KABANATA 4

2802 Words
NAPABALIKWAS ng bangon si Queenie nang marinig niya ang alarm ng kaniyang cellphone. Inabot niya ito sa kalapit na lamesita para patayin. Pero hindi muna siya bumangon at balak pa sanang bumalik sa pagtulog. Rest day niya uli ngayon dahil nakipagpalitan ng schedule ang katrabaho at kaibigan niya. Ipipikit na lang sana niya uli ang mga mata nang marinig niya ang isang pamilyar na pangalan na binanggit ng kaniyang ama mula sa kanilang bakuran. “Naku, maraming salamat talaga sa’yo, King, ha? Hindi ko alam kung mahuhuli ko ba agad ang alaga kong iyan kung hindi mo ako tinulungan. Siguradong iiyak si Queenie kapag may nangyaring masama diyan sa alaga niya.” “Walang ano man ho, Mang Dodoy. Basta para kay Queenie, gagawin ko po ang lahat.” Kunot ang noo na tumayo ang dalaga at sumilip sa bintana. Lalo lang nagsalubong ang mga kilay niya nang unang nakita ng kaniyang mga mata si King na kalong-kalong ang alaga niyang baboy na may kulay-pink na ribbon sa ulo. Pero nang makita niya ang dugo sa paa ng kaniyang alaga, mabilis pa sa alas kuwatro na kumaripas ng takbo palabas ng kaniyang kuwarto si Queenie, hindi alintana kung sabog-sabog man ang buhok niya at hindi pa nakakamumog. “Papang! Ano ho ang nangyari kay Blondie?” Lumapit siya kay King pero hindi niya ito pinansin dahil mas nauna pa niyang tiningnan ang alagang Baboy na blonde ang kulay ng balat kaya pinangalanan niyang ‘Blondie’. Kinuha niya ang alaga at niyakap-yakap. Pagkatapos ay hinimas-himas niya ang mga gasgas nito. Mahigit isang buwan pa lang ito simula nang mabili niya kaya hindi pa mahirap buhatin. “Nakatakas siya habang pinapaliguan namin ng Mamang mo, Anak. Ang bilis niyang tumakbo, dire-diretso hanggang sa kakahuyan kaya may mga gasgas siya. Umabot kami ng Mamang mo sa kalsada sa kakahabol sa kaniya. Muntik pa ngang mabangga ng truck. Mabuti na lang, mabilis itong si King at nakuha niya agad sa gitna ng kalsada itong si Blondie mo,” mahiwagang paliwanag ng Papa ni Queenie. Bakas ang paghanga nito kay King. Napatingin siya sa binata nang sa wakas ay napansin niya ang presensiya nito. Saka lang din niya napansin ang magulo pa nitong buhok. Parang kagigising lang din tulad niya. Pero infairness, ha? Ang guwapo pa rin talaga! “Salamat, ha?” Dahil sa sobrang pag-alala sa alagang baboy kaya iyon lang ang nasabi ng dalaga. Amused namang napatitig lang sa kaniya si King. “Gusto mo bang gamutin natin iyang alaga mo? Minsan ko nang naging raket noon ang pag-aalaga ng mga hayop kaya may alam ako sa paggagamot kahit papaano.” Umiling si Queenie. “Huwag na. Kaya ko na’to. Ako lang naman ang gumagamot dito kay Blondie kapag nagkakasugat siya. Salamat na lang uli.” Tatalikod na sana siya nang biglang nagpumiglas ang kaniyang alaga, na hindi niya maintindihan. Muntik na niya itong mabitiwan. Mabuti na lang at maagap naman si King sa pag-alalay. At mukhang nagustuhan ni Blondie ang paghimass-himas na ginawa ng binata kaya kumalma ito. “Mukhang kilala na agad ni Blondie ang tagapagligtas niya, ah,” naaaliw namang komento ng Papa ni Queenie nang makita ang nangyari. “Siguro po nag-guwapu-han lang siya sa akin,” biro ni King na ikinatawa lang ng kaniyang ama. “Aba’y! Que guwapong binata mo naman talaga kaya pati baboy, nahumaling sa’yo,” ganting biro ng Papa niya. Naiiling na nakikinig lang si Queenie sa biruan ng dalaga. “’Buti pa nga ho itong si Blondie, napapansin ako. Pero ‘yong crush ko…” sabi ni King at pasimpleng sumulyap sa dalaga. Patay-malisya na nag-iwas siya ng tingin. “I-ibabalik ko na sa bahay niya itong si Blondie para magamot agad. At baka makatakas pa,” pag-iiba niya ng usapan bago tumalikod. Pero ang totoo, gusto lang niyang makalayo kay King. Nag-alala siya na baka mapansin pa nito ang pagba-blush niya. Kung bakit kasi biglang naging ganoon ang reaksiyon niya sa simpleng pagtitig nito sa kaniya. Hindi naman siya siguro ang ‘crush’ na tinutukoy nito, ‘di ba? Oo, palagi siyang kinukulit nito. Pero puro pabiro at pasaring lang naman. Never naman itong nagsabi kay Queenie na crush siya ni King o kaya na may gusto ito sa kaniya? O baka naman ayaw mo lang tanggapin dahil ayaw mo sa kaniya? “Samahan na kita! Baka kasi magpumiglas at makawala na naman iyang alaga mo, eh.” Humabol pala sa kaniya si King at wala na siyang nagawa nang kunin nito sa kaniya si Blondie. Ito na rin ang nagpasok sa alaga niya sa bahay nito. Hindi napigilan ng dalaga ang muling mahabag kay Blondie nang makita niya ang mga gasgas nito sa katawan. Mahal na mahal niya ang kaniyang alaga. Wala na nga siyang balak na ibenta ito pagdating ng araw. Samantalang ang totoong balak niya noon nang bilhin niya ito sa kaniyang ka-trabaho ay ibenta kapag lumaki na at siguradong tutubo na ang pera niya. “Kawawa naman ang Blondie ko na ‘yan. Bakit kasi tumakas ka pa?” mangiyak-ngiyak na hinimas-himas ng dalaga ang alagang baboy. “Nasaktan ka tuloy…” “Huwag ka nang umiyak. Ako ang balaha diyan kay Blondie,” sabi ni King at kinuha ang lagayan ng mga gamot para sa mga hayop na itinuro niya kanina. Tumabi ito sa kaniya habang nakaluhod sila pareho at nakatunghay sa baboy. “Gagawin ko ang lahat basta huwag lang umiyak ang kamahalan ko,” dagdag pa nito kasabay ng pagkindat sa kaniya. Her heart skipped a beat. Mas lalo lang nagiging guwapo ang isang ito kapag kumikindat. Ilang babae na kaya ang bumigay sa mga kindat na iyon? “Kaya ko naman siyang gamutin. Ikaw lang itong makulit na nagpapasikat!” Bahagyang lumayo si Queenie. Natatakot kasi siya na baka marinig nito ang malakas na t***k ng pasaway niyang puso. “Basta siguraduhin mo lang na magagamot mo siya nang maayos. Kung hindi, huwag ka nang magpakita uli dito.” Mabilis pa sa alas kuwatro na tumingin sa kaniya si King at ngumisi, “Ibig sabihin, kapag napagaling ko itong si Blondie, puwede uli akong pumunta rito sa bahay n’yo?” “Hindi gano’n ang ibig kong sabihin at wala akong ibig sabihin.” “Pero ako, meron, kamahalan. Kaya pagagalingin ko itong alaga mo kahit ano man ang mangyari.” Lalo lang nagrigodon ang puso ni Queenie pero pilit niyang sinaway. “Gamutin mo na nga lang siya. Ang dam imo pang sinasabi!” Tatawa-tawa na napailing na lang si King. “Ang sungit mo talaga kahit bagong gising. ‘Buti na lang at ang ganda-ganda mo pa rin kahit magulo pa ang buhok mo.” Bago ito humawak kay Blondie ay inabot muna nito ang buhok ni Queenie at sinuklay iyon gamit ang mga daliri nito. Kapagkuwan ay inipit sa likod ng kaniyang tainga ang ilang hibla niyon. Nang marinig niya ang sinabi ng binata ay saka lang naalala ng dalaga na hindi pa rin pala siya nagmumumog. At kanina pa sila nag-uusap na dalawa! Agad niyang natutop ang kaniyang bibig para amuyin ang hininga. Nang maamoy niya ang sariling panis na laway, walang paalam na tumayo si Queenie at patakbo na pumasok sa loob ng kubo nila. Dumiretso siya sa lababo at nag-toothbrush nang mabuti. Bumubuga siya sa sariling palad para amuyin ang hininga nang maabutan siya ni Cindy sa lababo. Halatang kagigising lang nito. Napuyat na naman kasi ito sa panonood ng teleserye kagabi. “Ano ang nangyari sa’yo, Ate Queenie? Bakit nagmamadali kang mag-toothbrush?” Patay-malisya na umiling siya. “Wala. Naalala ko lang na hindi pala ako nakapag-toothbrush kagabi bago natulog dahil sa sobrang pagod at antok ko.” Bigla namang dumating ang kanilang ama, “Anak, nasaan nga pala si King? Umuwi na ba?” Namimilog ang mga mata na nagpalipat-lipat ang tingin ni Cindy sa kanila ng Papa nila. “Nandito si King?” At saka naman ikinuwento ng Papa nila ang nangyari. “Aray!” sigaw ni Queenie nang bigla siyang tinusok ni Cindy sa tagiliran. “Kaya pala nag-toothbrush ka, Ate, ha? Nandiyan pala ang admirer mo,” tudyo ng kaniyang kapatid at humingi pa ng suporta sa ama nila, “’Pang, o, si Ate… nagdadalaga na. At mukhang tinamaan na rin kay King!” “Ssshhh!” Mabilis na tinakpan niya ng palad ang bibig ng kapatid dahil sa malakas na boses nito. Nasa likod-bahay lang ang kulungan ng baboy niya at baka marinig ito ni King. Wala pa sanang balak tumigil sa panunudyo sa kaniya si Cindy. Mabuti na lang at dumating na ang kanilang ina. “Anak, ipagtimpla mo naman ng kape ang bisita mo. Mukhang naalimpungatan lang yata.” “Parang gano’n na nga. Malapit kasi sa baraks niya dumaan si Blondie kaya siguro nakita niya ako na humahabol,” segunda naman ng kaniyang ama. Humaba ang nguso ng dalaga. “Hindi ko naman ho bisita ‘yon, ‘Mang.” “Pero kung hindi dahil sa kaniya, baka kung napaano na ang alaga mo, Ate Queenie.” Lalo pang humaba ang nguso niya. Ang aga-aga. Pero mukhang napagkaisahan na naman siya ng pamilya niya. Namalayan na lang niya na nagtitimpla na siya ng kape. At ilang sandali pa ay bitbit na niya iyon pabalik sa kulungan ng baboy, na may kasama pang nilagang hinog na saging saba. Dahil alaga naman nila sa linis ang lugar na iyon kaya walang mabahong amoy. Pero malayo pa lang ay natanaw na niya si King na nakaluhod pa rin at hinehele-hele si Blondie. Mukhang okay na uli ang alaga niya. Daig pa nga nito ang sanggol na mahimbing ang tulog sa mga bisig ng binata. And that made her smile. Sa parteng iyon, naaliw siya kay King! “Magkape ka muna. Mukhang okay naman na—” “Sshhh…” Pigil agad nito sa kaniya bago pa man siya tuluyang nakalapit. “Baka magising si Blondie. Kakatulog lang niya, eh.” Napatingin siya sa alagang baboy. Dinig na dinig pa niya mula sa kinatatayuan ang malakas nitong paghilik. Hindi niya maintindihan. Pero habang pinapanood niya si King na hinehele si Blondie, may kakaiba siyang naramdaman sa puso niya. Dahil ba nalaman niya na pareho pala silang pet lover? “MARAMING SALAMAT uli sa’yo, ha?” wika ni Queenie kay King habang sinasamahan niya itong magkape. Dinala na lang nila ang kape at nilagang saging sa katabi na puno ng aratiles. May upuang kawayan at lamesa roon. Magkatabi sila pero may matino namang espasyo ang namamagitan sa kanila. “I mean, sa pagligtas at paggamot mo kay Blondie.” “Wala ‘yon. Basta para sa kamahalan ko,” sagot nito habang ngumunguya. Tinawanan lang niya ito. Habang nagkakape si King ay panay ang sulyap nito sa kaniya. Lalo tuloy siyang nailang. “B-bakit? May dumi ba ako sa mukha?” “Nag-alala lang kasi ako na baka gutom ka na. Kanina pa kita inaalok nitong saging at kape pero ayaw mo naman.” “Hindi kasi ako nagkakape. Mabilis humilab ang sikmura ko.” Hinimas niya ang tiyan. “Basta kumain ka lang diyan. Mamaya na ako pagkaalis mo.” “Kung gano’n, malilipasan ka talaga ng gutom. Kasi mamaya pa ako aalis.” Kapagkuwan ay nagbalat ito ng nilagang saging at inabot sa kaniya. “Kumain ka na rin kung ayaw mong subuan pa kita.” Tila wala itong balak na ibaba ang saging hangga’t hindi niya tinatanggap kaya napilitan si Queenie na tanggapin at kainin iyon. Mayamaya ay napatigil sa pagnguya ang dalaga nang mahuli niya si King na parang baliw na nakatingin sa kaniya. “Ano na naman?” Nilunok muna nito ang laman ng bibig. “Wala lang. Hindi lang ako makapaniwala na makasabay ko sa almusal ang kamahalan ko. Parang panaginip pa rin, eh,” namamangha nitong saad. Wala ng laman ang bibig ni Queenie pero napalunok pa rin siya. Laway na lang tuloy ang sumayad sa lalamunan niya. Ano ang ibig sabihin ni King? Na palagi siyang napapanaginipan nito? Dahil hindi niya matagalan ang pakikikipagtitigan niya sa binata kaya siya ang unang nagbawi ng tingin. Inilipat niya sa kulungan ng baboy ang kaniyang mga mata. Napansin niya ang sira-sira ng bubong niyon. At mukhang sinundan din ni King ang tingin niya kaya nakita rin nito ang bagay na iyon. “Rest day ko sa Linggo. Okay lang ba sa’yo kung pupunta ako rito para ayusin ang bahay ni Blondie?” Nilingon niya ito. “Magandang ideya nga ‘yan. Lalo at malapit nang magtag-ulan. Siguradong mababasa si Blondie. Hindi rin naman maasikaso ni Papang kasi sa bukid pa lang, kulang na kulang na ang oras niya.” Napakamot siya sa chin niya. “Pero wrong timing naman ang offer mo. Wala pa akong pang-labor sa’yo kasi sa katapusan pa ang sahod ko, eh.” Nangiti si King sa sinabi niya. “Hindi naman ako maniningil ng labor, eh. Ipagtimpla mo lang uli ako ng kape, okay na sa’kin.” “Ano?” parang hindi makapaniwala na bulalas niya. “Hindi naman puwede ‘yon, ‘no? Sa panahon ngayon, wala ng libre dahil sa sobrang hirap ng buhay. Hindi ko pa nga nababayaran iyong pamasahe ko sa tricycle na ikaw ang nagbayad.” Ang totoo niyan, ilang beses na niyang sinubukang iabot kay King ang fifty-pesos. Pero sa tuwina ay tinatanggihan lang nito. Hanggang sa naubusan na lang siya ng budget. Kaya ang balak ni Queenie, babayaran niya iyon pagkasahod niya sa katapusan. “Huwag mo nang isipin ‘yon! Wala naman akong ibang pinagagastusan maliban sa sarili ko, eh.” Iyon na nga, ang alam nga ni Queenie, sarili na lang ni King ang binubuhay nito. Pero ang ipinagtataka niya, parati itong nauubusan ng budget kahit kakasahod pa lang. Hindi naman siya tsismosa pero iyon ang naririnig niya sa mga ka-trabaho nito. Samantalang sa pagkakaalam din niya, malaki ang sahod ng mga ito. Halos doble ng kaniyang salary. Minsan tuloy, hindi niya mapigilang isipin na baka may pamilya na itong naiwan sa Maynila. Hindi naman siya mukhang tatay na. kontra agad ng isip ni Queenie. “Ano, kamahalan?” untag sa kaniya ni King habang tumataas-baba ang mga kilay. “Pupunta ba ako dito sa Linggo at aayusin ko ang bahay ni Blondie?” “Pero wala pa nga—” “Wala ng pero-pero. Isipin mo na lang na gagawin mo ‘to para sa alaga mo. Makakaya mo bang panoorin lang siya na nababasa habang bumubuhos ang malakas na ulan?” pangongonsensiya pa nito. At mukhang effective naman iyon dahil natagpuan na lang ni Queenie ang sarili na tumatango. “Hindi ka pa ba aalis?” mayamaya ay pansin niya kay King pagkalipas ng halos isang oras at ubos na ang kape at nilagang saging na dala niya pero prente pa rin itong nakaupo sa tabi niya at tila walang balak na umalis. “May pasok ka pa, ‘di ba?” Hindi agad sumagot ang binata at isinandal pa ang ulo sa puno ng aratiles bago pumikit. “Parang ayaw ko kasing pumasok ngayong araw. Kagabi pa sumasakit ang ulo ko.” “Ha?” Hindi niya naiwasang mag-alala nang humarap siya rito. “Uminom ka na ba ng Paracetamol? Uso pa naman ngayon ang trangkaso.” Akmang hihipuin niya ang noo nito para alamin kung mainit ba ito. Ngunit na-sorpresa si Queenie sa biglang pagdukwang nito kaya nagkalapit ang mga mukha nilang dalawa. Napaawang nang kaunti ang bibig niya dahil sa pagkabigla. “Sabi na nga ba, eh. Concern na talaga sa’kin ang kamahalan ko,” pabulong na sabi ni King, sabay ngisi. Saka lang naitikom ni Queenie ang mga labi niya nang mapansin ang pagtitig doon ng binata. “Baliw ka talaga!” Tinampal niya ito sa balikat pero aminado ang dalaga na bumilis ang t***k ng puso niya. Tumawa lang ito. Kapagkuwan ay tumayo na at nagpaalam. “Sige na, aalis na ako. Para makakain ka na nang maayos.” Natigilan ang dalaga. Sinasabi ba nito na hindi siya nakakain nang maayos dahil sa presensiya nito? Nang sulyapan niya ang isang pirasong nilagang saging na binalatan ni King para sa kaniya kanina at nakita niya na kalahati lang niyon ang naubos niya, saka lang nasagot ang katanungan na iyon ni Queenie. “Maraming salamat sa masarap na almusal, kamahalan. Lalo na sa masarap na masarap na kape mo!” masiglang paalam uli ng binata at may papisil pa sa pisngi niya. Tulala na nasundan na lang niya ito ng tingin habang masaya ring nagpapaalam sa kaniyang pamilya. Giliw na giliw naman ang kaniyang kapatid at mga magulang habang hinahatid palabas ng bakuran ang lalaking dati-rati ay ayaw na ayaw niya pero ngayon ay siyang dahilan ng pagkatulala ni Queenie. Si King ang ipinagtimpla niya ng kape. Pero bakit feeling niya, siya itong nagayuma?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD