Kahit sa nadaramang pagnanasa at seryosong hitsura ni Claude ay napangiti si Darcelle at inilapit ang bibig sa tainga nito para bumulong. “Huwag mo ‘kong akitin, meow! Hindi iyan gagana sa ‘kin.” Lumingon sa kanya ang binata at muntik na siya nitong mahalikan kung hindi lumapat ang labi niya sa pisngi nito. “Huwag mo ‘kong hahamunin, hippo.” Mahina ang boses ng binatang nagsalita. “Baka kapag nahalikan na talaga kita, masasabi mong huwag na kitang tigilan at ituloy na natin sa sukdulan.” Hinawakan niya sa magkabilang pisngi ang binata. “Kung o kapag mangyari man ‘yon, meow, humanda ka na lang dahil katapusan na rin ng relasyon natin. Ayos lang ba sa ‘yo ‘yon?” Tiningnan niya ito sa mga mata na tila may hinahanap doon. Ganoon din ang ginawa ng lalaki habang nakatitig sa kanyang mga mata.

