FOUR

1661 Words
“Ang aga mo naman umuwi, hija.” Iyon agad ang naging bati sa akin ni Mang Ambo nang maabutan akong nagbubukas ng bahay ko.     “Wala pong klase.” Tumango na lang ako sa kaniya at nagpasya nang pumasok.     Tulad noong sinabi ng lalaking nakausap ko kanina, na nakalimutan ko na agad ang pangalan, walang klase ngayon kaya nagpasya na lang akong umuwi. Ang sosyal naman pala sa Gokudo, hindi agad nagkaklase. Hindi ko na rin tinapos panoorin ang pagbabasag-ulo ng mga estudyante sa field at umalis na rin agad ako. Ano pa ba ang gagawin ko sa university kung wala naman palang klase? Mas gugustuhin kong mahiga na lang at matulog. Sayang din ang pagpaplantsa ko sa uniporme ko, samantalang ang mga estudyante roon ay hindi naman sumusunod sa tamang pananamit sa school.     “Ah, this is life!” ani ko nang mailapat ang likod sa kama.     Hindi pa ako nakakapagpalit ng damit pero nagpasya na akong humiga. Napaigik pa ako nang tumama ang likod ko sa papag dahil sa manipis na foam ng aking kama. Ipinagpag ko ang kamay ko roon at halos mapatawa nang marinig ko ang pagtutunugan ng kahoy na nagdudugtong sa aking hinihigaan. Inilibot ko ang paningin sa kabuuan ng bahay na tinitirhan ko. Isa lang itong maliit na silid na tamang-tama para lang sa iisang taong maninirahan dito. Wala akong pakialam kung gaano pa ito kaliit, ang mahalaga ay may sarili itong palikuran.     Halos dalawang taon na rin akong nakatira rito. Isang kama, isang mesa at isang puting monoblock chair ang tanging makikita sa loob. Walang naman akong ibang appliances na kayang bilhin. Mayroon din pala akong one-burner stove na minsan ko lang magamit dahil bumibili lang ako ng pagkain sa labas. Nanliit ang mata ko nang mapagmasdan ang malapit nang mahulog na kisame. Noong nakaraan lang ay may nakita akong butas sa palikuran ko na mabilis kong natakpan. Aba, ginagaling ang kung sinumang bumutas doon. At ngayon nga ay mayroon na naman akong bagong aayusin pero bago iyon ay matutulog na muna ako.     -     Kinabukasan ay maaga akong kumilos para pumasok, pero halos ma-late na rin ako dahil ayaw pang umali nitong nasakyan ko.     “Baba, miss. Bawal ang sabit!” saway sa akin ng driver. Nakasilip siya sa salamin sa loob at tanaw na tanaw ako rito sa likod.     “Sasabit na lang ako, manong. Wala namang masasakyan sa loob!” sagot ko.     Tiningnan ko ang mga pasaherong prenteng nakaupo sa loob. Tinitingnan nila ako pabalik nang may nagtatanong na tingin. Ngayon lang ba sila nakakita ng babaeng sumasabit sa jeep?     “Baba. Bakit ba ang tigas ng ulo mo?” galit na galit na wika niya.     Hindi lang naman ako ang matigas ang ulo rito. At saka, bakit ba ayaw pa niya? Dagdag kita rin ako. Hindi naman ako katulad ng ibang mga sumasabit lang na nag-one, two, three pa kapag sumasakay sa jeep. May puso naman ako para hindi kalimutan kung ano ang tungkulin ko bilang isang pasahero.     “Hindi tayo aalis dito kung hindi ka rin aalis sa pagkakasabit mo r’yan. Bawal ang babaeng sabit!” Nanggigigil na si manong sa unahan.     Nagbubulungan na rin ang mga pasahero sa loob. Wika nila ay nakakaabala pa ako. Hindi ko naman kasalanan na ayaw umalis ng driver. Choice kong sumabit at magpakahirap dito. Hindi naman sila ang mahihirapan. Kung mayro’n lang ibang sasakyan na pwede kong masakyan ay hindi ako magtitiis dito. Lahat ng mga dumadaang sasakyan ay punuan dahil rush hour. Lahat ay may sabit, at ito lang ang wala.     “Ano naman po kung babae ako? Wala namang batas na nagsasabing bawal kaming sumabit sa jeep. Magbabayad po ako, ‘wag kayong mag-alala. Pwede sabit, kabit ang bawal. Kaya hala! Lumarga na kayo!” wika ko.     Iyon na yata ang pinakamahabang nasabi ko sa buong buhay ko. Dahil kay kuya napaparami ang sinasabi ko.     “Sige na, manong. Late na rin kami,” saad ng mga pasahero na nasa loob.     Wala nang nagawa si manong driver at nagsimula na ring magmaneho. Napabuntong-hininga na lang ako. Halos ilang minuto rin ang itinagal namin doon. Tagaktak na ang pawis ko dahil hindi talaga ako bumitaw sa pagkakakapit dito. Baka biglang umalis ay maiwan pa ako. Mabuti sana kung may pera akong pang-taxi. Hindi naman ako rich kid! Nag-abot ako ng otso pesos bilang bayad. Hindi rin naman nagtagal ang biyahe at narating ko rin ang university na mukhang na mukhang ayaw talagang magpakita dahil nasa kasuluksulukan ng mundo.     “I.D mo ineng,” ani noong guard na siyang nagbabantay rin kahapon.     Mabilis akong tumalima at noong buksan niya ang gate ay kumaripas na ako ng takbo. Mabuti na lang at hindi na siya nag-usisa pa. Siguro ay natandaan niya ako kahapon.     “Ay p-nyeta kang l-che ka!” bulalas ko nang isang humaharurot na sasakyan ang biglang dumaan sa tabi ko. Napahinto ako roon at sinamaan ang tingin kung sinuman ang poncio pilato na nagmamaneho ng pulang sports car na iyon.     “Mabutasan ka sana ng gulong!” sigaw ko kahit na hindi naman ako nito maririnig dahil nakalayo na.     Kapag ka nga naman minamalas. Paano kung nasagasaan ako? Ang lalakas ng loob dahil may mga sasakyan. Mga hambog. Hindi naman galing sa sarili nilang bulsa ang ipinambili noon.     Magandang umaga. Maaari lang na magtungo ang bawat isa sa bulwagan. Sa loob lang ng limang minuto ay inaasahan kayong lahat ay naroroon na. Maraming salamat.     Magandang umaga. Maaari lang na magtungo ang bawat isa sa bulwagan. Sa loob lang ng limang minuto ay inaasahan kayong lahat ay naroroon na. Maraming salamat.     Bago pa lang ako tatapak sa pinaka-tarangkahan ng unibersidad ay iyon na agad ang narinig ko. Paulit-ulit iyong nagpi-play sa background.     “Sosyal naman pala ng school na ‘to,” ani ko sa isip at nagpatuloy na sa paglalakad.     Sinusundan ko ang mga estudyanteng halos lahat ay may pagmamadali. Mga mukha silang mayroong importanteng lakad na bawal mahuli. Ano kaya ang kailangan nila sa amin at pinapapunta ro’n? Napakunot ang noo ko nang makita ko pa iyong iba na nagtutulakan. Bakit kailangang may pagtulak, pare-pareho namang makakarating?     Pumasok kami sa isang pinto. Limang mahahaba at hiwa-hiwalay na hallway ang sumalubong sa akin. Sa itaas ay may nakapaskil na iba’t-ibang pangalan. Killhouse, kung saan matatagpuan ang dean’s office. Sa Bloody, naman ay iyong unang hallway kung saan ako iniligaw ng magagaling na estudyante ng Gokudo. Mayroon pang tatlong hallways na hindi ko alam kung ano ang mayroon doon. Graveyard, na nasa gitna. Forbidden, na siyang nandoon sa pinakadulo, at Hallowfield kung saan siya ang tinatahak ng mga estudyanteng sinusundan ko. Dapat pala nilibot ko na lang ito kahapon, para hindi ako maliligaw. Ang daming pasikot-sikot. Mamaya ay problema ko ulit kung saan hahanapin ang classroom ko.     Isang malaking silid na hugis arko ang pinuntahan namin. Hindi nga sapat ang salitang malaki dahil hindi lang naman ito malaki lang. Hindi pa ako nakakapasok sa loob dahil pinagmamasdan ko pa ang kabuuan ng labas nito. Hindi araw-araw ay makakakita ako ng magarang silid.     “Tabi nga!”     Napatigil ako nang hawiin ng isang grupo ng mga kinulang sa tela. Nagmamadali ang mga ito na halos hindi na tumitingin sa dinaraanan. Marahas kong pinulot ang bag kong nahulog dahil sa mga ito. Kung nakamamatay siguro ang tingin ay nakabulagta na ang mga iyon. Sa tingin ba nila ay sila ang may-ari ng daan na ito? Mga p-nyemas!     “Ang laki kasing harang sa daan,” ani ng isang pamilyar na boses. Nilingon ko ang pangahas na iyon at sinamaan ng tingin. Siya iyong hambog na lalaking nagturo sa akin ng direksyon papunta sa opisina ng dean.     “Hi, Alice. Good morning. It’s nice to see you again,” saad pa niya.     Malaki ang ngiti sa kaniyang mga labi. Feeling ba talaga niya ay isa siyang model ng toothpaste? Ipinagmamalaki niya iyong ngipin niyang pantay at mapuputi. At nakuha pa rin niyang kumindat sa akin. Kung kanina ay masama na ang umaga ko, mas lalo yatang sumama ngayon.     “Anong good sa morning, Jasfer?” Kaninang umaga pa ako minamalas kaya sana ay ‘wag na siyang dumagdag pa. Nagmartsa ako at tinalikuran na siya. Naramdaman ko naman ang mabilis na paglalakad niya patungo sa akin at ang maingay na naman niyang boses.     “Anong Jasfer? Kailan pa naging Jasfer ang pangalan ko?” Maktol niya.     “Wala akong pakialam, Kulas.” Mas binilisan ko ang lakad at nagpalinga-linga sa paligid kung mayroon pang bakanteng upuan. Naglakad ako sa upuan na siyang malapit lang sa pinto at mabilis na pumwesto roon. Mahirap na baka maunahan pa.     “What the f-ck? Kulas? Ang bantot naman ng pangalan na iyon kumpara sa pangalan ko.” Akala ko ba ay umalis na ang damuhong ito? Bakit hanggang ngayon ay sumusunod pa rin sa akin? Kailan pa siya naging tuta?     “Ewan ko sa ‘yo, Mario. Hindi kita kilala.” Inirapan ko siya at pinagkrus ang braso sa dibdib. Inilipat ko ang tingin sa entablado na nasa harapan. Halos mapuno na rin ang silid, mayroon pang ibang mga estudyante na pumapasok, at halos lahat sila ay napapatingin sa gawi namin.     “I’m not Mario! Ang ganda ng pangalan ko, kinalimutan mo agad. Samantalang sa iyo ay naalala ko pa. Unfair!” Daig pa niya ang bata kung ma-tantrums. Nilingon ko siya at sinimangutan.     “Ang laki ng problema mo, ano? ‘Wag mo nga akong kausapin.” Wala akong balak makipag-usap o makipaglapit kahit kanino. Gusto ko ng tahimik na buhay. Namumuhay ako rito ng dalawang taon na kahit kapitbahay ko ay bihira ko lang kausapin.     “You’re harsh, Alice. Gusto ko lang naman makipagkaibigan,” saad niya. Wala akong maapuhap na pagtatampo sa boses niya, bagkus ay para pa siyang tuwang-tuwa.     At saka, makipagkaibigan? Paano niya nasasabi iyon sa isang taong hindi pa naman niya lubusang kilala?            
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD