BUMALIK sa pagbabantay ng gubat si Jack kasama si Souljen. Hindi niya naituloy ang pagsusulat dahil sa sinabi ni Ramona na wala iyong silbi. Nagsanay na lamang siya ng ibang paraan sa pakikipaglaban. Tinuruan siya ni Souljen gumamit ng pana.
“Ang bilis mong matuto, Jack,” sabi ni Souljen habang pinapanood siyang pumapana. Nakaluklok lang ito sa malaking bato.
Natatamaan na ng palaso niya ang malalayong punong kahoy. Ang panang ginagamit niya ay gawa rin ni Gastor. Yari sa pilak ang dulo nito.
“Magaling kang magturo kaya mabilis akong natuto,” aniya bago pinakawalan ang huling palaso. Tumama ito sa punong kahoy may limang dipa ang layo mula sa kanyang kinatatayuan.
Nilapitan niya ang mga palasong nakatarak sa punong kahoy at isa-isang binunot. Pagbalik niya sa puwesto nila ay wala na si Souljen. Naglakad-lakad siya sa gilid ng batis. Natagpuan niya ang babae sa talon at naliligo. Wala itong anumang saplot sa katawan.
Iiwas sana siya.
“Jack!” tawag nito.
Huminto siya sa paghakbang ngunit hindi nag-abalang lingunin ang babae. Hindi siya maaring matukso. Sa tanang buhay niya, hindi siya natukso sa babaeng hubad. Pero aminado siya na nakararamdam siya ng init at pagnanasa, iyon ay para kay Alona.
Konserbatibong babae si Alona. Hindi pa niya nakitang nagsuot ng maiigsi ang dalaga, lalo underwear kahit nasa beach sila. Para sa kanya, hindi kailangan maghubad ng babae upang masabi na seksi at kaakit-akit. Ang kaseksihan ay kusang lumilitaw kahit ito’y natatakpan ng mahabang damit.
Malaki ang respeto niya kay Alona, kaya hanggang halik sa labi lamang ang kaya niyang ibigay hanggat hindi pa sila kasal.
“Samahan mo ako rito, Jack!” yaya ni Souljen.
“Pasensiya na, hindi ko maaring iwan nang matagal ang puwesto,” sabi niya saka tuluyang lumisan.
Bumalik siya sa bukana ng gubat at nagmanman. Nagsanay siya ulit sa pagpana. Kailangan niya ng matibay na depensa kontra sa tukso. Habang nagpapakawala siya ng palaso ay walang ibang laman ang kanyang isipan kundi si Alona.
“Alona, patawad, nadamay ka dahil sa kapangahasan ko’ng ito. Pangako, ibabalik kita nang ligtas. Babalik tayo sa normal na buhay,” usal niya kasunod ng malalim na hininga.
Tumigil siya sa pagpana nang mapansin ang itim na ibong lumilipad sa kanyang uluhan. Naalala niya si Ramona. Maya-maya ay ibang lumilipad na nilalang ang nahagip ng kanyang paningin.
“Mga embareon!” bulalas niya.
Patakbong nilapitan niya ang mga palasong bumaon sa punong kahoy at hinugot. Kumubli siya sa malaking bato habang sinusundan ng tingin ang mga nagliliparang embareon. Tila may hinahanap ang mga ito.
“Jack!” tawag ni Souljen.
Namataan niya itong tumatakbo patungo sa kinaroroonan niya. “Nandito ako!” tugon niya.
Kaagad naman siya nitong natunton. Sinamahan niya ito sa pagkukubli.
“Naglalabasan na naman ang mga embareon. Hindi sila titigil hanggat hindi nadadakip ang taong naaamoy nila,” anito.
“Ako ba ang hinahanap nila?” tanong niya.
“Oo. Maaring nabatid ng pinuno nila na may taong pagala-gala sa Altereo.”
Pakiwari niya’y may iba pang pakay sa kanya ang mga bampira. Hindi maaring malaman ng mga ito na siya ang nagbago sa propisiya, lalong hindi maaring malaman ni Haring Demetre na naroon na siya sa Altereo. Tiyak na papatayin siya niyon.
Nang wala na ang mga embareon ay bumalik na sila sa kanilang puwesto. Naging mapamantyag pa siya.
Kinagabihan pagbalik nila Jack sa Golereo ay nagtataka siya bakit hinarang siya ng mga kawal sa entrada ng akademiya. Si Souljen lang ang pinapasok ng mga ito.
“Ano’ng nangyayari?” nagtatakang tanong ni Souljen sa mga kawal.
“Iniuutos ni Sanji na huwag pahintulutang makapasok ang mortal na ito,” anang punong kawal.
