"Minsan talaga, hindi ko maintindihan ang family ko. Malamig na nga sa Japan pero tuwing nagbakakasyon, itong Tagaytay pa rin ang isa sa gustong puntahan," iiling-iling na wika ni Kristoff kay Erin. "Hindi na nagsawa sa malamig." Naglalakad sila People's Park in the Sky sa Tagaytay habang panaka-nakang kumukuha ng mga pictures. Nasa unahan naman nila ang pamilya ni Kristoff at hindi rin magkaundagaga sa pag-selfie. Lalo na si Gail na panay ang post sa social media. "Siyempre, iba pa rin kasi ang view na sariling atin. Mas feel at saka nakaka-miss din siguro kapag nasa ibang bansa ka." Huminto si Erin sa paglalakad nang isenyas ni Kristoff na pumasok siya sa giant pineapple na nasa likuran niya. "Pumasok ka diyan sa loob at pi-picture-an kita," utos na hindi naman tinanggihan ng dalaga.