IN DANGER

1730 Words
        Tumuwid ako nang pagkakaupo. Ilang oras na din akong nakaupo, kaya malamang mangawit na talaga ako. Pinisil-pisil ko ang bandang ibabang bahagi ng likod ko.         Sakit...         Ilang araw na rin akong nago-overtime, kaya siguro sumasakit na ang balakang ko pati na ang mata ko. Maghapon ba naman akong nakaupo at nakatutok lang sa computer.         Kailangan ko rin kasi itong overtime na 'to. Malapit na kasi ang pasukan ni Kenji. Kailangan ko ng pera, para may pambili ng gamit sa school ang pamangkin ko. Bunsong anak ng Kuya ko si Kenji. Nasa Grade 5 na ito at ang panganay na si Mari ay nasa High School na. Inaanak ko rin si Kenji kaya pinangatawanan ko nang maging pangalawang magulang nito. Tutal ay single naman ako, at ang pamilya ni Kuya lang naman ang sinusuportahan ko at ang Tatay namin, kasama na ang pangalawang asawa nito.         Bukod sa pagiging bread winner ko ay gusto ko ring ipagawa na ang bahay namin. Five-door apartment ito na naipundar ng Nanay ko bago ito iginupo ng cancer. Apat doon ay pina-uupahan namin at sa amin iyung pang-lima.         Pero nang biglang nag-asawa ang Kuya Harold, dahil aksidenteng nabuntis nito ang girlfriend niya nung College, ay sila na ang nag-occupy nung isang pinto ng apartment. Kaya tatlo na lang ang pinauupahan namin.         Isang araw, nagulat na lang kami ni Kuya nang umuwi si Tatay na may kasamang halos kasing edad din niya na babae. Ikinasal na daw sila. Wala naman kaming magawang magkapatid. Kung kasal na sila, ano pa bang magagawa namin? Pagkalipas ng isang buwan, napagpasyahan kong kunin ang isang pinto na apartment. Pakiramdam ko kasi, wala akong privacy sa bahay lalo na kapag naglalampungan si Tatay at ang asawa niya. Isa pa, pakiramdam ko kasi nababastos ang alaala ng nanay ko sa bahay na 'yun.         Katakut-takot na hingi ng pasensiya ang binigay ko sa nakatira doon sa apartment, lalo pa, at hindi naman ito pumapalya sa pagbabayad ng upa. Katakut-takot na pagtatalo rin ang nangyari sa aming mag-ama sa pagpapa-alis ko sa nakatira doon. Sayang daw ang kikitain ng isang pinto. Para matapos na lang ang usapan, sinabi ko sa tatay ko na iyung upa ng isang pinto ay sa kanya mapupunta, at iyung upa ng isa ay kay kuya Harold.         Nung una ay ayaw pumayag ni Kuya. Hati na lang daw kami sa bayad sa upa. Sabi ko na lang, saka na kami maghati kapag nakatapos na ng College si Mari. Mas marami siyang gastos sa akin. Samantalang ako ay sarili ko lang naman ang iniintindi ko.         Minsan naiisip ko, hindi siguro ganito ang buhay ko - namin... kung buhay pa si Nanay. Bigla ko tuloy siyang naalala. Lagi niya ako isinasama kapag pupunta siya ng parlor. Kung magpapagupit siya, papagupitan din niya ako. Kung magpapa hot-oil siya, hindi pwedeng hindi niya rin ako ipapa-hot-oil. Kapag nasa department store kami at may nakita siyang damit, agad niyang sasabihin - 'bagay 'yan sa iyo'. Hanggang sa bitbit na naman iyung damit sa pag-uwi namin. Ang sarap ng buhay ko noong buhay pa si Nanay.         Twenty-three years old pa lang ako ngayon, pero ako ang bread winner ng pamilya. Hindi naman ako nagrereklamo. Tanggap ko na ito. Siguro, ito talaga ang tadhana ko. Wala na rin sa isip ko na makakapag-asawa pa ako. Hindi naman sa dahil sa pangit ako. May itsura naman ako, hindi naman sa pagyayabang, pero hindi ko alam kung ano ba ang problema sa akin. Wala akong nagtatagal na relasyon. Siguro they find me boring. Tanggap ko na rin naman. Na ako, si Janina Star Miranda, ay isang certified 'malas sa pag ibig'.         