Kabanata 29:
Hindi makatulog si Johnson dahil hindi mawala sa kanyang isipan ang sinabi ni Brenda tungkol sa judging room. Ilang beses na siyang bumuntonghininga, at kahit na anong pilit niyang ibaling sa iba ang kanyang atensyon, bumabalik pa rin doon.
Naiisip niya, kung paano ang mangyayari sa sarili niyang ama sa oras na mahuli na ito ng mga diwata? Gaya ng sinabi ni Brenda, papatayin siya. Ngunit kahit saang anggulo, ama niya pa rin ito. Kahit na hindi niya pa naman ito nakikita at lubusang nakikilala, pakiramdam niya’y mali ang mamatay ito dahil sa kanyang mga nagawa. Dahil para kay Johnson, gaano man kalaki ang kasalanang ng isang nilalang, hindi nararapat na mahatulan ito ng kamatayan.
Imbes na matulog na dahil gabi na ay naisipan niya pang lumabas. Nagsuot siya ng makapal na roba saka lumabas ng kanyang kwarto. Naroon si Ulysses na matiyagang nagbabantay pa rin.
“Hindi ka ba matutulog?” takang tanong niya.
Pagpasok niya sa kwarto, naroon na si Ulysses, at sa tuwing gigising siya o kaya naman ay lalabas, naroon pa rin ito. Nagtataka tuloy siya kung natutulog pa ba itong kawal na naatasang magbantay sa kanya.
“Ikaw? Bakit hindi ka pa natutulog?” balik-tanong nito.
Umiling siya, “hindi ako makatulog, balak ko sanang magpahangin na muna.”
Marahang tumango si Ulysses. “Sasamahan kita.”
Ganoon nga ang nangyari, sinamahan ni Ulysses si Johnson palabas ng palasyo. Pumuslit lang sila dahil hindi na puwedeng lumabas nang ganitong oras. Game na game din kasi itong si Ulysses, siguro’y nababagot na sa kababantay lang sa labas ng kanyang kwarto.
Nang makalabas sila ay pinili ni Johnson ang maglakad-lakad sa hardin ng Infinita. Madilim na at ang liwanag ng buwan maging ang liwanag ng insektong alitaptap na lamang ang nagbibigay liwanag sa paligid. Ang gaganda ng mga kakaibang bulaklak na narito, may kulay asul na bulaklak, may kulay bahaghari din.
Sa kanilang paglalakad, huminto sila sa kung saan mas maraming alitaptap. Inilahad ni Johnson ang kanyang kamay saka sumubok humuli ng alitaptap. Hindi naman siya nabigo, nakahuli siya ng isa.
“Ilang taon ka na?” biglang tanong ni Johnson kay Ulysses habang nakadapo ang alitaptap sa kanyang kamay.
“Bakit bigla mong naitanong?” tanong ni Ulysses na ngayon ay pumitas ng bulaklak na kulay bahaghari.
“Gusto ko lang sanang malaman kung naabutan mo ba ang na maayos pa ang mundo ng Infinita. . .” sagot ni Johnson.
Habang pinagmamasdan niya kasi ang mga halaman sa hardin, ang mga bulaklak at ang tanaw mula rito na tirahan ng mga mamamayan Infinita, napaisip siya. Maganda kaya ang naging buhay ng mga taga Infinita noon?
“Pitong taong gulang ako noong ginulo ng mga mangkukulam ang Infinita matapos kang ipadala sa mundo ng mga tao,” panimula ni Ulysses. “Natatandaan ko noon, maaliwalas ang langit, mabango ang simoy ng hangin. Makapaglalaro ka sa kahit saan nang walang pangamba.”
Nakaramdam ng lungkot si Johnson sa tono ng mga sinasabi ni Ulysses. Ramdam niya kung paano ito mangulila sa mundong gusto niyang balikan. Nandito lang naman sila sa mundong iyon pero parang nangungulila pa rin.
“Naniniwala ka bang kaya kong ibalik ang mundong ito sa kung anong mayroon noon?” tanong niya rito.
