HINDI pa rin makapaniwala si Niana na mananatili siya sa hotel na kaniyang kinaroroonan nang tatlo pang araw kung kaniyang nanaisin. Bayad na raw ang pananatili niya roon. Kasama na rin ang pagkain niya sa almusal, tanghalian at hapunan. Sayang kung aalisan kaagad niya.
“Ang sabi po ng nagdala sa inyo rito, mag-relax daw po muna kayo ng ilang araw bago umalis,” nakangiti pang wika ng receptionist kay Niana.
“Tatlong araw pa talaga?”
“Yes, Ma’am.”
“Nag-iwan po ba ng pangalan dito ‘yong taong tumulong sa akin?”
“I’m sorry, Ma’am. Pero mahigpit pong ipinagbilin sa amin na bawal pong sabihin ang information ng taong tumulong sa inyo.”
Kung ganoon, walang chance na malaman niya kahit na ang pangalan ng taong iyon.
Hindi lang siya binigyan ng pera. Ngunit pinag-stay pa siya sa hotel na iyon ng tatlo pang araw.
Hindi pa rin siya makapaniwala na may ganoon kabait na tao sa mundo. Hindi naman siya niyon kilala, pero pinaglaanan siya ng ganoong klase ng biyaya.
Sana lang talaga, palaging safe ang taong iyon. Kung sino man iyon.
Nagpaalam na rin siya sa receptionist na babalik na sa kaniyang suite at itutuloy na ang pananatili sa hotel.
Sa totoo lang, ngayon lang siya nakaranas na manatili sa isang hotel na hindi basta-basta. Noon, tamang tingin lang siya sa mga nagtataasang gusali. Alam niyang mahal ang isang gabi na pananatili sa isang hotel, kaya hindi na siya nangarap pa na makaranas na makapag-relax sa ganito.
Pero heto siya ngayon, wala sa hinagap na makakaranas ng ganitong biyaya.
Mas masaya sana kung kasama niya si Nicah. Tiyak niya na tuwang-tuwa ang kapatid niyang iyon kung sakali man.
Nang makabalik si Niana sa hotel suite ay pabagsak nang mahiga siya sa malambot na kama. Kapagkuwan ay napatitig siya sa kisame.
May ilang araw pa siya para mag-isip kung saan ba siya pupunta oras na umalis siya sa hotel na iyon.
Para sa kaniya, hindi siya maaaring manatili pa sa Maynila dahil pakiramdam niya, masyado na iyong maliit para sa kanila ng madrasta niyang si Mariefe.
Baka sa ibang pagkakataon, bigla na lamang silang magpanagpo.
Paano kung may kasama ito, habang siya ay mag-isa lamang? Baka sa pagkakataon na iyon ay magawa nito ang masamang balak sa kaniya.
Hindi naman siya nito totoong anak kaya ganoon na lamang kung ibenta siya sa Chinese.
Para na namang may kung anong nakabara sa kaniyang lalamunan.
“Paano ka na ngayon, Niana?” kausap pa niya sa kaniyang sarili.
Saan siya pupunta pagkatapos nito?
Gusto niya, iyong malayo sa Maynila. Para makapagsimula siyang muli.
NAPATITIG SI NIANA sa mga signage ng bus sa may bus station sa may katabi ng Gil Puyat Station.
Ang daming puwedeng pagpilian kung saan pupunta na malayo sa Maynila.
“Kuya,” aniya sa isang lalaking nakatayo sa may terminal ng bus.
Agad gumuhit ang ngiti sa mga labi ng lalaki nang makita siya. “Yes, Ma’am?”
“Saan magandang pumunta sa mga lugar na ‘yan?” aniya na itinuro pa ang mga signage sa bus. “‘Yong medyo malayo rito sa Maynila.”
“Medyo lang?”
Tumango si Niana.
“Sa Lucena, Ma’am. Sakay ka lang diyan.” Itinuro pa nito ang bus na papuntang Lucena. “Malayo na ‘yan dito sa Maynila.”
Wala naman siyang nararamdaman na masama sa lugar na binanggit ng lalaki kaya may ngiti sa labing nagpasalamat siya rito bago sumakay sa bus na biyaheng Lucena.
May pera naman siyang dala kaya bahala na pagpunta sa lugar na iyon. Siguro naman, makakapagsimula na siya roon nang bago.
Habang nakaupo sa bus ay pinalitan na rin niya ng sim card ang kaniyang cellphone. Para hindi na rin siya magawa pang tawagan o i-text ng kaniyang madrasta na si Mariefe. Kung mag-text man ito sa kaniya ay hindi na para mabasa pa niya.
Putol na ang kung ano mang koneksiyon niya rito.
Pero kay Nicah, hinding-hindi niya puputulin ang koneksiyon dito. Babalikan niya ang kaniyang kapatid kapag kaya na niya itong buhayin. Sa ngayon, kailangan niya ng trabaho para mabuhay.
Sa pag-alis ng bus na kaniyang kinasasakyan, iyon na rin ang simula ng bago niyang buhay.
Kung ano man ang pagsubok na naghihintay sa kaniya, bahala na.
At kung hindi talaga siya palarin dito sa bansa, gagawan na talaga niya ng paraan para makapagtrabaho sa abroad. Baka sakaling naroon ang kaniyang suwerte sa buhay.
May ilang oras din ang biyahe na ikinatulog pa ni Niana. Nagising siya na malapit ng bumaba sa grand terminal sa Lucena City.
At nang makarating doon, hindi naman niya alam kung saan siya sunod na pupunta. Minabuti muna niya ang kumain sa isa sa fast food chain na naroon. Ito iyong hindi niya basta nararanasan noon. Ang makakain sa ganitong klaseng lugar. Naalala na naman ni Niana si Nicah. Tiyak na matutuwa rin ang kapatid niyang iyon kung makakaranas na makakain sa ganoong lugar. Sana, maalala man lang itong ilabas ng ina nito habang may pera pa ito.
Mahirap ang maging isang mahirap.
Salat sa lahat ng bagay.
Kung hindi naman dahil sa lalaking tumulong sa kaniya, hindi rin niya mararanasan iyong ganito.
Matapos kumain, ang tagal lang niyang nakaupo sa isang bench. Hindi rin naman kasi niya alam kung saan siya sunod na pupunta.
Lord, tulungan po ninyo ako… piping usal pa ni Niana.
Napatayo lamang siya sa kaniyang pagkakaupo nang may makitang isang babae na tingin niya ay medyo may edad na rin. Napunit ang dala niyong plastic kaya nahulog ang mga dala niyong gamit.
May pagmamadali nang lapitan niya iyon para tulungan sa mga nahulog na gamit nito.
“Sinasabi ko na nga ba,” bulalas pa niyon na kaagad dumampot din sa nahulog nitong gamit. “Salamat, ‘Neng,” wika pa niyon sa kaniya.
“May iba pa po ba kayong lalagyan?” tanong pa niya.
“Sandali,” anang matanda na may dinukot sa isang bag na dala. “Heto,” isang eco bag iyon na tama lang ang laki. “Dapat ay diyan ko na talaga inilagay kanina para hindi nangalaglag.”
Matapos ilipat ni Niana ang mga nalaglag sa eco bag na hawak niya ay kaagad niya iyong ibinigay sa matanda.
“Heto po. Saan po ba kayo? Para maihatid ko po kayo sa sasakyan ninyo kung sakali,” magalang pa niyang wika.
Napangiti naman sa kaniya ang matandang babae. “Nakakatuwa ka naman, hija. Mauupo muna ako at kakaunti pa ang pasahero sa jeep na biyaheng Pagbilao.”
Agad na inalalayan ni Niana ang matanda paupo sa bench na kinauupuan niya kanina. Pagkaupo ng matanda ay agad itong uminom sa dala nitong mineral water.
“Saan po ‘yong Pagbilao?” usisa pa niya.
“Hindi mo ba alam?” gulat pa nitong bulalas.
Umiling si Niana. “Hindi po ako taga rito. Galing po ako sa Maynila. Nagbabakasakali po ako na may mapapasukan akong trabaho rito.”
“Ang ibang tao, mas gustong pumunta sa Maynila. Tapos ikaw, dito ka naman napadpad. Gusto mo bang sumubok naman sa ibang siyudad?”
Huminga siya nang malalim. “Ang totoo po niyan, gusto ko lang din pong makalayo sa madrasta ko.”
“Madrasta?”
Tumango si Niana. “Tumakas po ako sa poder niya dahil may masama po siyang plano para sa akin. Balak po sana niya akong ibenta sa isang matandang Chinese. Nang malaman ko po ‘yon, hinintay ko lang po siyang umalis bago po ako umalis sa amin.”
Hindi niya alam, pero ang sarap lang mag-open sa isang estranghera. Pakiramdam niya, safe ang kuwento niya rito.
“Wala ka na bang mga magulang?”
Umiling si Niana. “Patay na po ang mga magulang ko. Matapos pong mamatay ng Papa ko, naiwan po ako sa poder ng madrasta ko. Gusto ko pong magsimula ng bagong buhay na malayo sa madrasta ko. Kaya dito po ako napadpad ngayon.”
Napabuntong-hininga ang matanda. Para bang nalulungkot ito para sa kaniya.
“Kawawa ka naman, hija. Ano ba’ng trabaho ang hanap mo kung sakali?”
Kimi siyang ngumiti. “Kahit na ano po sana. Hindi rin naman po kasi ako nakatuntong sa college kaya wala po akong karapatan na mamili ng mas magandang trabaho. High school graduate lang din po ako.”
“Kaya mo bang mamasukan bilang isang kasambahay?”
Kasambahay?
Hindi pa niya nasusubukan. Ngunit may ideya naman siya sa trabaho ng mga kasambahay dahil may kaibigan siyang namamasukan bilang kasambahay. Isa pa, marunong siya sa gawaing bahay kaya tingin niya ay kakayanin naman niya.
“May kilala po ba kayo na nangangailangan ng kasambahay?”
“Mayroon. ‘Yong kapitbahay ng amo ko, sa pagkakatanda ko ay nangangailangan sila ng isang kasambahay na pansamantalang papalit doon sa aalis na katulong. Uuwi ng Baguio dahil may malubhang sakit ang ina. Humiling ng kahit na dalawang buwan na bakasyon para maalagaan ng personal ang ina. Hindi naman sa pag-aano, pero para bago man daw sumakabilang buhay ang ina niya ay maalagaan naman niya. Kung bakante pa ‘yon, gusto mo bang sumubok? Malay mo naman, wala pa silang nakukuhang hahalili sa kasambahay na ‘yon. Isa pa, mababait din ang mga amo sa bahay na ‘yon. Hindi malupit sa kasambahay.”
“Kung puwede pa po akong mamasukan doon, sige po.”
“Ay siya, sumama ka muna sa akin. Ipapakilala na lamang kitang malayong pamangkin para wala na silang maraming tanong kung sino ka. Bueno, ako nga pala si Trudis. Tawagin mo akong Tiya Trudis para naman masanay ka. Gertrudes Taytay ang buo kong pangalan. ‘Wag mong kakalimutan. Kamo, mula sa Maynila ay pinauwi lang kita rito sa Pagbilao para sumubok magtrabaho. May iba kasing kasambahay na matanong.”
“Sige po, Tiya Trudis,” ani Niana na nakipagkamay pa sa matanda. “Ako po si Niana Pagaran. Twenty-three na po ako.”
Napangiti ito nang makilala siya. “Siya, sana ay magkaigi ‘yong a-apply-an mo.”
“Sana nga po.”
Ngayon pa lang, pinagdarasal niya na sana, walang maging problema. At higit sa lahat, sana ay available pa rin ang trabahong balak niyang pag-apply-an.