MAKALIPAS ang anim na oras na pagbibiyahe, huminto ang taxing sinasakyan nina Ahnia at Conrado sa harap ng isang maliit na karinderya. Unti-unting nagising ang dalaga nang marinig ang pag-uusap ng driver at ng binatang si Conrado.
"Pasensiya na, boss. Hindi na talaga kaya nitong sasakyan ko. Kagabi pa ito may sira," napapakamot sa ulo na wika ng matandang drayber.
Pupungas-pungas na tinanaw niya ang dalawa mula sa backseat. Nakatayo ang mga ito sa gilid ng sasakyan. Nagbuga naman ng malalim na paghinga si Conrado bago dinukot ang pitaka sa loob ng sarili nitong bulsa. Inilabas nito ang isang libo at inabot iyon sa matanda.
"Mamaya siguro, dadaan na rito iyong ceres bus. Medyo may kamahalan ang pamasahe sa kanila, pero sila lang ang bumibiyahe mula Maynila patungong Antique. Abangan n'yo na lang, boss."
Nagdesisiyon siyang umibis ng sinasakyan at may pagmamadaling lumapit sa binata na nang mga sandaling iyon, halatang hindi maganda ang timpla ng mukha. Pinanood nilang itulak ng matandang lalaki ang taxi nito at ipinarada iyon sa gilid ng daan. Saka naman napansin ni Ahnia ang paligid nila. Nilibot niya ang tingin sa kinaroroonan nila at bumungad sa kaniya ang mga malalaking puno at mga nagtataasang talahib. Maliban sa nag-iisang karinderya, wala na siyang matanaw ni isang bahay sa paligid.
Maya-maya ay nakaramdam siya ng pangangalam ng sikmura nang malanghap ang amoy ng mga bagong lutong pagkain mula sa karinderya. Nilingon niya ang maliit na kainan sa gilid ng daan at wala sa sariling napahawak sa kaniyang tiyan. Ramdam niya ang pagkalam ng sikmura.
Nakita naman iyon ni Conrado. Nasisiguro ng binata na gutom na ang babae dahil paniguradong hindi na naman ito kumain ng hapunan kagabi. Lagi naman itong ganoon, hindi naghahapunan dahil nagda-diet kuno ito. Maliit na nga ang katawan ay nagpapapayat pa rin.
"Halika na sa loob," ani Conrado bago nagpatiuna sa paglalakad papasok sa maliit na karinderya.
Sumilay ang malapad na ngiti sa mga labi ni Ahnia. Sa wakas ay malalamanan na ang sikmura niya. Nang makapasok sila sa loob, napansin nilang maliit lamang ang espasiyo ng kainan na iyon. May iilang mesa sa paligid habang sa pinakaunahan naman ay naroon ang mahabang mesa kung saan nakahilera ang mga ulam. Wala pang customer ang karinderya maliban sa kanilang dalawa.
Sino ba naman kasi ang kakain dito kung naroon ito sa lugar na walang kabahayan. Napaisip tuloy si Ahnia kung kumikita pa ba ang karinderya na ito. Pero pilit niyang iwinaksi ang mga iyon sa isip. Mas importante ang makakain siya!
"Kuya Conrado, may pera ka pa ba? I don't have money kasi, e," tumingkayad pa siya upang ibulong iyon sa lalaki.
Sa halip na sagutin, hindi siya pinansin ng binata, bagay na ikinanguso niya. Napakasuplado talaga nito. Pinabayaan na lamang niya ang lalaki at sumunod na lang sa likuran nito nang magpatuloy ito sa paglalakad. Tutal, sanay na rin siya rito. Lagi naman kasi itong ganoon pagdating sa kaniya, hindi namamansin. Tila ba laging masama ang loob. Wala naman siyang nagawang masama rito.
Lumapit sila sa mahabang mesa kung saan naroon ang mga pagpipiliang ulam. Isa-isa niyang tinitigan ang mga nakahain. Biglang namasa ang bibig niya. Natatakam siya sa mga nakikitang pagkain sa harap nila, kahit sabihin pang puro gulay at isda lang ang mga ito, masarap pa rin sa pang-amoy. Idagdag pa ang amoy ng mga pinaghalong pagkain mula sa kusina na paniguradong niluluto pa lamang. Nakatatakam! Natigilan lang siya nang mapansin ang matalim na titig sa kaniya ni Conrado.
Agad na sumilay ang pagtataka sa kaniyang mukha. "Is there something wrong, Kuya Conrado?" nagtataka niyang tanong dito. Hindi siya sanay na tinitingnan siya nito. Naaasiwa siya sa dalawang pares ng matatalim nitong mga mata.
