Marami na ang kanyang nainom ngunit hindi pa rin mawala sa kanyang isipan ang mukha ni Lilian kanina. Mataas ang pride nito kaya alam niya kung gaano ito nagtimpi upang huwag maiyak sa kanyang harapan. Sa loob ng mga panahong magsama silang dalawa, kilala na niya ito ng husto at sigurado siya na gising pa rin ito. Tiningnan niya ang oras sa kanyang relo at malapit na palang maghatinggabi. Napatiimbagang si Alexander habang nakatitig sa kanyang cellphone dahil kanina pa niya gustong tawagan si Lilian. Gusto niya sanang humingi ng payo mula sa mga kaibigang masaya ang mga love life katulad nina Samuel at Nicholas ngunit nag-alinlangan siya. Malalim na kasi ang gabi kaya tiyak niyang tulog na ang mga ‘yon. Ilang beses na niyang kinumbinse ang kanyang sarili na pa