“DITO ang puwesto mo,” nakangiti pang wika ni Dulce kay Niana nang samahan siya nito sa kaniyang magiging higaan sa maid’s quarter. Nasa unang palapag iyon. Nasa pangalawang palapag kasi ang silid para sa mga tauhang lalaki sa mansiyon.
“Kuwarto ba talaga ‘to ng mga kasambahay rito?” hindi makapaniwalang tanong ni Niana dahil ang silid para sa mga kasambahay ay napaka-homy ng dating.
Ang gaganda ng kama na mga naghanay roon. May mga comforter din. Sariling bedside table at sa bawat tapat ng kama ay mayroong kani-kaniyang cabinet.
Bukod pa roon, may sarili ring salas ang maid’s quarter. May malaki roong TV kung saan maaaring manood ang mga kasambahay kapag oras ng pahinga sa hapon. At sandaling manood ng teleserye sa gabi.
“Oo,” ani Dulce sa tanong ni Niana.
“Wow.”
Palibhasa, sa ibang lugar, ang silid ng kasambahay ay makipot lang. Maliit. Mainit. Nakabentelador lamang. Ngunit sa lugar na iyon, may sariling aircon sa silid ng mga kasambahay. Sobrang na-a-amaze ang kaniyang pakiramdam.
“Mababait kasi ang mga amo natin dito kaya kita mo naman sa tinutulugan natin dito na hindi nila tayo pinababayaan. Hindi sila madamot. At saka, gusto nila na maganda at malambot ang ating hihigaan dahil alam naman nila ang pagod natin sa maghapon. Kahit na sa totoo lang, hindi naman nakakapagod ng sobra ang trabaho dahil marami rin naman tayong kikilos. Basta gawin mo lang ang best mo, Niana. Balik na rin natin sa kabutihan ng mga amo natin. Hindi lahat, ganito kasuwerte sa mga amo nila.”
May ngiti sa labi na tumango si Niana. “Pagbubutihan ko, Ate Dulce.”
“Ilang taon ka na?”
“Twenty-three.”
“Ikaw ang pinakabata rito. Thirty-five na ako. Ang mabuti pa, ayusin mo na ang mga gamit mo sa cabinet na ‘yan. Maghahanap ako ng puwede mong maging uniform. Tingin ko, sa iyo kakasya ‘yong small. Paano kasi, sa sobrang daming pagkain dito, hindi ka talaga se-sexy,” nakangiti pa nitong wika bago tuluyang nagpaalam sa kaniya.
Nakakatuwa lang na ang bait sa kaniya ni Dulce. Hindi katulad ng kasamahan ni Tiya Trudis sa kabilang bahay na si Mimi, mukhang hindi siya gusto.
Pero sa lugar na iyon, hindi niya maramdaman ang disgusto sa sino man. Para bang lahat ay mababait. Siguro, dahil na rin maganda talaga roon at hindi nakaka-stress.
Isang libot pa ng tingin sa loob ng silid na iyon bago inilagay ni Niana ang mga gamit niya sa cabinet na katapat ng kaniyang kama. Doon ay isa-isa niyang inayos sa pagkakasala-salansan ang kaniyang mga kasuotan.
Kahit hindi permanente at pansamantala lamang siya roon, malaking bagay pa rin iyon sa kaniya dahil libre doon lahat. Tiyak niya na makakaipon siya.
Saktong natapos siya sa kaniyang ginagawa nang balikan siya roon ni Dulce. May dala itong uniporme niya. Pitong piraso iyon.
“Sukatin mo ‘to kung kasya sa iyo, Niana. Naroon ang banyo,” itinuro pa nito ang kinaroroonan ng banyo. “Tara.”
May ngiti sa labi na tinanggap niya ang isang pares ng uniporme na kaniyang isusuot. Terno iyon. Iniwan naman muna ni Dulce sa may kama niya ang iba. Iisa naman ang sukat niyon. Sa kulay lang nagkaiba-iba.
Color coding yata roon araw-araw.
Pati ang banyo, mapapa-wow ka naman talaga. May limang cubicle sa loob na may kani-kaniyang shower para daw hindi magsabay-sabay sa paliligo. Hot and cold iyon katulad sa hotel na kaniyang pinag-stay-an ng ilang araw. May dalawa rin doong pinto sa loob ng banyo na para naman daw sa dumihan kung saan naroon ang toilet bowl.
Kulay baby pink ang sinukat na uniporme ni Niana.
Nang makalabas siya sa cubicle na kaniyang pinasukan, napaawang pa ang mga labi ni Dulce nang makita siya.
