo ng Infinita, ganoon naman kasimple ang mga bahay rito sa komunidad ng mga diwata. Ang mga bahay rito ay bahay-kubo lamang ngunit maganda at maaliwalas kung titingnan. Ang mga bata ay masayang nagtatakbuhan sa patag na daan. Habang ang mga matatanda nama’y abala sa kani-kaniyang gawain.
Hindi niya maintindihan ang nararamdaman ngayon. Maaliwalas ang lugar na ito ngunit bakit tila ba may problema? Tila may mali.
Nang mas papalapit na sila sa mga diwata, tuluyan na silang napansin ng mga ito. Nakita ng mga mata niya kung paanong dali-daling huminto sa paglalaro ang mga bata, kasunod rin ng paghinto ng mga diwata sa kani-kanilang ginagawa.
Mabilis na lumapit sila kila Brenda at Archer na para bang takot ang mga ito. Ang iba’y dumako ang tingin kay Johnson at nagbulungan.
“Magandang hapon sa inyong lahat,” bati ni Brenda sa mga diwata.
Bumati rin ang mga diwatang naroon ngunit sa ibang lenggwahe, hindi niya maintindihan.
“Narito kami para sa buwanang bisita,” panimula ni Brenda.
Naglakad ito papunta sa unang bahay na malapit sa kanila. Si Archer ay pinauna siya habang nakasunod sa kanya. Wala siyang maintindihan sa mga ginagawa nila Brenda.
Nang makapasok siya sa bahay ay isang matandang lalaki ang nag-abot ng kapiranggot na butil—tila ginto.
“Naku ho, kulang ito,” ani Brenda.
“Ay, pasensya na Prinsesa Brenda. Mahina na kasi ako n-nitong nakaraan. . .”
Tumango lamang si Brenda saka tinapik ang balikat ng matanda.
“Ikaw na naman ang magdadagdag?” halatang naiiritang tanong ni Archer.
“Ano pa nga ba?” nakangising sagot nito.
Hindi sana papansinin ni Brenda ang nangyayari ngunit sa sumunod na mga pinto ng bahay ay sunod-sunod na ang pagbibigay ng tila gintong butil. Sa kanilang paglalakad ay unti-unti na niyang nahihinuha kung ano nga ba iyong ibinibigay ng mga diwata.
“Hinihingian n’yo ba sila ng buwis?” tanong ni Johnson nang huli’y huminto sila sa pinakamalaking bahay na napuntahan nila rito sa komunindad.
Parehong lumingon si Brenda at Archer. Halata ang pagkagulat nila sa biglaang tanong niya.
“Buwis?” takang tamong ni Archer.
“Oo, 'yong tax,” sagot niya.
“Alam namin kung ano iyon, hindi mo na kailangang inglisen. Hindi buwis ang hinihingi natin.”
“E ano?”
“Lakas,” sabat ni Brenda. Nilingon niya si Brenda na ngayon ay nakatingin sa kanya nang seryoso. “Ang hinihingi namin ay ang bahagi ng kanilang lakas na naiipon sa maghapon. Iniipon namin ito upang magamit sa oras ng digmaan. Ang lahat ng mga mamamayan na narito ay puprotektahan gamit ang lakas na ibinigay nila sa amin.”
“Anong klaseng lakas?” takang tanong niya.
“Iyong kapangyarihan nila.”
Habang nangongolekta sila ng mga lakas, ipinapaliwanag ni Brenda sa kanya ang mga kayang gawin nito sa oras ng sakuna. Gagawa'n sila ng tila protective shield sa buong mamamayang ito, kung gaano karami ang nakolekta, ganoon din kalakas. Ngunit nitong nagdaan lang ay pakaunti nang pakaunti ang binibigay ng mga diwata, iyon ay dahil sa paghihirap din nila.
Natapos silang mangolekta ng mga lakas na anyong ginto. Inilagay ni Brenda ang mga naipong lakas sa isang sisidlang nasa loob lang din ng bitbit niyang bag. Medyo nakaka-amaze na maliit lang ang bag na dala niya ngunit marami ang pwedeng mailagay. Ni hindi nga halos napansin ni Johnson na may dala pala itong bag! Ganoon kalupit ang bag ni Brenda’ng mas malupit pa sa bag ni Dora.
Muli silang nagpatuloy sa paglalakad, pabalik na ngayon sa palasyo. Nang makabalik na sila’y doon lang nakaramdam ng pagod itong si Johnson.
Hindi na siya nagtangkang magbukas ng usapan kila Brenda at Archer. Dire-diretso siyang naglakad patungo sa kanyang kwarto pagkabukas ng elevator sa palapag kung saan ang kwarto niya.
Walang pagdadalawang-isip na nahiga siya sa kama, patihaya saka ipinikit ang mga mata. Sa kanyang pagpikit, mabilis siyang nakatulog. . .
Ilang saglit pa’y nakaramdam siya ng pagbagal ng kanyang paghinga. Tila may nakadagan sa kanya. Iminulat niya ang kanyang mga mata at sinubukang gumalaw ngunit hindi niya magawa. Tila bumalik siya sa unang beses na makaramdam siya ng sleep paralysis.
Sa pagpapatuloy niya sa ganoong sitwasyon, ilang saglit pa ay nakarinig siya ng tunog ng sapatos na inaapak sa sahig. Marahan ang bawat paglalakad. Sinubukan niyang ikutin ang kanyang paningin upang hanapin kung saan iyon nanggagaling. Ngunit wala siyang mahanap, hindi niya mahagilap.
Ngayon naman ay sinubukan niyang igalaw ang kanyang mga daliri, ngunit kahit anong subok niya’y hindi niya magawa.
“Ikaw pala si Johnson. . .”
Marahas na napalunok siya nang marinig ng baritonong boses, tila isang kontrabida sa pelikula.
Gusto niyang magsalita, gusto niyang ibuka ang kanyang bibig mgunit kahit iyon ay hindi niya magawa. Tanging ang mga mata niya lamang ang nakagagalaw.
“Ikaw ba talaga ay anak ni Lucas? Walang bahid ng wangis niya ang mukha mo,” anito.
Hindi niya pa rin nakikita iyong nagsasalita. Unti-unti na siyang kinakabahan, ngunit wala siyang magawa kundi ang patuloy na subukang gumalaw mula sa kanyang kinahihigaan.
“Hngggg!” isang impit na tili ang napakawalan ng kanyang bibig nang sa wakas ay naibuka na niya iyon.
“Akala ko pa naman ay may laban ka sa akin, sinong mag-aakalang ang inaasahan nilang tutulong sa kanila’y madali lamang pabagsakin?” humalakhak ito kasunod ng sinabing iyon.
Unti-unti na siyang naiinis. Sino ba namang hindi maiinis kung may daldal nang daldal sa kung saan na hindi niya manlang makita?
“Kung tutuusin, kaya kitang patayin ngayon din. Pero, gusto kong maglaban tayo mismo sa harap ng mga taong nasasakupan ni Rajan. Upang malaman nila kung gaano kalampa ang napili nilang susunod na Hari,” dagdag pa nito.
Ngayon ay mas pinilit na niyang makagalaw. Hinihingal na siya mula sa pagkahabol ng kanyang hininga. Gustong-gusto na niyang makawala at sungalngalin kung sino man ang lalaking panay yabang, hindi naman makalaban ng patas!
“Sa ngayon, patitikimin na muna kita,” anito.
Kasunod ng sinabi niya ay ang biglaang paghigpit sa kanyang leeg. Tila ba may nakahawak na mga kamay at marahang hinihigpitan ang pagkakasakal sa kanya.
Kinakabahan na siya sa maaaring kahinatnan nito! Pero habang kakabakaba siya’t patuloy na humihigpit ang pagkakasakal, pumasok sa isip niya ang sinabi sa kanya ni Brenda. . .
“Ang isip ay makapangyarihan.”