Chapter 5

1725 Words
NABUHAYAN ako ng loob nang sa wakas ay mag-ring ang cellphone ni Tito Zaldy at sumagot agad ito. “Hello, Tito Zaldy! Sa wakas na-contact na kita! May kailangan kasi ako sa'yo," bungad ko. “May sasabihin din ako kaya ako tumawag, pero sige, unahin mo muna ‘yong sa’yo.” “Oo, Tito, kasi may mga damit akong naihalo sa bagahe mo. Paki-check naman. At kung pwede, ipadala mo dito sa condo ni Sir David. Kailangan ko kasi ang mga ‘yan.” “Ano, mga damit? Ah, ‘yon ba? Oo 'Yong ibang mga damit mo, inalis ko talaga sa bagahe mo. Hindi mo kailangan ‘yon sa misyon mo d’yan." "Matagal din ako rito, Tito. Isang buwan at iisang klase ng damit ko lang ang nasa akin. Ipadala mo naman ang mga kamiseta ko at leggings." "Hindi na nga sabi at hindi mo maaakit si David Fuentabella kung malalaking kamiseta ang susuotin mo at mahahabang salawal.” Natigilan ako sa aking narinig. “A-ano- anong… maaakit ang sinasabi mo?” “Onic, pwede ba? Hindi ka totoong dies y sais anyos. Nasa legal na edad ka na. At kahit ang mga dies y sais pa lang, alam na kung anong pwedeng mangyari sa dalawang tao- isang babae at isang lalake- kapag tumira sa iisang bubong. Mag-isip ka nga!” “A-ano bang sinasabi mo, Tito Zaldy? Hindi ko naiintindihan." "Anong hindi mo naiintindihan? Nakatira ka ngayon sa isang bahay kasama ang isang David Fuentabella. Isang binatang makisig, mayaman at mataas ang pinag-aralan. Imposible namang hindi ka nagugwapuhan sa kaniya. Nakita mo, parang modelo sa tangkad. Talo pa ang artistang lalake sa kinis ng balat. Pamangkin, hindi ka totoong babae kung hindi ka man lang naakit sa taong 'yan. Tama ba ako o mali? Sumagot ka." "Anong klaseng tanong 'yan, Tito? Anong kinalaman niyan sa kasunduan natin?" Nahimigan ko ang malakas na pagbuga ng hangin ni Tito Zaldy mula sa kabilang linya tanda na nauubusan na ito ng pasensiya. Aminado ako, kahit paano ay nauunawaan ko ang gusto niyang ipunto, pero sa sulok ng isip ko ay umaasa akong mali ako ng iniisip. “Ayaw mo talagang gamitin ang utak mo? Sige, lilinawin ko na lang sa’yo. Dinala kita diyan hindi lang para makuha natin ang reward ni David kay Kuya Emman. Pinatira kita sa kaniya para may mangyari sa inyong dalawa. Kaya galingan mo, Onic. Matagal ang isang buwan. Kailangan na natin ng pera lalo na ni Jackson. Alam na alam mo ‘yan. Hindi pwedeng maghintay pa tayo ng matagal. Gawin mo ang lahat ng pwede mong gawin para maakit sa’yo si David Fuentabella. Magsuot ka lagi ng maiiksi, ‘yong labas ang kilikili. Makinis ka kaya nga inggit na inggit sa’yo ang Tita mo. Gamitin mo ang katawan mo.” “T-teka, Tito Zaldy, hindi yata tayo nagkakaintindihan. Wala sa usapan natin ‘yan!” “Nando’n," sagot niya. "Kulang ka lang sa pag-aanalisa. Sa tingin mo, sa simpleng pagtira mo diyan ay magkaka-milyones tayo? Hindi! Gaano lang ba ang reward ni David Fuentabella sa Tatay Emman mo? Isang daan, dalawang daang libo? O kahit isang milyon pa 'yon, kakaunti pa rin. Mas magkakapera tayo kapag nangyari ang plano ko kaya sundin mo lang ang pinapapagawa ko at nang makabalik ka na rin dito. Siguraduhin mong may mamagitan na agad sa inyo ni Fuentabella bago matapos ang linggong ito.” “Ano? Tito Zaldy, hindi ko gagawin ‘yan! Wala ‘yan sa usapan. Niloloko na nga natin ang tao, gusto mo pang pagkaperahan? Sobra na naman yata!” "Hindi 'yon sobra. Sapat lang 'yon na kabayaran sa buhay na meron siya dahil sa ginawa ng Tatay Emman mo noon. Balewala lang ba sa'yo ang kabayanihan ng taong kumupkop at nagturing sa'yo na parang anak? Utang na loob mo sa kapatid ko, utang na loob mo rin sa akin at sa anak niyang si Jackson. Gawin mo ang makakaya mo para magbago naman ang buhay ng pamilya ng tatay mo. Aasahan kita, Onic. Sige na. Marami pa akong gagawin. Tatawag na lang ulit ako para alamin kung ano na ang nangyayari sa inyo ni David." "H'wag kang umasa na may mangyayari dahil kahit ibitin mo'ko patiwarik, hindi ko gagawin ang inuutos mo," matigas na sabi ko. “Gagawin mo, Onic," giit naman niya gamit ang mas matigas na tono. "Gagawin mo dahil kailangan. At kapag nagmatigas ka, ibubuking kita sa Fuentabella na ‘yan at sasabihin kong hindi ka talaga anak ni Kuya Emman.” Umangat ang parehong kilay ko. “Ha! Talaga ba, Tito? Eh, hindi ba ikaw ang may pakana ng pagpapanggap ko? Tapos ikaw pa mismo magbubuking sa panloloko natin kay Sir David?” “Ako nga. Pero kapag nabuking niya tayo, sino sa ating dalawa ang mas mawawalan?" katwiran niya na nagdulot ng takot sa akin. "Makinig ka, Onic. Kapag hindi nagtagumpay ang plano ko, wala ka nang bahay na mauuwian dahil ibebenta ko ang bahay at lupa ni Kuya Emman para naman magkapera ako. H'wag mong maipagmamalaki sa akin na kaya mong humanap ng ibang tirahan at buhayin ang sarili mo dahil oras na mabuking ka at ipakulong ni Fuentabella, wala ring kamag-anak na tutulong o dadalaw man lang sa'yo sa bilangguan. At higit sa lahat, alam mo kung anong mangyayari? Hinding-hindi mo na makikita si Jackson. Kaya mag-isip kang mabuti.” Nanginig ako kasabay ng pagbigat ng dibdib pagkatapos ng phone conversation namin ni Tito Zaldy. Alam na alam niya kung sino ang kahinaan ko at ito mismo ang ginagamit niya laban sa akin. Ano nang gagawin ko? Mag-iisang buwan ko na ngang hindi nakikita si Jackson dahil isinama siya ni Tito Zaldy nang magbakasyon sila ni Tita Elsa sa probinsiya ng huli. Ayaw ko sanang ipagkatiwala si Jackson sa iba, pero wala naman akong nagawa dahil sila itong totoong kamag-anak habang sampid lang ako sa kanilang pamilya. Naiwan akong mag-isa sa bahay ni Tatay Emman. Nang bumalik si Tito Zaldy noong isang araw, mag-isa lang siya at hindi niya kasama si Jackson. Doon na niya sinabi sa akin ang tungkol sa plano niyang ipakilala ako kay Sir David bilang si Jackelyn. Tumanggi ako sa gusto niyang gawin ko, pero binantaan niya ako na hindi raw niya isosoli si Jackson kapag nagmatigas ako. Hindi na ako nagdalawang-isip pagkatapos. Kahit puno ako ng pangamba sa gagawing pagpapanggap, sumunod ako sa gusto ni Tito Zaldy at nakipagkita kami kay Sir David. Akala ko naman ay hanggang doon lang ang partisipasyon ko sa maitim na balak niya. Nagkamali ako. Malinaw na ngayon sa akin kung ano talaga ang purpose ng pagtira ko kay Sir David. At bagaman matagal ko nang alam na may pagkagahaman siya, hindi naman pumasok sa isip ko na ganito siya kasama na pati ako ay gagamitin para magkapera nang malaki. Hindi pa siya nakontento na niloloko namin si Sir David. Ngayon, gusto pa niyang akitin ko ang tao. Mariin akong napailing. Hindi. Hindi ko kayang gawin iyon! Wala sa hulog ang takbo ng isip ni Tito Zaldy at hindi ko maintindihan kung paano siya naging half-brother ni Tatay Emman. Sa akala ba niya ay madali ang pinagagawa niya sa akin? Paano ko aakitin si Sir David? Oo, aminado akong nagugwapuhan sa CEO, pero sapat ba iyon para magawa ko ang inuutos niya? At ano bang inaasahang mangyari ni Tito Zaldy kung sakaling may mangyari sa amin ni Sir David? Na babayaran ng lalake ng milyones ang pagkabirh*n ko? Iyon ba ang lihim na agenda ni Tito Zaldy? Nahihibang na talaga ang kapatid ni Tatay Emman! Isa pa, paano niya naisip na maaakit si Sir David sa kagaya ko? Sa status ng lalake, siguradong nakapila ang magagandang babae na nagkakagusto rito. Anong laban ko sa mga iyon? Ni pansin ay hindi ako tatapunan ng pansin ng isang gaya nito. At paano pala kung may girlfriend si Sir David? Magiging kabit ba ang labas ko sakaling gawin ko ang inuutos ni Tito Zaldy at may mamagitan nga sa amin? Maninira ba ako ng relasyon ng may relasyon? Hindi talaga. Hindi kaya ng sikmura ko ang pinagagawa niya. Napakabait na tao ni Sir David. Hindi ko na kayang dagdagan ang kasalanan ko sa kaniya. Nagambala ang pag-iisip ko nang tumunog ang cellphone ko at isang text message mula kay Tito Zaldy ang pumasok. Binasa ko iyon. Tito Zaldy: Nalimutan kong sabihin na may sakit si Jackson mula pa kahapon, pero h'wag kang mag-alala dahil pinapagamot na siya ng Tita mo. Tuloy pa rin ang therapy niya, pero sa susunod na linggo ay baka wala na kaming pera na ipampapatingin man lang sa kaniya sa doktor. Ikaw ang inaasahan ko para magdire-direcho ang therapy ni Jackson. Hindi ko na napigilan ang matinding pag-aalala. Alam kong ginagamit ni Tito Zaldy ang kalagayan ni Jackson para ma-control ako, pero totoo ang sinabi niya na special treatment ang nararapat sa kapatid ko lalo na't walang kakayanan si Jackson na sabihin kung ano talagang nararamdaman nito. At kailangang matiyaga ka sa pag-aalaga rito dahil hindi siya gaya ng karaniwang bata. Kaya nga isa pa iyon sa inaalala ko dahil medyo masungit at bugnutin ang asawa ni Tito Zaldy. H'wag lang sana niyang sinasaktan si Jackson dahil hindi ko alam kung anong magagawa ko. Hindi ko na namalayan ang pagpatak ng luha ko nang maalala ulit ang kapatid ko. Miss na miss ko na siya. Dose anyos na siya, pero ang isip niya ay hindi husto sa kaniyang edad. Noong naroon ako sa Marinduque ay hindi ko mapigilang isipin siya parati. Paano pa ngayon na malayo ako at may pagbabanta pa na tuluyan siyang ilalayo sa akin? Umiling ako at pinahid ang luhang nagsiagos sa aking mga pisngi. Hindi ako pwedeng matalo. Hindi ang banta ni Tito Zaldy ang magpapahina sa akin. Kilala ko siya at alam kong may pagkaduwag din siya at malamang na hanggang salita lang ang kaya niya. Tatapusin ko na lang ang misyon ko sa bahay ni Sir David. Kailangan ko nang makauwi at nang makuha ang kapatid ko. Kailangan ako ni Jackson. Ibinilin siya sa akin ni Tatay Emman. At kahit hindi siya ibinilin ay magkukusa talaga akong kupkupin siya gaya ng pagkupkup noon sa akin ni Tatay Emman. Alam kong magiging mahirap, pero kakayanin ko. Dahil mula nang mawalay ako sa totoo kong pamilya, sila na lang nina Tatay Emman at Jackson ang naging pamilya ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD