Kabanata 19

1076 Words
Kabanata 19: Kumaripas nang takbo si Johnson nang tumalikod na si Ulysses. Hindi na siya makapaghintay na malaman kung ano man ang nasa loob ng kakahuyang ito. Noong nakaraang araw niya pa napapansin na iniiwas siya ni Ulysses sa parteng ito. At sa mga araw na dumadaan, mas lalo siyang naku-curious kung ano nga ba ang pinaghihintay pa ni Brenda.  “Prinsipe Johnson!” rinig niya tawag sa kanya ni Ulysses. Ngunit wala siyang pakialam. Patuloy pa rin siyang tumatakbo kahit na hindi niya alam kung saan ba siya tutungo. Sa kanyang pagtakbo, masasabi niyang wala namang kakaiba sa mga nakikita niya. Puro puno lamang, mga tuyong puno, mga matataas at malalaking puno, at walang katapusang puno. Ngunit sa pagdaan ng ilang minutong pagtakbo, at ilang minuto ring puro sigaw ni Ulysses ang kanyang naririnig, unti-unti ay natatanaw niya ang liwanag ‘di kalayuan. Mas lalo niyang binilisan ang pagtakbo, nasasabik na makarating sa liwanag na iyon. . . hanggang sa. . . “Ang tigas talaga ng ulo mo ‘no?” Bumilog ang mga mata ni Johnson nang bigla na lamang lumitaw sa harapan niya si Brenda. Hindi niya alam kung paano ito napunta sa harapan niya. Basta sa pagkurap ng kanyang mga mata, nasa harapan na siya! “Bakit ba ayaw ninyo akong papuntahin doon?” hinihingal na tanong niya. Hinahabol niya ang kanyang hiningang napahawak sa mga tuhod. Sino bang hindi hahabulin ang hininga kung mabilis pa yata sa kabayo ang pagtakbo niya? “Mahina ka pa, Johnson. Hindi pwedeng nagpapadalos-dalos ka sa mga aksyong ginagawa mo,” naiinis na ani Brenda.  Kumalat ang pait sa dibdib ni Johnson, tila insulto iyon para sa kanya. Kaagad siyang bumuga ng marahas na hininga bago tuluyang tumayo at hinarap si Brenda. “Oo na, mahina na ako. Pero bakit hanggang ngayon, hindi mo pa rin ako pinag-te-training?” Napakamot si Johnson sa ulo niya. “Ilang araw na akong tengga rito. Paikot-ikot sa palasyo, tapos kakain, matutulog. Nakakabagot!” reklamo niya. Hindi sinagot ni Brenda ang mga reklamo niya, sa halip ay nag-angat ito ng tingin sa kanyang likuran na naging dahilan para lingunin niya rin iyon. Naroon na si Ulysses habang hinihingal pa mula sa mabilis na pagtakbo. “Gusto sana kitang pagpahingahin muna, pero mukhang gusto mo na kaagad sumabak sa sakit ng katawan. Pwes! Halika na sa palasyo at pagbibigyan ko iyang gusto mo.” Biglang gumuhit ang kaba sa mukha ni Johnson. Kung pagdating kay Ulysses ay siya ang boss, kay Brenda ay biglang nag-iiba ang ihip ng hangin. Para siyang tutang mabilis na sumusunod. “Saan ka ba kasi galing?” nakangusong tanong ni Johnson habang naglalakad, nakasunod kay Brenda. Pero hindi sumagot si Brenda, mukhang inis pa rin ito sa kanya. Kaya minabuti na lamang niyang manahimik kaysa mas lalo pang uminit ang ulo nito. Nauuna si Brenda habang si Ulysses naman ay tahimik na sumusunod sa kanya.  