Naguguluhan siya. Dinakip siya ng dalawang kawal at ipinasok sa piitan. Susundan sana siya ni Souljen pero inawat ito ng ibang kawal.
“Sandali! Ano’ng nangyayari?” balisang tanong niya.
Kinuha lahat ng armas niya. Hindi niya maintindihan ang nangyayari. Bakit siya ikinulong ng mga ito? Ano ang kanyang kasalanan? Napaluklok siya sa sulok ng madilim na piitan.
Makalipas ang isang oras ay may dumating na kawal kasunod si Sanji at ibang meyembro ng organisasyon. Tumayo siya at hinarap ito. Nabaling ang tingin niya sa librong hawak nito, maging ang kanyang notebook. Naunahan na siya ng kaba. Mukhang batid na nito ang lihim niya. Paano nito nalaman ang tungkol sa libro ng propisiya na hawak niya?
“Sanji, magpapaliwanag ako,” aniya. Umaasa siya na maiintindihan siya nito.
“Alam ko na, Jack,” sabi nito sa matigas na tinig. Nagtatagis ang bagang nito habang nakatitig sa kanya. “Ang librong ito ang dahilan kung bakit nagulo ang propisiya at ikaw ang may pakana sa pagbago nito!” asik nito, nanlilisik ang mga mata.
“Paumanhin kung naglihim ako. Narito ako upang ayusin ang problema,” nababalisang wika niya.
“Paano mo maaayos ang lahat gayung isa ka lamang mortal?! Hindi mapipigilan ng katulad mo ang kasamaan ng mga hadeos at bampira! Nang dahil sa kapangahasan mo, nauubos ang lahi namin!” Puno ng galit na sabi nito.
Nagpuyos ang damdamin niya kasabay ng pagsisisi. Pero huli na ang lahat, galit na sa kanya si Sanji.
“Hindi ko intensyong sirain ang pamumuhay ninyo. Wala akong ideya sa nangyayari, na ang pagsusulat ko ng akda ay may kinalaman sa propisiya ninyo. Isa lamang akong ordinaryong manunulat na nais magbahagi ng talento,” depensa niya.
“At ngayong alam mo na ang epekto ng imahenasyon mo, paano mo maibabalik sa dati ang lahat? Makapangyarihan ang mga hadeos, kaya nilang baliktarin ang nakasaad sa libro. Wala kang kapangyarihan upang masawata sila, Jack. Hindi mo kami matutulungan, bagkus ay ipapahamak mo pa kami!”
“Bigyan mo ako ng sapat na panahon, Sanji, maayos ko ito,” samo niya.
“Minsan lang ako nagtitiwala, Jack. Tama si Kilian, hindi mabuti ang iyong hangarin.”
Natigagal siya. Nahagip ng paningin niya si Kilian na nasa gawing likuran ni Sanji. Naroon din sina Peter at Haru. Nagtataka siya bakit alam ni Kilian ang tungkol sa kanya at sa libro na nasa kanya. Posible kayang ito ang nagbigay ng libro kay Sanji? Nahuli niya ito minsan na pumasok sa kanyang silid at binuklat ang kanyang notebook.
Sinubukan niyang himukin si Sanji na bigyan siya ng isa pang pagkakataon ngunit matigas ang puso nito. Nagdesisyon ito na palayasin siya sa Golereo. Iyon ang mas masaklap. Napamahal na siya sa bayang iyon, lalo sa mga elgreto na naging malapit sa kanya. Pinakawalan siya ng mga kawal ngunit sa gabing iyon din ay kailangang makaalis na siya sa Golereo.
Paglabas niya ng piitan ay nilapitan niya si Haru at Peter. Tinapik lang ni Peter ang balikat niya pero nahahalata niya na hindi ito galit sa kanya. Subalit si Haru ay iniwasan siya, ni walang sinabi. Pakiramdam niya’y binubusa ang kanyang puso. Nag-init ang bawat sulok ng kanyang mga mata at lumaya ang maninipis na luha buhat dito. Pati ang malalapit niyang kaibigan ay galit na rin. Iniwan na rin siya ni Peter.
Nauna nang umalis si Sanji matapos maibalik sa kanya ang libro. Ang huling hinarap niya ay si Kilian na pilyo ang ngiti. May pakiramdam siya na may kabulastugan itong ginagawa. Sa simula pa lang ay ramdam na niya na hindi siya nito gusto dahil kay Souljen, o sa ano pang kadahilanan.
“Pasensya na, bata, wala kang lugar dito. Ang mga traidor na katulad mo ay hindi dapat binibigyan ng masarap na pagkain. Umuwi ka na sa kung saan ka nagmula,” sabi nito.
Sa kabila ng hindi magandang pakikitungo nito sa kanya, naroon pa rin ang kanyang respeto.
“Patutunayan ko na wala akong masamang intensyon,” sabi lamang niya.
“Huli na ang lahat, bata. Hinding-hindi ka na muling makaaapak sa lupain ng Golereo. Magiging palaboy ka sa Altereo at tutugisin ng mga ambareon. Paalam,” sabi pa nito.
Tinimpi niya ang inis na nararamdaman. Nilagpasan lang niya ito.
Nagliligpit na siya ng gamit sa kanyang silid nang maramdaman niya ang presensiya ni Souljen. Galit ang karamihan sa kanya. Inaasahan niya na ganoon din si Souljen.
“Naniniwala ako na mabuti ang iyong hangarin, Jack,” wika nito.
Marahas niya itong nilingon. “Salamat sa tiwala. Tama lahat ng natuklasan ni Sanji, ako ang lapastangang gumulo sa propisiya ninyo. Ako ang lumikha sa mga kaaway ninyo na pumatay sa ibang elgreto.”
“Ngunit hindi mo iyon sadyang gawin, Jack. Naniniwala ako sa iyo.”
“Hindi magbabago ang nangyayari ngayon, Soul. Kailangan ko itong isulat ngunit wala akong ideya kung sa paanong paraan. Wala akong kapangyarihan.”
Kumuyom ang mga kamay ni Souljen. “Si Kilian, alam niya ang tungkol sa iyo. Paano nangyari ‘yon?” naguguluhang sabi nito.
Kumibit-balikat siya. “Hindi ko rin alam. Maaring may nalalaman siya tungkol sa pagbabago ng propisiya.”
“Kung alam ng mga hadeos ang tungkol sa iyo, posibleng isa sa mga iyon ang nagbigay ng impormasyon kay Kilian.”
“Ano’ng ibig mong sabihin?” Nagduda na siya kay Souljen. Mukhang marami itong sekreto na hindi alam ng ibang elgreto.
Lumapit pa ito sa kanya. “Nahuli ko minsan si Kilian na nakipag-usap sa isa sa mga hadeos. May kaibigan siyang nagsisilbi kay Haring Demetre,” anito.
“Sinong kaibigan?”
“Si Casper,” walang gatol nitong tugon. “Iyon ang kanang kamay ni Haring Demetre, naging utusan at ispiya.”
Nawindang siya. Kaya pala mabigat ang loob niya kay Casper. Posibleng si Casper ang nagsabi kay Kilian tungkol sa nalalaman nito sa kanya. Traidor si Kilian!
“Kung gano’n, bakit hindi mo ito ipagbigay-alam kay Sanji? Nanganganib kayo! Maaring sirain ni Kilian ang mga plano ninyo.”
Bumuntong-hininga si Souljen. “Malabong paniniwalaan ako ni Sanji kaysa kay Kilian. Si Kilian ay kapatid ni Sanji sa ama.”
Natigagal siya. Kaya pala ganoon kadaling napaniwala ni Kilian si Sanji. “Bakit nakikipag-ugnayan si Kilian sa mga hadeos? May balak ba siyang mag-traidor sa inyo?”
“Matagal ko nang alam ang lihim ni Kilian. Galit si Kilian kay Sanji, dahil si Sanji ang napiling pinuno ng mga mandirigmang elgreto. Inggit at poot ang nag-udyok kay Kilian upang magtaksil at walang alam si Sanji sa ginagawa nito. Tumino na si Kilian noong pinagbibigyan ko siyang magsama kami. Ngayon na ulit siya naging mapangahas.”
“Iyon ay dahil sa akin, tama?”
Matamang tumitig sa kanya si Souljen. “Kasalanan ko rin, Jack.”
“Wala na siyang dapat pag-initan dahil aalis na ako rito. Mas magiging mapayapa ang pamumuhay ninyo kung walang taksil sa grupo. Nagseselos sa akin si Kilian kaya gusto niya akong mapaalis dito. Ang mabuti pa, balikan mo si Kilian at himukin na maging tapat sa inyong grupo.”
Bumuntong-hininga ang babae. “Patawad, Jack, wala akong magagawa upang tulungan ka. Hindi nababale ang batas ni Sanji, lalo ang mga pasya niya.”
“Naintindihan ko. Aalis ako para sa kaayusan ng lahat ngunit gagawa ako ng paraan upang maayos ang propisiya.”
“Naniniwala ako sa kakayahan mo, Jack. Tutulungan kita.”
“Hindi na kailangan. Salamat na lang.” Tinalikuran niya ito.
“Soul!” tinig ni Kilian mula sa pintuan.
Hindi niya nilingon ang mga ito. Naramdaman lamang niya ang papaalis na presensiya ni Souljen.
Bitbit ang kanyang backpack, nilibot ni Jack ang akademiya. Sa maikling panahong paninirahan niya roon ay itinuring na niya iyong bagong tahanan. Tila may libu-libong punyal na tumulos sa kanyang dibdib habang sinasariwa ang mga sandaling nakasama niya ang mga elgereto, lalo na ang malalapit niyang kaibigan.
Pumasok siya sa silid ng mga espada. Naibalik na roon ang pilak na espada’ng ginamit niya. Hinipo niya ang katawan nito. Aalis siya na walang anumang armas. Wala pa siyang maisip na maaring tambayan. Bahala na ang hanging tatangay sa kanya.
Paalis na siya nang may tinig ng lalaki na pumigil sa kanya. Pumihit siya sa kanyang likuran. Namataan niya roon si Gastor, hawak ang espadang pilak na nasa kaluban nito. Humakbang ito palapit sa kanya.
“Nararamdaman ko na busilak ang iyong kalooban, Jack. Nabatid ko ang tungkol sa libro na nagbago sa propisiya ng ibabang bahagi ng mundo. Ako’y nadismaya ngunit naniniwala ako na hindi mo balak wasakin ang aming mundo. Maaring nadala lamang ng galit si Sanji dahil sa libu-libong nasawi gawa ng propisiya. Naintindihan ko siya. Subalit ang pagpapalayas sa iyo ay isang maling desisyon. Gayunpaman, nirerespeto ko ang pasya ni Sanji. Balang araw ay mauunawaan din niya ang lahat,” nakikisimpatyang pahayag ng ginoo.
Napawi ang lungkot niya dahil mayroon pa ring matandang elgreto na naniniwala sa kanya.
“Humihingi po ako ng tawad. Alam ko’ng hindi sapat ang salita lamang upang mapawi ang inyong dalamhati sa pagkawala ng libu-libong elgreto,” aniya.
Tinapik nito ang balikat niya. “Ang nangyayari sa mundong ito ay hindi lamang dahil sa propisiya, ito ay nakatakda ayon sa kagustuhan ng Bathala. Nangyayari lamang ang nasa libro dahil sa sumpa at propisiya’ng may basbas ng babaylan at ng orasyon. Ang totoong may sala ay ang mga hadeos, dahil sila ang sumasawata sa propisiya sa kagustuhang umayon ang lahat sa kanila. Kaya huwag mong isipin na ikaw ang may kasalanan ng lahat na ito. Ginagamit lamang ng Bathala ang iyong kakayahan upang maisakatuparan ang nais niya sa mundong ito. Lahat ng nilalang na narito ay may masamang katangian, kaya hindi ako magtataka bakit may nangyayaring digmaan.”
Naunawaan na niya ang lahat. “Ngunit sa akin pa rin nakasalalay ang pagbabago. Ang sumpa ay may lunas, at iyon ay ang libro ng propisiya.”
“Tama ka. Matutulungan ka ni Dyosang Ramona upang maisulat sa wastong libro ang iyong akda na magbabago sa propisiya. Ikaw lamang ang makagagawa ng iyon, Jack. Maglakbay ka at hanapin si Ramona.”
Nagkaroon siya ng ideya at lakas ng loob. “Marami pong salamat,” sabi niya at yumukod sa ginoo.
Nagtataka siya bakit inaabot nito sa kanya ang pilak na espada. Namilog ang kanyang mga mata habang nakatitig sa ginoo.
“Tanggapin mo ito, Jack. Magagamit mo ito bilang proteksyon,” anito.
Labis siyang nagagalak sa pagkakataong ibinigay ni Gastor. Patunay lamang iyon na buo ang tiwala nito sa kanya. Tinanggap niya ang espada.
“Marami pong salamat. Pangako, iingatan ko ang sandatang ito,” nagagalak niyang wika.
“Walang anuman. Sa iyo nakasalalay ang aming kapalaran kaya nais kong ibigay ang aking suporta.” Kinuha pa nito ang isang pana na may sampung palaso na pilak ang dulo. Kakaiba ang desinyo nito. “Dalhin mo rin ito. Ito pa.” Kumuha rin ito ng isang dosenang star blades na yari sa pilak.
“Malaking tulong na ho ito.” Ipinasok niya sa bag ang ibang sandata.
Pagkuwan ay nagpaalam na siya sa ginoo. Hinatid siya ng kawal hanggang sa labas ng tarangkahan. Naninikip ang dibdib niya habang lumilisan sa lupain ng Golereo-ang itinuring niyang bagong tahanan.