NABIGLA si Art sa mga nangyayari. Sino ang kapatid na tinutukoy ni Love at bakit tinawag ni Dave itong Agent 88. Sino ba talaga si Love Guadalupe?
Tinulungan sila ng mga pulis na makalagan ng tali. May mga dumating pang mga NBI agents. Nilagyan sila ng first aid para mabawasan ang pananakit ng kalamanan niya maging ni Paxton.
"Men, search the area. Baka nasa tabi lang si Damascu!" malakas na sabi ng isang command officer.
"Nasaan si Soraya?" tanong naman ng isang lalaki na bagong dating.
"Hinabol niya si Dave. Nag-request na siya ng back-up."
Tumalima ang lalaki at tumakbo sa gawi ng tinakbuhan ni Love. Gulong-gulo ang isip niya sa mga nangyayari.
"Bossing, kailangan nating makita si Osha."
Tinanguhan niya ito. Tinanong niya ang babaeng pulis na gumagamot sa kanila. Kung may alam ito sa kapatid niya. Sinabi nito na mabilis na naisugod ang kapatid niya sa hospital. At mabuti na ang lagay nito ngayon. Nakahinga siya ng maluwag sa sinabi ng pulis sa kanya. Hindi niya mapapatawad ang sarili niya kung may masamang nangyari kay Osha.
"Mr. Briton, sumama po kayo ngayon sa presinto para sa ilang mga katanungan. At para na rin sa inyong proteksyon lalo na't hindi pa nahuhuli si Dave at si Damuscus. Kailangan naming masiguro ang kaligtasan ninyo."
Sumang-ayon si Art sa sinabi ng pulis. Inaalala niya si Love, paano kung mapahamak ito.
Sana'y walang mangyaring masama kay Love. Dahil utang niya ang buhay niya rito.
-----
"MAGALING ka talaga, Agent 88! Pati kamatayan nalalampasan mo na!" bulyaw ni Dave.
"Hindi pa naipanganak ang taong papatay sa akin. Kaya sumuko ka na dahil papasabugin ko ang ulo mo sa oras na makita kita! Pagbabayaran mo ng mahal ang sugat na inabot sayo ng kapatid ko!" Pinaputukan muli niya ito ng baril. Hindi naman nagpapatalo si Dave na gumaganti rin ng putok.
"Agent 88!" sigaw nito at lumabas sa pinagtataguan. Hindi niya pinalampas ang pagkakataon at nakipagsabayan rito. Natamaan siya sa kanang balikat at daplis naman sa kaliwang braso. Bumagsak si Dave na may apat na tama ng baril sa katawan.
Napaupo siya at hinawakan ang nabaril na balikat niya.
Patay na si Dave. Tanging si Damascus na lang ang kailangan nilang tugisin. Nanlalambot ang tuhod niya at hindi na niya kayang tumayo dahil sa pagod at maraming dugo na umaagos sa balikat niya. Dumating si Kayson at inalalayan siya nito.
"Matigas talaga ang ulo mo, Soraya."
Ngumisi siya dito. "Kumusta si Mr. Briton?"
"'Wag kang mag-alala, maayos na sila. Dinala na sila ngayon sa presinto para sa interview at kailangan mo namang maidala sa hospital para magamot ka na," paliwanag ni Kayson.
Ano kaya ang sasabihin ni Art kay Soraya pagkatapos nitong malaman ang totoo.
NADATNAN ni Soraya si Osha na kasama nito ang papa niya. Naroon si Art at si Morgana, mukhang nasabi na ni papa ang lahat. Lumabas muli si Soraya ng pintuan at sinundan naman siya ni Art. Hindi niya alam kung paano siya magpapaliwanag dito. Masyadong kumplikado ang mga sitwasyon ngayon. Nahuli na si Damscus at ang mga kasama nitong negosyante na may illegal na ginagaw. Si Carlos ang nagbalita kay Soraya ng lahat. Ang black book na ibinigay ni Art ay malaking tulong upang mahuli ito.
Naka-bandage ang kanang balikat niya, may mga band aids na rin ang mga sugat niya sa mukha. Nagmadali siya sa paglalakad para makaalis ng hospital pero hinawakan nito ang kamay niya.
Hinarap niya si Art, bakas sa mukha nito ang pag-aalala na hindi niya gustong malaman pa.
"Agent 88?"
Napalunok si Soraya. "Kailangan ko nang umalis."
"Kanina pa kita hinihintay, Agent---"
"Ginawa ko lang ang trabaho ko, pasensiya na kung nada---"
Hinila siya ni Art, niyakap siya nito nang mahigpit.
"Nag-alala ako sayo, kanina halos madurog ang puso ko habang nakikipaglaban ka. Pagkatapos wala man lang akong magawa para ipagtanggol kita. Ipinaalam na lahat sa akin ng papa mo ang lahat, hindi ko gusto na nagsinungaling ka sa akin, gusto kong magalit sayo pero mahal na kita. Mahal na mahal na kita... kung mali na mahalin kita, sabihin mo lang sa akin. At ako na ang kusang lalayo, Soraya."
Bumuhos ang luha niya sa balikat ni Art. Inilayo niya ang sarili rito pagkatapos ay tinitigan niya ito sa mga mata.
"Bilang isang agent, bawal na mahalin ko ang suspect." Tumawa si Soraya. "Ngayon pa lang mag-re-resign na ako sa serbisyo dahil mahal na kita. Hindi mo na kailangang lumayo sa akin." Niyakap muli niya si Art. "Patawad sa pagsisinungaling na nagawa ko, no'ng una hindi ko binalak na mahalin ka. Hindi 'yon pumasok 'ni minsan sa isip ko."
"Soraya..."
"Salamat sa pag-aalaga sa kapatid natin. Hindi ko alam kung paano ko ipapakilala ang sarili ko kay Osha. Hindi ko alam kung maiintindihan niya tayo."
Hinaplos niya ng masuyo ang buhok ni Soraya. Tinitigan niya ito sa mata.
"Si Osha ang ugnayan nating dalawa at sa tingin ko matutuwa siya dahil ikaw ang ate niya."
Bumama ang tingin nito sa labi niya. Inuudyukan siya ng sarili niya na halikan si Art at ginawa niya 'yon. Buong puso naman itong tumugon sa halik niya rito.
Natapos na ang kaso tapos na rin ang obligasyon niya sa Agency. Matutupad na ni Prime ang pangako niyang vacation leave sa kanya. At hindi lang isang araw, linggo at buwan. Kundi mga taon na titigil na siya bilang isang Agent.
Bumalik sila sa kuwarto ni Osha, naroon ang kanyang papa. Nakangiti ito sa kanya habang karga-karga nito si Osha.
-----
"BOSING!" tawag ni Paxton. "Kanina ka pa ikot nang ikot sa harapan ng salamin hanggang ngayon hindi ka pa rin nakakapagbihis. Anong petsa na, hinihintay na tayo ni agent."
Hindi kasi niya alam kung ano ba ang isusuot niya. Unang beses nilang lumabas ni Love este Soraya. Napangiti siya, tama lang pala na Love ang pangalan ni Soraya dahil sa pangalan na 'yon nahulog siya.
Isinuot niya ang blue polo t-shirt niya at maong na pantalon. Naisip niya na iyon ang porma palagi ni Soraya kaya naman gugulatin niya ito sa suot niya. Bumili pa siya ng rubber shoes niya na hi-cut na ngayon lang niya nagawang isuot. Ibang-iba si Soraya sa mga babaeng nakilala niya at naging karelasyon niya.
Simple lamang ang Soraya, kasing simple ng Love na una niyang nakilala. Nagsimula siyang muli matapos ang nangyari makalipas ang isang buwan. Lumipat sila ng bahay ni Osha at ibinenta niya ang bahay na iniwan nila. Si Osha ay nasa pangangalaga ng kanyang ina. Sinabi ni mama na magbabago na raw ito. Sinimulan niya na rin ang pagbabago sa buhay niya. Binitawan niya ang mga illegal business na pinasukan niya at si Soraya ang naglinis sa mga kalat niya sa batas. Puro penalties lang ang natamo niya at hindi kulong.
"Bosing!" malakas muling sigaw ni Paxton. Binigyan na niya ito ng sariling bahay at sasakyan ngunit narito pa rin ito at inaabala ang date niya.
NAKANGITI si Soraya sa guwapong sundo niya. Pumasok ito sa loob ng bahay nila sa Villa Subdivision. Bumungad kay Art ang mga display na baril ni papa, at mga sertipiko ng mga parangal niya bilang si Agent 88 na walang permanenteng code name. Nakangiti si Art sa gaw niya. Nilapitan niya ito .
"Napaaga ka yata mister."
Niyakap siya nito. "Namiss kasi kita."
"Asus, para namang hindi tayo magkasama sa presinto kahapon."
Napailing si Art. Absuwelto na ito kay Prime at sa mga pulis. Pero hindi pa ito absuwelto sa kanya.
"Halika na?" aya niya rito. Hinawakan niya ito sa balikat na parang kaibigan lang. Hindi pa naman sila pormal na magkasintahan ni Art. Gusto pa niya itong kilalanin. Kung anong klaseng itong tao. Hindi la niya kasi alam kung ano ang kahinaan at kalakasan nito. Kinuha niya ang baril niya at isinukbit iyon sa likuran ng pantalong niya. Katulad pa rin ng dati. Kailangan handa siya palagi.
"Para saan 'yong baril?" maang na tanong ni Art.
"In case of emergency."
"Oh my..."
Napailing siya. "Masanay ka na mister. Kung ako man ang makakatuluyan mo balang araw kailangan mong sanayin ang sarili mo na kasama ako." Kinindatan niya ito.
"Hindi ba p'wedeng mag-retire ka na lang sa trabaho mo? I mean hindi mo na kailangang isugal ang buhay mo kapag sinagot mo ako."
"Sagot agad? Wala ka pang ligaw?"
Kumunot ang noo ni Art. "Liligawan kita."
Kinilig siya sa sinabi nito. Nabuhay yata ang katawang lupa niya sa sinabi nito.
"Saan tayo pupunta?" tanong niya.
"Sa Rancho..."
"Rancho?"
"May binili akong lupa sa probinsya ng Tarlac. Nagustuha. ko iyong lugar na iyon para malayo sa Maynila at isa pa. Sariwa ang hangin doon, 'di tulad dito. Doon tayo titira... soon."
"Ha? Paano ang mga negosyo mo dito? At isa pa hindi mo naman kailangang lumayo para lang mak---"
Pinutol nito ang sasabihin niya sa pamamagitan ng isang matamis na halik.
Dampi lamang iyon. Tila nahipnotismo siya sa ginawa nito.
"Halika na," nakangiting sabi nito at ipinagbukas siya ng pinto.
Hindi na siya nagsalita pa. Pinaandar nito ang kotse nito. Kinuha naman niya ang baril sa likuran niya tsaka iyon inilagay sa ilalim ng upuan niya.
"Hindi ka ba nahihirapan na isa kang Agent?"
"Bakit mo naman naitanong?"
"Nang makita kitang nakikipaglaban kay Dave at sa mga tauhan nito. Nakaramdam ako ng takot at pagkaninis."
"Sorry. Parte kasi ng trabaho ko ang manlinlang."
"At nagawa mong linlangin pati ang puso ko."
Kumabog ang puso niya. Namula siya sa sinabi nito.
"I love you..."
"Mag-concentrate ka sa daan," sagot niya. Kinilig siya sa sinabi nito pero kailangan nitong paghirapan ang matamis niyang oo.
Habang nasa daan sila nagpapatugtog si Art ng mga opm love songs. Sinasabayan pa nito ang mga awit.
"Ikaw na nga ang hinahanap ng puso ko." Tumingin pa ito sa gawi niya.
Inirapan lang niya ito. Maya-maya pa ay nasa bukana na sila ng Tarlac City. Malamig na simoy ng hangin ang dumadampi sa balat niya ng buksan niya ang window shield ng kotse.
Iniliko ni Art ang kotse sa mapunong daan. Iba talaga ang amoy ng hangin sa probinsya.
"Dito na lang tayo misis ko este Soraya." Ngumiti ito. Hinawakan nito ang kamay niya. Bumaba siya sa kabilang pinto. Sa tingin niya hindi magkakasya ang kotse sa daanan dahil makitid lang iyon.
INALALAYAN niya si Soraya na maglakad sa maputik na daan. Umulan siguro kagabi o nang mga nagdaang araw kaya maputik.
Sa bawat pagkadulas ni Soraya ay napapadikit ang katawan nito. Nangigingiti siya sa pag-iwas ni Soraya.
Ngayon niya papatunayan na mahal niya ito at seryoso siya. Kinakutsaba na niya ang papa ni Soraya. Ipinagpaalam na niya ito. Hindi na rin niya sinabihan si Paxton para walang istorbo sa kanilang dalawa.
"Ano'ng ngini-ngiti mo riyan?" masungit na tanong nito.
"Natutuwa lang ako sayo dahil wala kang arte."
"Hindi naman kasi ako iyong tipo mo na sexy na maarte pa."
Tumawa siya sa sinabi nito. "Secretary ko ba ang pinag-uusapan natin?" tanong niya. Ilang beses na rin kasi niyang nakita si Soraya na masama ang tingin sa secretary niya. Lalo na kapag nagpupunta ito noon sa bahay nila. Assistant iyon ni Dave na siyang namamahala sa mga schedule niya noon.
"Selos ka na naman."
"Hindi ako nagseselos. Nagsasabi lang ako ng totoo."
"Agent ka nga talaga."
Ngumisi ito. "We're the great pretenders."
Binuhat niya si Soraya kahit na tumututol ito. Nadumihan na ang bagong bili niyang sapatos. Sayang ang kanyang porma na hindi man lang napansin ni Soraya.
"Ibaba mo na ako, ano ba."
"Okay, pero isang halik muna."
Hindi ito nagsalita. "Okay, tsaka na lang iyong halik." Ngumiti siya rito.
Isang lumang bahay ang bumungad sa kanila ni Soraya. Parte iyon ng Rancho na binili niya. Sa paligid no'n ay nga limang puno ng mangga at dalawang puno ng kaimito. Sa 'di kalayuan ay ang rancho niya na pinangalanan niyang Love Sanctuary. Iniaalay niya iyon kay Soraya.
Sumalubong sa kanila si Aling Beb at Mang Kulas. Sila ang care takee ng Rancho niya buhat nang mabili niya ito.
Nagkakahalaga ng 1 bilyong piso ang rancho niya. Na may sukat na 500 na hektarya. Naroon na rin ang halaga ng apat na kabayo niya na binili kasama ng lupa. Binili niya ito sa isang hacienderong matanda. Aalis na raw kasi ang matandang iyon at mag-migrate na sa ibang bansa kasama ang pamilya nito roon.
"Nakahanda na ang pananghalian ninyo, sir."
"Salamat po, Aling Beb."
Hinawakan niya ang kamay ni Soraya. Pumasok sila sa loob ng bahay. Tinanggal niya ang sapatos niyang maputik at isinunod niya ang sapatos ni Soraya. Tumanggi ito na gawin niya iyon pero napapayag pa rin niya ito.
Sabay silang naghugas ng paa sa gripo na naroon sa loob ng bahay mismo. Hindi sementado ang bahay. Gawa ito sa bolo at mga kahoy. May hagdaan ang bahay na singtaas ng isang anim na taong gulang na bata. Puro huni ng ibon ang naririnig nila.
"Okay dito, no," sabi ni Soraya.
"Nagustuhan ko ito dahil sayo."
"Ha?"
"Binili ko ito para sayo."
"Sa akin? Bakit?"
Hinapit niya ang bewang nito. "Dahil mahal na mahal kita." Bumaba ang tingin niya sa labi nito. "Mahal na mahal kita."
Hinagkan niya si Soraya. Gumanti naman ito sa halik niya. Kinakagat niya ang ibabang bahagi ng labi nito na nagdulot ng kakaibang sensasyon sa katawan ni Soraya. Ramdam niya ang paghaplos ng kamay nito sa buhok niya. Pinutol niya ang halik na iyon.
"Kumain muna tayo," sabi niya.
Mahina siyang pinalo ni Soraya sa braso. "Nakakainis ka."
"Shh. Hindi mo pa nga ako sinasagot." Ganti niya rito.
Tumawa ito.