Kabanata 8: Kumplikado

1312 Words
Luna's PoV HINDI ko talaga maintindihan ang ugali ni Dean dahil habang tumatagal ay nagiging masama ang ugali nito at ang pagtrato nito sa akin. Pakiramdam ko nga parang napilitan lang ito na kunin ako sa trabaho. Kunsabagay, mas mabuti na rin ito na may masungit akong amo kaysa naman prinoproblema ko ang erpat ko. Nakatulog dahil sa kakaiyak ang alaga ko. Ginamot ko naman na ang sugat niya ng betadine at saka ko siya pinainom ng paracetamol. Pinainom ko na lamang siya ng gatas at gigisingin ko na lang mamaya para kumain ng hapunan. Nandito ako sa kuwarto ni Ice at binabatayan ko siya. Nag-aalala din naman ako sa alaga ko ahil kasalanan ko rin kung bakit siya nadapa. Bumuga ako ng malalim at saka ipinikit ang aking mga mata. Mas gusto ko pa rin talaga na pagala-gala lang kaysa mag-aalaga ng bata. Iniisip ko tuloy ngayon ang magiging kinabukasan ko at ang buhay ko kapag may anak na ako. Mahirap pala.. may masayang maging dalaga. Hindi talaga ako mag-aasawa! Bumangon ako at saka kinuha ang cellphone sa aking bulsa. Binasa ko ang mga nakakakilig na text sa akin ni Knight. "Shy, hindi ka ba napapagod? Palagi ka kasing tumatakbo sa isip ko." "Shy, kung kaya ko bang sungkitin ang buwan at mga bituwin... sasagutin mo na ba ako ng oo?" "Syempre joke lahat iyan dahil alam ko naman na wala akong pag-asa sa iyo." Napailing at napangiti na lang ako habang binabasa ang mga text sa akin ni Knight. Alam na alam talag nito kung paano ako pangingitiin. At iyon ang kailangan ko ngayon. Ang isang kaibigan na katulad ni Knight. Umupo ako sa kiddie chair at saka idiniretso ang aking mga paa. Ibinulsa ko ang aking cellphone at saka binalingan ang aking alaga na mahimbing pa rin na natutulog. Biglang bumukas ang pinto at pumasok si Dean. Masama ang tingin nito sa akin. Hindi na lamang ako kumibo dahil wala ako sa mood makipagtalo rito. "Huwag mo na ulit tuturuan si Ice ng mga kalokohan. Kung sa tingin mo natutuwa ako sa ginagawa mo p'wes nagkakamali ka, Shyra. Ipinagkatiwala sa akin ang batang iyan para alagaan ko at hindi para pabayaan lang ng kung sino." Tumayo ako at ipinamulsa ang aking mga kamay sa bulsa ng pants na suot ko. "Una sa lahat hindi kalokohan ang paglalaro ng basketball, pangalawa hindi ako ang nagpresinta na maging yaya ng pamangkin mo... baka naman nakalimutan mo na ikaw ang kumuha sa akin." Naglakad ako palapit kay Dean at hinarap ko siya. "Kung dahil sa atraso ko sa iyo na one thousand fifty pesos ang dahilan ng kasungitan mo ay ibawas mo na lang sa sasahurin ko ngayong buwan, Boss Dean," nakangising sabi ko sa kanya. "Ayokong magkaroon ng utang na loob sa kahit na sino. At kung ayaw mo sa akin, aalis na ako. Humanap ka ng yaya ng pamangkin mo na hindi gagawa ng kalokohan. Pasensiya ka na dahil kahit na malungkot ang naging buhay ko bilang isang ulila ay naranasan ko naman na maging masaya noong bata pa ako." Tinalikuran ko si Dean. "Sandali, wala akong sinasabi na sinisisante na kita." Napangisi ako sa sinabi ni Dean. Muli akong umupo sa kiddie chair at saka ito tinignan. "Hindi ako aalis kung hindi mo ako sisisantehin. Ikaw ang bahalang magdesisyon para sa ikakabuti ng pamangkin mo dahil sa mga narinig kong kuwento ng mga katulong mo, ako pa lang ang yaya na nakatagal sa ugali ni Ice." Hindi kumibo si Dean sa sinabi ko. "Boss kita at igagalang ko ang mga patakaran mo. Huwag na huwag mo lang sanang uulitin na pagsabihan ako ng masasakit dahil kahit na boss pa kita hindi kita papalampasin," matapang na sabi ko. "Hindi ka ba natatakot sa akin?" Nilingon ako ni Dean. Tsk. Kung si Sir Siege lang si Dean baka lumuhod na ako. Umiling ako sa kanya. "Una pa lang kitang nakilala hindi na kita kinatakutan. Ang sabi ko pa nga noon, mabait kang tao. Siguro