"Kiara, ano ka ba naman? Daig mo pa ako sa mga bisyo mo, eh," dismayadong sabi ni Kevin kay Kiara. Sinisermonan nito ang dalaga. "Alam mo bang masama 'yun? Ang magsugal at uminom ng alak? Tapos kababae mo pang tao." Mistulang walang naririnig si Kiara. Nakapangalumbaba lang siya sa lamesa at nakabusangot ang mukha. Kikibot-kibot pa ang mga labi na ginagaya niya ang sinasabi ng binata. Dina-dub niya. Saglit ay napabuntong-hininga si Kevin. "Kumain na nga lang tayo," ta's anito nang napansing wala namang nangyayari sa pagsesermon nito sa dalaga. Sumuko na dahil nagpapagod lang ito kakasalita. "Tapos umuwi ka na sa inyo. Baka kung magtagal ka pa rito ay mapahamak ka." Doon napatingin si Kiara nang masama sa binata. "Sinabi ko na sa iyo, wala akong uuwian sa lugar na ito," inis niyang sabi.