CHAPTER 6- TING TING TANG TANG DANCE: NICOLAS VERSION

2316 Words
Dahil medyo may kalayuan mula sa kinatatayuan niya kaya hindi dinig ni Kan ang pinag-uusapan nina Nicolas at Auntie Vilma. Pero mukhang nakakatawa yata at panay ang mahinang tawa ng tiyahin niya. At anong nakakatawa naman kaya ang pinag-uusapan ng dalawang tao na hindi naman close at ngayon lang nagkita? Hindi niya alam kung ano ang magiging reaksiyon kapag nakita siya ng mga ito. Mabuti na lang at tinawag na ng kanilang supervisor si Auntie Vilma kaya nagpaalam na ito sa binata na hindi siya namamalayan. Pero hindi sa mga mata ni Nicolas. Nag-iwas siya nang tingin nang sumulyap ito sa kaniyang kinaroroonan. At saka patay-malisya na tinungo niya ang table number six. Bakante iyon pero may nakapatong na cellphone doon. Teka... parang nakita na niya kanina iyon. Iyon ang cellphone na hawak ni Nicolas kanina nang bumaba ito sa sasakyan. "Hi, Kan." Mabilis siyang napalingon sa nagsalita sa likuran niya. Tumaas ang isang kilay niya nang sumalubong sa kaniya ang mukha ng binata. He was grinning widely at her. Napapikit siya at muntik nang matutop ang noo. Nakalimutan niyang table nga pala iyon ni Nicolas na kanina pa niya iniiwasang ipag-serve at palagi na lang niyang ipinapasa sa mga kasamahang dining crew na nag-agawan pa nang malamang isang Nicolas Gonzales ang nakaupo roon. "Bakit nandito ka pa?" Kinunutan niya ito ng noo. "Hindi ka pa ba nai-impatso sa dami ng mga kinain mo?" Ngumiti lang ito. "Hindi. Dahil hindi ko naman kinain lahat. Ipinamigay ko sa mga homeless kids ang karamihan." Sinulyapan niya ang lamesa nito. Wala na nga roon ang mga pagkain na i-s-in-erve kanina ng mga kasamahan niya. Malinis na ang table maliban sa isang tasa ng kape. "Ano ba talaga ang plano ng paghatid mo rito sa'kin?" diretsahang tanong niya rito. "Because I know you're up to something, Nicolas." "Wala. Gusto ko lang talaga ang ambiance nitong restaurant n'yo. The design is very classic Pinoy. Ang sarap tumambay dito." Iginala pa nito ang paningin sa paligid ng restaurant. Hindi naman naiwasan ni Kan na sundan ng mga mata niya ang ginagawa ni Nicolas. Habang nakatingala ito ay napatingin siya sa Adam's apple nitong gumalaw. Hindi niya mawari kung bakit bigla siyang napalunok. "May restaurants din kasi ang Mama ko. She's also a chef." Alam iyon ni Kan. In fact, isa siya sa tagasubaybay ng ina nitong si Jeany Gonzales na dating isa sa mga chef ng presidente sa Pilipinas. Pero ayaw na niya iyong banggitin sa binata at baka lumaki na naman lalo ang ulo nito. "Who's asking?" "Nabanggit ko lang. Kasi idol pala ng Auntie Vilma mo ang Mama Jeany ko. Same sila na mga Pinoy dishes ang specialty. Gusto nga niyang makipag-collab. And I promised to her na babanggitin ko sa Mama ko." Kaya pala ganoon na lang ang saya ng kaniyang tiyahin habang kausap ang binata kanina. Alam niya kung gaano rin hinahangaan nito si Jeany Gonzales. "But in one condition..." pahabol na wika ng binata. "At ano naman iyon?" puno ng kuryosidad na tanong niya rito. "Secret." Naningkit ang mga mata niya. Kalmutin na kaya niya ang mukha nitong nagawa pang mang-asar? O kaya ay ibuhos niya rito ang hawak niyang mainit na bulalo? Huwag, Kan! Sayang naman ang guwapong mukha ng isang 'to. pigil ng kaniyang isip. "Ito na nga pala ang order mo. Kainin mo na at umalis ka na agad." Tinalikuran na niya ito at inilapag sa lamesa ang dalang tray. Kailangan na niyang umalis bago pa niya makalimutan na may utang na loob nga pala siya rito kanina. "Pero paano ang ibang order ko pa?" Tumingin ito sa kaniya na nakataas ang dalawang kilay. "Um-order ako ng isang bilaong pancit habhab for homeless kids. Birthday daw ng isang bata at pangarap niya ang magkaroon ng cake at pancit." Napatingin sa labas ng restaurant si Kan. Nakita niya roon ang mga batang tila may inaabangan sa loob. Nasa sampu yata ang mga ito at lahat ay mga menor de edad pa. Ilan lang sila sa napakaraming homeless kids sa Las Vegas. Madalas ay sa mga weekly hotels lang tumutuloy ang mga ito. Minsan naman ay nakikipisan kung kani-kanino lang. At ang mga batang iyon din ang palaging binibigyan ng pagkain ni Kan kapag may mga sobrang pagkain sa kitchen. Ipinagpapaalam niya kay Auntie Vilma kaysa ang itapon na lang. Bumalik ang tingin niya kay Nicolas. Hindi niya alam na may pusong matulungin din pala ito. O baka naman naghahanap lang ito ng dahilan para makapag-stay nang matagal sa restaurant nila at mabuwisit siya. "Okay. Basta umalis ka na agad kapag naibigay na lahat ng orders mo," wika na lang niya rito at saka kinuha ang waiting number na nakalapag sa lamesa nito. Pagkatapos ay tumalikod na siya. Napalingon lang siya nang tawagin ni Nicolas ang pangalan niya. "Bakit?" "Nothing. I just want to say thank you," anito at sabay kindat sa kaniya. Tiningnan lang niya ito at walang reaksiyon na dire-diretsong tumalikod. Pagbalik ni Kan sa kitchen ay sinalubong siya ni Auntie Vilma at kinausap. "Kan, bakit hindi mo man lang sinabi sa'kin na magkakilala pala kayo ni Nicolas Gonzales? Alam mo naman na idol na idol ko ang Mama niya," may himig paghihinampo na tanong nito sa kaniya. "Naku, Auntie. Kailan lang din ho kami nagkakilala niyan nang dahil kay Ogie. Isa daw iyan sa mga boss niya," katuwiran niya. "Alin? Iyong kaibigan mong bakla?" "Opo. Sa Happy Life nagtatrabaho iyon, eh." Lalong nanlaki ang mga mata ni Auntie Vilma. "Talaga? Bakit hindi mo sinabi agad? Eh, Lolo ni Nicolas ang may-ari niyon, eh." Napakamot sa ulo niya si Kan. "Eh, hindi naman po kayo nagtatanong, Auntie, eh." "Hindi bale. Ang importante, may makakatulong na sa problema mo sa pagiging sugarol ng Tatay mo. Mababayaran mo na si Simon bukas." Nagliwanag ang nanlalaking mga mata ng dalaga. "Talaga ho, Auntie? May nahanap na kayo na puwede kong mautangan ng five million pesos?" "Hindi ako. Kundi si Nicolas. Siya raw ang bahala sa halagang kakailanganin mo basta pumayag ka lang na magpakasal sa kaniya." "Si Nicolas ho?!" Bahagyang tumaas ang boses ni Kan dulot ng sobrang pagkagulat. Muntik pa niyang mabitiwan ang hawak na tray. Pati ang mga kasamahan nila sa kitchen ay napatingin din sa kanila. "Sinabi niya po sa inyo ang tungkol doon?" "Yes, Hija. At tinanggihan mo raw." Dismayado ang mukha nito. "In my own opinion, wala akong nakikitang mali kung pumayag ka man na magpakasal at magpanggap na asawa sa harapan ng babaeng gustong pumikot sa kaniya. Dahil ang kapalit naman niyon ay ang kapakanan ng pamilya mo. Natitiis mo ngang magtrabaho rito at hindi sila kasama ng ilang taon, eh. Iyon pa kayang two weeks na pagpapanggap lang tapos puwede ka nang umuwi sa Pinas na may dalang malaking pera," mahabang pahayag ni Auntie Vilma. "And besides, magdi-divorce din naman kayo agad at nag-promise naman siya na hindi ka niya type kaya rest assured na hindi ka niya