Habang hinihintay na dumating ang pamilya ni Nicolas ay hindi naman magkaundagaga sa paghahanda si Kan. Inalam pa niya mismo sa asawa ang mga paboritong pagkain ng mga ito at siya rin ang nagluto. Kahit alam na niya kung paano lutuin ang mga iyon ay nanood pa talaga siya ng video tutorial para lang masiguro na tama at masarap ang pagkakaluto ng mga iyon. Hindi rin siya nagpatulong sa mga kasambahay. Pamilya lang niya ang tumulong sa kaniya pero sa paghihiwa lang ng mga sangkap. Ewan. Pero parang gusto niyang magpa-impress sa pamilya ni Nicolas kahit hindi naman niya iyon ugali. Sa sobrang pagkataranta ni Kan ay nagkandahulog-hulog na ang mga ginamit niya sa kusina. Akmang dadamputin na sana niya ang nahulog na kawali nang unahan siya ni Nicolas at inagaw din sa kaniya ang hawak na sando