Marahan kong iminulat ang mga mata ko at medyo nanlalabo pa ito kaya muli akong pumikit. Ilang minuto pa ay sinubukan ko ulit imulat ang aking mga mata at doon ay nakakita ako ng munting liwanag. Nakatingin lang ako sa aking harapan at sinusuri kung nasaan ako. Wala akong matandaan kung anong nangyari sa akin at para bang dumaan ako sa isang masamang panaginip. Napansin ko ang isang lalaki sa aking tabi at inaayos ang isang machine na wari ko’y nakakabit sa akin. Dahan-dahan ko namang inangat ang kanang kamay ko at tiningnan ito, may nakakabit sa aking dextrose at nakaipit sa aking daliri. Maya-maya pa ay napabaling na sa akin nang tingin ang isang lalaki at gulat na gulat ang kaniyang mukha pagkakita sa akin. Kaagad niyang hinawakan ang aking kamay at maluha-luha niya akong tinitigan.