nga guni-guni ko lang iyon dahil tinulungan mo ako. Alam ko naman na kapag nakakaedad na talaga ang isang tao nagiging masungit na. Lalo na kung wala ka pang love life." "Hindi malungkot ang love life ko dahil may nobya na ako, Shyra. Hindi lang talaga ako palakaibigan na tao. Hindi rin ako mabilis na magtiwala at lalong-lalo na hindi ako likas naabait. Hindi ako tumutulong na walang kapalit." Napangiti ako sa sinabi ni Dean. Mukhang nagsasabi nga ito ng totoo. "Hindi ako hihingi ng tawad sa mga sinabi ko, Shyra. Hindi ko gawain na mag-sorry sa mga katulong ko." Naglakad ito patungo sa pinto at hinawakan ang seradura. "Hindi muna kita sisisantehin ngayon dahil wala pa akong nahahanap na kapalit mo." Binuksan nito ang pinto at tuluyang lumabas ng kuwarto ni Ice. Mahina na lamang akong natawa. Hindi yata normal na tao ang boss ko. Habang nagsasalita ito kanina, si Donya Elizabeth ang naririnig ko. Ganoon na ganoon ang asawa ng aking erpat noong nabubuhay pa ito. Tsk. Iba talaga kapag mayaman... nagiging mayabang. NANG matapos kong pakainin ng hapunan si Ice ay natulog ulit ito. Sinigurado ko na naka-lock ang lahat ng bintana at sliding door ng kuwarto nito bago iwan. Kinuha ko rin ang beeper kung sakali na iiyak ito o tatawagin ako ay maririnig ko kaagad. Nagpasya muna akong maglakad-lakad sa malawak na garden ni Dean. Nagtungo ako sa may swimming pool at naupo sa may bench na naroon. Itinukod ko ang aking magkabilang braso at saka ako tumingala sa kalangitan. Ipinasya kong humiga sa bench habang nakatingin sa mga bituwin sa langit. Habang pinagmamasdan ko ang kalangitan ay nag-ring ang cellphone ko. Inilagay ko ang earphones ko at saka sinagot ang tawag ni Knight. Alas diyes na ng gabi at natitiyak kong nasa opisina pa ito. Sa mga ganitong oras ay nagkakape lang ito habang nakataas ang mga paa sa lamesa. "Hindi ka na busy?" tanong nito sa akin. "Hindi na. Bakit ka nga pala napatawag?" Bumangon ako sa bench at saka umupo na lamang habang kausap ito. Tumawa ito sa kabilang linya. "Wala lang, hindi lang talaga ako sanay na wala ka rito sa opisina. Wala akong kasamang magpuyat at ka-bonding." "Sus. Bakit hindi ka na lang mamasyal para may makilala kang magandang babae, kaysa nariyan ka at nagmumukmok." Bigla itong natahimik sa kabilang linya. Natawa naman ako ng mahina. "Oo nga pala. Nagpunta ako sa apartment mo at hinahanap ka sa akin ni Aling Sebya. Siningil niya ako sa mga utang mo sa tindahan niya." Biglang pag-iiba nito ng usapan namin. Bukod pa sa apartment ko sa La Union ay may isa pa akong bahay na tinutuluyan sa Urdaneta. Ang apartment na iyon ang alam ni Knight dahil ang akala nito ay doon talaga ako nakatira. "Oo nga pala." Nasapo ko ang aking noo. "Babayaran ko na lang kapag nagkita tayo." "Isang I miss you mo lang, Shy. Bayad ka na sa akin." Malakas akong natawa sa sinabi nito. "Okay sige. I miss you, My Knight," malakas na sabi ko. Pagkasabi ko no'n ay bigla na lang may umahon sa tubig. Nagulat pa ako nang makita ko si Dean na nakatingin pala sa akin. Sa kabilang linya naririnig ko ang malakas na pagtawa ni Knight. Ngayon lang ako nito nauto. "Sige na, Knight. Good night," nakangiting sabi ko pa bago tapusin ang aming pag-uusap. Naglakad patungo sa tabi kong bench si Dean. Nakasuot lang ito ng boxer short na kulay gray. "Boyfriend mo?" "Nakikinig ka ba sa usapan namin?" kunot-noong tanong ko rito. "At bakit naman ako makikinig?!" pasigaw na tanong nito sa akin. "Wala akong panahon para pakinggan ang usapan ninyong dalawa." Naglakad ito palayo sa akin. Napailing na lamang ako at saka muling tumingin sa mga bituwin. May saltik talaga ang boss ko. Hindi ko namalayan na nakatulog ako sa may bench habang nasa isip ko si Dean.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD