Gideon-1
“Take care of yourself, Via. Isang taon ka lang naman mag-aaral sa Colegio de San Sebastian. After that, pwede ka nang bumalik ng San Rafael,” sabi ng Mommy niya nang ihatid siya sa bahay ng Lolo at Lola niya sa San Sebastian.
Kinailangan niyang lumipat ng eskwelahan dahil sa eskandalong kinasangkutan niya. Gawa-gawa lang ‘yon ng mga taong galit at inggit sa kanya.
Wala siyang choice nang sabihin ng mga magulang na kailangan muna niyang umalis sa San Rafael — ang bayang kinalakihan niya kasama ang masaya niyang pamilya. Pero sa isang gabing pagkakamali, nagbago ang lahat sa buhay niya. Isang pagkakamali na lubos niyang pinagsisihan.
Seventeen years old pa lang siya at nasa huling taon na ng high school. Pero pakiramdam niya, sobrang bigat na ng problemang pinapasan niya. Problema na siya mismo ang nagdulot.
“Yes po, Mommy,” matamlay niyang sagot.
Ang Mommy niya at ang driver lang nila ang naghatid sa kanya. Galit sa kanya ang Daddy niya dahil sa nangyari. Hindi rin sumama ang nakababata niyang kapatid dahil may football practice ito.
“Via, always listen to your Lolo and Lola. Don’t do something—”
“Mom,” putol niya.
Sawa na siya sa sermon. Sawa na rin siyang paulit-ulit na marinig ang tungkol sa kasalanan niya. Alam naman niya ang totoo. Wala siyang ginawang masama. Na-set up lang siya ng mga taong inakala niyang kaibigan at pinagkakatiwalaan.
“Okay, okay,” sabi ng Mommy niya. “Sabi mo nga, you want to start all over again. Let’s forget what happened and start again, okay, sweety?” malambing nitong sabi.
Ang Mommy niyang si Julia Sebastian ang sweetest at pinakamagandang ina. Mahal na mahal niya ito. Alam niyang ginagawa ito ng mga magulang niya para sa ikabubuti niya. Para mailayo siya sa mga taong nanira sa kanya.
“I love you, Mom,” sabi niya sabay yakap.
“Tell Dad I’m sorry. Tell him I love him so much.”
“Of course, Via. Your Dad loves you so much. Alam mo namang ikaw ang prinsesa ng Daddy mo,” sagot ng Mommy niya.
Lalo pa niya itong niyakap ng mahigpit.
“Every weekend dadalawin ka namin ng Daddy mo at ni Julian. Para naman hindi mo kami masyadong ma-miss. At lagi tayong magtatawagan, okay?”
“Yes, Mom,” sagot niya at tumango.
Pinapangako niya sa sarili. Pagbalik niya ng San Rafael next year, haharapin niya ang mga taong sumira sa kanya at kinaladkad ang pamilya niya sa eskandalo.
Kilala ang mga Sebastian sa San Rafael. Ang Daddy niya ang may-ari ng malaking Hacienda Sebastian. Hindi niya hahayaan na basta na lang siyang sirain ng mga taong tinuring niyang kaibigan.
Pumasok ang sinasakyan nilang mamahaling SUV sa isang malaking gate. Madalas na silang magpunta roon sa bahay ng Lolo at Lola niya sa San Sebastian. Mayaman din kasi ang pinanggalingan ng Mommy niya.
Negosyante ang Lolo niya at may malaking share sa pinakamalaking ospital sa bayan — ang Saavedra Santillan Hospital. Isa ring doktor ang kuya ng Mommy niya, si Dr. Dylan Santillan. Siya rin ang tumutulong sa Lolo niya sa iba pang negosyo ng pamilyang Santillan.
Mas pinili na lang ng Mommy niya na manatili sa San Rafael para tumulong sa Daddy niya sa pagpapalago ng Hacienda Sebastian.
Sumalubong sa kanya ang Lola niya. Parang hindi ito tumatanda. Maganda pa rin at alagang-alaga sa sarili.
“Lola,” bati niya sabay yakap nang mahigpit.
“Oh… ang maganda kong apo,” ganti nito sa yakap.
“You’ll be okay here. You’re safe here,” bulong pa nito sa kanya.
“I know po, Lola,” sagot niya.
Naiiyak siya pero pinigilan niya. Nangako siya sa sarili na hindi na niya iiyakan ang nangyari sa kanya. Hindi na kailanman.
“Halina kayo sa loob. Nagpahanda ako ng pagkain,” anyaya ng Lola niya matapos magbeso-beso sa Mommy niya.
Dumiretso sila sa likod-bahay kung nasaan ang malaking swimming pool. Noong bata pa sila ni Julian, madalas silang mag-swimming doon.
Tahimik lang siya habang kumakain at nakikinig sa usapan ng Mommy at Lola niya.
“Buti na lang napakiusapan ng Daddy mo si Gael Saavedra para makapasok si Via sa Colegio de San Sebastian,” narinig niyang sabi ng Lola.
Hindi niya personal na kilala ang mga Saavedra. Pero narinig na niya na sila ang pinakamayaman sa San Sebastian.
“Oo nga po, Mommy,” tugon ng Mommy niya.
“Bukas, Via, pwede ka nang pumasok sa eskwela. Makakapagsimula ka muli,” seryosong sabi ng Lola niya.
Alam ng buong pamilya niya ang tungkol sa eskandalong kinasangkutan niya sa San Rafael. Kaya mas pinili nilang ilayo muna siya roon.
“Thank you po, Lola,” pasasalamat niya sabay ngiti.
Matapos kumain, ipinakita na sa kanya ng Mommy niya ang magiging silid niya. Excited na excited ito.
“This is my old room,” sabi ng ina sabay ngiti. Inilibot siya nito sa malawak na kwarto.
Masigla ang Mommy niya habang naglilibot. Malaki ang silid at kumpleto sa modernong gamit. Malinis at maayos. Magugustuhan niya ito. Pwede siyang magkulong dito dahil kumpleto na — may bathroom at closet din.
“You like it?” tanong ng Mommy niya.
“Yes po, Mommy. Nagustuhan ko po,” sagot niya.
“Via, anak,” seryosong tawag ng ina habang hawak ang kamay niya.
“Always think about your positive future, anak. Ang pagkadapa mo ng isang beses ay hindi ibig sabihin na susuko ka na at hahayaan mong maging masaya ang mga taong gustong manira sa’yo. Kalimutan mo sila at magsimula ka ulit. Start a new life, Via. And never forget who you are.
You are Olivia Santillan Sebastian. You are my daughter. You are brave and strong, just like me.”
Siya si Olivia Sebastian. 17 years old. Maganda, matalino, at palakaibigan. Galing siya sa kilalang pamilya sa San Rafael. Ang Daddy niya, si Lance Sebastian — negosyante at haciendero. Ang Mommy niya, si Julia Santillan Sebastian — galing din sa mayamang angkan.
Hindi basta-basta ang apelyido niyang dala. May nakababatang kapatid siya, si Julian Sebastian. High school din ito at nasa Sullivan University nag-aaral.
Dati, isa siya sa mga sikat na estudyante sa Sullivan University. Maraming lalaki ang nagtangkang manligaw sa kanya. Pero sa edad na seventeen, wala pa siyang balak pumasok sa relasyon. Uunahin muna niya ang pag-aaral bago ang sakit sa ulo.
Masaya siya kasama ang mga kaibigan niya. Mga kabarkada niya pa mula elementarya. Inakala niyang totoo sila sa kanya. Na hindi nila siya ipapahamak.
Pero dahil sa inggit at selos, nagawa siyang ipahamak ng mga taong pinagkatiwalaan niya.
Kaya napilitan ang mga magulang na ilipat siya ng eskwelahan. Pumayag na rin siya. Para manahimik na rin ang mga taong tanging gusto lang ay sirain at ipahiya siya.
“Pagbalik ko ng San Rafael, magkakaharap tayo muli, Erika!” mariin niyang sabi. Halos magdikit ang mga ngipin niya sa galit.
Naramdaman niya ang pagtulo ng luha. Mabilis niya itong pinunasan.
“Huling luha na ‘to,” sabi niya sa sarili nang nanginginig pero matatag.
“Enough. Tapos na.”