Sa kanilang paglalakad, bigla silang napatigil nang isang kakaibang tunog ang kanilang narinig. Kaagad na napalingon si Johnson sa kanyang likuran, naroon pa rin si Ulysses, hawak ang hawakan ng kanyang sandata. Isang malakas na pagaspas ng pakpak ang papalapit sa kanila! “Dapa!” sigaw ni Ulysses. Nanlaki ang mga mata ni Johnson nang isang malaking-malaking ibon ang papalapit sa kanila. Natulala pa siya’t hindi nakakilos, mabuti na lang ay itinulak siya ni Ulysses. Sabay silang napadapa sa lupa at damuhan kasunod ng pagdaan ng malaking ibon. Kamuntikan na silang matamaan! “s**t! Ano ‘yon?!” takang tanong ni Johnson. “Shh!” saway ni Brenda. Hinawakan siya ni Brenda sa kanyang likuran habang si Ulysses din ay ganoon ang ginawa. Isang nakakahilong pagyanig ang kanilang naramdaman nang bumaba ang nilalang sa lupa. Nang mag-angat ng tingin si Johnson, nakita niya kung ano ang malaking nilalang na iyon. Hindi pala iyon ibon, kundi tila isang dragon! “A-anong–” Mabilis na tinakpan ni Ulysses ang bibig ni Johnson. Halos hindi siya makahinga sa paraan ng pagtakip nito sa kanyang bibig. Gusto niya sanang alisin ang kamay nito ngunit hindi na niya nagawa pa nang yumanig ang lupa sa pagyabag ng dragon sa lupa. Nanlalaki ang kanyang mga mata. Kulay berde ang balat ng dragon, parang sa buwaya ang kaliskis nito. Ang mga mata ay kulay pula at ang ngipin nito’y malalaki. Kulay pula rin ang mga mata nitong bilog na bilog. Mayamaya pa’y bigla itong umatungal nang malakas. “Maghihintay lang tayo na umalis siya,” mahinahong bulong ni Brenda. “Huwag kang maingay,” dagdag pa nito. Tumango si Johnson at saka pa lang binitiwan ni Ulysses ang kanyang bibig. Mag-iingay pa ba siya sa lagay nilang iyon? Tahimik silang naghintay roon habang panay pa rin ang pag-atungal ng dragon. Ngunit ilang minuto na silang nakaupo roon, hindi pa rin ito umaalis at panay pa rin ang ungol ng dragon, tila nasasaktan. “T-teka nga,” ani Johnson. Nag-angat siya ng tingin saka sinulyapan ang dragon. Kaunting lakad lang ay naroon na ang dragon, nasa tabi ito ng malaking malaking puno. Pinasadahan niya ng tingin ang dragon, doon niya napansin na ang isang paa nito ay may sugat, at mukhang iyon ang kanyang iniinda. “Mukhang hindi yata tayo aawayin ng dragon,” bulong niya. “Ano?” takang tanong naman ni Brenda. “Tingnan ninyo, kailangan niya ng tulong.” Itinuro ni Johnson ang sugat sa paa ng dragon. Nagkatinginan naman si Brenda at si Ulysses na kapwa hindi nagugustuhan ang ibig ipahiwatig ni Johnson. “Huwag mong sabihing–” Hindi pa man natatapos ni Brenda ang sasabihin niya ay tumayo na bigla si Johnson. “H-hoy!” kabadong tawag ni Ulysses. Alam nila pareho na kaya nilang labanan ang isang dragon, ngunit ayon sa kanilang batas, bawal ang pumatay ng dragon. Iyon ay dahil kakaunti na lang ang lahi nila at para sa kanila ay bawat buhay ay mahalaga. “Johnson!” mariing tawag ni Brenda.  Ngunit hindi sumunod si Johnson, patuloy itong naglakad palapit sa dragon. Sa sumunod na hakbang nito, malapit na malapit na talaga siya, biglang tumayo si Brenda. Doon lumingon sa kanila ang dragon.  Isang marahas na atungal ang pinakawalan ng dragon. Si Brenda ay natatakot na para kay Johnson ngunit tila wala itong takot. Mas lumapit pa ito sa dragon. “Johnson! Ano ba?!” hindi na napigilang sigaw ni Brenda. Sa patuloy na paglapit ni Johnson, unti-unting tumayo ang dragon, kasunod nang bigla nitong pagbuga ng apoy.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD