“MAMA…” tawag ng apat na taong gulang na anak na lalaki ni Chrysantha. Kagigising lang nito at mababakas sa mga mata na magdamag na naman itong umiyak.
Nilapitan niya ang anak. “Teyo, anak, umiyak ka na naman kagabi? Namamaga na naman ang mga mata mo,” aniya sa anak saka hinagkan ito sa noo.
“Hinihintay kasi kitang umuwi, Mama,” nagsisimula na namang umiyak na sagot nito.
“Shhh… O sige na `wag ka nang umiyak, nandito na si Mama,” pag-aalo niya sa anak.
Si Chrysanthemum Rosalejos o mas kilalang Chrysantha. Mahinhin, mabait at tahimik. May taglay na mestizang ganda: Maliit na mukha, mapupungay na mga mata, maliit at matangos na ilong, mapupula ang manipis na labi at makinis na kutis. Idagdag pa sa halos kaperpektuhan niya ang hanggang baywang na itim na buhok at makurbang payat na katawan. Ang kabuuan niyang iyon ang bumubuhay sa kanila ng anak.
“Hindi pa rin niya makasanayan na hindi ka kasama sa pagtulog, minsan nagigising na lang siya sa madaling araw na umiiyak,” sabi ng kaibigan niyang si Maira na nagbabantay sa anak niya sa tuwing papasok siya sa panggabing trabaho.
Bumaling siya sa anak na umiiyak pa rin. “Anak, hindi ba't sinabi sa'yo ni Mama na magtatrabaho lang ako, sandali lang naman 'yon hindi ba? 'Pag natulog ka agad, paggising mo nakauwi na 'ko.”
Lumabi ang anak. “Hindi nga po ako makatulog kapag wala ka eh, sumisikip po ang dibdib ko,” sagot nito na itinuro pa ang kaliwang dibdib.
Nabalot ng pag-aalala ang magandang mukha ni Chrysantha. “M-masakit ba? Gaano kasakit?”
“Pinapainom ko siya ng gamot sa tuwing maninikip na naman ang dibdib niya,” sabi ni Maira. “Chrys, mauubos na naman ang gamot ng anak mo, may pambili ka pa ba? At wala ka bang ibang mahahanapan ng trabaho? Hindi makakabuti kay Teyo ang pag-iyak sa buong magdamag baka lalong lumala—”
“Maira, 'wag sa harapan ng bata,” pigil niya agad sa kaibigan.
Noong ipanganak ni Chrysantha ang anak niyang si Teyo ay na-diagnosed itong may Myocardial Infarction. Takot na takot siya no'n dahil bukod sa sarili niya ay wala na siyang iba pang makakapitan.
“Chrysantha, umalis ka na sa trabaho mo na 'yan, delikado 'yan. Baka may magtimbre sa inyo sa mga pulis,” nag-aalalang bulong sa kanya ni Maira.
Ngumiti siya sa kaibigan, isa si Maira sa mga dahilan kung bakit sa kabila ng mga hirap at problema na dinadanas niya ay naniniwala pa rin siyang mabait ang Diyos sa kanya. Sa mga panahon na halos sumuko na siya sa buhay niya ay dumating si Maira at tinulungan siyang makabangon.
“Wala naman akong ibang mapapasukan, wala akong tinapos,” nahihiyang sagot niya. “At isa pa, malaki ang kinikita ko doon. Sa isang gabi lang makakakuha na 'ko ng pambili ng mga gamot ni Teyo.”
“Mama, saan ka po nagtatrabaho? Bakit palagi ka pong umaalis sa gabi?” takang tanong ng anak.
Sumulyap sa kanya si Maira at napailing. “Ah, Teyo, tara, bumili na tayo ng almusal. Ano'ng gusto mo? Champorado o sopas?” ramdam din ng kaibigan ang hirap na itinatago niya sa dibdib sa tuwing magtatanong ang anak niya sa uri ng trabaho niya.
Napabuntong-hininga si Chrysantha.
Pagkalabas ng kuwarto ni Maira kasama ang anak niya ay agad niyang isinara ang pinto at nagtungo sa banyo. Ipinusod niya ang mahabang buhok at lumantad sa repleksyon niya sa salamin ang mga markang naiwan sa mala-impyerno niyang gabi sa club.
Sa hindi na mabilang na pagkakataon ay muli na namang napahagulhol si Chrysantha ng iyak habang nakaharap sa salamin.
___________
“MISSION accomplished, Sir Delfranco,” balita sa kanya ni Agent Harry Quinto, isa sa mga magagaling niyang Undercover Agent.
Sumaludo siya. “Hindi ka ba nahirapan maging hardinero sa pamilya ng mga Ramos?”
Tumawa ito. “Mas nahirapan po ako mag- alaga sa mga halaman, kaysa maging espiya.”
Kasalukuyan pa silang nagtatawanan nang dumating ang Deputy Director nila sa Special Investigative Services.
“Agent Timoteo Delfranco, reporting on duty, Sir!” agad na pagsaludo niya.
Agent Timoteo Delfranco is one of the best skilled Intelligent Agents of National Bureau of Investigation. Ang anim na talampakang kabuuan niya ay nagsusumigaw ng katapangan at patas na katarungan. Nakuha niya sa ama ang makakapal na kilay, matatalim na mga mata, katamtamang tangos ng ilong, makurbang mamula-mulang labi at perpektong tabas ng panga. He is the fierce epitome of tall, dark and handsome, with his perfect sculpted body wrapped with pocketed black leather clothes loaded with different sizes of ready- to-shoot guns; he's the gorgeous Agent that will undoubtedly shoot the zombie heads of criminals.
“Welcome back, Agent Timo,” bati nito at kinamayan silang dalawa ng agent niya. “Kumusta ang bakasyon sa Bacolod?”
“Napagtagumpayan namin ang misyon, Sir,” sagot niya sa undercover operation na tinutukoy nito sa salitang ‘bakasyon’.
“Tama nga ako sa naging desisyon ko noon. Katulad ka talaga ng tatay mo, Timo, mahusay at determinado sa mga undercover operations ng NBI,” papuri nito sa kanya.
Sumaludo siya. “Isa pong karangalan sa'kin na ipagpatuloy ang trabahong minahal ng namayapa kong ama.”
Limang taon na ang nakalipas magmula noong maging parte siya ng Kawanihan sa Pagsisiyasat. He wasn't chosen in this field, he was the one who chose to be part of the undercover team. At dahil iyon sa kagustuhan niyang mahanap at maparusuhan ang kriminal na pumatay sa ama.
Sa mga nakalipas na taon sa trabaho ay natutunan na niyang mahalin nang higit pa sa sariling buhay ang tungkulin. Alam niyang ito rin ang kagustuhan ng ama sa kanya, kaya kahit ano pa mang kapalit ay hinding-hindi siya bibitiw sa tungkuling sinumpaan.
“Nakahanda ka na ba at ang iyong Undercover Team na tanggapin ang susunod na misyon?” tanong ng kanyang Deputy.
Sumaludo siyang muli. “Ang buong team ay palagi pong handa sa anumang misyon na ibibigay ninyo, Sir!”
***