“SOBRANG TABA naman ng babae na ‘yan! Parang hindi na magkasya sa gate!”
Napahinto sa pagpasok sa gate si Carol nang marinig niya ang pamimintas sa kaniya ng ibang estudyante sa unibersidad na pinapasukan nila ni Daryl.
Sa halos araw-araw na lang na ginawa ng Diyos ay iyon ang naririnig niyang bukambibig ng karamihan sa tuwing papasok siya. Mabuti na lang at may takot siya sa Diyos kaya ayaw niyang patulan ang pamimintas ng mga ito.
Sanay naman na si Carol. At totoo naman talaga na matabang babae siya.
Si Daryl pa nga itong madalas na mag-react sa tuwing naririnig nitong may nanlalait sa kaniya. “Wait lang at lalapitan ko ang mga 'yon,” naiinis na sabi nito at akmang lalapitan nga ang tatlong babae pero agad niya itong hinila pabalik.
“Hayaan mo na lang. Magsasawa din ang mga ‘yan,” awat niya sa kaibigan. “Baka ikaw naman ang mapaaway. O kaya ay masira ang image mo kasi pumapatol ka sa mga babae.”
Sikat na campus heartthrob ang best friend niya dahil sa galing nitong maglaro ng football bilang goalkeeper. Kaya hangga’t maaari ay ayaw niyang masira ang kasikatan nito nang dahil lang sa pagtatanggol sa kaniya.
Hindi sana papayag si Daryl na hindi maipagtanggol si Carol pero hinila na niya ito papasok sa gate. Baka ma-late pa sila sa first subject nila. Magkakklase nga pala sila at parehong nasa Grade Twelve na.
Sa hagdan pa lang ay nakasalubong na nila ang mga kaklase nila, at mga kaibigan ni Daryl na sina Blaise, Ziggy at Vaughn. Hindi na siya nagtaka nang makita ang pagngiwi nina Blaise at Ziggy habang tinitingnan silang dalawa.
Hindi man aminin ng mga ito ay ramdam ni Carol na katulad din ng ibang tao ay pinagtatawanan siya ng mga kaibigan ni Daryl. Tanging si Vaughn lang itong mabait sa kaniya at nararamdaman niyang nakikisama sa kaniya nang maayos, bilang siya, at hindi lang dahil best friend siya ni Daryl.
Hindi na lang nagsusumbong si Carol sa mga napapansin niya na panlalait nina Blaise at Ziggy dahil ayaw niyang mawalan ng kaibigan si Daryl. O baka mapaaway pa.
“Hi, Carol Grace!” masayang bati ni Vaughn sa kaniya.
Paborito talaga nitong banggitin ang buong pangalan niya. Samantalang pilit na ngumiti naman sa kaniya sina Ziggy at Blaise.
“Hello,” medyo nahihiya niyang tugon kay Vaughn.
Hindi naman siya tumingin sa dalawa dahil palihim na nagtatawanan ang mga ito. Palibhasa hindi nakatingin si Daryl.
Nakaramdam siya nang pagkailang nang walang kurap siyang tinitigan ni Vaughn. Kung maganda at sexy lang siya ay iisipin ni Carol na-i-starstruck ito sa kaniya.
Pero malabo iyon.
Katulad ni Daryl, maituturing din na campus heartthrob ang mga kaibigan nito. Aware siya kung gaano karami at kagaganda ang mga babaeng kulang na lang ay magtambling sa harapan ng mga ito para lang mapansin.
Napakisap-kisap si Vaughn nang sikuhin ito ni Daryl.
“Baka matunaw ‘yang si Carol, ‘pre,” sita rito ng kaibigan niya.
Napakamot naman sa ulo si Vaughn na ikinangiti lang ni Carol.
“Mauna na ako, Daryl,” mayamaya ay paalam niya.
Alam kasi niya na tatambay pa ang mga ito sa hagdan habang kasama ang barkada para mag-abang ng magagandang estudyante na dumadaan doon. May pagka-babaero kasi sina Blaise at Ziggy.
Kaya nga palaging pinapaalalahanan ni Carol ang best friend niya na huwag magpa-impluwensiya sa mga kaibigan nito.
Hindi na niya hinintay pang sumagot ang best friend niya. Nauna na siyang umakyat at pumasok sa classroom. Maaga pa naman pala kaya wala pa ang teacher nila nang dumating si Carol.
Mangilan-ngilan pa nga lang sa mga kaklase nila ang nasa loob. Kasama ang kaibigan niyang si Allison na maganda at sexy. Totoong mabait ito sa kaniya at hindi katulad ng iba na mapanglait at plastic. May mga kaklase kasi sila na nakikipaglapit lang kay Carol para magpapansin kay Daryl.
“Nasaan ang prince charming mo?” salubong sa kaniya ni Allison.
Kumunot ang noo niya. “Sino naman ang prince charming ko?”
“Sino pa? Eh, ‘di ang prinsipe ng buhay mo. Si Daryl Eirik Andreassen."
Natawa lang si Carol. “Sira ka talaga!” Mahina niya itong tinampal sa braso. “Ano’ng prince charming-prince charming ang sinasabi mo diyan? Para namang hindi mo alam na best friend ko ‘yon. At saka, magma-madre nga ako, ‘di ba? Kaya it’s a big no-no sa’kin ang prinsipe-prinsipe na ‘yan.”
“You’re so OA, gurl. Bakit ang defensive mo?”
“Eh, kasi po ang tsismosa mo, ‘no? Tapos kung ano-ano pang sinasabi mo diyan.”
Nagkatawanan lang silang dalawa.
Mayamaya ay bumulong sa kaniya si Allison. “Sigurado ka bang hindi mo talaga type si Papa Daryl? Ang super guwapo niya kaya. At ang hot pa. Hindi ka ba naaakit sa kaniya kapag magkasama kayo?”
Kinurot niya ito sa tagiliran habang pinanlalakihan ng mga mata. “Baliw ka talaga, Allison. Kilabutan ka nga sa sinasabi mo. Magma-madre itong kausap mo. Remember?”
“I know.” Nagkibit lang ito ng balikat. “Hindi ko lang talaga ma-explain ang spark na nararamdaman at nakikita ko sa tuwing magkasama kayo ni Daryl. Bagay na bagay talaga kayo. Kung sa love team, ang lakas ng chemistry n’yong dalawa.”
“Tumigil ka na nga diyan. Nagtatayuan ang mga balahibo ko, o,” biro iyon.
Pero totoong may naramdaman na kakaiba si Carol habang tinutukso siya ni Allison kay Daryl. Hindi nga lang niya maipaliwanag kung ano iyon.
“Itutuloy mo ba talaga ang pagmamadre? Kasi ikaw din… hindi ka makakatikim ng kasing-yummy ni Papa Daryl.”
Namula ang pisngi ni Carol sa kapilyahan ni Allison na ayaw pa rin tumigil sa pangungulit. Aktong hahampasin niya ito ng bag. Pero nanakbo ito palayo sa kaniya habang tawang-tawa sa kaniya.
“Pikon!” Tawa ito nang tawa habang niloloko siya.
Mayamaya pa ay dumating na rin ang grupo nina Daryl. Kasama ng mga ito ang dalawa nilang magagandang kaklase na sina Maeve at Yannia. Napasimangot siya na hindi niya maintindihan.
Hmp! Ang landi talaga ng lalaking ‘to. May Briella na nga, suma-sideline pa.
“Ang guwapo-guwapo mo talaga, Daryl,” narinig niya ang maarteng sabi ni Maeve habang kinukurot ang pisngi ng best friend niya.
"Do you have a girlfriend na, Daryl?” tila nang-aakit na tanong naman ni Yannia.
“Bakit mo naman tinatanong? Mag-a-apply ka ba, Yannia?” biro naman ni Daryl.
Napatili si Yannia. “Ay! Puwede?”
Nakikinig lang si Carol sa harutan ng tatlo pero lalo siyang nayamot. Ganoon ba talaga kapag mag-ma-madre?
Allergic sa mga harutan?
“Sorry, Yannia. Pero taken na ang puso ko, eh,” narinig niyang sagot ni Daryl.
Hindi niya alam kung bakit napatingin siya sa kaibigan. Tamang-tama na nakatingin din pala ito sa kaniya kaya nagtagpo ang kanilang mga mata. May nabasa siyang kakaiba sa mga mata nito na noon lang niya nakita. Gayon man ay hindi niya kayang pangalanan.
Napalunok siya.
Why was her heart beating faster than normal?
Sa unang pagkakataon ay hindi natagalan ni Carol ang pakikipagtitigan sa sariling kaibigan. Tila namumula ang kaniyang mukha na nagbawi siya ng tingin.
Sabay na nalaglag ang mga balikat nina Yannia at Maeve sa sinabi ni Daryl.
"Akala ko ba wala kang girlfriend?” dismayadong tanong ng huli.
Mula sa peripheral vision niya, nakita ni Carol na umangat ang labi ni Daryl habang nakatitig pa rin sa kaniya.
“Well, there’s a special girl... I’ve been crushing on her ever since. But I’m pretty sure she didn’t know about it. Kasi manhid ‘yon, eh.”
“Aray!” Napaigtad si Carol nang may biglang kumurot sa tagiliran niya.
Noon lang niya namalayang katabi na pala niya uli si Allison at nanunuksong nakatingin sa kaniya. “Ipapaputol ko ang daliri ko kapag nagkamali ako ng hula. Believe me, Carol… your best friend is in love with you. At ikaw ang tinutukoy niya,” tila kinikilig na bulong nito sa kaniya.
Pabiro niya itong sinabunutan. “Well, ipaputol mo na ngayon din. Dahil maling-mali ka diyan sa iniisip mo. Kasi ang babaeng tinutukoy niya ay walang iba kundi ang churchmate namin na si Briella.”
“Tama nga talaga si Papa Daryl. Manhid ka,” ani Allison at gumanti rin ng paghila sa buhok niya.
Lalo lang siyang pinamulahan ng mukha.
Saan ba kasi nakuha ni Allison ang ideyang gusto siya ni Daryl?
Oo, mag-best friend silang dalawa at hindi nito nilalait ang katabaan niya. Pero hindi pa rin iyon sapat para magustuhan siya ni Daryl.
Napaka-guwapo kaya ni Daryl. Hindi sila bagay. Saka isa pa, alam nitong off-limit siya sa bagay na iyon dahil sa nalalapit niyang pagmamadre. Kaya imposible talaga ang iniisip ni Allison.
At saka, kung totoo mang may gusto sa kaniya si Daryl, bakit hindi niya iyon napapansin?
“Kasi imposible talaga!” biglang bulalas ni Carol habang iiling-iling.
“Manhid. Manhid. Manhid…” pang-aasar sa kaniya ni Allison na tumigil lang nang dumating na ang teacher nila.