Kabanata 13: Blush

2262 Words
Luna‘s PoV NAGTUNGO ako sa Guimba Nueva Ecija upang kamustahin kay Nanay Charo ang kalagayan ng aking ama. Kahit na masungit si Daddy noon sa akin ay nagawa pa rin naman niya akong kupkupin. Iyon nga lamang ay hindi naging maganda ang childhood ko sa kamay ni Donya Elizabeth. Bukod sa napakasungit nito ay sobrang strikto rin ngunit kahit na hindi naging maganda ang buhay ko sa pananatili sa hacienda ay naging masaya pa rin ako dahil kay Nanay Charo. Ang matandang iyon na mayordoma ng bahay ang naging pangalawang Nanay ko. Hindi na ako nagtataka kung bakit piniling manirahan na lamang sa ibang bansa ang mga kapatid ko sa ama dahil mas mabuti kasing malayo sa mga dragon. Nakasuot ako ng itim na hoodie jacket, itim na cap at saka naka-facemask din ako. Naka-jogging pants ako ng kulay gray at nakasuot ng puting sapatos. Sa may likod bahay ako dumaan sa isang sekretong lagusan patungo sa kulungan ng mga alagang baka, kalabaw at kambing. Pinagmasdan ko muna ang paligid bago ako pumasok. Nakita ako ni Kuya Renato, panganay na anak ni Nanay Charo. Nginitian lamang niya ako at saka itinuro ang Nanay nito na nasa kusina. Abala si Kuya Renato sa pag-aalaga kay Mestiza, ang paboritong baka ni Sir Simon. Mataba kasi ito at saka malaki. Marami na rin itong mga anak. Ang mansion ni Sir Simon ay may dalawang palapag. Sinaunang bahay ang disenyo ng mansion na gawa sa mga magagandang uri ng kahoy, may narra, mahogany at molave. Ang mga bakal na railings ng mga bintana ay gawa sa aluminium. Ang malaking pinto sa main door ay gawa sa narra na may mga nakaukit na pangalang Familia Ruiz. Pagpasok sa bahay ay may mga malalaking vases na may mga bulaklak na lavander. May mga malalaking paintings din at mga malalaking larawan na nakasabit sa ding ding patungo sa second floor ng bahay. Walang swimming pool ang garden ngunit may malaking fountain at magandang landscape ng garden. Sari-saring mga bulaklak ang nakatanim doon dahil mahilig sa bulaklak si Donya Elizabeth. Dumiretso ako sa may likod bahay at nakita ko na naroon si Nanay Charo. Dinidiligan niya ang mga orchids na tanim ko noong bata pa ako. Malungkot ito habang nagdidilig ng mga orchids marahil ay iniisip niya ako. “Nanay,” mahinang sabi ko rito. Mabilis itong napalingon sa akin. Ibinaba ko ang face mask ko at saka ko siya nginitian. Mabilis niya akong nilapitan at saka hinila sa likod bahay. Sa may mababang puno ng native na mangga doon niya ako itinago. Doon din ako madalas magtago noong bata pa ako. “Ano’ng ginagawa mo rito, anak? Baka mamaya makita ka ng daddy mo.” “Hinahanap pa rin po ba niya ako para ipakasal sa Vicente na iyon?” malungkot na tanong ko rito. “Sa palagay ko, oo. Palaging narito si Attorney Marubdob at dumidiretso kaagad sa opisina ni Don Simon. Mukhang tungkol pa rin iyon sa iyo at sa pagpapakasal mo. Nandito ka ba para sundin ang utos ng daddy mo?” Malungkot akong umiling dito. “Nandito po ako para alamin kung okay lang siya. At mukhang mabuti naman ho siya dahil hinahanap pa rin niya ako.” “Luna…” Hinaplos ni Nanay Charo ang buhok ko. “Bakit hindi mo na lang kausapin ang daddy mo?” Huminga ako ng