Sumenyas si Conrado sa isang mesa malapit sa labas. "Ako na ang bahalang um-order. Umupo ka na."
Napangiti naman siya bago tumango ng ilang beses. Mukhang nagiging mabait na ito, ah. Tinungo niya ang mesang itinuro nito, malapit iyon sa labas kaya presko. Umupo siya nang nakaharap sa mga puno. Itinuon niya ang mga mata sa kulay luntiang dahon ng mga ito.
Bigla niyang naalala ang sinabi ng professor niya noong highschool pa lang siya. Kapag laging nakababad sa gadgets ang mga mata, ipagpahinga ito sandali at ituon sa mga bagay na kulay luntian. Nakatutulong kasi ang kulay nito sa mga mata natin. Simula noon ay lagi na niyang ginagawa ang bilin nito.
Maya-maya lang ay dumating na si Conrado tangan ang isang kulay pulang tray na pinaglalagyan ng mga in-order nitong pagkain. Inilapag nito isa-isa sa ibabaw ng bilugang mesa ang dalawang order ng kanin, dalawang pritong bangus, isang order ng ginisang ampalaya at isang order pa ng ginisang kalabasa at talong.
Matagal na tinitigan ni Ahnia ang mga gulay na nakahain sa harap niya. Hindi siya sanay kumain ng mga ito at kung tatanungin siya, ayaw niya talagang kumain ng gulay. Mabuti na lamang dahil may in-order na bangus ang lalaki.
"Masanay ka nang kumain niyan," wika naman ni Conrado nang mapansin nitong natigilan ang dalaga nang makita ang mga pagkaing in-order niya. "Sa lugar na pupuntahan natin, walang karne. Ang mga isda roon, mahal. Kaya madalas, gulay lang ang uulamin natin," dagdag pa niya sa babae.
Nag-angat ng mukha si Ahnia. Wala sa sariling tumango sa binata.
"I-it's fine with me naman, Kuya Conrado," pilit siyang ngumiti matapos sabihin iyon.
Tumaas naman ang isang kilay ni Conrado. "Ah, talaga?" nang-uuyam nitong tanong. Alam kasi nitong napipilitan lang si Ahnia na sabihin iyon. Inilapit nito sa babae ang platito na pinaglalagyan ng ginisang ampalaya. "Kumain ka," utos pa nito sa matigas na boses. Titingnan lang niya kung okay nga lang talaga rito na kumain ng gulay.
Umismid si Ahnia. Matagal na tinitigan ang gulay na inalok ni Conrado. Pinagmasdan niya ang kulay berdeng pagkain na may halong itlog. Malaki ang pagkahihiwa rito kaya hindi niya maiwasang makaramdam ng takot. Pakiramdam niya kasi, kapag malalaki ang hiwa ng mga gulay, parang siya ang kakainin ng mga ito sa halip na siya ang kumain.
"I'll take this instead," aniya matapos kumuha ng ginisang kalabasa na may talong. "I don't like foods na mapait kasi, e."
Napailing na lang si Conrado sa narinig. Pinigilan nito ang sarili na matawa sa nakikitang reaksiyon sa mukha ng dalaga. Pagkatapos abutan ng kubyertos ang babae, nagsimula na silang kumain dalawa. Walang ni isang nagsalita sa kanila dahil hinahabol nila ang oras. Baka kasi abutan sila ng pagdating ng bus habang kumakain pa rin.
Ilang minuto matapos mag-agahan ay binayaran na ni Conrado ang kanilang mga kinain. Sakto namang huminto sa harap ng karinderya ang isang bus na nagngangalang Ceres.
Tila sinusuwerte sila ni Ahnia. Halos puno na ang naturang bus nang sila ay sumakay at dalawang upuan na lamang malapit sa likuran ang natitira. Umupo malapit sa bintana ang dalaga at siya naman ay sa tabi nito.
"Dalawang libo, sir," natigilan si Conrado nang marinig ang sinabi ng konduktor.
Bahagyang kumunot ang noo niya nang balingan ito ng tingin. "Ang mahal naman yata."
Sa pagkakataong iyon ay ang konduktor naman ang nahinto sa pagsusulat at lumingon sa kaniya. "Gano'n talaga, sir. Medyo malayo kasi ang Antique mula sa Maynila. Kung wala kayong pera, puwede na kayong bumaba."
Umigting ang panga ni Conrado sa narinig. Kung hindi nga lamang niya kasama si Ahnia at may tinatakasan sila, baka kanina niya pa binangasan sa mukha ang lalaking konduktor.
Isang libo at walong daan na lang kasi ang natitira niyang pera sa bulsa. Kagabi dahil sa nangyaring pakikipagsuntukan sa lalaking nagngangalang Edgar, hindi niya namalayang nalaglag pala ang dala niyang pitaka. Mabuti na nga lang dahil may natitirang tatlong libo sa bulsa niya.
Balak niya sanang kausapin ang driver at pakiusapan na lang, ngunit nang makita ang konduktor na halos lumuwa na ang mga mata habang nakatitig kay Ahnia ay mas lalong nag-init ang ulo niya. Nilingon niya ang babae at pinasadahan ito ng tingin. Halos lumuwa na ang mga dibdib nito dahil sa suot nitong pantulog na mahigpit na yumayakap sa katawan nito. Nakalimutan niyang naka-night dress lang pala ito nang tumakas sila kagabi.
Nagtitimping hinubad niya ang suot na double rider jacket at itinakip iyon sa katawan ng babae. Gulat namang napalingon sa kaniya si Ahnia. Abala ito sa pagtanaw sa labas ng bintana kaya wala itong kaalam-alam sa nangyayari.
Dahil sa ginawa, nakuha niya ang atensiyon ng konduktor. Nang magsalubong ang mga mata nila ay kukurap-kurap itong nag-iwas ng tingin.
Hinubad niya ang suot na relong pambisig at inabot iyon sa lalaki. "Heto."
Nakakunot-noong tinanggap iyon ng konduktor. "Ano naman ang gagawin ko rito?"
"Hindi na sapat ang pera namin, iyan na lang ang ipambabayad ko." Ibig niyang magdabog dahil sa nararamdamang galit.
Mas lalong lumalim ang kunot sa noo ng lalaki. Umiiling itong ibinalik ang relo sa kaniya. "Nagpapatawa ka ba? Hindi ako nagbibi—"
"Original iyan, nagkahahalagang labing-limang libo. Puwede mong ibenta ng walo hanggang sampung libong piso."
Natigilan sandali ang konduktor sa narinig. Muli nitong sinipat ang relo. Binili niya iyon noong isang linggo lang at totoong mahal talaga ito. Nagpaalam ang konduktor sa kanila at sandaling may pinuntahan. Nang muli itong bumalik ay may ngiti na sa mga labi habang tumango-tango.
"Ayos na raw," anito bago ibinigay sa kanila ang dalawang ticket.
Naiiling na kinuha niya iyon at itinapon niya ito sa labas ng bintana ng bus. Nang muli niyang tingnan si Ahnia ay magkahalong pag-aalala at pagtataka ang mababakas sa mukha nito habang nakatitig sa kaniya.
"Ano'ng tinitingin-tingin mo riyan?" kunot ang noong tanong niya sa babae.
Ngumuso si Ahnia. "Sorry, I can't help you. Wala kasi akong money, e."
Nag-iwas siya ng tingin at isinandal ang ulo sa inuupuan saka pumikit. "Magpahinga ka muna. Mamaya pa tayo makakarating sa pupuntahan natin."
Nag-aalinlangang tumingin ang babae sa labas ng bintana bago muling itinuon ang tingin sa kaniya. "Why did you threw out the tickets? They might check it again later."
Nakapikit pa ring tumugon siya sa sinabi nito. "Sa laki ng ibinayad ko, hindi na nila kailangan pang hanapan tayo ng ticket mamaya."
Walang nagawa ang dalaga kundi ang bumuntong-hininga. Ibinaling na lamang nitong muli ang tingin sa labas ng bintana.
ALAS-KUWATRO na ng hapon nang huminto ang bus sa terminal ng Antique. Mula sa sentro ng lugar, sumakay sina Ahnia at Conrado ng tricycle at nagpahatid sa Baryo Crisostomo. Halos dalawang oras din ang itinagal ng biyahe bago nila tuluyang narating ang bungad ng naturang baryo.
Walang kaingay-ingay ang paligid at tanging huni ng mga ibon mula sa gubat ang maririnig. Para itong isang maliit na nayon na may magkakatabing mga bahay na ang karamihan ay yari sa kahoy. Malayo sa kalsada at pinaliligiran ng mga malalaking puno at nagtataasang mga damo.
Sa madaling salita, liblib. Iilan lamang ang mga bahay na maayos kung titingnan. Mabibilang lang din sa mga daliri sa isang kamay ang mga bahay na may mga tindahan. Karamihan sa mga taong nakatira sa baryo ay masasabi mong kapos sa buhay.
Tumigil ang tricycle na kinalululanan nila sa tapat ng isang maliit na tindahan malapit sa bahay na bato kung saan maraming nagkukumpulang mga tao.
