Y O S E F
Gusto kong magmura sa pagkakasigaw ng babaeng ito sa 'kin. Ano ba ang akala niya? Tatae talaga ako?
Taena lang. Masuwerte pa rin siya at babae siya.
Gusto ko siyang bulyawan kaso bigla akong nawalan ng balanse sa batong kinatatayuan ko, at hindi sinadyang lumagapak ang kawawa kong mukha sa lupa---sa harapan pa niya.
Napatayo ako nang wala sa oras pagkatapos ang kahiya-hiyang sinapit ko. Mabuti na lang at madilim ang buong lugar. Hindi masyadong halata ang mapula kong mukha sa sobrang hiya. At dahil nga madilim, pasalamat na rin ako at hindi ko rin maaninag ang kaniyang ekspresiyon sa nangyaring pagkadapa ko kanina. Kainis, kailan pa ako tinubuan ng hiya?
"Hoy, Miss!" Sinigawan ko siya para maibsan naman ang hiyang naranasan ko, "Hindi ako tumatae," pagdidiin ko. Totoo naman talaga. Hindi ako tumatae.
"Eh ano po ginagawa niyo d'yan, Mister na nadapa?" Mahina niyang tanong, na dinagdagan pa niya ng pang-asar sa bandang dulo ng mensahe.
Pasensiya ko, 'wag ka sana maubos.
Hindi ko maaninag ang mukha niya, masyado kasing madilim. Basta ang alam ko lang, no'ng nagpaulan ng tangkad ang Diyos, malamang ang isang 'to ay tulog na tulog. Ang sarap pa naman nitong tirisin.
"Magpapakamatay po kayo?" dagdag pa nito.
Pailing-iling, imbis na magalit sa kanyang walang katotohanang akusasyon, napasimangot na lamang ako. "Hindi mo ba alam na delikado ang mapag-isa sa daan, Miss?"
Tumahimik siya.
Lumingon siya sa isang kaisa-isang bahay na nando'n sa burol. Sobrang lapit lang sa kinatatayuan naming dalaw, sapantaha ko, mga beinteng metro rin ang layo, "Diyan ako nakatira, e. At shortcut ko ang daanan na 'to," pagdadahilan nito.
"Umuwi ka na!" singhal ko. Ewan ko ba kung bakit bigla na lang uminit ang ulo ko. Pumunta nga ako dito para magpalamig kaso kumukulo naman lalo ang dugo ko sa duwendeng 'to. Para sa 'kin, ito na yata ang pinakamagandang lugar na nakita ko dito. K'unting silip lang mula sa ibaba, makikita ko na ang buong siyudad. Kumikinang sa mga streetlights, mga sasakyan, mga bahay na may ilaw at kung anu-ano. Nagbibigay ang mga 'to ng ka'unting saya at payapa sa pakiramdam.
Gan'on kaganda...
"Lumapit ka dito at nang malaman mo kung ano ang dahilan kung bakit ako n'andito." Tumayo ulit ako sa isang malaking bato na kung saan ako nakatayo kanina. Tanaw na tanaw ko talaga ang ganda sa ibaba. Ewan ko ba kung ano ang pumasok sa kukote ko at niyaya ko siya dito sa itaas ng bato eh ito ay para sa akin lang.
"Ayoko diyan."
Lumingon ako sa kanya. Hindi pa nga niya nakikita, ayaw na niya? Ano ba namang klaseng babaeng 'to oh. "Bakit? Takot ka?"
"Ayoko sa view. Para akong nakatingin sa isang malawak na sementeryo at maraming kandila."
Napanganga ako sa kanyang malawak na imahinasyon. Grabe. Ang tindi ng isang 'to mag-isip. Kailan pa naging sementeryo ang buong siyudad sa paningin ng iba? Ngayon lang!
"Sementeryo?" napakunot ang noo ko nang wala sa oras.
"Tingnan mo kasi nang maigi."
At ako pa ngayon ang hindi nakakaintindi. Ang ganda-ganda ng view tapos para sa kanya sementeryo lang?
Nakita ko siyang umatras nang tatlong beses at humakbang pa bago ko siya napansing napalingon na naman sa 'kin, "Wag ka na po mag-deny. Gusto mo talagang tumae sa batong 'yan, kaso nahuli kita."
Aba naman 'tong babaeng 'to, oh! Gusto ko siya lapitan kaso tumatakbo na siya papalayo sa 'kin.Ang sarap niyang batukan, hindi dahil nasabihan akong tumatae kundi nilampastanganan niya ang sagrado kong tambayan.
Wala naman nakakaintindi sa isang tulad ko at hindi na ako aasa na may makakaintidi pa o gusto akong intindihin. Ang buhay ng tao ay mahirap pero wala ng mas mahirap sa isang gaya kong hindi problema ang buhay kung 'di mismo ang aking pagkatao.
Napatingin ako sa baba at sunod-sunod ang aking nbuntong-hininga. Oo, masarap ngang lumundog mula rito para matapos na ang kabaliwan ko. Subalit, masarap pa ring mabuhay kahit masakit, gusto ko pa ring huminga kahit na pilit, at nangangarap na mabuhay nang normal at malaya kahit na sa isang saglit.
--
Pagkatapos kong matauhan at magmukmok, naisipan ko nang umuwi at alam ko naman na ginagawa ko lang tabachoy ang mga lamok do'n sa may bangin. Kailangan ko nang maagapan ang paunti-unting pangangati ng aking balat. Hindi ko nga alam kung bakit sinasabi ng mga tao na 'kinakagat' sila ng mga lamok, e wala namang ngipin ang mga 'yon. Minsan napa-isip na lang din ako sa mga k'unting katangahan ng isang tao.
Napatingin pa ako sa aking orasan, mag-alas nuwebe na ng gabi nang makarating ako sa aming apartment. Una kong napansin ang pintuang may k'unting awang at ilaw na bukas pa rin. Malamang gising pa rin ang roommate ko. Hinawakan ko ang doorknob sabay silip sa loob at nandu'n nga siya sa may gilid, tulala, daig pa nito ang natalo sa isang malaking pustahan.
"Bagong hobby?" Asar ko sa kanya habang tuluyan ng nakapasok sa loob at ibinagsak ang katawan sa mahabang sofa.
Lumingon siya sa 'kin at ang lawak ng pagkangisi nito na para bang ngayon lang ako nakita nang mahabang panahon, "Pre! Welcome home! Kanina pa talaga kita hinihintay eh!"
Kamuntik ko pa 'tong suntukin sa mukha nang akmang yayakapin ako sa kinauupuan ko, "Hoy Nato! Kung gusto mong magladlad, huwag mo 'kong tataluhin kung ayaw mong magkakulay 'yang mukha mo nang 'di oras" Napatayo ako agad sabay layo sa kanya.
Hindi pa ako na nakahuma sa mala-weirdo niyang reaksiyon, biglang nasapul ang mukha ko sa isang tsinelas. Binato ako ni Nato ng tsinelas habang nag-aayos ng sapatos sa isang gilid, "Taena! Hindi ako naglaladlad! Pumapatol pa naman ako sa babae!"
Pumapatol nga siya sa isang babae kaso wala namang babaeng pumapatol sa kanya.
Seryoso ang mukha ni Nato pero sadyang hindi bagay sa kanya. Hindi naman siya katangkaran, tamang-tama lang sa isang lalaking purong Pinoy. Medyo kulot din ang kanyang buhok. Hindi din matangos ang kanyang ilong pero hindi din naman masasabing pango. Makakapal ang kanyang kilay na kasing kapal yata sa kanyang inaalagaang bigote. Moreno si Nato pero hindi sunog ang balat. Isang typical na Pilipinong kayumanggi ang kulay at may katawang katamtaman lang din.
Pinulot ko 'yung pulang tsinelas na binato niya sa 'kin at binato ko din siya gamit 'yun. Nasapul ko si Nato sa ulo. "Ayos-ayusin mo kasi 'yang trip mo!"
Tumahimik si Nato na para bang naninibago ako sa kanyang inasal. Tumatahimik lang ang isang 'to kapag mayr'ng malalim na iniisip. "May problema ba Nato-boy?"
Nakita kong nag-aalangan ang kanyang mga mata habang nakatingin sa kanyang laptop.
"Magpapakilala na kasi 'yung chick ko," mahina niyang sagot. Siguro ang tinutukoy niya ay 'yung babae na madalas niyang kachat sa f*******:. Halos hindi niya siya makakain nang maayos makausap lang niya ang babaeng 'yun. Talagang nahulog ang mokong sa isang babae. Sabagay, lagi naman 'tong nahuhulog kaso walang sumasalo. Kaya wala pa ding girlfriend hanggang ngayon.
"Problema ba 'yun? Eh di kitain mo," walang kagatol-gatol kong sabi. Kung gusto niya ang babae na 'yun, mas magandang kitain niya 'yun sa personal para maipadama niya d'un na sincere siya. Hindi nga gwapo si Nato pero pangmatagalan naman kung magmahal.
"'Yun na nga ang problema," narinig ko siyang napabuntung-hininga sabay umupo sa upuan na kaharap na naman ang laptop niya.
Hindi ko siya maintindihan, "Bakit?"
"Kung ikaw ba naging babae, papatulan mo ba 'ko?"
"Lol!"
"Kita mo! 'Yan na nga ba sinasabi ko eh. Baka 'LOL" lang din ang sasabihin n'un sa 'kin 'pag makita ang isang pimple na tinubuan ng mukha!"
"Hindi lahat ng babae ay tumitingin sa panlabas na anyo."
"Wala eh poser na ako eh!"
K'unti na lang at didilim na ang paningin ko sa isang 'to. Oo, madami siyang problema at hindi din siya perpektong tao ngunit hindi 'yun sapat para magkaganyan si Nato. "Kailan ka pa naging p****r?"
Napansin kong kumunot ang kanyang noo sabay tumawa ng malakas sa harapan ko. Hindi ko tuloy alam kung pa'no ako mag-rereact. "Poser! Hindi p****r! Magkaiba 'yun gago! Hindi ako adik"
Tumahimik ako saglit. Hindi ko kasi talaga siya maintindihan.
"Poser ba! 'Yung peke! 'Yan na nga ba sinasabi ko eh! Matuto ka din kasi gumamit ng f*******: at kung anu-anong website."
'Anong peke? Pwede ba Nato, diretsuhin mo 'yang sinasabi mo at matutulog na 'ko. Maaga pa ang pasok ko sa school"
Lumakad si Nato papalapit sa 'kin bitbit ang kanyang laptop. Nagdadalawang isip pero halata namang naguguluhan na rin. "Poser ako! Gumamit akong ng ibang picture habang kausap ko siya. Pekeng account at identity, 'yun ang tinatawag na 'poser'."
Binuksan ni Nato ang kanyang laptop at tumambad sa 'kin ang isang stolen shot na picture.
"At ito ang ginagamit ko," nahihiya niyang sabi. "Pre, ikaw ang gusto niyang makita at hindi ako."
Sa totoo lang, ang sarap niyang sapakin habang tinititigan ko ang litrato na kung sa'n ay nakaupo ako sa bench sa campus habang nagrereview. Kailan pa 'to naging stalker sa 'kin? Alam kong tarantado siya pero hindi ko alam ay mas maitarantado pa pala 'to sa iniisip ko. Tama bang gamitin ang picture ko nang walang pahintulot? Ang mas malala, nagpanggap siya na ako. Ni wala nga akong f*******: account. Ang walang hiyang---.
"Oo na pala Pre, bukas na pala kayo magkikita."