TORN DANGER ROSS __ Nagising ako sa tunog malapit sa higaan ko na para bang makina. Unti-unti akong nagmulat ng mga mata. Una kong nakita ang kulay puting ceiling hanggang sa umikot pa ang mga mata ko sa puting pader. Bahagya akong kumurap nang tila may mahagip na pigura ang mga mata ko. Malabo pa ito nang lumapit sa akin. "M-Mr. Ross..." Tila tinig iyon ni Veer. "Mabuti ho at gising na kayo. Tatawagin ko ho ang doctor n'yo." Malabo pa rin sa akin ang paligid at hindi ko pa rin mapagtanto ang lugar kung nasaan ako. Naramdaman kong dumating ang tinutukoy ni Veer. Tiningnan ng mga ito ang mga mata ko gamit ang nakakasilaw na ilaw. Nang makaalis ay saka ko lang naunawaan na nasa ospital ako. Nakita ko si Viv na nakahalukipkip sa gilid ng higaan ko. "Alam mo bang muntik ka nang mamatay?"