mapagsasamantalahan." Medyo okay na sana ang mga naunang sinabi ng kaniyang tiyahin, eh. Parang medyo nakuha niya pa ang point nito. Pero ang panghuli...? Feeling naman ng Nicolas na iyon. Mas lalong hindi niya ito type, 'no? "Pag-isipan mong mabuti, Hija." Nakangiti na tinapik-tapik siya ni Auntie Vilma sa balikat niya. "Sa panahon ngayon ay kailangan mo nang maging praktikal. Hindi mo kikitain ang pitong milyon dito sa resto sa loob lang ng two weeks. At tatapatin na rin kita, wala na akong maitutulong sa'yo. Alam mo naman na parehong nag-aaral pa sa mamahaling school ang mga pinsan mo. At bukas na rin ang huling araw ng palugit sa inyo ng hayop na Simon na iyon. Himala na lang talaga at ang alok ni Nicolas ang makakatulong sa'yo. Pasensiya ka na." Kahit bigo man ang pakiramdam niya ay nginitian pa rin ni Kan ang tiyahin. "Okay lang po, Auntie. Naiintindihan ko." "O, siya sige. Bumalik ka na sa trabaho mo. And by the way, pinaayos ko na pala kay Sharon ang schedule n'yo ni Karl. Bukas ka na mag-day off." "Thank you po, Auntie." Ngumiti lang sa kaniya ang tiyahin at pumasok na ito sa maliit na opisina nito. Totoong naiintindihan ni Kan si Auntie Vilma. Pero ang hindi niya maintindihan ay ang ginawa ni Nicolas na pagsusumbong dito. Makakatikim talaga sa kaniya ang isang iyon! Tamang-tama na luto na ang pancit habhab na in-order nito. Si Kan na ang nagboluntaryong maghatid niyon sa lamesa ng binata. Kailangan nilang magtuos! Pero dahil may mga customers na nakapaligid dito kaya hindi niya ito basta-basta maaaway. Kaya naman nagtimpi muna si Kan habang nag-iisip kung paano niya ito masisita. Mabuti na lang at namataan niya ito na nakatayo sa labas ng restaurant at kinukuhanan ng litrato ang mga homeless kids na naglalaro. Nagmamadali niyang inilapag sa table nito ang isang bilaong pancit habhab at sinundan ito sa labas. Kaagad niyang hinila sa braso si Nicolas at dinala sa tagong lugar. "Hindi mo naman ako kailangan na kaladkarin para lang sabihin na pumapayag ka nang magpakasal sa'kin." "Manahimik ka!" inis na singhal niya rito. At kahit hindi hamak na mas matangkad ito sa kaniya ay nagawa pa rin niya itong hawakan sa kuwelyo. "Bakit mo pa sinabi kay Auntie Vilma ang tungkol sa kalokohan mo, ha? Hindi ba't may usapan tayo na huwag mo akong guluhin habang nagtatrabaho?" "Hindi kita ginugulo. Nabanggit lang sa'kin ng auntie mo ang problema mo. And she was asking for help. Baka raw puwede kitang pautangin ng five million, siya na ang mag-guarantor. So sinabi ko sa kaniya na hindi na niya kailangang gawin iyon dahil libre kong ibibigay iyon basta makipag-deal ka lang sa'kin." Nanggagalaiti na si Kan na kalmutin ang mukha ni Nicolas. Kalmado lang kasi ito na para bang hindi big deal ang ginawa nito. Pero paano niya aawayin ang Nicolas na ito kung halos magdikit na pala ang mga mukha nila sa isa't isa? At ang nakakainis pa, sa tuwing tinitingnan niya ang guwapong mukha nito ay lalo lang niyang nararamdaman ang pag-eeratiko ng puso niya. Hindi na kayang tagalan pa ni Kan ang pagkakalapit nilang iyon ni Nicolas kaya marahas niyang pinakawalan ang kuwelyo nito at umatras palayo rito. "Sabihin mo man sa buong mundo ang tungkol sa offer mo, hinding-hindi mo pa rin ako mapa-'yes' sa marriage proposal mo," puno ng pinalidad na wika ni Kan habang nakatingin nang masama sa binata. "At ang kapal ng mukha mo para sabihin sa Auntie ko na hindi mo ako type. Dahil FYI, mas lalong hindi kita type!" Naaaliw na tinawanan siya ni Nicolas. "Bakit ba ayaw mong tanggapin ang offer ko?" He gave her a wondering look. "Eh, pareho naman tayong makikinabang if ever." "Dahil ang magpakasal sa mga kagaya mo ang pinakahuling bagay sa mundo ang gagawin ko, Nicolas. Que seryoso man 'yan o hindi." "Ibang-iba ka talaga. Hindi mo ba alam na halos lahat ng babaeng nakakakilala sa'kin ay pangarap na pakasalan ko? Like Honoka." Napuno ng amusement ang mukha ng binata. "Puwes, hindi ako si Honoka o ng mga babaeng sinasabi mo." Napabuntong-hininga na lang si Nicolas. "Kung hindi mo tatanggapin ang offer ko, saan ka kukuha ng five million?" "Problema ko na 'yon. Isipin mo ang sariling problema mo." "Ano ba ang gusto mong gawin ko para lang pumayag ka na?" "Wala!" sigaw ni Kan. "Gusto mo bang kumanta pa ako?" Inabot nito ang kamay niya at hinawakan iyon nang mahigpit. "Wala nga, eh! At saka bitiwan mo nga ang kamay ko!" Hinila niya ang sariling kamay pero hindi pa rin binibitiwan ng binata. "Kaya lang, wala pala akong alam na kanta." Tila problemado na napakamot ito sa ulo. "Puwede bang sayaw na lang? Pero... Ano naman ang isasayaw ko?" "Bakit ako ang tinatanong--" "Ooy... Si Sir Nicolas nanliligaw kay Ma'am Kan," narinig nilang tukso sa kanila ng mga homeless kids sa salitang English, na pumutol sa pagsasalita ng dalaga. Sabay pa silang napalingon ni Nicolas at nakita nilang nakatayo na pala sa kanilang likuran ang sampung bata na madudungis. "Sagutin mo na iyang si Sir Nicolas, Ma'am Kan. Mabait iyan kaya huwag mo nang pahirapan," tukso sa kanila ng isa na siyang pinakamalaki sa lahat. Pinandilatan niya ng mga mata ito. "Hindi siya nanlili--" "Ayaw nga akong pakasalan, eh," putol ni Nicolas sa pagsasalita niya. "Gusto pa yata na sayawan ko, eh. May alam ba kayong sayaw, kids?" "Ting Ting Tang Tang, Sir Nicolas! Tuturuan ka namin!" sabay na sigawan ng mga bata at saka pumuwesto pa sa harapan nila. Nagpatugtog pa sa cellphone nito ang pinakamatanda. "Ganito, Sir, o..." anito at nagsimulang sumayaw na pilit namang sinusundan ni Nicolas. Nang makita ni Kan kung gaano ka-trying hard ang binata na sayawin ang Ting Ting Tang Tang ay saglit niyang nakalimutan ang galit niya rito. Parang gusto na niyang bumunghalit ng tawa dahil sa tigas ng katawan nito pero sige pa rin. At tuluyan na ngang natawa ang dalaga. "Sa wakas, napatawa rin kita." Naaaliw na tiningnan siya ni Nicolas nang tumigil ito sa pagsasayaw. Hiyawan naman ang mga homeless kids dahil sa kilig sa kanila. "Yehey! Magpapakasal na si Ma'am Kan kay Sir Nicolas?" Namumula na nilingon ni Kan ang mga bata. "Tse! Kayo talaga, ha... Ang babata n'yo pa para mangialam. Kainin n'yo na lang iyong pancit habhab na bili ng Sir Nicolas n'yo. Masarap iyon. Isa sa specialty ng Quezon Province, Philippines." Kaagad namang tumalima ang mga bata at nag-unahan sa pagkain sa pancit. At saka lang niya muling hinarap ang binata. "At ikaw..." "Pasado ba ang sayaw ko?" "Napatawa mo ako, yes. Nakakatawa ka kasing sumayaw, eh. Pero kung sa inaakala mo na mapapayag mo na ako dahil doon." Tinaasan niya ng kilay ito. "Sorry to disappoint you but it's still a 'no'. At kung puwede lang tantanan mo na ako. I'm serious, Nicolas. Hindi talaga ako interesado sa offer mo." Iyon lang at dali-dali na niyang tinalikuran si Nicolas at bumalik na sa loob ng restaurant.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD