Amie Saludez
NAKARATING kami sa malaki ngunit lumang bahay ni Magnus sa Imus, Cavite. Matatagpuan ito sa medyo liblib na lugar na napapalibutan ng matataas na puno at bakanteng lote. Mula sa labas ay mukha lamang itong isang abandonadong mansyon na matagal nang pinabayaan, ngunit kabaligtaran iyon ng katotohanan.
Ito ang isa sa mga pangunahing taguan ng sindikato.
Mataas ang bakal na gate na nakapalibot sa buong property. May mga armadong bantay na nakapuwesto sa iba't ibang bahagi ng bakuran. Kahit isang ibon ay mahihirapang makapasok o makalabas sa lugar na ito.
Huminto ang van na kinalululanan namin sa tapat ng bahay.
Kaagad na bumukas ang pinto at isa-isang bumaba ang mga kasama ko.
Binuhat nila si Zahara na nakatulog na kanina sa kandungan ko habang umiiyak. Namumugto na ngayon ang mga mata niya.
Sumunod na rin akong lumabas ng van.
Agad na rin kaming pumasok sa loob ng bahay.
Nalanghap kaagad namin ang nakakasulasok na amoy ng sigarilyo at alak na kumakalat sa buong paligid.
At sa gitnang bahagi ng sala, naroroon si Magnus. Nakasuot ng itim na bathrobe na bahagyang nakalaylay ang collar dahil sa likuran niya ay dalawang babae ang nakatayo at minamasa-masahe siya sa balikat.
Sumisilip sa mga collar niyon ang mga taba niya sa leeg, dibdib at kili-kili.
May hawak siyang tabako na may sindi at kumakalat ang usok nito sa paligid habang nakapatong naman ang mga paa niya sa ibabaw ng center table. Sa center table naman ay nakapatong ang mamahaling bote ng alak niya, baso at ashtray.
Ngumisi kaagad siya habang nakatitig sa amin.
"Tama ba ang batang nakuha niyo?" tanong niya sa amin.
Agad iniharap nina Dodo at Kiko ang mukha ng bata sa kaniya habang buhat nila ito.
Lalo pang lumawak ang pagkakangisi ni Magnus.
"Magaling, magaling. Dalhin niyo siya sa basement," utos niya. "Posasan niyo."
"Hindi na siguro kailangan," agad kong sagot.
Napalingon naman silang lahat sa akin nang may pagtataka.
Naningkit ang mga mata ni Magnus. "Anong sinabi mo?"
"Hindi naman siya makakalabas ng silid kung ikakandado 'yon," sagot ko.
Bumaba ang mga paa niya sa sahig mula sa center table at tumuon ang isang kamao niya sa hita niya.
"Bakit nakikialam ka na ngayon?" tanong niya. "Ano'ng bago?"
Hindi naman ako nakasagot.
"Matatalino na ang mga bata sa panahon ngayon," aniyang muli. "Marami na silang alam. Marami na silang natututunan. Hindi mo alam 'yan dahil wala ka namang anak."
Napakuyom bigla ang mga kamao ko sa sinabi niya.
Nagtagis bigla ang bagang ko, lalo na nang sumagi sa isip ko ang nawala kong anak. At alam niya 'yon.
"Dalhin niyo na 'yan," utos niyang muli sa mga kasama ko. "At siguraduhin niyong nakaposas!" mariin niyang sabi bago seryosong tumitig sa akin.
Tumango sina Dodo at Kiko at agad na ring nagtungo sa hagdan.
Naiwan kaming dalawa ni Junie sa harap niya.
"Kamuntik na kaming mahuli kanina dahil sa kanya," turan ni Junie sa kanya bago lumingon sa akin at binigyan ako ng matalim na tingin.
"Ano'ng nangyari?" tanong naman ni Magnus. Muli siyang lumingon sa akin matapos niyang hithitin ang tabako niya.
Patuloy pa rin siyang minamasahe ng dalawang babae sa likod niya na parehong nakasuot ng crop top at pekpek shorts.