malalim at malungkot na tumingin dito. “Kilala naman po ninyo si Sir Simon, hindi niya ako kailanman pinakinggan. At ipagpipilitan lamang niya ang gusto niya na maipakasal ako sa isang lalaki na hindi ko naman kilala. Kung para sa kanya makakabuti iyon sa hacienda at sa mga negosyo niya, p’wes para sa akin hindi, Nanay Charo. Nakasalalay dito ang buong buhay ko.” “Luna…” “Hindi naman niya ako mahal bilang isang anak kun’di bilang isang tauhan niya at tagapagsilbi. Iyon lang naman ang pakinabang ko para sa kanya, e,” madamdaming sabi ko sabay hakbang ng mga paa ko. Tumingin ako sa malawak na palayan. “Bata pa lamang ako palaging sila na ang sinusunod ko. Gusto ko naman na maging masaya. Hindi ba niya kayang isipin iyon, ‘nay?” naluluhang tanong ko. “Mahal ka ng daddy mo, nararamdaman ko iyon. Gusto lang siguro niyang mapabuti ka ka. Wala namang magulang na naghahangad ng masama para sa mga anak nila.” Hindi ako naniniwala doon. Dahil kung mahal niya ako bakit hindi man lang niya ako nagawang pakinggan kahit minsan. Samantalang iyong mga tunay na anak ni Daddy na sina Kuya Rexter at Ate Aida, palaging napapaboran. “Ang gusto ni Sir Simon maging kasangkapan niya ako para mas maging makapangyarihan siya. Ipinagbibili niya iyong lupa sa Caranglan para makagpatayo siya ng subdivision sa Santo Domingo, at dinoble naman ng Vicente na iyon ang presyo dahil kasama ako sa ibinebenta. Hindi ako bagay, Nanay Charo. Hindi ako kasangkapan ni Sir Simon, at hindi rin niya pagmamay-ari. Nalaman ko ang mga plano niya dahil madali lang para sa akin na mapaamin si Attorney Marubdob. Pinalaki niya ako, pinag-aral at binihisan para ibenta lang sa kung sinong lalaki!” naiinis na sabi ko. Masama ang aking loob sa aking ama. Ngunit bahagi pa rin siya ng aking pagkatao at nasasaktan pa rin ako. “Luna, hindi naman siguro---” Nilingon ko si Nanay Charo. “Ito na po ang huling beses na magpapakita ako sa inyo. Alagaan po ninyo ng mabuti si Sir Simon, at pakisabi ho kapag nagtanong siya sa inyo, na nakausap ninyo ako at nasa maayos akong kalagayan kaya wala siyang dapat na alalahanin.” “Pero, anak---” Niyakap ko ng mahigpit si Nanay Charo. Hindi ko alam kung kailan ulit kami magkikita dahil hindi na ako babalik pa rito. Tumingin ako sa mga mata ni Nanay Charo na umiiyak. “Maraming salamat po sa pagmamahal ninyo sa akin at pagturing sa akin bilang isang tunay na anak. Alagaan po ninyo ang inyong sarili. Tatawag na lang po ako kay Kuya Renato.” Isinuot ko muli ang aking facemask at saka tinalikuran na ito. Pumapatak ang luha sa aking mga mata dahil sa sama ng loob sa aking ama. *** HINDI pa ako umuwi sa apartment ko sa La Union. Nagpasya na lamang ako na pumunta sa isang restobar sa may tabi ng daan. Open air ang restobar na may live band na tumutugtog. Umupo ako sa may wooden round chair at humarap sa round table. Dumating ang waitress at nag-order ako ng tatlong pulang kabayo, sizzling bangus belly at spicy fried mani. Inalis ko ang facemask ko at saka ipinatong ang magkabilang siko ko sa lamesa habang hinihintay ang order ko. Palinga-linga din ako sa paligid, may dalawang bansot na lalaki na nakatingin sa akin. Tingin ko nasa edad trentay singko hanggang kuwarenta anyos ang mga ito. Nakatingin sila sa akin na at napapa-cute. Napailing na lamang ako. Isang linggo na rin ang nakalipas na wala akong training. Napangisi na lamang ako habang nakatingin sa dalawa. Mukhang pagpapawisan ako mamaya kapag nakainom na ako ng beer. Dumating ang order ko at nagsimula na akong uminom. Sa ganitong paraan ko nililibang ang aking sarili para makalimutan ko ang aking problema sa erpat ko. Lumalaki lang ang atraso nito sa akin dahil hindi nito nagawang tuparin ang ipinangako nito sa Mama ko na bibigyan niya ako ng masaya at maayos na buhay. Hanggang ngayon, sinisisi ko pa rin si Donya Elizabeth sa pagkamatay ng Mama ko. Anim na taon pa lamang ako noon pero tandang-tanda ko kung paano pinagbantaan nito ang buhay ng aking Ina. Maganda ang aking Mama, at kamukhang-kamukha ko siya. Ang alam ko noon may kumpleto akong pamilya pero hindi pala dahil isang kerida ang aking Ina. Kaya naman pala sa may squatters area kami sa Maynila nakatira dahil doon lang p’wedeng itago ni Don Simon ang Mama ko. Nilagok ko nang mabilis ang beer. Hindi ko na nalalasahan ang pait no’n sa aking lalamunan dahil masama ang loob ko. Paubos na ang pangatlong beer na iniinom ko nang may lumapit sa akin na isang lalaki. Nakasuot siya ng itim na t-shirt at denim pants. Tiningala ko ang lalaki at nagulat pa ako nang aking makita si Dean. Sinenyasan ko ang waitress at nag-order ako muli ng tatlong pulang kabayo. Sumubo ako ng mani bago nagsalita. “Bossing, magandang gabi.” Pagbati ko sa kanya. Seryoso lang itong nakatingin sa akin. Kumuha ito ng silya sa katabing lamesa at saka naupo sa tapat ko. Tahimik lang si Dean habang pinapanood ako na umiinom ng alak. Nang dumating ang mga order ko ay binigyan si Dean ng isa. “Bossing, nandito ka ba para mag-chill?” “May trabaho ka pa bukas pero naglalasing ka!” malakas na sabi nito sa akin. Napangiti na lamang ako sa inasal nito. “Tatlong beer pa lang ang naiinom ko bossing. Madalas makaapat na case ako kapag gusto ko talagang maglasing.” Muli akong dumampot sa mani na nasa mangkok at inihagis ko iyon sa nalabukang bibig ko. Habang ngumunguya ako ay nag-ring ang cellphone ko. Tinignan ko ang caller at nakita kong si Knight. Mabilis ko iyong sinagot. “Knight?” Mabilis na napatingin sa akin si Dean. “Nandito ka? Eksakto, nandito lang din ako. Pumunta ka na lang dito sa restobar sa may tapat ng gasoline station. Hihintayin na lang kita para sasabay na ako sa iyo sa pag-uwi.” Nakangiti ako bago tapusin ang tawag ni Knight. Muli kong ibinulsa ang cellphone ko at saka hinarap si Dean. Nakatingin ito sa aking mga mata. “Salamat nga pala sa pagbibigay mo ng pera sa akin kaninang umaga, bossing. Nakalimutan ko siguro iyong pera ko kagabi at nalaglag sa may garden.” “Makikipag-inuman ka na kasama ang lalaking iyon?” Nabigla ako sa tanong nito. “Five years ko na iyong ginagawa, bossing. May masama ba roon?” Hindi ito nakasagot sa sinabi ko. Mahirap pala magkaroon ng boyfriend na seloso. “Bakit ka na nga pala nandito, bossing? Alam ba ni Madam Channel na nandito ka sa restobar? Baka mamaya awayin ako no’n dahil ikaw itong lapit nang lapit sa akin.” “Hindi ako lumalapit sa iyo… ahm… nagkataon lang na dito ako pumunta.” Ininom nito ang beer na ibinigay ko. “Ah… tamang timing, bossing.” Hindi niya ako pinansin. Muli kong hinagisan ng mani ang bibig ko. Mayamaya ay nahagip na ng mga mata ko si Knight na papasok ng restobar. Nag-order muna itong pulang kabayo bago tuluyang lumapit sa kinaroroonan ko. Napakunot pa ang noo nito nang makita na may kasama akong lalaki. “Si Dean nga pala, Knight… tropa ko.” Nginitian ko si Dean at saka kinindatan. “Si Knight nga pala Pare Dean, kaibigan ko.” Kumuha ng silya si Knight at itinabi sa akin. “Tropa mo?” nagtatakang tanong nito sa akin. “Ah, oo. Mabait ‘yan.” Hindi nito p’wedeng malaman na boss ko si Dean. Mahirap na baka malaman pa nito kung nasaan ako. Iisip na lang ako ng magandang paliwanag kay Dean mamaya. “Hindi ka pa naikuwento sa akin ni Shy. Mukha namang harmless ka.” Tumunog ang cellphone ni Knight at kailangan niya iyong sagutin. Ipinakita nito sa akin ang screen ng cellphone, si Sir Siege ang tumatawag. Sandali kaming iniwan ni Knight para sagutin nito ang urgent call. “Bakit hindi mo sinabi na boss mo ako?” “Hindi niya p’wedeng malaman dahil isusumbong niya ako sa tiyahin ko, bossing. Tulungan mo na lang ako para hindi nila ako mahanap dahil sigurado ako na ikukulong nila ako kapag nalaman nilang sa iyo ako nagtratrabaho. Malaki kasi ang utang ng mga magulang ko sa tiyahin ko kaya gusto akong ipasok sa club. Kaya nga ako naglalasing dahil hindi ko matanggap ang aking kapalaran.” Sinapo ng aking kanang kamay ang aking mukha. Kunwari‘y sobrang bigat ng aking pinagdadaanan. “Kaya nakikiusap ako, bossing. Kailangan walang makaalam para hindi ako magtrabaho sa club.” “Naiintindihan ko na, Shyra.” Mabilis akong napatingin kay Dean. “Maraming salamat, bossing.” Nang bumalik si Knight ay dumating na ang order nito. Isang case ng malamig na pulang kabayo. “Cheers…” nakangiting sambit ko sa mga ito. Pinatunog namin ang mga bote at sabay-sabay na nilagok ang laman niyon. “Shy, hindi na kita maihahatid. Kailangan kasi ako sa office ngayon may urgent meeting.” Binalingan nito si Dean. “Pare, ikaw na muna bahala dito kay Shyra. Kapag naging pasaway, tawagan mo lang ako.” Iniwan pa ni Dean ang calling card nito. Ang calling card nito gamit ang isang pekeng pangalan ng kumpanya ng kandila. Tinapik ni Knight ang balikat ko. Tumayo naman ako at nakipagbeso dito. “Ingat ka ha.” Nginitian ako nito. “Ikaw na muna bahala sa mga orders ko.” Nasapo ko ang aking noo. “Pambihira!” “Ibabawas ko sa utang mo sa akin,” natatawang sabi nito bago tuluyang umalis. Inihatid ko ng tingin ang aking kaibigan. Binalingan ko si Dean na naiiling na lamang sa akin. “Dalawang libo lang ang pera mo. Paano mo babayaran ang lahat ng iyan?” Nginisihan ko na lamang si Dean. “Huwag mong sabihin na ako ang magbabayad sa kulang?” “Boss, sulitin mo na ang pagiging mabait mo sa akin ngayong araw. Ramdam na ramdam ko naman na concern ka sa akin.” Kinindatan ko si Dean at namula ang magkabilang pisngi nito. Langya! Kinikilig pa naman yata sa akin ang boss ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD