Gideon-2

1394 Words
Kinabukasan, maaga siyang ginising ng isang kasambahay. Unang araw niya ngayon sa klase sa Colegio de San Sebastian. Sa sobrang sarap ng tulog niya, hindi yata niya narinig tumunog ang alarm sa side table. “Alas-siyete kinse na po, Ma’am Via. Kaya pinapanhik na po ako ng Lola niyo,” magalang na sabi ng kasambahay na nasa trenta na siguro. “Ah… sige po. Salamat. Maliligo na po ako,” tugon niya at agad na bumangon papuntang bathroom. Wala na siyang oras. Kailangan niyang bilisan. Unang araw niya sa bagong eskwelahan ngayon at hindi siya dapat malate. Lalo na’t wala pa siyang ideya kung ano ang meron sa Colegio de San Sebastian. “Forget them, Olivia,” bulong niya sa sarili habang nasa ilalim ng shower. “New school, new life, new me,” dagdag niya habang itinaas ang baba. “Enjoy your first day of school, apo. Mabait ang mga bata dito sa San Sebastian,” nakangiting sabi ng Lola niya habang nag-aalmusal silang tatlo kasama ang Lolo niya. Silang tatlo lang ang nakatira sa malaking bahay. Ang Uncle Dylan niya ay sa kaparehong subdivision lang din nakatira, hindi kalayuan sa bahay ng Lolo at Lola niya, kasama ang pamilya nito. “Basta pag nagkaproblema ka sa school, tawagan mo agad ako. Ako na ang kakausap kay Mr. Gavin Saavedra. Siya ang namamahala at may-ari ng Colegio de San Sebastian,” sabi naman ng Lolo niya. “Opo, Lolo. Lola. Maraming salamat po,” nakangiti niyang pasasalamat. Nagpapasalamat siya dahil tanggap pa rin siya ng pamilya niya kahit sa nangyaring eskandalo. Sila ang naging sandalan niya. Sila ang nagpatatag sa kanya para makabangon muli at harapin ang bagong hamon ng buhay bilang isang seventeen years old. Nakangiti niyang pinagmamasdan ang mga madaanan ng mamahaling kotse na pinagamit ng Lolo niya para ihatid siya sa pinakakilalang paaralan sa San Sebastian. Maganda, malinis, at puno ng matataas na building at establishmento ang bayan. Halatang maunlad ito sa dami ng malaki at maliliit na negosyo. Hindi rin naman ito gaanong iba sa bayan nila. “Ang ganda,” hindi niya naiwasang sabihin. “Maganda po talaga dito, Ma’am Olivia. Kung naaalala niyo pa po, noong bata pa kayo, madalas kayong ipasyal ng Mommy niyo sa magagandang lugar dito sa San Sebastian,” sabi ni Mang Lito, ang driver nila. Bata pa lang siya, siya na ang family driver ng Lolo at Lola niya. Walang duda kung bakit tumagal ito sa serbisyo. Malaki ang tiwala sa kanya ng matatanda. “Oo nga po, Mang Lito. Madalas kami ni Julian sa park. Doon sa may mga slide, naglalaro kami roon,” nakangiti niyang tugon. Madalas naman kasi silang bumisita sa Lolo at Lola niya kahit noong bata pa siya. Kaya sanay na rin siya sa malaking bayan. Huminto ang kotse sa tapat ng malaki at matangkad na gate. Maraming estudyanteng naka-uniporme na katulad ng suot niya. Puting blouse at sky blue na palda para sa mga babae. Puting polo at itim na slacks naman para sa mga lalaki. Tiningala niya ang malaking arko sa gate. _Colegio de San Sebastian_ ang nakasulat. Napangiti siya. Umaasa siyang makakapagsimula siyang muli sa eskwelahang ito. Pinangako rin niya sa sarili na hindi na siya basta-basta magtitiwala. Kung pati yung halos sampung taon na niyang kakilala ay sinaksak siya sa likod, paano pa yung mga ngayon lang niya makikilala? Pinagbuksan siya ni Mang Lito ng pinto at inalalayan siyang bumaba. “Salamat po,” sabi niya. “Mag-ingat po kayo, Ma’am Via. Sana mag-enjoy kayo sa bago niyong school,” nakangiting sabi pa ni Mang Lito. Ngumiti siya at tumango bago nagpaalam. Mabagal ang hakbang niya papasok sa gate. Pasimple niyang sinusuri ang mga estudyanteng papasok at palabas. Ang unang napansin niya ay ang mga babaeng estudyanteng parang nasa fashion show. Nagsusumigaw sa mga branded na damit, sapatos, at bag. Bahagya siyang napangiti. Buti na lang mahilig din siya at ang Mommy niya sa luxury bags. Makakasabay siya. Mukhang matataas lang talaga ang antas ng mga nakakapasok sa eskwelahang ito. Huminto siya pagkapasok. Malaki at mataas ang building. Napakalawak din ng paligid. Walang pinagkaiba sa Sullivan University. Walang duda na maraming mga _b_tches_ din ang nag-aaral dito. Kailangan niyang maging alerto sa mga kakausapin niya. Maraming babaeng estudyante ang biglang nagsitabi at huminto. May ilan pang naglabas ng mamahaling cellphone. Parang may celebrity na paparating. Hindi lang mga babae ang napatigil. Pati mga lalaki. Sinundan niya ng tingin ang tinitingnan ng lahat. Isang itim na Lamborghini ang papasok sa gate. Nakita pa niyang sumaludo ang dalawang guard habang nagtitilian ang mga babaeng nadaanan ng sasakyan. May mga kumukuha pa ng picture at video. Tumabi siya para makisilip kung sino ang pinagkakaguluhan. Bawat madaanan ng sasakyan, tumitili ang mga babae na parang naiipit. Masyadong OA. Sana lang worth it yung sigaw nila. Napansin niyang nakababa ang bintana sa driver’s seat. Kaya nakasilip din siya kasama ng iba pang babae. Nakadiretsyo lang ang tingin ng driver. Walang pakialam sa mga nagtitilian. Ewan kung bakit nakabukas pa yung bintana. Nanlaki ang mga mata niya. Well, gwapo nga. Walang duda roon. Hindi niya alam kung bakit hindi niya magawang alisin ang tingin sa lalaki. Nagulat siya nang biglang sumulyap ito sa kanya. Nagtama ang mga mata nila. Para bang nag-slow motion ang lahat. Saglit lang pero parang tumatak sa kanya ang mga mata nito. Hindi siya nakakilos. “My gosh! Gideon is so handsome!” tili ng babaeng nasa tabi niya. Sinundan pa ito ng hiyawan ng iba. _Gideon_ pala ang pangalan ng lalaking sakay ng mamahalin at limited edition na Lamborghini. Walang duda, anak ng mayaman. Kaya nga may pambili ng ganoong sasakyan. Nagbuga siya ng hangin at nagpatuloy sa paglalakad. First day niya sa bagong school. No friends. Wala kahit isang kakilala. Pero wala siyang maipintas sa eskwelahan. Maganda at moderno ito. Mas maganda pa nga yata kaysa sa Sullivan University. Hinanap muna niya ang school office sa malaking building para maihatid siya sa classroom niya. Iyon ang instruction sa kanya. Napapansin niyang may mga napapasulyap sa kanya. Siguro dahil bago siya sa campus. Pero nakataas pa rin ang baba niya. Confident. Para kung may magtangkang mag-bully, magdadalawang-isip ito. Kumatok siya sa isang pinto at sumilip. Sinenyasan siya ng isang babaeng nasa 40s pero mukhang bata pa rin at mapustura. “Good morning. I’m Olivia Sebastian,” pakilala niya na parang nasa beauty pageant. “Miss Sebastian!” masiglang tawag nito. “Ang ganda mo namang bata.” Lumapit ito sa kanya. “I’m Mrs. Dela Cruz. Sa akin ka personal na binilin ni Sir Gavin.” Wala siyang ideya kung sino ‘yon. Ang Lolo niya kasi ang kausap para sa paglipat niya. “Welcome sa Colegio de San Sebastian, Miss Olivia Sebastian,” bati pa nito. “Salamat po,” sagot niya. “Let’s go. Ihahatid na kita sa magiging classroom mo,” sabi nito. Tumango siya at sumunod. Habang naglalakad sa hallway, ipinaliwanag sa kanya ni Mrs. Dela Cruz ang mga rules. Sinabi rin nitong pwede siyang lumapit kung nahihirapan siya. Nagpasalamat siya. Kumatok si Mrs. Dela Cruz sa isang pinto. Kinabahan siya. Bagong mukha na naman ang makakasalamuha niya. Pagpasok nila, nakuha nila ang atensyon ng buong klase. Mabilis niyang inikot ang mata sa mga magiging kaklase. Pinatayo siya sa harap para ipakilala bilang bagong estudyante. “Go ahead. Magpakilala ka sa mga bago mong classmates, Miss Sebastian,” sabi ni Mrs. Torres, ang teacher. Tumayo siya sa gitna. Kabado siya. Bago ito sa kanya. Buong buhay niya mula nursery hanggang high school, sa Sullivan University lang siya nag-aral. Ni isa wala siyang kakilala rito. Magsasalita na sana siya nang biglang bumukas ang pinto. Lahat napalingon. Pati siya. Bahagya siyang kumunot ang noo nang makita ang mukha ng lalaki. “Hi, Gideon,” bati ng ilang babae. “Pare, dito,” tawag naman ng mga lalaki. “Mr. Saavedra, you’re late again,” sabi ni Mrs. Torres. “Sorry po, Mrs. Torres,” sagot ng lalaki. At doon napadako ang mga mata nito sa kanya. Napalunok siya nang magtagpo ang mga mata nila. “Go to your seat, Mr. Saavedra,” sabi ni Mrs. Torres. Pero nanatili pa rin itong nakatingin sa kanya. Una niyang napansin ang pagkabog ng dibdib niya. Pati yung mga paruparo sa tiyan niya. “Hi, Gideon Saavedra,” bati ng babaeng nakaupo sa harapan ng lalaki.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD