Chapter Six
"Pumayag kang magpakasal sa kanya?" excited na tanong ni Jeky. Siya ang may dala ng pagkain ko. Hindi man ako nagkwento rito ay mukhang may idea naman na ito. "Well... nagtatanong lang kasi tiyak ako na kung hindi ka pumayag ay busog na ang mga alaga ni boss. Pero dahil nandito ka ay ibig sabihin lang no'n ay pumayag ka na."
"Napilitan akong pumayag, Jeky. Ayaw ko palang mamatay," amin ko rito. Seryoso ako pero ang lakas ng tawa nito. May nakakatawa ba sa sinabi ko?
"Gusto mo bang makilala ang soon-to-be husband mo?" magandang tanong iyon. Gusto ko bang makilala? Well, hindi ko gusto pero kailangan ko itong makilala.
"Sino ba si Saint Luther Lucchetti, Jeky?" alam kong leader ito ng mafia. Alam kong mapanganib itong tao. Pero alam ko ring marami pa akong kailangan malaman dito.
"Si Boss Saint Luther Lucchetti ang nagha-handle ng mga negosyo nila rito sa Asia. May legal at illegal. Sobrang yaman ng mga Lucchetti. Ang angkan nila ay involved talaga sa mafia."
"Bakit hindi sila hinuhuli ng pulis?"
"Sa tingin mo ba'y hahangarin ng gobyerno na banggain ang Lucchetti Mafia? Ang narinig ko pa nga... sa tuwing nagkakaroon ng investigation ay walang makuhang evidence ang mga kapulisan laban sa kanila. Bukod sa malawak ang sakop ng kapangyarihan ng mga Lucchetti ay malinis din silang trumabaho."
"Nakita mo na ba silang pumatay?" tanong ko rito.
"Oo, girl!" medyo takot pa ang tinig nito. Siguro'y naalala niya iyong tagpong iyon dahil sa tanong ko.
"Talaga?" sunod-sunod itong tumango.
"Kapag sinabi nilang kaya nilang pumatay... kaya talaga nila, Cecilia. Iyong may nagtraydor sa grupo... aksidente kong nakita no'ng barilin ni Boss Saint. Kitang-kita talaga ng dalawang mata ko. Pero ginawa niya iyon dahil sa labis na galit niya. Pito sa kanyang tauhan ang napahamak dahil sa traydor."
"Ano pa ang pwede kong malaman kay Saint?" seryosong tanong ko. Hindi ko na nagalaw ang pagkain ko dahil focus na ako sa pagtatanong dito.
"Single si boss. Pero nagdadala iyan ng iba-ibang babae rito. Minsan isa... minsan dalawa... tatlo ang pinakamarami niyang dinala. Dati hindi ganyan... may girlfriend si boss na bigla na lang naglaho. Dahil doon ay nagbago talaga si boss. Dati'y loyal ngayon ay babaero na. Parang laruan na lang sa kanya ang mga babae. Hindi ko rin naman masisisi ang mga babaeng iyon. Sobrang pogi ni boss. Mukhang magaling din sa kama. Kaya marami talagang kiri na handang bumukaka sa harap niya," tumango-tango lang ako saka muling kumain.
Pagkatapos kong lunukin ang kanin ay nagtanong pa ako rito. "Anong pangalan no'ng babaeng mahal niya?"
"Naku! Huwag mo na lang alamin, Cecilia. Kasi ang pangalan na iyon ay sobrang bawal banggitin dito sa mansion. Hindi ko sasabihin sa 'yo dahil baka pareho tayong mapahamak. Pero alam mo ba... hawig kayong dalawa. Baby face. Maputi. Alon-alon ang buhok. Mas maliit ka lang ng konti kaysa sa kanya."
"Kaya ba ako kinuha ni Saint ay dahil magkahawig kami?" umiling ang babae.
"I don't think so, Cecilia. Sa pagkakaalam ko'y nagkasala lang talaga ang ama mo."
"Jeky, may contact ka ba sa labas ng mansion na ito? I mean... nakakausap mo ba ang family mo?"
"Cecilia, wala kaming cellphone. Kaming mga kasambahay ay nakukuha lang ang cellphone kapag nakalabas na kami sa mansion na ito. Wala kaming phone kapag narito kami't nagtratrabaho. Mahigpit si boss. Kung balak mong makipag-ugnayan sa labas ay huwag mo ng balakin. Ikapapahamak mo lang iyan," napabuntonghininga ako.
"Gusto ko lang makibalita kina daddy---"
"Miss mo? Worried ka sa kanya? Girl, pinabayaan ka niya. Siya pa nga ang nagbigay sa 'yo rito. Think. Mas may katiyakan pang protektahan ka ni Boss Saint kaysa protektahan ka ng ama mo."
Sinampal ako ng katotohanan ng mga salita ni Jeky. Napayuko ako.
"Ano kayang pakiramdam nila ngayon, Jeky? Curious ako. Napilitan lang ba si daddy? Nag-aalala na ba siya sa akin? Sising-sisi ba siya sa nagawa niya? Iyon ang mga tanong sa isip ko na gusto kong masagot," baka sakaling may pagsisisi sa part ng daddy ko.
"Huwag mo ng balakin pang alamin. Baka masaktan ka lang lalo."
"Napilitan lang si daddy na ibigay ako kay Saint---"
"Gaga! No'ng time na narito iyong mag-inang iyon ay narinig ko ang daddy mo na nagsabing handa niyang pagpalitin ang posisyon ninyo no'ng anak-anakan niya. Nagmakaawa ang daddy mo na ibalik ang mag-ina niya at ikaw na lang ang ipalit. Hindi ko rin alam ang iniisip ni Boss Saint kung bakit pumayag siya."
Nanahimik na lang ako. Agad binura sa isip ang mga what if's ko sa aking ama. Baka nagdiriwang na sila ngayon. Kung noon ngang naroon ako sa poder niya ay hindi siya naawa sa lahat ng mga paghihirap ko. Tiyak na gano'n din ito ngayon. "Hindi ka mahal ng daddy mo, Cecilia. Mas mahalaga pa iyong stepmom at stepsister mo."
"Alam ko... dati pa."
"Bakit gano'n? Curious lang ako, Cecilia. Mayaman kayo 'di ba? Bakit gano'n ang treatment sa 'yo?"
Pinag-isipan ko pa kung dapat bang sagutin ko ang tanong nito. Pero wala rin namang mawawala sa akin kung ikwento kaya nagpasya akong sagutin iyon.
"Si mommy... simula no'ng nawala siya at nabalitang patay na ay nagbago si daddy. Wala kaming nakitang katawan pero si daddy mismo ang nagkumpirma sa akin na patay na nga ang mommy ko. After no'n iniuwi na niya ang mag-ina sa bahay. Doon nagsimulang maging impyerno ang lahat sa akin. Kaya nga hindi na dapat ako nagulat no'ng mas pinili niya si Vernice at Mama Alora kaysa sa akin. Dahil matagal naman na niyang pinili ang mga iyon at ako... nakalimutan na niyang anak niya ako." Pilit na pilit pa ang pinakawalan kong ngiti. Masakit na katotohanan iyon.
"Mayaman kayo pero ang lungkot ng buhay n'yo 'no? Kami mahirap lang kami. Kailangan araw-araw kumayod para mabuhay. Pero masaya kami."
"Kaya naiingit ako sa inyo... sa mga taong may buong pamilya at masaya. Simula kasi no'ng nawala si mommy ay pakiramdam ko'y mag-isa na lang ako. Iyong mga taong nagmamahal naman sa akin sa bahay na iyon... hindi ko pwedeng lubusang mahalin kasi alam kong pwede silang mapahamak kung tuluyan kong ilalapit ang loob ko sa kanila."
"Cecilia, kami rito nila Manang ay pamilya mo na. Hindi ko masasabing pamilya mo si Boss kapag asawa mo na siya... basta kami nila Manang muna. Ituring mo kaming pamilya."
"Salamat, Jeky."
Nang natapos ang kwentuhan namin ay iniligpit na rin nito ang kinainan ko.
"Mamaya iaakyat iyong mga pinamiling damit mo. Babalik ako rito para iayos sa walk-in closet mo."
"Damit ko?" takang ani ko. Tumango naman ang babae.
"Yup. Damit mo, Cecilia. Hindi ka lang magbabakasyon dito, girl. Dito ka na titira. Dapat lang na punuin na ng gamit mo ang walk-in closet."
"Sinong gumastos sa mga damit na iyon?"
"Sino pa ba? Siyempre iyong soon-to-be husband mo. Pagdating sa material na bagay... hindi ka malulugi, girl. Hehe... iyon lang ang tiyak kong hindi ipagdaramot ni boss."
Nang umalis na ito ay nagtungo na muna ako sa banyo. Nagbabad ako sa bathtub ng halos isang oras. Nakatulong sa katawan ko ang lamig ng tubig.
Bihag ako rito pero sosyal ang silid na kinaroroonan ko. Ganito rin naman dati ang silid ko sa bahay. Pero no'ng dumating si Vernice ay napatalsik ako sa kwarto. Guestroom ang inuukupa ko noon habang ang stepsister ko ang nagkwarto sa kwarto ko.
Iyong marangyang buhay na mayroon ako... napunta kay Vernice. Tiniis ko iyon. Hindi rin naman kasi ako materialistic na tao.
Nagkaroon ng silent rule sa bahay ng aking ama noon. Hindi ako pwedeng makalamang kay Vernice. Kailangan nasa top lagi si Vernice. Pero ang nakakatawa lang sa sitwasyon... ako pa rin ang pinakikilalang anak ni daddy. Ako lang naman kasi talaga ang anak niya. Pero hindi lang niya tinatratong anak. Sa tuwing may mga formal events ay ako ang karay-karay. Hindi si Alora at Vernice. Ngayon gets ko na. Sa tingin ko'y ginawa niya iyon para protektahan ang mag-inang iyon. Ako ang binandera niya sa publiko habang ang mag-ina ay protektadong-protektado niya.
"Magpakasaya kayo ngayon... babalikan ko kayo kapag ready na ako. Gagamitin ko ang utak ko rito. Tignan natin kung hindi kayo magsisi sa lahat ng kasalanan ninyo sa akin," mahinang ani ko habang nakatulala ako.
Saktong bukas ng pinto. Napaiktad pa ako dahil sa labis na gulat.
Pumasok si Saint. Agad kong napansin ang baril niyang nakasukbit sa tagiliran. Kailangan ba talaga ng baril kahit narito siya sa loob ng mansion niya? Oh, kailangan niya sa tuwing papasok siya rito sa silid ko.
Nakasunod ang tingin ko rito. Lumakad ito patungo sa balcony. Saka ko lang napansin ang tigreng nakahiga sa balcony. Nanlaki ang mata ko. Hindi ko napansin kanina. Tapos bukas pa ang sliding door ng balcony. Jesus Christ! Payag na nga akong magpakasal kay Saint kahit ayaw ko. Pero mukhang possible pa rin akong mamatay dahil sa sobrang manhid ko sa paligid ko.
Nakakaakyat sila sa balcony? New fear unlocked.
Tinapik ni Saint ang tigre. Tumayo naman ito. Nanlalaki ang mata ko. Pumasok si Saint sa kwarto at sumunod naman ang tigre. Isinara ni Saint ang pinto ng balcony. Saka siya lumakad patungo sa pinto. Ang tigre naman ay umupo sa tabi ng pinto.
Hindi sasama sa amo niya ang tigre? Agad akong tumayo at tumakbo patungo sa lalaki.
"Iiwan mo ang alaga mo rito? No way, Saint!" umiling-iling pa ako. Hinawakan ko rin ang laylayan ng shirt niya. "Pumayag na nga akong magpakasal sa 'yo 'di ba? Bakit parang gusto mo naman na akong mamatay? Undecided ka ba?" tinitigan lang ako nito. "Kung d'yan matutulog ang tigre... sasama ako sa 'yo." Yumakap ako sa braso niya. Parang nandidiri namang inalis nito ang braso kong yumakap sa braso niya.
"Stay here," ani nito. Mamamatay ako sa tigreng iyan. Pwes, paiiralin ko na lang ang katigasan ng ulo ko. Mas nauna na akong lumabas kay Saint. Sumunod naman ito.
"Cecilia Celestia!" mariing tawag nito sa pangalan ko.
"No, Saint. Kahit dito na lang ako matulog sa sahig," sumalampak pa ako sa sahig. Kahit magalit pa siya o kahit pa tutukan niya ako ng baril ay hinding-hindi ako mag-e-stay sa kwarto na may isang malaking tigre. Hindi ako bobo.
Napasapo sa batok ang lalaki. Sumasakit na ba ang batok nito sa tigas ng ulo ko? Sana nga. Tapos deretso tigok na siya.
"Pasok!" mariing utos nito. Umiling naman ako. Ang gwardiyang nakatayo na nagbabantay sa silid ko ay hindi gumagalaw. Kaya niyakap ko ang binti nito.
"Dito lang ako kay manong," ang lalaki'y agad inalis ang braso ko at dali-daling umalis.
"Get inside," muling utos ni Saint. Humiga na ako sa sahig. Nagtakip pa ng tenga. Bahala siyang mapaos. Hindi talaga ako papasok. Barilin na lang niya ako rito kaysa lapain ako ng tigre sa loob. Marahas na napabuntonghininga ang lalaki. Saka nito binuksan ang kwarto ko. Agad naman akong bumangon at hinila pasara iyon.
"Ano ba? Baka makalabas iyong tigre!" asik ko sa lalaki. Nakalimutan ko kung sino ba ang lalaking ito sa mansion na ito.
"Inuubos mo ang pasensya ko, Cecilia Celestia," seryosong anas ng lalaki. Natigilan ako. Saka nagsalita.
"Kahit naubos pa iyan... hindi talaga ako papasok, Lucchetti. Kung papasok man ako... kailangan mo akong samahan," at muli itong napahilot ng batok. Stress na ba siya?
Mas stress ako!