"Bakit bumaba ka pa?" takang tanong ni Kan Kay Nicolas nang sumunod din ito sa kaniya. Pagkatapos kasi niyang magpasalamat dito ay bumaba na siya agad nang huminto ang sasakyan nito sa tapat ng restaurant ni Auntie Vilma.
Nang dahil sa free ride nito kaya hindi siya gaanong na-late kaya nabawasan ang pagkainis niya rito.
"Nagugutom pala ako." Humimas sa tiyan nito ang binata at umaktong humihilab iyon.
"Pero kabubukas pa lang. Baka wala pang lutong pagkain."
"Don't worry. Willing to wait 'to," anito at pa-cute na itinuro pa ang sarili.
"Ikaw ang bahala. Basta ako, papasok na. I need to work na," aniya at tumingin sa suot na relo. "Five minutes late na ako pero okay lang at nagpaalam naman ako kay Auntie na mahuhuli ako sa pagpasok. And still, thank you pa rin sa pagpasabay."
"Auntie mo ang may-ari nitong restaurant?"
Tumango si Kan. "Oo. Second cousin ng Tatay ko."
"Okay," anito habang tumango-tango.
"O, siya. Mauna na ako." Itinuro niya ito bago tumalikod. "Iyong usapan natin, ha? Don't forget."
Kumunot ang noo nito. "Ang alin? Iyong pumapayag ka nang magpakasal sa'kin?"
"Sira!" Pinandilatan niya ito ng mga mata. "Iyong hindi porke't nagpahatid na ako sa'yo rito ay pumapayag na ako sa deal mo. Kaya huwag mo na akong kulitin. At huwag na huwag mo akong lalapitan mamaya habang nagtatrabaho ako. Maghanap ka na lang ng ibang mapapangasawa."
"Pero ikaw lang ang gusto kong pakasalan." Nanunukso ang mga mata na tiningnan siya nito. Mabuti na lang at mabilis siyang nakaiwas agad ng tingin. Kung hindi ay baka mahalata nito na nailang siya bigla.
"Manghila ka na lang diyan sa tabi-tabi. Maraming babae diyan." Tumalikod na siya at ikinumpas ang kamay. "Babush!" Natawa na lang siya nang marinig niya ang pagbuntong-hininga nito na animo'y tumututol sa sinabi niya.
"Kan, bakit hindi mo sinabi sa'min na may ka-close ka palang bilyonaryo?" Nanunukso na siniko siya ni Thalia habang sabay silang nag-aayos ng pagkain sa tray na ihahatid nila sa dining.
"Ka-close na bilyonaryo? Sino?"
"Si Nicolas Gonzales," parang kinikilig na sagot ni Thalia. "Akala mo hindi namin nakita na hinatid ka niya kanina."
Tinapik lang niya ang noo ng kaibigan. "Sira ka! Isa pala siya sa mga big boss ni Ogie kaya nakilala ko. Nagmagandang loob lang na isabay ako sa biyahe niya kanina nang madaanan niya ako tapos nalaman niya na nagmamadali ako dahil ma-le-late na."
"Sus. Eh, bakit kumain pa dito? Tapos parang gusto pa yata na hintayin ka hanggang sa pag-out at ayaw pang umalis. Kanina pa umo-order ng kung ano pero hindi naman kinakain. Panay lang ang sulyap sa'yo kahit saan ka man pumunta."
"Alam mo, Thalia, ang Marites mo masiyado. Magtrabaho ka na lang." Kunwari na ipinagtulakan na niya ito papunta sa dining nang makitang tapos na ito sa ginagawa.
"Sagutin mo muna ako. Nililigawan ka ba ng Nicolas na iyon?" Kilig na kilig pa rin ang hitsura nito.
"Hindi, 'no!" mabilis na bulalas ni Kan. "At kung magkatotoo man 'yang haka-haka mo, basted agad siya sa'kin."
Pinanlakihan siya ng mga mata ni Thalia. "Babastedin mo pa ang isang kagaya ni Nicolas? Napakaguwapo, napakayaman at napaka-yummy na nilalang. Kung wala lang akong ka-live in, pipikutin ko na iyan."
"Alam mo ang history ko sa pag-ibig at alam mo rin ang status ng Nicolas Gonzales na iyon pagdating sa mga babae. Kaya malaking," Itinigil ni Kan ang pag-aayos ng mga kubyertos sa tray at itinaas ang dalawang kamay. Pagkatapos ay pinagkrus ang dalawang braso, "ekis siya sa'kin. Over my dead body!"
"Hay, naku!" Hindi pa rin makapaniwala na pinagmasdan siya ni Thalia. "Paano ka makakapag-asawa niyan kung nagho-hold on ka pa rin sa past mo? Move on na, Kan. Nasa harapan mo na si Nicolas, o. Engot na lang talaga ang babaeng aayaw pa sa kaniya. Puwede mo pang hingan ng tulong para matapos na iyong problema mo sa Pinas."
Lahat ng mga katrabaho niya ay nahingan na niya ng tulong kaya hindi lingid sa mga ito ang problema niya.
"Pero hindi naman porke't mayaman at guwapo ay papatulan ko na. You know me. Hindi ako after do'n."
"I know." Huminga ito nang malalim. "Nanghihinayang lang ako sa pagkakataon. Hindi lahat ng babae ay katulad mo na sinuwerteng makadaupang palad ang isang katulad ni Nicolas."
"Huwag kang manghinayang dahil hindi naman niya ako nililigawan," patuloy na giit ni Kan.
"Sa ngayon. Hindi. Pero paano kung sa susunod na araw ay liligawan ka na? At inuuna lang palang suyuin ang Auntie Vilma mo?" anito bago kinuha ang tray na may mga pagkain at saka binuhat na iyon.
Nagsalubong ang mga kilay ni Kan. "Ano'ng--" Hindi na niya natapos ang pagtatanong kay Thalia dahil naglakad na ito papunta sa dining upang i-seve ang order ng customer.
Iiling-iling na naiwan na lang si Kan. "Hinding-hindi ko magugustuhan ang Nicolas na iyon kahit kailan. Itaga ko pa sa bato," sagot na lang niya sa sarili.
"Guys, paki-serve na ang foods nina table number three at table number six!"
Napakisap si Kan nang marinig ang boses ng supervisor nilang si Sharon na isa ring Filipino.
"Palabas na po, Ma'am!" sagot ni Kan. Medyo malayo kasi sila sa isa't isa kaya kailangan nilang lakasan ang mga boses nila. Narinig din niya na sumagot si Karl.
Binuhat na ni Kan ang tray at lalabas na sana papunta sa dining nang tawagin siya nito.
"Kan, puwede bang palit na lang tayo?"
Kumunot ang noo ng dalaga. "Ha? Bakit?"
"Maganda at sexy kasi 'yang si customer number three eh," nakangising sagot nito.
"At magpapa-cute ka sa kaniya?" Pinandilatan niya ito ng mga mata. "Bawal 'yan, ah. At saka may girlfriend ka na, 'di ba? Kutusan kita riyan, eh."
"Papa-cute lang naman. Hindi ko naman lalandiin," tatawa-tawa na depensa ni Karl. "Sige na..."
"Ayoko." She hardly shook her head. "I won't tolerate that act, Karl. Alam mong galit ako sa galawan na ganiyan. Pang-playboy."
"Hindi ko naman jojowain. Nagagandahan lang talaga ako sa kaniya." Hindi na niya ito pinansin at pumihit na paharap sa pinto. Pero patuloy pa rin sa pagsasalita si Karl. "Kapag pumayag ka, papayag na rin ako na makipagpalitan ng day off sa'yo bukas."
Biglang napapihit paharap uli kay Karl ang dalaga nang marinig ang sinabi nito. Noong isang araw pa siya humihiling dito na magpalit sila ng day off bukas. Last day iyon ng palugit ni Simon sa kanilang pamilya. Para sana makausap niya ito. Linggo kasi bukas at iyon lang daw ang araw na puwede niya itong makausap. Kaso meme time daw nina Karl at girlfriend nito ang Sunday kaya hindi ito pumayag.
Hindi rin naman siya papayag na i-sacrifice nito ang ganoong araw dahil lang sa gusto nitong magpa-cute sa magandang customer nila. Dahil taliwas iyon sa paninindigan niya na huwag suportahan ang mga aktong panloloko.
Pero saka na iisipin ni Kan ang sarili. Kailangan niyang unahin ang kaniyang pamilya.
"Are you sure?" paniniguro niya kay Karl pagkatapos niyang nilay-nilayin sa kaniyang isip ang sinabi nito.
"Oo naman."
"Wala nang bawian? Sasabihin ko na agad mamaya kay Auntie Vilma."
"One hundred percent wala nang bawian."
"Okay." She shrugged her shoulders at saka naglakad pabalik sa kitchen. Inilapag niya sa table ang order ni table number three. "Basta huwag kang makipaglandian sa customer, ha? Kapag nakita ko lang talaga, ako mismo ang puputol diyan!" aniya sabay turo sa harapan nito.
Tumawa lang si Karl bago nito kinuha ang tray na dala niya kanina at pasipol-sipol pa ito habang palabas sa kitchen.
Hindi nagtagal ay sumunod na rin si Kan na dala ang order ni table number six. Sa bungad pa lang ng dining ay hinagilap na agad ng mga mata niya ang lamesang iyon. Pero sa halip ay ang guwapong mukha ni Nicolas ang nakita niya. Nakatayo ito malapit sa entrance at may kausap.
Hindi pa pala ito umalis simula kanina?
Ngunit hindi iyon ang nagpalaki sa mga mata ni Kan. Kundi nang makita kung sino ang kausap nito.
Si Auntie Vilma!