HINDI ako makasyado makatulog dahil sa nangyari. Iniisip ko ring iyong mamahaling relo na naiwan sa bag ko. Iniisip ko talaga kung paano naiwan iyon doon. Parang imposible naman kasi. At tsaka, baka hanapin ito sa akin. Gipit ako, oo. Pero alam kong hindi akin 'to kaya hindi ko p'wedeng isangla o ibenta.
Kaya hindi ko inamin kila Nanay iyong nangyari. Hindi ko mapigilan na hindi iyon sipatin. Namamangha ako at first time kong makahawak nang ganito kamahal na relo. Kanina sinearch ko sa internet. Nalula ako sa presyo. Kayang-kaya na naming bumili ng bagong bahay kung ibebenta ko 'to
Tinago ko 'yong mamahaling relo sa drawer. Ayoko na masyadong tignan at baka hipan ako ng hangin at bigla ko na lang isangla iyon sa malapit na pawnshop sa amin.
Bumalik ako sa pang-umaga na shift. Mas nakahinga ako ng maluwag dahil alam ko sa safe akong makaka-alis at uwi. Delikado kasi talaga kapag gabi.
"Glaiza! Pinatatawag ka ni Miss Iya," tawag ni Jomar sa akin habang nangongolekta ako ng basura kada kwarto. Hingal na hingal pa siya at malamang kanina pa ko hinahanap kaya lang ay nasa kabilang building ako para maglinis.
"Bakit daw?" tanong ko at humarap sa kanya.
"May iuutos na naman yata. Basta pumunta ka daw sa office niya. Ngayon na. Kanina pa kita hinahanap. Sabi ni Edgar nasa kabila ka, andito ka lang pala." Nagkamot ng ulo si Jomar at kinuha iyong push cart ko para ito na iyong magtapon at magdala ng gamit sa storage room.
"Sige, ikaw na bahala diyan, ha? Mauna na ko. Alam mo naman 'yon, ayaw nang pinag-aantay." Napangiwi ako at nagmamadaling tinalikuran si Jomar.
"Oo, sige!" pahabol ni Jomar bago ako tuluyang lumiko at nag-elevator.
Halos takbuhin ko tuloy iyong kabilang building kung saan naka-office si Miss Iya.
Hingal pa ako nang huminto sa harap ng pinto. Kumatok ako ng tatlong bese bago ko narinig iyong boses niya.
"Pasok!"
Dumungaw ako at ang una kong nakita ay iyong lalaki na nakaupo habang kausap si Miss Iya.
"Akala ko bukas nang umaga pa kita makakausap. Bakit ang tagal mo?" bungad ni Miss Iya kaya ang atensyon ko ay nakuha niya na.
Tuluyan akong pumasok sa loob ng office niya na nahihiya pa.
"Magandang tanghali po. Nasa kabilang building po kasi ako naglilinis. Kakasabi lang po ni Jomar na hinahanap niyo raw po ako," magalang kong sabi.
Mula sa gilid ng aking mga mata ay nakita ko iyong pagtingin sa akin ng lalaking nakaupo. Umalis sa upuan si Miss Iya.
"Ito pala si Crisanto, bagong hired na janitor."
Bumaling ako sa lalaki at ngumiti. Tumayo siya at nag-abot ng kamay sa akin. Nagulat ako at medyo natawa pero inabot ko na rin ang kamay niya.
"Nice meeting you. Ako po si Crisanto Dimasalang."
"Nice meeting you din. Ako naman si Glaiza Quijano," sagot ko at mabilis na kinuha iyong kamay ko. Napansin kong malambot ang palad niya. Nasanay ako sa magagaspang na kamay. Pasimple ko siyang pinagmasdan habang nagsasalita si Miss Iya.
"Kaka-hired lang niya kanina. Ikaw ang mag-train sa kanya at sa araw na 'to ipakita mo muna ang quarters niyo pati na ang ibang facilities na dapat niyong linisin. Kung anong trabaho mo at saan ka naka-assign, doon din siya."
Hindi naman siya mukhang mayaman. Iyong sapatos niya halatang luma na dahil nape-fade na iyong kulay ng sneakers. Iyong pantalon ay kupas na rin at ang t-shirt niya, iyon pa iyong bigay nang isang kandidato noong kampanya.
Medyo may kahabaan na rin ang kulot na buhok niya. Malinis naman siyang tignan at mukha siyang may lahi. Hindi siya pinoy, iyon ang sigurado ako. Maganda ang mga mata at mahaba ang pilik-mata. Iyong ilong niya ay sobrang tangos, ang labi niya ay mapula na manipis.
"Glaiza?"
"Po? Opo! Ako na po ang bahala," maagap na sagot ko at binalingan si Miss Iya. Napakurap-kurap ako at nagpatay-malisya kahit na mukhang nahuli nila akong pinagmamasdan si Crisanto.
Tinaasan ako ng kilay ni Miss Iya. Hindi ko maintindihan kung bakit ako iyong inatasan niya dito kay Crisanto. May mas matagal naman sa akin at usually iyong team leader naman namin ang gumagawa nito at hindi ako. Kaya lang, ayoko nang magreklamo at baka mapagalitan pa niya ako.
"Sige, marami pa kong gagawin. Ikaw na ang bahala sa kanya. Bukas pa siya magsisimula."
"Sige po, Miss Iya. Ako na po ang bahala. Tara," yaya ko sa kay Crisanto.
Nauna akong maglakad at ako sana ang magbubukas ng pinto pero naunahan niya ako.
"Salamat," sabi ko at napangisi bago naunang lumabas sa office ni Miss Iya.
"Bale ito 'yong main building ng resort. Hindi tayo dito maglilinis kundi sa kabila hanggang bukas," sabi ko habang naglalakad na kami sa hallway.
"Dito bale iyong admin office din," sabi ko at tinuro iyong sa right side kung nasaan ang office.
Hindi ko siya narinig na sumagot. Kaya paglingon ko nakatingin pala siya sa akin. Umiwas ako ng tingin. Nangawit pa ako kasi ang tangkad niya. Matangkad rin naman ako kumpara sa mga ordinaryong height ng mga babae pero iba kasi ang height ni Crisanto. Nakakabali ng leeg.
"Matagal ka na ba dito?" tanong nito.
Naghatid ng kaunting kilabot sa aking sistema ang malalim at magaspang niyang boses. Kung ipipikit ko ang aking mga mata, mahahalata ko pa rin na malaki siyang tao talaga.
"Hindi naman ganoon katagal tulad nang iba na limang taon na o sampung taon na. Tara, dito tayo," sabi ko pagbaba namin ng hagdan. Lumabas kami sa building at naglakad na papunta sa kabilang building.
Nakasalubong pa namin ang ilang guests na may mga bitbit na bags at maleta.
"Anong lahi mo?" hindi ko mapigilang itanong dahil curious ako.
"Ako?" tanong niya na tinawanan ko.
"Hindi ako. Dalawa lang tayo magkasama. Alam kong pinoy ako, ikaw hindi ko alam sa 'yo," sabi ko dahilan para mapangisi ito at magkamot ng ulo.
"Half-Filipino, Half-Spanish."
Napaawang ang labi ko. Kasi namangha ako sa kanya.
"Wow, ulitin mo nga?" sabi ko habang naglalakad kami.
"Ang alin? Iyong half-filipino, half-spanish?" kunot-noo nitong tanong.
"Wow! Ang ganda ng pagkakabigkas mo. Spanish!" ginaya ko 'yong pronounciation niya pero matigas ang sa akin. Napangiwi na lang ako.
Natawa si Crisanto.
"Ayun, doon ang building natin. Kaya bukas pagpasok mo, diretso ka na sa quarters. Seven nang umaga hanggang alas-kwatro tayo, ha? Tapos may fifteen minutes break tuwing alas nueve, alas-dose naman tanghalian. Isang oras 'yon, bandang alas-dos ang last fifteen minutes break."
Tumango si Crisanto habang nagpapatuloy kami sa paglalakad.
"Oy, Glaiza! Sino 'yan?" biro nang nakasalubong naming si Peter. Isang housekeeping utility.
"Bagong kasamahan!" Nginitian ko siya.
Tinanguan lang niya si Crisanto bago naglakad palayo sa amin.
"May lahi ka nga talaga. Halata naman kasi sa itsura tsaka sobrang tangkad mo."
Hindi ito sumagot pero narinig ko lang ang ngisi. Tahimik kaming dalawa hanggang sa nakarating sa may kabilang building.
"Ito 'yong quarters natin. Sa kabila ang sa boys. P'wede ka naman magdala ng personal na gamit mo kasi may sarili naman tayong locker." Tinuro ko ang sa kabilang pinto.
Tumango siya.
"Sige bukas na lang."
"Hindi kita mapakilala sa iba kasi lahat busy. Mamaya pa 'yong mga 'yon magpapakita kapag last break na nila."
Tumango lang ulit ito. Tinuro ko ang sa bandang kaliwa.
"Halika, dito 'yong sa storage room. Nandito iyong mga gamit lahat."
Nauna akong mglakad at binuksan ang isang pintuan. Marahan pa nga itong pumasok.
"Saan ka dati nagtatrabaho?"
"I didn't—first time ko 'to."
Nagulat ako at tiningala ko siya na busy pa rin ito sa pagsipat sa loob ng storage room.
"Huh? Buti nakapasok ka rito. Bawal ang walang experience dito, eh. Kahit na ba lower position." Kumunot ang noo ko.
Hinawakan ni Crisanto ang map at tinaas iyon. Sinisipat-sipat pa niya.
"Hindi ko alam, eh. Nag-apply lang ako tapos in-interview. Okay naman daw. P'wede na ko magsimula."
Namamangha pa rin ako kaya tinanong ko pa siya.
"Sino nag-interview sa 'yo?"
"Si Miss Iya," sabi niya at sinipat naman ang ibang gamit sa loob. Sumunod ako.
"Ah," sagot ko at tumango. Napairap ako sa kawalan. Pakiramdam ko kaya siya nakapasok dahil sa itsura niya. Parang iyong isa naming katrabaho. Bilang lang sa daliri ang nakakapasok nang walang experience. Ang alam ko nga hindi na dapat at huli na si Trina pero heto si Crisanto. Nakapasok nang walang kahirap-hirap.
Bakit kaya unfair ng buhay. Kapag maganda o gwapo ka. Trabaho na ang lalapit sa 'yo. Hindi ka nahihirapan. Kapag tulad kong hindi kagandahan. Maghihirap ka muna bago malasap ang sarap ng buhay.
"Pero hindi ito ang first job mo?" hindi ko mapigilang hindi magtanong dahil curious ako sa kanya.
Nilingon niya ako.
"Ang dami mo ng tanong," sabi niya sabay tawa.
Napahiya ako doon dahilan para mag-init ang aking mukha. Oo nga naman. Ngayon lang kami nagkakilala tapos andami ko na agad tanong sa kanya.
"Ay, sorry." Napangiwi ako at humakbang paatras para lumabas na sana sa storage room.
"Okay lang. Binibiro lang kita," anito at natawa nang sumunod sa akin.
Ngumiti lang ako pero s'yempre pinaalalahan ko 'yong sarili ko na huwag nang masyadong matanong.
"May sarili tayong pantry. Nasa taas, halika ipapakita ko sa 'yo," sabi ko at niyaya ko na siyang umakyat kami sa taas.
"Sure."
Napangiwi ako dahil sa sinabi niya. Bakit pakiramdam ko ang galing-galing niya sa salitang ingles. Iba iyong pronounciation niya hindi katulad nang amin. Baka dati siyang call center agent. Ayoko na itanong, baka mapahiya lang ako ulit.
"Bale, dito iyong pantry natin. May free coffee naman pero may oras siya. P'wede ka mag-init ng baon din. Ayan, may tinda din naman si Ate Beka. Kung ayaw mo magbaon, may mabibilhan naman dito," sabi ko sa kanya.
"Walang tao pa kasi nasa trabaho sila. Tara?" sabi ko sa kanya na tinanguan naman ako kaya bumaba na kami ulit.
"Ilibot kita sa buong resort. Bukas pagpasok mo naman magkasama tayong dalawa. Bukas na kita tuturuan sa gagawin."
Tumango siya sa akin. Kaya magkasama kami ni Crisanto sa pag-iikot sa buong resort.
Hanggang sa nagkita-kita na kami nang mga kasamahan ko kaya naipakilala ko na siya sa kanila.
"Aba ang gwapo! Single ka?" tanong ni Mayet.
Natawa si Crisanto at umiling. Tahimik lang ako sa tabi habang pinagkakaguluhan nila sa gilid si Crisanto.
"Bakit ikaw naglilibot sa kanya?" tanong ni Jomar.
"Inutusan ako ni Miss Iya, eh."
"Favorite ka niya talaga."
"Ayokong maging favorite niya." Umikot ang mata ko sa iritasyon.