Papasok pa lang ako sa loob ng bakuran namin nang makita kong nakaabang na si Nanay. “Halley, anong nangyari sa lakad mo?” tanong ni Nanay. Ngumiti ako. “Nakuha ko na po ang tseke.” Huminga nang malalim si Nanay. “Mabuti naman at may pera ka na. May pangbayad na tayo sa uupahan nating bahay.” Tipid akong ngumiti. “Bukas ko pa papalitan ang tseke.” “Magpalit ka na ng damit, maghahain na ako ng pagkain.” Tumango ako at dumiretso sa kuwarto para magpalit. “Hays! Paano ko naman mababayaran ang fifty thousand?” Kinuha ko ang tseke sa bag at pinagmasdan ito. “Kung ibabalik ko ang perang ito, baka sa kalsada na kami pupulutin ng pamilya ko.” Bigla kong narinig ang sigaw ni Nanay, kaya nagmadali akong lumabas ng kuwarto. “Anong nangyari?!” “Tulungan mo ako! Ang Tatay mo!” sigaw ni Nanay.