“Bakit ang gandang tingnan sa iyo?” gulat pa nitong bulalas. Hinila pa siya nito at iniharap sa mirror wall. “Tingnan mo ang sarili mo, daig mo pa ang nagtatrabaho sa isang health center kaysa katulong dito. Samantalang ako, napabayaan na sa kusina na kasambahay.” Tumawa pa sa sarili nitong biro si Dulce.
“Hindi ka naman mataba,” baling niya kay Dulce. “Tama lang ‘yong katawan mo.”
“Kapag inilapit sa iyo, doble mo na ako. Ang sexy mo kaya.”
“Alam mo ba kung bakit?” nakangiti pa niyang tanong kay Dulce.
“Dahil ayaw lang talaga ng taba sa iyo?”
Umiling si Niana. “Dahil kapos kami sa buhay, Ate Dulce. Kung hindi kami kakayod, wala kaming kakainin. Minsan nga, naranasan kong matulog na walang laman ang tiyan.”
“‘Wag mo nga akong biruin, Niana. Hindi halata sa iyo na wala kang makain. Pinagpala ka lang talaga ng Diyos. Favorite ka yata niya. Ang ganda mo pa. Tingin ko, kung maaayusan ka, lalo kang kikinang. Hindi ka nakakahiyang ihanay kina Ma’am Aniah at Ma’am Chandrea.”
“Amo natin?”
Tumango si Dulce. “Oo. Anak ng mga amo natin. Pero si Ma’am Aniah, wala na rito dahil may asawa na. Dalawa sa anak ng mga amo natin ay nag-asawa na. Umuuwi-uwi naman dito ang triplets na anak nila. Wala lang sila ngayon dahil nasa UHB Leisure Club. Si Ma’am Chandrea, mamaya, makikita mo ‘yon. Mababait sila kaya ‘wag kang matatakot sa kanila. Mukha lang nakakahiyang lapitan dahil sobrang elegante nila.”
“Ang mabuti pa, isuot mo ‘yong light green na uniform para parehas ka namin ng suot. Ililibot kita sa buong bahay para naman alam mo ang pasikot-sikot dito. Magpapaalam lang ako sa mayordoma.”
“Si Ma’am Nida?”
“Oo. Sige na. Mag-ayos ka na at magpalit.”
Nang muling mapag-isa si Niana, ginawa na niya kung ano ang bilin ni Dulce. Isinuot niya ang light green na uniform. Ang kaniyang buhok ay ipinusod niya upang magmukhang presentable ang kaniyang mukha.
Ngunit kahit pulbo, wala siyang dala. Kaya wala siyang ibang mailagay sa kaniyang mukha para mas maging presentable. Pinisil-pisil na lamang niya ang kaniyang pisngi upang mamula nang bahagya at magkaroon ng kulay ang kaniyang maputing mukha. Ang labi niya ay bahagya rin niyang kinagat-kagat.
“Ate Dulce, baka naman may cologne ka riyan? Nakakahiya lang at wala man lang bango ang katawan ko,” nahihiya pa niyang tanong kay Dulce nang muli siyang balikan sa maid’s quarter. “Papuslit sana kahit dalawa lang.”
Nangingiting tumango si Dulce. “Wala lang akong cologne,” anito na naglabas ng isang perfume na nasa babasaging bote. “Regalo ‘yan ni Ma’am Aniah. Sige na, gamitin mo na.”
“Eh, baka may iba ka pa. Sigurado ako na iniingatan mo rin ‘yan.”
“Okay lang. Ano ka ba? Paano ako makakahirit ulit ng pabango kung mayroon pa rin akong ginagamit? Mindset ba,” birong totoo pa nito.
Dahil sa pag-aalangan ni Niana kaya nagkusa na si Dulce na spray-an siya ng pabango nito. Tunay na kay bango niyon.
Kahit paano, hindi na siya mahihiya pang lumapit sa mga amo nila kung sakali man na kailangan niyang humarap sa mga iyon.
Dahil alam na naman ni Mayordoma Nida na sasamahan siya ni Dulce na lumibot sa mansiyon, kaya walang sumisita sa kanilang dalawa.
Kusina pa lang ang nakita niya kanina na siyang pinaka-dirty kitchen sa mansiyon. Hindi pa ang loob mismo ng mansiyon. Kaya nang makarating siya roon, para siyang lumulutang ang pakiramdam dahil sa sobrang ganda ng mga nakikita niya. Pakiramdam niya, nasa isang palasyo siya.