“ANG suwerte n'yo sa mga anak n'yo dahil ang babait,” narinig ni Carol na saad ni Farther Florencio sa kanilang mga magulang. Ito ang pari na naka-destino sa kanilang simbahan. Katatapos lamang noon ng misa. “Bibihira na ngayon sa mga kabataan ang magsimba kasama ng mga magulang nila. Hindi lahat ng mga kabataan ngayon ay kayang maglaan ng oras sa Diyos, lalo na ang maglingkod.”
“Dapat lang ho, father,” sagot naman ng Mommy ni Daryl. “Dahil ang sarap mabuhay na kalapit ang Diyos. Kaya nga mga bata pa lang iyang mga anak namin, palagi na naming isinasama sa pagsisimba at tinuturuan ng pagdarasal.”
“At malay n’yo ho, Father. Hindi lang pala si Carol ang magiging alagad ng Diyos balang araw. Baka si Daryl pa ang papalit sa inyo dito,” biro naman ng kaniyang ina na ikinatawa ng dalaga.
Siguradong mapapangiwi si Daryl kapag narinig ang sinabing iyon ng mommy niya.
Oo. Palasimba ang kaibigan niya. Pero nunca na magpapari iyon. Sa dami ba naman ng magagandang babae na hahabol-habol kay Daryl.
“O, Carol, hija,” tawag sa kaniya ni Father Florencio nang makita siya. Bata pa lang siya ay ito na ang pari ng kanilang kongregasyon kaya malapit na rin ang loob niya rito. “Ilang buwan na lang at papasok ka na sa kumbento. Nawa’y pagpalain ka ng Diyos sa iyong magiging desisyon. Dahil hindi birong bokasyon ang papasukin mo. Basta magtiwala ka lang sa sarili mo at higit sa lahat, sa Diyos. Palagi mo lang susundin ang totoong ibinubulong ng puso mo. Huwag mong pasukin ang isang bagay kung alam mong hindi ka pa handa at hindi ka sigurado.”
Natigilan si Carol.
Para kasing may bahagi ng kaniyang puso ang kumislot nang muling marinig na ilang buwan na lang pala ang ‘kalayaan niya’. Nang makabawi ay pilit na ngumiti ang dalaga.
“S-siguradong-sigurado na ho ako, Father. At handang-handa na rin ho akong maglingkod sa Diyos.”
Tinapik siya nito sa balikat, nakangiti. “Sana’y marami pang mga kabataan ang katulad mong may pagmamahal sa Diyos, hija,” natutuwang saad pa ng pari.
Ginantihan lamang niya ito ng matamis na ngiti.
ILANG SANDALI pang nakipagkuwentuhan kay Father Florencio si Carol. Pagkatapos ay naglibot muna siya sa labas ng simbahan habang hinihintay ang kaniyang mga magulang na kausap pa ang pari.
“Napaka-bolero mo talaga, Daryl!”
Naputol ang iniisip ng dalaga nang marinig niya ang maarteng boses na iyon ni Briella.
Napasimangot siya nang makitang nagpapa-cute ito kay Daryl. Magkatabing nakaupo ang dalawa sa hardin ng simbahan habang nagkikilitian.
“Totoo naman, ah! Ang ganda-ganda mo kaya. Kamukha mo si Mama Mary,” puri pa rito ng kaibigan niya. “Ang amo rin kasi ng mukha mo.”
“Talaga? Ibig sabihin pala ay innocent look din ako?” Umusog si Daryl palapit kay Briella at may ibinulong na lalong nagpakilig sa huli. “Alam mo kung hindi ka lang guwapo, kanina pa kita inihulog dito sa upuan. Ang corny mo!” napapangiti at kinikilig na wika ni Briella.
Hindi nakatiis si Carol at nilapitan niya ang dalawa. Nakahalukipkip at nakasimangot siyang humarap sa mga ito. “Mahiya nga kayo kay Papa God. Ang ingay-ingay n’yo. At excuse me, hindi n’yo puwedeng i-compare si Mama Mary sa kahit ano o sino, ‘no?”
“Sorry naman. Eh, kasi itong bestfriend mo, Carol...ang harot-harot. Panay ang bola sa’kin…” pagsusumbong ni Briella sa kaniya pero halata namang kinikilig.
“Hindi naman `yan manghaharot kung hindi ka rin nagpapaharot,” masungit niyang sagot bago umalis.
Hindi niya maintindihan kung bakit inis na inis siya kay Briella samantalang wala naman itong ginagawang masama sa kaniya. Katunayan ay mabait nga ito.
Siguro hindi lang siya sanay na nakikitang may ibang kasama ang best friend niya maliban sa kaniya.
Ngayon pa lang din naman kasi nangyari na nagkagusto sa isang babae si Daryl. Tulad niya ay NCSB o No Crush Since Birth din ang best friend niya. Kaya hindi niya alam kung ano ang nakain ni Daryl at biglang nagkagusto kay Briella. Siguro dahil binata na.
Pero bakit ako? Eighteen naman na ako pero wala pa rin akong crush? Dahil ba magma-madre ako?
"Galit ba sa’kin si Carol? Kasi palagi na lang akong sinusungitan ng kaibigan mong ‘yon,” narinig niyang pagrereklamo ni Briella habang papalayo siya sa mga ito.
Dapat nga ay makonsensiya si Carol. Hindi naman talaga siya likas na masungit o palaaway. Kaya nga hindi niya maintindihan kung bakit ang init talaga ng dugo niya kay Briella. Dapat nga hindi siya nagsasalita o nag-iisip ng hindi maganda sa kapwa niya dahil hindi ganoon ang dapat na pag-uugali ng mga alagad ng Diyos.
Pero ano ang magagawa niya kung iyon ang nararamdaman niya? Tao lang din naman siya.
“Hayaan mo na ‘yon. Gano’n talaga kapag magma-madre. Masiyadong seryoso,” natatawang sagot ni Daryl na ikinasimangot lalo ni Carol.
Malandi lang talaga kayo! Hmp! hiyaw ng isip niya.
Hindi nawala ang pagkainis niya kay Daryl hanggang sa mag-uwian sila. Panay ang kuwento nito sa loob ng sasakyan pero hindi niya kinikibo. Tinulugan pa nga niya.
“GALIT ka ba sa'kin?” tanong nito nang makarating sila sa bahay.
Tumigil si Carol sa paghakbang at humarap kay Daryl nang muli siya nitong kulitin. “At bakit naman ako magagalit sa’yo?” pagmamaang-maangan niya.
“Kanina mo pa kaya ako hindi pinapansin. Tinulugan mo pa nga ako sa biyahe kahit ang dami ko pa sanang ikukuwento sa’yo,” malungkot nitong sagot. “May nagawa ba akong mali?"
“Eh, kasi nainis ako sa inyo ni Briella,” sa wakas ay pag-aamin din ni Carol. “Nasa simbahan kayo pero nagliligawan kayo.”
Napalitan ng kislap ang kanina ay lungkot sa mga mata ni Daryl. “Are you jealous of her?” amused na tanong nito.
Pinakiramdaman ni Carol ang sarili.
Hindi kasi siya pamilyar sa salitang ‘selos’ dahil wala naman siyang kapatid. Kaya lahat ng atensiyon ng kaniyang magulang ay nasa kaniya lang.
Pero kung totoo ang sabi ng iba at nabasa niya sa libro: That jealous is defining as fearful of being replaced, in position or in affection. Eh, nagseselos nga talaga siya.
Natatakot kasi siyang baka maagaw ng iba ang best friend niya. Kanina lang niya na-realize kung bakit ganoon na lang ang inis niya kay Briella kahit wala naman itong ginagawa sa kaniya.
Ganoon pa man ay ayaw pa rin niya iyong ipaalam kay Daryl. Dahil siguradong pagtatawanan lang siya nito.
Or worse, baka kung ano pa ang isipin nito sa kaniya.
“Of course not!” pagsisinungaling niya.
“Eh, bakit ka naiinis? Sa akin? Lalong-lalo na kay Briella? Kahit ang bait-bait naman niya sa’yo,” pangungulit ni Daryl.
Ipinagkrus niya ang mga braso. “Ang sabi ko po, naiinis… at hindi nagseselos, “ depensa niya. “Bingi ka ba?”
Daryl just smiled sweetly at her.
Tinawid ng binata ang distansiya nilang dalawa. Ipinatong nito ang isang palad sa itaas ng kaniyang ulo habang ang isang kamay naman ay pumisil sa kanyang baba.
Napalunok tuloy si Carol nang wala sa oras. “Alam ko nagseselos ka…” panunukso nito habang unti-unting inilalapit ang mukha sa kaniya. “I’m your best friend, remember? Kaya wala kang maitatago sa’kin.”
Her heart began to beat faster and faster. Pakiramdam niya ay hihimatayin na siya ano mang oras.
At iyon ang hindi niya maintindihan sa kaniyang sarili. Habang patagal nang patagal ay parang palala nang palala rin yata ang sakit niya sa puso.
Bumuga ng minty breath si Daryl kaya bumalik siya sa huwisyo. Kinutusan niya ito sa noo. “Sira! Bakit naman ako magseselos? Boyfriend ba kita?”
Bigla itong napaatras at parang may dumaang lungkot sa guwapo nitong mukha. Pero agad din iyong binawi at pinisil na naman ang mga baby fat niya sa tagiliran.
“Magkaka-problema ka pala kapag nagka-boyfriend ka, cute. Ang hirap mong halikan kasi ang laki ng tiyan mo,” walang preno nitong saad. “’Buti na lang pala at magma-madre ka.”
Napaawang ang kaniyang mga labi. At bago pa man siya makapag-react ay mabilis na itong nanakbo papasok ng bahay.
“Dar-yl!” nanggagalaiti na tili niya.
At dahil nga mabigat ang katawan ni Caol kaya hindi na niya ito nahabol para kutusan.
Kapagkuwan ay napangiti na lang siya. Kumaripas na ng takbo kasi alam nang gaganti siya.
Kung hindi lang talaga siya sanay na sa mga ganoong klaseng biruan nila ni Daryl, baka napikon na siya.