Makikita ang paglabas ng isang lalaki mula sa hindi kalakihang bahay sa tabi ng bahay na bato. Nakasuot ito ng puting sleeveless shirt at kupas na kulay itim na pantalon. Medyo may edad na rin ito. Mabilis na nagliwanag ang mukha nito nang makita ang binatang kabababa lamang mula sa pampasaherong tricycle.
"Conrado? Aba, ikaw nga!" Mabilis itong pumanaog sa tatlong baytang ng hagdan ng bahay nito.
Sumilay naman ang malapad na ngiti sa mga labi ng binatang si Conrado nang matanaw ang lalaki.
"Tiyo Gado!" Mabilis itong lumapit sa tiyuhin at yumakap nang mahigpit.
"Naku, binatang-binata ka na! Nasaan si Trina? Sino'ng kasama mo?" sunod-sunod na tanong ni Gado matapos lingunin ang babaeng lulan pa rin ng tricycle.
Nakangiti namang bumaba ng tricycle si Ahnia, ngumiti ito sa matanda nang magtagpo ang mga mata nila.
Unti-unting naglaho ang ngiti sa mukha ni Gado at napalitan iyon ng gulat at pagtataka. "S-sandali, siya ba si—"
Hindi na nito naituloy ang sasabihin nang maramdaman nito ang kamay ni Conrado sa balikat nito. "Anak po ni Sir Abrenico."
Tumango ng ilang beses si Gado at saka alanganing ngumiti. "Naku, ganoon ba? O, sige, pasok! Pasok! Iha, halina kayo sa loob at sigurado akong pagod na pagod kayo sa layo ng binyahe ninyo."
Nilingon ni Conrado si Ahnina at sinenyasan na sumunod sa tiyuhin niya sa loob ng maliit na bahay nito. Agad namang tumango ang dalaga at tinungo ang pintuan ng bahay saka pumasok sa loob. Si Conrado ay binayaran ang tricycle driver bago binalingan ng tingin ang buong paligid.
Naglandas ang mga mata niya sa paligid niya hanggang sa dumako ang paningin niya sa bahay na bato. May mga taong nagkukumpulan sa labas. Mga nagtsitsimas at ang ilan naman ay pasimpleng tumitingin sa kaniya.
Lumapit siya sa tindahang nasa harap ng bahay ng kaniyang tiyuhin. Doon ay bumili siya ng ilang pakete ng sigarilyo at ilang piraso ng candy na max. Lumanghap siya ng sariwang hangin mula sa paligid. Iba talaga ang hangin sa probinsiya. Masarap sa pakiramdam. Matapos bayaran ang mga binili ay tuluyan na siyang pumasok sa bahay ng tiyuhin.
Dumiretso siya sa maliit na kusina kung saan naroon sina Gado at Ahnia. Naabutan niya si Gado habang abala ito sa pagtitimpla ng inumin para sa kanila. Si Ahnia naman ay nakadungaw sa malaking bintana sa kusina, tahimik na nakatanaw sa mga taong nagkukumpulan sa bakuran ng bahay na bato.
May malaki at nakabukas na bintana ang parteng iyon ng bahay ni Gado kaya tanaw na tanaw nila ang kabilang bahay.
"Tiyo, ano'ng mayro'n sa kabila?" tanong niya sa tiyuhin matapos isenyas ang bahay na natatanaw niya mula sa kinatatayuan.
Bumuntong-hininga si Gado at naiiling na bumaling sa kaniya. "Si Ramon, patay na."
Sandaling natigilan si Conrado dahil sa narinig. Nilingon niyang muli ang bahay at sandaling inalala ang pangalang sinambit ng tiyuhin—si Ramon, isa sa pinakamatalik na kaibigan ng tiyo niya.
"Ano'ng nangyari?" muli niyang usisa sa lalaki at umupo sa bakanteng silya malapit dito.
Inilapag ni Gado sa ibabaw ng maliit na mesa ang dalawang tasa na naglalaman ng kape. Ang isa ay inilapit sa kaniya habang ang isa naman ay ibinigay nito sa dalagang si Ahnia.
"Hindi rin namin alam," umiiling nitong tugon. "Basta bigla na lang natagpuan ang katawan niya sa gitna ng gubat, hiwa-hiwalay ang ibang parte ng kaniyang katawan at wakwak pareho ang dibdib at tiyan," sinadya nitong hinaan ang boses habang sinasabi iyon.
Muling natigilan si Conrado dahil sa mga narinig. Makikita ang pagkunot ng noo nito dahil sa pinaghalong pagtataka at pagkagimbal.
"Inatake ba ng mabangis na hayop?" pagkokonkluda niya.
Marahang umiling si Gado. "Ang hinala ko, nabiktima ng manananggal."