Pinilit kong tapusin na ang ipinapagawang report sa akin ngayon. Para bukas yung susunod na report naman ang gagawin ko. Hanggang sa hindi ko namalayan ang oras.          Ala una na pala!          Nag-umpisa na kong ligpitin ang mga kalat sa ibabaw ng mesa ko. Pagkaligpit ay kinuha ko na ang bag ko, at saka lumabas ng kuwarto namin.         Sinamahan ako ni Kuya Mario, ang head ng security na maghintay ng taxi sa labas ng building.         "Janina, delikado sa isang katulad mo ang umuuwi nang ganitong oras. Dapat, nagpapasundo ka sa boyfriend mo," sabi nito.         "Malapit na ang pasukan Kuya Mario. Bilihan na ng gamit sa school ng mga pamangkin ko. Saka, wala na kami ng boyfriend ko. Nagsawa na sa akin," nakangiting sagot ko.         "Naku! Ang tanga naman ng boyfriend mo. Pinakawalan ka pa," umiiling pang sabi nito.         Natawa na lang ako sa sinabi niya. Minabuti kong tumahimik na lang. Maya-maya ay nakita kong may padating nang taxi. Pinara ko ito.         "Pano, Kuya Mario, sasakay na ako ha..." paalam ko dito,         Sinipat pa ni Kuya Mario ang driver pagkasakay ko, at saka bumaling sa akin para sumaludo. Umabante na ang driver nang maisara na ni Kuya Mario ang pintuan ng taxi sa tapat ko.         "Kuya, sa Caloocan tayo, sa Maypajo," sabi ko dito.         Sumandal ako sa upuan, pero dahil sa sobrang pagod ko siguro, at saka alanganing oras na, ay naidlip pala ako. Nang maalimpungatan ako ay agad akong napatingin sa labas ng bintana, para tingnan kung nasaang lugar na ako. Napakunot-noo ako nang makita ko ang labas. Para kasing hindi pamilyar ang lugar na dinadaanan namin. Tumuwid pa ako ng upo para bistahang mabuti ang dinadaanan naming lugar. Baka dahil lang sa bagong gising ako, kaya hindi ko agad mabistahan iyung lugar, Pero nang tumagal ay rumehistro sa isip ko na ngayon ko lang talaga nakita ang lugar na ito. Biglang may gumuhit na kaba sa dibdib ko.         "Kuya, nasaang lugar po tayo?" pilit kong pinakalma ang pagsasalita ko, para hindi mahalata ng driver na kinakabahan na ako.         Wala akong narinig na sagot mula sa driver, kaya lalo akong kinabahan pero hindi pa rin ako nagpahalata.         "Kuya, hindi po yata tayo nagkaintindihan sa lugar," kalmado ko pa ring sabi, pero deep inside ay kinakabahan na ako.         Hindi ito umimik, o tumingin man lang sa akin. Dumukot ako ng dalawandaang piso sa bag ko.         "Kuya, eto na po bayad ko. Bababa na lang ako dyan sa tabi. Mapapalayo na ako."         This time ay abut-abot na ang kaba ko.         Pero tuloy-tuloy lang ito sa pagda-drive. Tinitingnan ko ito sa rear mirror pero derecho lang itong nakatingin sa kalsada, na parang hindi ako naririnig..         Kinapa ko ang cellphone ko sa bag. Nang mahawakan ko ito ay pasimple ko itong pinindot para i-text ang Kuya Harold ko. Pero sa kasamaang palad, low bat pala ito!         Pasimple akong umusod palapit sa pinto. Nang sa tingin ko ay naka-concentrate iyung driver sa pagda-drive niya, pabigla kong hinila ang handle ng pinto para makalabas ako. Pero naka-ilang hila na ako pero hindi bumukas ni konti ang pinto.          Sh*t. Naka lock!         Tahimik akong nag-isip kung paano ako makakababa mula sa taxi na 'to. Pilit kong pinagana ang isip ko kung anong laman ng bag ko na pwede kong gawing sandata, in case na may gawing masama sa akin ang driver.         Noon ko napansin na iniliko ng driver ang sasakyan sa isang madilim na daan. Looban, ito at bihira lang ang mga bahay. Napakalayo pa ng agwat ng mga poste sa gilid ng daan. Pilit kong kinakabisado ang mga daan na nililikuan niya, para in case na makatakas ako ay alam ko ang daan pabalik.         Nakailang liko pa kami nang tumigil ang sinasakyan ko sa isang dead end. Tiningnan ako ng driver sa rear mirror. Mala-demonyong ngumisi ito. Tahimik lang akong nakatingin sa kanya, pero deep inside ay abot-abot na ang kaba ko.Napapikit ako.         Diyos ko! Ikaw na pong bahala sa akin...         Bigla kong narinig na tumunog ang pinto.         Binuksan na niya! Bigla akong napadilat. Sinamantala ko agad ang pagkakataon, at saka bumaling sa pintuan, at saka pabiglang binuksan ito.          Bumukas!         Mabilis akong bumaba, at saka nagtatakbo palayo sa taxi na 'yun. Napansin kong walang kabahay-bahay, kaya alam kong sayang lang ang boses at lakas ko kahit magsisigaw ako rito, para makahingi ng tulong. Ise-save ko na lang ang boses at lakas ko sa oras na may makita akong tao na mahihingian ko ng tulong. Nang biglang may humila sa buhok ko dahilan para mapahinto ako sa pagtakbo.         "Saan ka pupunta? Sa tingin mo makakatakas ka sa akin?"          Mariin akong napapikit nang lalo pa niyang hinila ang buhok ko. Nanunuot hanggang anit ang sakit!         Naabutan na pala ako nung taxi driver. Napasigaw ako sa sakit. Pakiramdam ko ay halos matanggal na ang aking anit. Hinapit ako nito sa aking bewang, at saka idinikit ang labi niya sa pisngi ko. Nahigit ko ang aking hininga.         Pilit kong ipinaling ang mukha ko palayo sa kanya. Pero hinawakan nito ang baba ko, at pilit iniharap sa kanya. Nakakuha ako ng pagkakataon na mailayo ng bahagya ang katawan ko.         Sinamantala ko 'yun, at saka itinutok sa mata niya ang alcohol na kanina ko pa dinukot sa bag ko. Wala akong choice kundi i-spray iyon sa mga mata niya.         "Aaaahhh!" sigaw niya.         Bahagya niyang nai-iwas ang mukha niya, pero nabitiwan naman niya ako. Sinamantala ko iyon para makatakbo palayo sa kanya, habang mahigpit ang hawak ko sa bag ko. Ang nasa isip ko ay makatawag sa Kuya ko kapag nakalayo ako nang konti, at makapagtago sa humahabol sa akin.          Halos tanaw ko na yung unang kantong pinaglikuan namin kanina. Kung makakarating ako doon ay posibleng makahingi ako ng tulong. Pero ilang dipa na lang ang layo ko doon ay naabutan uli ako nung taxi driver.          "Saan ka pupunta, ha?" galit na tanong nito, sabay hablot sa akin.         Nagpumiglas ako, at ginawa ang lahat para makawala sa pagkakayakap nung taxi driver. Sumigaw na rin ako sa pagbabaka-sakaling may makatulong sa akin.         "Ang ingay mo, ah!"         Bigla na lang akong napa-igik. Nasapo ko na lang ang sikmura ko. Gumuhit ang walang kasin-sakit na hapdi mula sa pagkakasuntok ng taxi driver sa sikmura ko. Nanghihinang bumigay ang mga tuhod ko, habang sapo-sapo ko pa rin ang tiyan ko. Hindi ko napigilan ang mga luhang tumulo sa aking mga mata. Tila kinakapos na rin ako ng paghinga.         "Hayup ka..." may diin, pero halos bulong na lang na sabi ko sa kanya.         Isang suntok pa uli ang pinakawalan nito na dumapo uli sa aking tiyan. Pagkatapos noon ay nabalot na ng kadiliman ang paligid. Mula sa nanlalabo kong paningin nakita ko ang mala-demonyong ngiti ng lalaki sa aking harapan.         Nanlalambot ako at wala ng lakas, kaya nakarga ako ng lalaki nang walang kahirap hirap.         Help me, God... ~CJ1016
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD