(ONIC) "SA wakas, nakabalik ka na rin, Boss!" Mula sa maliit na silid ay narinig ko ang boses na iyon na pag-aari ng isa sa mga kasama ni Tito Zaldy. Maingat akong yumuko para mahawakan ko ang magaspang na sahig. Sa loob ng tatlong araw ay nakasanayan ko nang gawin iyon dahil iyon lang ang paraan para makaalis ako sa katre nang hindi ako natutumba. Hindi naman kataasan ang kinauupuan kong katre kaya madali kong nailalapat ang mga kamay ko sa semento. Sunod ko namang ibinababa ang aking katawan at doon ko kailangan tibayan ang sarili ko kahit wala na halos akong lakas dahil tubig at biskwit lang ang ipinakain sa akin sa loob ng nagdaang mga araw. Nag-iingat akong mawalan ng balanse at baka bigla akong bumagsak, siguradong gagawa ako ng ingay at makukuha ko ang pansin ng mga nasa labas.