"Hindi naman tayo nahuli," malamig kong sagot bago ko nilingon din si Junie at matapang na sinalubong ang mga mata niya. "On time naman ang pagbukas ko ng pinto ng van at ng pagdating niyo."
"Hindi kami matataranta kung kumilos ka kaagad!" sigaw niyang bigla sa akin.
"Masyado lang kayong nerbiyoso," tipid kong sagot.
"Aba't!" Bigla siyang lumapit sa akin at inambahan ako ng suntok.
"Tama na!" Dumagundong bigla ang boses ni Magnus sa buong sala, kaya nahinto sa ere ang kamao niya.
"Putangina mo," mariing bulong sa akin ni Junie.
Hindi ko siya sinagot. Binigyan ko lang siya ng malamig na tingin.
"Ilang ulit ko nang sinabi sa inyo," turan ni Magnus, "na pagdating sa trabaho, walang oras ang pagiging nerbiyoso at duwag."
Tinaasan ko ng kilay si Junie at nginisihan.
Lalo namang nagdilim ang anyo niya habang nakatitig sa akin. Humigpit rin ang pagkakakuyom ng mga kamao niya.
"Dahil sa oras na pumalpak kayo, katapusan na nating lahat!" dagdag pa ni Magnus. "Nasiguro niyo bang hindi kayo nasundan dito?"
"Hindi," agad kong sagot.
"Idispatya niyo na agad ang sasakyan at tanggalan ng plaka," aniyang muli.
Tumango na lamang kami.
Agad na ring tumalikod si Junie at walang imik na lumabas ng bahay.
"Boss..."
Napalingon naman kami kay Tadeo na kararating lang. Siya ang messenger ng grupo.
May dala siyang envelope at papalapit na kay Magnus. Saglit siyang sumulyap sa akin. Tinanguan niya ako at nginitian.
Hindi naman ako sumagot. Tumalikod na rin ako at nagtungo sa kusina.
Kumuha ako ng malamig na bote ng tubig sa refrigerator at tinungga ito. Halos maubos ko ang laman.
Dumampot na rin ako ng isang pulang mansanas bago ako muling lumabas ng kusina.
Nagtungo ako sa hagdan na pababa sa basement.
Nakasalubong ko sina Dodo at Kiko, na masasama pa rin ang tingin sa akin hanggang ngayon. Sa mga tingin nila, parang gusto na nila akong patayin.
Hindi ko naman iniiwasan ang mga tingin nilang 'yan, dahil sa grupong ito, pantay-pantay lang naman kami.
Tuluyan na rin naming nilampasan ang isa't isa. Nakarating na sila sa taas habang ako ay naririto na sa baba.
Maraming silid dito sa basement. Dito rin nagtatago ang mga armas, pera, droga at iba pang mamahaling sasakyan ni Magnus.
Tinungo ko ang silid na madalas pinagdadalhan sa mga batang ipinapadukot niya.
Hindi ito nakakandado, kaya malamang nakaposas na nga ang bata sa loob.
Marahan ko itong binuksan at sumilip sa loob.
Nakita kong gising na ang bata at umiiyak habang nakaupo sa gitna ng kama.
At lalo pa siyang umiyak nang makita ako.
Huli ko na na-realize na wala na nga pala akong suot ngayon na facemask. Bigla akong napatalikod.
"Ate..." tawag niya sa akin. "Gusto ko na pong umuwi. Hinahanap na po ako ng daddy ko."
Dinig ko ang paulit-ulit niyang pagsinok at pag-iyak.
Nakaramdam ako ng labis na awa para sa kanya. Wala na rin akong magagawa dahil nakita na niya ang aking mukha.
Humarap na rin ako sa kanya at lumapit.
Umupo ako sa tabi niya.
Napatitig ako sa isa niyang braso na nakaposas. Ang isang bahagi nito ay nakakabit naman sa bakal na headboard ng kama.
Namumula na ang balat niya dahil sa posas at kitang-kita ito dahil maputi siya at makinis. Baby pa talaga siya.
"Ate..." tawag niyang muli sa akin. Puno nang pagmamakaawa ang mga mata niya. "Please let me go po. I'm begging you... please... May kasalanan po ba ako sa inyo?"
Bumigat ng husto ang dibdib ko habang nakatitig sa kanya.
Gustong-gusto ko siyang pakawalan, pero hindi pa puwede sa ngayon.
Hinaplos ko ang pisngi niya at pinunasan ang mga luha niya.
"Huwag ka nang umiyak," malambing kong sabi sa kanya. "Uuwi ka rin mamaya." Nginitian ko siya para mawala ang takot na nararamdaman niya. "Tinatawagan na nila ngayon ang daddy mo at susunduin ka niya rito."
"Bakit po ako nakatali?" inosente niyang tanong.
"Eh, kasi..." Napaisip naman ako ng idadahilan. "Baka iniisip nila na tatakbo ka sa malayo kapag pinakawalan ka at hindi ka nila makita. Siguradong malalagot kami sa daddy mo kapag nawala ka namin."
Hindi naman siya sumagot. Patuloy lamang siya sa paghikbi.
"Sorry na..." ani kong muli.
Inayos-ayos ko ang mahaba niyang buhok na itim na itim katulad ng sa akin.
"Gusto mo ba ng apple?" Agad kong inihayin sa harapan niya ang pulang apple. "Favorite ko ang apple, alam mo ba 'yon?"
"Favorite ko rin po ang apple," mahina niyang sagot. Tumigil siya ng bahagya sa pag-iyak.
"Talaga?" Napangiti naman ako ng malaki.
"Opo." Kinuha niya ang apple, pero imbes na kainin, niyakap niya lang ito. "Is this your house po?" tanong niya.
Tumango naman ako, pero ang totoo ay palipat-lipat kami ng tirahan.
"Huwag kang mag-alala, ligtas ka rito," sabi ko. "Hindi ko hahayaan na saktan ka nila hanggang sa makuha ka ng daddy mo."
"They were shouting at me, Ate." Muli na naman siyang humikbi.
"Huwag kang mag-alala, igaganti kita sa kanila."
Hindi naman siya sumagot.
"May tanong ako sa 'yo," ani kong muli.
"Ano po 'yon?" tanong din niya.
"What is your real name?"
"Zahara Delavega po."
Napangiti akong muli. "How old are you?"
"Four po." Ibinaba niya sa kandungan niya ang apple at ipinakita sa akin ang apat niyang mga daliri.
Napangiti naman akong muli.
"And who is your daddy?" muli kong tanong.
"Zach Delavega po. My daddy is a twin. The other one is my godfather, Ninong Zane."
Natigilan naman ako.
Kambal pala si Mr. Zach Delavega.
Naaalala ko na siya ngayon, pero hindi pa rin ako sigurado. Hindi pa rin malinaw sa akin ang lahat.
Ang ilang naaalala ko lang—limang taon na ang nakalilipas, isinama ako ni Magnus sa isang hotel. Ipinakilala niya ako sa mga mayayamang negosyante.
Kumain kami no'n at uminom ng alak sa isang exclusive restaurant. Pero nahilo ako no'n, na hindi ko maintindihan, na para bang may halong gamot ang alak na ininom ko.
Nang magising ako no'n—madaling araw na, at nasa loob na ako ng isang silid at may katabi na akong guwapong lalaki na may napakaganda ring katawan. Pareho kaming hubo't hubad at nananakit ang puwerta ko no'n.
Tulog na tulog siya sa tabi ko at nakayakap pa sa akin.
Halos hindi ako makalakad no'n. Wasak na wasak ang p********e ko.
Binulatlat ko no'n ang bulsa ng coat at pantalon niya. Hanggang sa makita ko ang wallet niya.
Sa mga card niya, doon ko nakita ang pangalang Zach Delavega.
Siya ba talaga 'yon? O maaaring kapangalan lang niya.
Hindi ko na rin maalala ang mukha niya ngayon.
Kumuha ako ng calling card niya no'n bago ako umalis sa hotel, pero hindi ko na alam ngayon kung saan ko na nailagay dahil na rin sa tagal ng panahon.
Makalipas lang ang mahigit isang buwan, nabuntis ako.
Pinalaki ko ang baby sa tiyan ko habang nakakulong ako sa grupo ni Magnus. Maging ang pagbubuntis ko ay ginamit ko sa mga modus na pagnanakaw at pagde-deliver ng mga kargamento.
Wala akong magawa kahit sobrang labag sa loob ko.
Sasaktan ako ni Magnus at hindi pwedeng manganib ang buhay ng anak ko.
Alam kong babae siya noong ilabas ko siya sa hospital. Narinig kong sinabi iyon ng doktor.
Narinig ko pa ang iyak ng anak ko.
Pero makalipas ang ilang oras na wala sa tabi ko ang anak ko no'n, buhat noong ipinanganak ko siya. Sinabi nilang namatay ito.
Ayon sa doktor, nagkaroon daw ng matinding problema sa paghinga ang sanggol.
Sinubukan daw nila itong ilagay sa incubator at bigyan ng agarang lunas, ngunit hindi na raw nito kinaya.
Hindi ko nakita ang katawan ng anak ko.
Hindi ko man lang siya nayakap.
Hindi ko man lang siya nahalikan.
Isang papel lang ang ipinakita nila sa akin at ilang salitang hindi ko na halos maintindihan dahil sa sakit na nararamdaman ko noon.
Pagkatapos no'n, para bang tuluyan nang nagdilim ang mundo ko.
Ilang gabi akong umiiyak hanggang sa makatulog.
Ilang buwan akong umaasang baka nagkamali lang sila.
Pero habang lumilipas ang panahon, napilitan akong tanggapin na wala na ang anak ko.
Na hindi ko na siya makikita kailanman.
Huminga ako ng malalim at muling nilingon si Zahara.
"Sino naman ang mommy mo?" tanong kung muli sa kanya.
"I don't have a mommy po," sagot naman niya na ikinahinto kong muli. Inaamoy-amoy na niya ngayon ang apple. "But soon, I will have one."
Napakunot ang noo ko. "Hindi ko maintindihan. You don't have a mommy, but soon you'll have one?"
"Opo," sagot naman niya. "My daddy is getting married to his fiancée, Tita Margot. Once they get married, she will become my mommy."
"Wait... where is your real mother?" muli kong tanong.
"She's dead po," sagot naman niya.
Muli naman akong natigilan at nalungkot din para sa kanya.
"Alam mo po, Ate," aniyang muli habang nakatitig sa akin. "I think I've seen you before in my dream."
Napangiti naman ako. "Talaga?"
"Opo. You look like the woman I always see in my dreams." Binitawan niyang muli ang apple at hinawakan ang pisngi ko.
Lalo pa akong napangiti.
Hinawakan ko naman ang kamay niya at hinalik-halikan ito.
"Ano namang ginagawa ko sa panaginip mo?" tanong ko sa kanya.
Ngumiti muna siya bago nagsalita, na para bang inaalala niya ang mga ginagawa namin sa panaginip niya.
"We're playing in a garden with so many flowers!" masigla niyang sagot. "Minsan po, binubuhat n'yo ako. Minsan naman po, hinahabol natin ang butterflies! Pero bigla ka din pong nawawala. Iniiwan niyo po agad ako." Bigla naman siya ngayong ngumuso.
Napaka-cute niya.
Napahinga ako ng malalim.
"Ako rin," pag-amin ko. "Madalas rin akong managinip ng isang batang babae. Tingin ko, siya ang baby ko. Pero sa panaginip ko, hindi ko makita ang mukha niya."
"May anak na po kayo?" inosente niyang tanong.
Marahan akong tumango. "Pero wala na rin siya. Kasama na siya ni Papa Jesus ngayon."
"Then she's an angel," sagot niya. "My grandma said babies who are with Papa Jesus are angels."
Ngumiti ako at tumango-tango.
Hindi ko mapigilang pisilin ang pisngi niya.
Hindi ko alam, pero sobrang gaan ng dibdib ko ngayon habang kausap ko siya. Para bang napakalapit niya sa puso ko.
Para bang naglaho saglit ang mga problema ko at bigat na dinadala ko sa araw-araw.