Nilingon siya ni Ulysses. “Oo, naniniwala ako sa ‘yo.”
“Hindi ako sigurado kung magagawa ko ba. . .” sagot niya.
Madalas na walang ekspresyon itong si Ulysses ngunit sa pagkakataong ito, bigla itong ngumiti. Na hindi niya akalaing sa kanya pa talaga.
“May tiwala ako sa ‘yo, nararamdaman kong kaya mong ibalik ang mundong gusto naming balikan.”
Pakiramdam ni Johnson, pasan niya ang buong Infinita nang dahil sa sinabing iyon ni Ulysses. Dahil sa tiwalang ibinigay sa kanya nito, lumakas ang loob niya at mas gusto na niyang ipaglaban ang mundong ito. Kung ang paglaban niya sa sarili niyang ama ang magiging daan para maging maayos ang lahat, siguro nga’y kinakailangan niyang gawin.
Kinabukasan ay nakaramdam si Johnson ng kakaiba. Pakiramdam niya’y isang bagay na nadagdag sa kanya. Hindi niya maintindihan ang kanyang sarili, para bang lumulutang siya na hindi maintindihan. Nang subukan niyang bumangon, nakaramdam siya ng hilo. Doon niya pa lang idinilat ang kanyang mga mata. Sa pagmulat ng mga mata niya’y bumungad sa kanya ang gulo-gulong imahe. Hindi lang basta malabo, tila ba lumulutang ang mga gamit, tila lumambot ang mga ito.
Napahawak siya sa ulo niya sabay pikit kasunod ng nakabibinging ingay sa kanyang tenga. Isang diretsong tunog.
Hindi na niya natiis, malakas na sigaw ang pinakawalan niya. Malakas na malakas hanggang sa—isang malakas na kabog ang pumutol sa matinis na tunog na bumalot sa kanyang tainga.
“Johnson!”
Napadilat siya ng mga mata at natigilan nang makita ang nangyari sa paligid. Gulo-gulo ang mga gamit, basag ang lahat ng mga nakasabit na malalaking frame. Ang mga kabinet ay nasira, ang lamesa maging ang upuan ay ganoon din. Halos lahat ay sira. Hindi niya alam kung ano ang nangyari.
“A-anong—”
“Ayos ka lang ba?” halatang nag-aalalang tanong ni Brenda.
Umawang ang kanyang labi saka muling inilibot ang tingin sa paligid. “Kanina, nagising ako na para bang nahihilo, tapos ang gulo ng mga nakikita. Sumakit din ang ulo ko sa nakabibinging tunog,” paliwanag niya.
Hindi sumagot si Brenda, sa halip ay naglakad ito palapit sa kanya. Hinawakan nito ang magkabila niyang pisngi saka inangat ang tingin sa kanya. “Anong nararamdaman mo?”
Tugdug. Iyon ang nararamdaman ni Johnson. Unti-unting bumibilis ang t***k ng kanyang puso dahil sa paraan ng pagtitig sa kanya ni Brenda. Hindi niya maintindihan. Hindi dapat ito ang kanyang maramdaman. Magulo na nga ang kwarto niya matapos ng nangyari sa kanya pagkagising niya, ito pang lintek na puso niya ang dapat niyang intindihin?
“A-ako ba ang may gawa nito?” kabadong tanong niya.
Marahang tumango si Brenda saka marahang binitiwan ang magkabila niyang pisngi. “Ibinalik na sa iyo ang sampung porsyento ng iyong kapangyarihan. Sampung porsyento pa lamang ito pero ganito na ang epekto.”
Napakurap si Johnson. Ibig sabihin, siya nga talaga ang may gawa. . .
“Paano nangyari? Hindi ko maalalang nagawa ko ito.”
“Side effect ito ng pagbabalik sa ‘yo ng kapangyarihan. Kailangan mong sanayin ang sarili mong kontrolin ang kakayahan mo.”
“Paano?” tanong niya habang hindi pa rin maka-move on sa damage na nagawa niya.
“Sa ngayon, linisin muna natin itong mga kalat na ginawa mo.”