Chapter Three
Naghanda ako para sa pagbabalik ko sa Corazon. May mga kailangan baguhin lalo na sa ayos ko... at ang masaklap ay si Mace pa ang nag-offer na tulungan ako.
"Ate Clau, dapat magmukha kang young. Kaya itong mga bulaklaking dress ang isuot mo. Mga bistida na light color lang. Iyong hair mo ay kulutin din natin at sa makeup ay light lang talaga. Gets mo ba ako?"
"Naiintindihan ko ang concept mo pero para sa akin ay baduy ang mga iyon, Mace. Leave me alone. Kaya ko na ito---"
"No! Nagprisinta pa ako kay Lady A---"
"At agad naman siyang pumayag sa 'yo!" napairap pa ako. "Anong gayuma ang ginamit mo sa kanya at pagdating sa 'yo ay ang gaan-gaan niya?" asik ko rito.
"Selos ka, Ate Clau?"
"No. Pero hindi kasi gano'ng Lady A Ang kilala ko."
"Huwag ka nang magalit. Promise tutulungan talaga kita. Ipinag-shopping pa nga kita. Tignan mo itong mga pinamili ko." Inilabas niya ang iba pang binili sa shopping bag. Saka ipinakita sa akin. "Try it, Ate Clau!" excited pang ipinagduldulan niya sa akin ang bestida. Kaya naman para hindi na ako kulitin ng dalagita ay kumilos na ako.
Hindi ako nagsusuot ng mga ganitong klase ng damit. Mas sanay ako sa pants and shirt. Madalas ay boyish style talaga. Parang ngayon na lang ako magsusuot ng ganito.
"Dalagang-dalaga!" hindi ko alam kung pinupuri ba ako ng babaeng ito o nang-aasar siya.
"Wanna die?" tanong ko rito. Nagkibitbalikat ang dalagita.
"Huwag muna, Ate Clau. Bata pa ako. Ayusan din kita?"
"Marunong ako, Mace. Pwede ka nang umalis. Saka i-email mo na lang sa akin ang nagastos mo. You can leave now." May kinuha ito sa bag niya at ipinakita niya iyon sa akin.
"Black card ni Lady A. Hiniram ko para may pang-shopping ako," proud na iwinagayway pa niya iyon. Napatitig ako rito. Hindi makapaniwala sa narinig. Unang ipinagtataka ko ay kung paanong napaamo mo Mace ang tigreng boss namin, pangalawa ay ito lang ang malayang nakakalapit kay Lady A. Pangatlo, pinahiram pa ng black card? Just wow!
"Anong gayuma ang pinainom mo sa kanya?"
"Ate, mabait kasi ako. Kaya mabait din si Lady A sa akin. Kaso no'ng nag-request ako na isama ako sa misyon mo ay tumanggi siya. Hindi raw pwede." Napabuntonghininga pa talaga ito.
"Hindi ka pa kasi maaasahan. Baka kapag tumatakbo na sa kabundukan ay umiyak ka nang umiyak doon kasi pagod ka na katatakbo, hindi dahil possible kang mamatay."
"Tatakbo sa kabundukan? No way! Kapagod naman no'n."
"Doon din mananatili hanggang sa matapos ang laro... pwedeng abutin ng ilang linggo. Walang katiyakan sa pagkain. Walang katiyakan kung makakababa pa."
"Hays. Buti na lang pala hindi ako pinayagan ni Lady A," napangisi pa ito na kumindat sa akin.
Habang nagdadaldal ito ay busy akong nag-ayos ng makeup. Manipis lang para magaan sa pakiramdam. Nakuha ko naman ang approval ni Mace pagkatapos.
"Ganyan! Tapos curly hair ha. Tapos dapat mahinhin ang kilos." Tumango-tango naman ako. Sang-ayunan ko na lang muna kaysa marinig ko ang reklamo at daldal niya na tiyak hindi matatapos.
Ito rin ang nagligpit ng mga damit na kinalat niya. "Ate Clau, ready na ba ang puso mo na bumalik sa Corazon?"
"Yeah," cold na sagot ko.
"Tsk. Ang taas bigla ng wall sa simpleng tanong," pasaring ng babae. Mabilis lang din talaga itong mag-analyze ng mga tono o emosyon ng isang tao.
"Matagal ko nang naihanda ang puso at isip ko sa huling misyon ko, Mace. Kaya hindi mo na ako kailangan pang tanungin n'yan. Pwede ka nang umalis. Alam ko naman kung bakit nandito ka na naman eh. Umiiwas ka na naman sa training mo. Balik na roon. Ilang oras ka na namang nakatakas sa mga task mo ngayong araw. Kung hindi ka aalis ay tatawagan ko si Garette," banta ko rito. Napasimangot namang dali-daling kinuha ni Mace ang mga gamit niya at kumaripas ng takbo paalis. Si Garette kasi ang naka-schedule na magturo rito ngayon.
Nang naiwan na akong mag-isa saka lang ako nagkaroon ng oras para mag-focus sa mga kailangan kong pag-aralan.
Handa na akong bumiyahe sa totoo lang. Pero masyado pang maaga. Sa ikatlong linggo pa ng Abril ang biyahe.
--
"Corazon! Corazon!" malakas na ani ng lalaki na nagtatawag ng pasahero. Agad kong iniayos ang sunglasses ko sabay hila sa maleta. "Saan ka po, ma'am?" tanong nito nang nakalapit na ako.
"Sa Corazon po," mahinhing sagot ko rito. Agad na kinuha ng lalaki ang maleta ko at inilagay sa compartment ng bus.
"Sakay na po, ma'am," nginitian ko ang lalaki bago ako lumakad patungo sa pinto ng bus. May nag-check ng ticket ko bago ako tuluyang nakasakay. Hinanap ko ang assigned seat sa akin. Nang nakita ko iyon ay lumulan na ako.
May nakaupo na sa pwesto sa tabi ng bintana. Isang magandang babae na agad ngumiti sa akin no'ng akma na akong uupo.
"Hi!" magiliw na bati pa nito sa akin.
"Hello!" sinabayan ko rin ang gilid nito sa pagsasalita.
"OMG! You're so pretty, miss!" puri nito sabay lahad ng palad. Napatingin naman ako roon. "I'm Cresinda. Tourist at patungo ng Corazon para mag-short vacation."
"Dia," tugon ko saka tinanggap ang palad na inilahad nito sa akin.
"Sa Corazon ka rin or bababa ka sa madaraanang probinsya?"
"Corazon din ako," plano ko sanang matulog sa buong biyahe. Pero mukhang plano ng babaeng ito na daldalin ako.
"Ikaw lang din ang pupunta roon? Taga-roon ka ba?"
"Yes. Tagaroon ako. Dating tagaroon."
"Wow! Kabisado mo ba ang Corazon? Marami kasing tourist spot doon na gusto kong puntahan. I'm really excited sa trip na ito." Halata naman sa boses niyang excited siya.
"Not really... bata pa ako no'ng umalis ako sa Corazon. Ngayon na lang ulit babalik para bisitahin iyong lupa namin doon."
"Nice. Biglaan lang itong pagbiyahe ko dahil tumakas ako kay dad. Wala pa akong napa-book na hotel. May alam ka ba kung saan magandang mag-stay roon?"
"Wala," tugon ko rito. Umuusad na Ang bus pero hindi pa tapos si Cresinda.
"Saan ka mag-stay? Baka pwede rin ako roon." Hindi ako sumagot dito. "Ah, nag-aalinlangan ka sa akin 'no? Don't worry, hindi ako masamang tao. Hindi rin ako scammer. Pwede bang isabay mo na ako kung magho-hotel ka? Late na tiyak na makakarating ang bus na ito sa Corazon. I'm scared namang maghanap pa ng hotel ng hatinggabi."
"K," tipid na sagot ko. Gusto ko sanang i-suggest dito na huwag na lang siyang magtungo sa Corazon. Pero sino ba siya para alalahanin ko pa ang safety, right?