NAKAKATAMAD pumasok pero kailangan. Kapag talaga dinadapuan ako ng buwanang dalaw ay hanggat maari ay ayaw kong gumalaw.
"Hindi ka ba papasok? Anong oras na?" tanong ni Mama nang sumilip sa kuwaarto
Umungol ako at tumihaya bago ko siya sagutin.
"Papasok. Masakit lang ang puson ko." Napangiwi ako ng maramdaman ang pagbulwak ng dugo sa pagitan ng aking hita.
"Sabi naman sa iyo at lagyan mo ng mainit na towel iyang puson mo. Sandali," anito sabay alis.
Huminga ako ng malalim sabay sulyap sa maliit na orasan. Malapit na mag-five-thirty. Dapat ay kumilos na ko lalo na mabagal akong gumalaw ngayon.
"Inumin mo 'to."
Napasulyap ako kay Mama na may dalang mug. Umuusok pa iyong laman niyon bago ko kinuha.
"Tsaa 'yan. Para mainitan ang tiyan mo. Kahit ilang higop lang. Kung hindi mo maubos, ilagay mo sa lababo. May niluto na kong hapunan mo tsaka baon. Magtutupi muna ako ng mga damit," aniya at iniwan na akong mag-isa.
xxx
"Matamlay ka ah? May sakit ka, Glaiza?" tanong ni Jomar nang maabutan akong naglalagay ng gamit sa locker.
"Oo—" hindi ko natapos sasabihin kasi sumabad siya agad.
"Eh ba't ka pa pumasok. Dapat nagpaalam ka na lang!"
Hinipo niya pa ang noo ko na agad ko ring inalis.
"Wala akong lagnat."
"Ay, andiyan na pala 'yong bago!" sabi ni Jomar kaya sabay kaming napalingon sa pinto.
Bahagyang ngumiti lang si Crisanto sa amin. Matamlay kong binalingan ang locker ko at sinara na iyon.
"Magandang gabi," anito sa baritonong tinig.
Natigilan ako saglit dahil iba ang pagkakabigkas niya ng salitang iyon. Literal na nagtayuan ang balahibo ko sa binti.
"Magandang gabi rin," dinig kong sabi ni Jomar sabay sulyap sa akin. "Saan kayo ngayon?"
"Naka-assign ako ngayon sa main dining hall. May event daw mamaya kaya kailangan maglinis do'n."
Tumango si Jomar at tinapik ang balikat ko bago umalis. Nilingon ko si Crisanto na walang reaksyon habang nakatingin sa akin.
Ngumuso ako nang mapansing suot na niya ang uniporme namin. Hindi naman siya nagmukhang janitor. Siguro kahit anong ipasuot mo rito ay babagay sa kanya.
Basa pa ang kulot nitong buhok tanda na bagong ligo lang ito. Amoy ko pa nga ang pabango niya.
"Kumain ka na ba?" tanong ko habang naglalakad palapit sa kanya. Huminto rin ako ng ilang pulgada dahil sobrang tangkad talaga niya!
Sasakit na naman ang batok ko kakatingala. Matangkad naman ako pero mas matangkad siya.
Umiling ito.
Kumunot ang noo ko.
"Huh? Magtatrabaho na tayo dapat kumain ka na kanina," sabi ko sabay sulyap sa relo. Mayroon pa namang kinse minuto bago ang oras ng trabaho.
Nag-angat ako ng tingin. Nakatunghay pa rin siya sa akin.
"Kain ka kaya muna? Ako kasi... kumain na. Check natin sa pantry kung anong pagkain. Mabilis ka bang kumain?" tanong ko at nilagpasan na siya.
Naramdaman ko ang pagsunod niya sa akin.
"Oo naman," tipid nitong sagot at sinabayan na ko sa paglalakad.
Kinagat ko ang ibabang-labi dahil nanunuot sa ilong ko iyong pabango niya.
"Bakit?"
"Huh?" Tiningala ko siya. Naabutan ko pang nakakunot-noo.
"Para kasing mukhang kang naba-bother," aniya.
Natawa ako bigla. Napahinto tuloy kami sa paglalakad.
"Bakit?" tanong nito ulit.
"Ang cute nang pagkakasabi mo ng bother. Nag-call center ka siguro. Iba accent ng english mo, eh."
Hindi ko na napigilang hindi humagigik. Narinig ko siyang nagsalita.
"May pamangkin kasi akong nag-e-english. Nahawa siguro ako," nahihiya nitong sabi habang nagkakamot sa ulo.
Mangha akong tumango.
"Ah... kaya pala!"
"Tara na nga at umaandar ang oras. Bilisan mo na lang kumain," yaya ko sa kanya at nagmamadali nang maglakad.
Mabuti na lang may mga pagkain pa sa pantry. Kadalasan kasi ay nauubos na agad dahil karamihan ay nabili ng pagkain doon.
Ngumuso ako habang nag-aantay kay Crisanto na mamili ng kakainin. Halos lahat ng empleyado ay nakukuha niya ang atensyon. Ako itong nahihiya.
"Glaiza!"
May iba pang sumisigaw para tawagin ako sabay nguso sa kasama ko.
"Bago?"
Tumango ako. Nagtawanan ang ibang kasamahan ko sa kabilang table at nagturuan pa na tila ba gusto nila na ipakilala ko si Crisanto.
"Anong gusto mo?"
Naagaw ni Crisanto ang atensyon ko.
"Huh? Hindi na ko! Kumain na ko," sabi ko sabay iling.
"Gusto mo ito?" sabi niya na akala mo hindi narinig ang sinabi ko.
Umiling ako. Hindi niya ako pinansin.
"Isa po ito tsaka dalawang kanin pa," anito na tinuro ang menudo na ulam.
"Huy! Kumain na nga ako!" Napangiwi ako at umiling kay Ate Beka pero natatawa na lang ito.
Sa huli ay wala akong nagawa kundi ang hayaan si Crisanto. Sumusunod na lang ako sa kanya kahti nang hawak-hawak na nito ang tray na may lamang pagkain namin.
"Sabi sa'yo kumain na ko. Hindi ko 'to mauubos," bulong ko sa kanya. Hiyang-hiya ako na nilibre niya ko ng pagkain. Hindi pa nga ito sumasahod eh nakuha pang manlibre ng iba.
Kaya pag-upo pa lang ay inabot ko na agad iyong isang daan na galing sa aking bulsa.
"Bayad ko. Pare-pareho tayong nagtatrabaho rito. Tsaka wala ka pang sahod, bakit ka nanlilibre ng ibang tao," mahabang lintaya ko.
Nakatitig lang siya sa perang inabot ko. Bumuntong-hininga ako. Hindi ko alam kung galante lang ba talaga 'to o ano.
Ako na mismo nag-abot sa kamay niya at nilapag doon ang isang daan.
"Magagalit ako kung hindi mo 'yan tatangapin. Bayad ko 'yan."
"Hindi naman ako nagpapabayad," giit niya.
Sinimangutan ko siya. Kinuha ko na iyong pagkain ko at napailing sa dami ng kanin.
"Hindi rin ako nagpapalibre. Tsaka bakit naman dalawang kanin, Crisanto?"
"Hindi ba dapat? Nakita kitang kumain noong nakaraan. Dalawang kanin iyong nauubos mo kaya akala ko ganyan ang order mo palagi."
Mabilis akong napatingin sa kanya at takang-taka.
"Saan mo ko nakita? Eh hindi naman tayo nagsabay kumain?"
"Kumain na ko rito bago ako interview-hin."
"Luh, hindi mo sinabi. Nagpunta ka na pala rito. Nakakahiya naman! Nakita mo tuloy na nagdadalawang kanin ako. Sa'yo na 'yang isa. Malaking tao ka naman. Nagda-diet na kasi ako." Natatawa kong sabi.
Napailing na lang si Crisanto habang nakangisi.
"Bilisan natin kumain para makasimula na. Masisilip tayo nito kasi kung pabonjing-bonjing tayo."
Tumango lang ito at nagsimulang kumain. Natigilan ako sa pagsubo dahil sa paraan nito ng pagkain.
"Bakit?" Natigilan si Crisanto at mukhang na-conscious pa dahil natagalan ako sa panunuod sa kanya.
"Wala..." saad ko. Hindi ko kasi maipaliwanag iyong mga nakikita ko sa kanya.